Nag-iisip ng magandang regalo para sa mga nanay ngayong pasko? Basahin ang hiling sana ng isang inang ito na matanggap na regalo.
Mababasa sa artikulong ito:
- Magandang regalo para sa mga nanay ngayong pasko.
- Hiling ng isang ina ngayong pasko.
Magandang regalo para sa mga nanay ngayong pasko
Nakakatuwa ang may binubuksang regalo. Masaya na maramdamang maraming nakakaalala sayo. Pero para sa mga inang tulad ko, imbis na regalo, ito talaga ang gusto naming mga nanay na matanggap.
Tulong at pag-alalay mula sa ibang miyembro ng pamilya
Sa araw-araw, tunay na nakakapagod ang mga gawaing-bahay. Imbis na bagong appliances, mas masarap na maramdamang may katuwang ka sa iyong mga ginagawa.
Sa pagluluto, malaking bagay na ang pagtulong ni mister sa paghihiwa ng sangkap. Ang simpleng pagbubuhat niya sa mga mabigat kong pinamili.
O kaya naman ang pagsasabi niya na siya muna ang bahalang mag-bantay sa mga bata habang ako pa ay may ginagawa. Ito yung mga pagkakataong hindi ko na kailangang mag-reklamo mag-dabog o mag-maktol dahil sa pakiramdam ko ay nagiging taga-silbi nalang ako sa tahanan na inalagaan ko at minamahal.
Food photo created by tirachardz – www.freepik.com
Masarap ring pakinggan, ang pagbobolutaryo ng panganay kong si Nene na mag-hugas ng plato. O ang mga pag-aasikaso niya sa kaniyang maliliit pang mga kapatid sa mga oras na ako ay busy o may ginagawa.
Napakasaya ring makita na nagtutulungan ang mga anak ko sa paggawa ng ilang simpleng gawain. Tulad ng paglilnis ng bahay o ang simpleng pagliligpit ng kanilang hinigaan sa umaga sa kanilang paggising.
Ito iyong mga tagpo na hindi mo na sila kailangang sabihan pa o ulit-ulitin pa ito sa kanila. At higit sa lahat ay kagalitan o paalalahanan ng mga tungkuling dapat ay kanila ng nagagawa.
Dahil sa ganitong paraan nararamdaman ko na nakikita nila at na-appreciate ang sakripisyo ko bilang ilaw ng tahanan. Naiintindihan nila kung gaano kalaking bagay at tulong para sa akin ang nagagawa ng kanilang pag-alalay sa loob ng bahay.
BASAHIN:
STUDY: Mas masaya ang mga bata sa materyal na regalo kaysa karanasan
Pinakamagandang mga regalo para sa 2-year-old, ayon sa mga eksperto
Ninang at Ninong, hindi taga bigay lamang ng mga regalo
Me time o isang araw na walang inaalalang gawaing-bahay
Hindi biro ang trabaho ng isang ina. Mula sa umaga paggising hanggang pagtulog ay hindi natatapos ang iyong tungkulin. Dumodoble pa ito sa tuwing nagkakasakit ang iyong anak o si mister.
Sa lahat ng trabaho, ito rin ay walang suweldo. Ang bawat bagay na aming ginagawa ay mula sa puso. Lagi naming inuuna ang kapakanan ng aming anak, asawa, pamilya bago ang sarili muna.
Kaya naman, sa totoo lang nakaka-touch kapag nabibigyan kami ng oras para sa aming sarili. Iyong “me time” ika nga nila. Ang simpleng pagpunta sa salon para magpagupit o magpa-rebond ng buhok ay may dulot ng kilig sa aming puso.
Lalo na ang mga pagkakataong mabibigyan narin namin ng hustisya ang aming kuko. Ang oras na malinis at mapaganda na narin namin sila tulad noong kami ay dalaga pa.
Beauty photo created by freepik – www.freepik.com
Whole-body massage? Isa ito sa regalo na malamang maraming inang tulad ko ang sasang-ayon na matanggap. Sa saglit na oras ay maiibsan ang mga sakit sa likod, balakang at braso na dulot ng sari-saring gawaing-bahay na kailangan naming gawin sa araw-araw.
Napakasarap rin sa pakiramdam na kahit isang araw lang ay maramdaman naming kami ay tunay na reyna. Iyong mabibigyan kami ng oras na maupo lang, mag-relax habang nanonood ng pelikula. Iyong walang inaalala na mamaya sa pagsapit ng dilim ay kailangan naming tumayo at magluto. Kahit isang araw lang, iyong wala kaming aalalahanin na mga dapat gawin.
Buo at masayang pamilya
Pero higit sa lahat, higit sa ano pa man, wala ng mas espesyal sa regalong makita na buo at masaya ang aking pamilya. Ang makitang lahat sila ay malusog ngayong pasko sa gitna ng nararanasan nating pandemya.
Dahil bilang isang ina, laging ang pag-iisip sa aming sarili ay pangalawa lang. Laging ang kapakanan ng aming pamilya ang dapat ay nauuna. Kayo kasi ang dahilan kung bakit kami nabubuhay. Kayo ang dahilan kung bakit namin natitiis ang pagod at hirap.
Ang pinaka-magandang regalo na matatanggap naming ngayong pasko ay ang kasiyahan ninyo. At ang appreciation at pagpapasalamat ninyo na ako o kami ang itinalaga ng diyos para mag-alaga at maging ilaw ng tahanan na kinabibilangan ninyo. Ang maging nanay o ina ng pamilya na isang tungkulin na hindi naming pagsasawang gampanan at gawin.
Baby photo created by pressfoto – www.freepik.com
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!