Kung madalas sumakit ang iyong dibdib matapos kumain, nahihirapan ka sa paglunok, at parating nagsusuka, baka nakararanas ka na ng sintomas ng acid reflux.
Bukod sa mga nabanggit, ano pa ba ang ibang sintomas na ikaw ay acidic? Anu-ano ang mga sintomas ng acidic sa babae at maging sa lalaki?
Narito ang mga impormasyong dapat tandaan upang maagapan ang pagiging acidic at malaman ang mga gamot sa acid reflux.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang acid reflux?
Ang gastroesophageal reflux disease (GERD) ay nangyayari kung ang acid sa tiyan ay madalas na umaakyat sa esophagus. Ang acid reflux na ito ay nakakairita sa lining ng iyong esophagus.
Maraming tao ang nakararanas ng acid reflux paminsan-minsan. Kung mayroong GERD, maaaring makaranas ng mild acid reflux dalawang beses isang linggo, o moderate to severe acid reflux higit isang beses kada linggo.
Depende sa sakit na nararanasan kung may GERD, maaaring humupa ang GERD sa pamamagitan ng ilang lifestyle changes, home remedies at over-the-counter na gamot. Ngunit mayroong ding kailangan ng mas matapang at mataas na dosage ng gamot.
Ang acid reflux, na kilala rin bilang acid indigestion, ay nangyayari kapag gumagalaw ang acid mula sa tiyan at sa lalamunan.
Sa ilalim ng normal na pangyayari, ang mga kalamnan sa ilalim ng lalamunan – na kilala bilang mas mababang esophageal sphincter (LES) – ay nagsisilbing hadlang upang maiwasan itong mangyari.
Subalit kung ang mga kalamnan ay mahina o lundo at hindi maisara ang lahat ng mga daanan, dito maaaring mangyari ang reflux.
GERD vs Acid Reflux
Ang GERD at acid reflux ay dalawang sakit na maaaring mag-trigger ng masakit na sensasyon mula sa tiyan hanggang sa esophagus. Kahit na ang dalawang salita ay hindi talaga magkaiba, kinakailangan pa rin kumonsulta sa doktor kapag ang iyong acid reflux ay lumala.
Kilala rin ang GERD bilang Gastroesophageal Reflux Disease, isa itong abnormal na kondisyon kung saan ang acid sa tiyan ay umakyat hanggang esophagus.
Ang acid reflux, sa kabilang banda, ay hindi isang sakit kundi isang kondisyon kung saan ang mga nilalaman ng acid mula sa tiyan ay umakyat din.
Maaaring mangyari sa lahat ang pagkakaroon ng GERD at acid reflux. Ang mga tao ay maaaring magkaroon ng acid reflux dalawang beses sa isang linggo.
Subalit kung ito ay higit pa sa nangyari, asahan mo na ikaw ay may GERD. Ang pagiging acidic kasi ay nangyayari dahil sa isang abnormality sa esophageal sphincter.
Kung saan dapat na i-block ang mga nilalaman na acid pataas mula sa tiyan. Dahil hindi nito ma-block ang acid, kaya’t ito ay umakyat hanggang sa dibdib at esophagus na nag-iiwan ng pakiramdam ng heartburn.
Paano matutuklasan kung ikaw ay may hyperacidity?
Ang taong may hyperacidity ay kadalasang tinatawag na acidic. Malalaman na ikaw ay acidic sa pagsuri ng doktor sa mga sintomas ng acidic sa tao.
Titingnan ng doktor kung ikaw ay may dyspepsia sa pamamagitan ng pagsuri sa iyong tiyan. Aalamin ng doktor kung ikaw ay uminom ng aspirin, ibuprofen at iba pang gamot na nagpaparami ng asido sa tiyan. Maaari ka ring bigyan ng antacid para makita kung gagaling agad ang karamdaman.
Kapag mahirapan ang doktor malaman ang sanhi ng hyperacidity, ikaw ay sasailalim sa endoscopy.
Magpapasok ang doktor ng mahabang tubo mula bibig hanggang tiyan upang lubos na ma-obserbahan ang lalamunan, sikmura at kung gaano karami ang asido.
Sintomas ng acid reflux
Ano nga ba ang sintomas na acidic ang isang tao? Mahalagang malaman kung ano ang sintomas ng acidic na tao para madaling matukoy kung paano ito gagamutin.
Obserbahan kung nakararanas ka ng mga sumusunod na sintomas ng acidic:
- Burning sensation sa iyong dibdib (heartburn), kadalasan matapos kumain, at mas malala sa gabi
- Pananakit ng dibdib
- Hirap sa paglunok
- Pag-akyat o pagsuka ng kinain
- Pakiramdam na may lump sa iyong lalamunan
- Masakit at matigas na tiyan
- Regurgitation o pag-akyat ng maasim na acid sa lalamunan
- Dysphagia o pakiramdam na may nakabarang pagkain sa lalamunan
- Matinding pag-ubo at chronic sore throat
Kung nakararanas ng sintomas ng acid reflux sa gabi, maaari rin na magkaroon ng:
- Chronic na ubo
- Laryngitis
- Bago o mas lumalalang hika
- Paputol-putol na pagtulog
Humanap ng dagliang medical care kung naninikip ang iyong dibdib at nahihirapan kang huminga, o kung masakit ang iyong panga o braso. Ito ay maaaring sintomas ng atake sa puso.
Marapat lang na magpakonsulta agad sa doktor kung nakararanas ng madalas o malalang sintomas ng acid reflux o GERD, at kung umiinom ng gamot para sa heartburn higit sa dalawang beses isang linggo.
Sintomas ng GERD sa bata
Hindi lang matanda ang maaaring makaranas ng acid reflux o maging ng GERD. Narito ang mga dapat mong bantayan sa iyong anak. Ang mga sumusunod ay sintomas ng GERD sa bata:
- Bad breath o mabahong hininga
- Garalgal ang boses
- Madalas na pagsusuka
- Ayaw kumain o nahihirapang kumain
- Iyak nang iyak lalo na tuwing pinakakain
- Hirap matulog matapos kumain
- Pakiramdam na tila nabubulunan kahit natutulog
- Hirap sa paghinga
Posible ang GERD sa mga older kids at maging sa babies. Kaya naman kapag napuna ang mga nabanggit na sintomas sa iyong anak ay agad na kumonsulta sa pediatrician. Mahalagang malaman kung paano ito lunasan para hindi na lumala ang kalagayan ng anak.
Sanhi ng GERD
Ang kadalasang sanhi ng GERD ay acid reflux. Kapag ikaw ay lumulunok, ang circular band ng muscle sa ilalim ng iyong esophagus, ang lower esophaegeal sphincter, na nagrerelax upang makapasok ang pagkain at inumin sa iyong tiyan. Pagkatapos nito, dapat ay magsara na ulit ang sphincter.
Kung hindi tama ang pagbukas at pagsara ng sphincter, nakakalabas ang stomach acid paakyat ng iyong esophagus. Kung madalas ang pag-akyat ng acid, naaapektuhan ang lining ng esophagus kaya namamaga ito.
Risk factors
Mas malaki ang tiyansiyang magkaroon ng GERD ang mga taong sumusunod:
- Obese
- May hiatal hernia
- Buntis
- May connective tissue disorders, gaya ng scleroderma
- Constipated
Ang iba pang risk factors na maaaring magdulot ng sintomas ng acid reflux ay:
- Paninigarilyo
- Pagkain nang marami at pagkain sa disoras ng gabi
- Pagkain ng trigger foods gaya ng matataba o pinirito
- Pag-inom ng alcohol o coffee
- Pag-inom ng partikular na gamot gaya ng aspirin
Komplikasyon
Hindi dapat binabalewala ang GERD. Kung mapabayaan, ang chronic inflammation ng iyong esophagus ay maaaring humantong sa esophageal stricture, esophageal ulcer, at Barrett’s esophagus.
Kaya naman kung nakakaranas ka ng mga ganitong sintomas mas mabuting magpatingin agad sa iyong doktor. Sa pamamagitan nito malalaman mo ang iyong kondisyon at masusulusyonan ito agad.
Gamot sa acid reflux home remedy at lifestyle changes
May ilang puwedeng baguhin sa iyong lifestyle upang mabawasan ang sintomas ng acid reflux. Narito ang mga maaari mong subukan na home remedies at lifestyle change:
- Panatilihin ang malusog na timbang – Kumain nang naaayon sa timbang at edad. Ang lubos na pagkain ay nagdudulot ng komplikasyon sa katawan.
- Itigil ang paninigarilyo – Ang patuloy na paninigarilyo ay nagdudulot ng pagtaas ng produksyon ng acid
- Itaas ang ulunan ng kama – Kapag nakaramdam ng hapdi sa dibdib puwede mong itaas ang iyong unan sa ulunan, para makaramdam ng ginhawa,.
- Huwag humiga agad pagkatapos kumain – Bigyan ng oras ang iyong katawan upang tunawin ang iyong mga kinain,
- Kumain nang marahan, at nguyain nang maigi ang pagkain
- Iwasan ang mga pagkain at inumin na nakaka-trigger ng sintomas ng acid reflux. Tulad ng matataba o pinrito, tomato sauce, chocolate, garlic, onion, tomato sauce, caffeine, at alcohol. Ganoon din ang mga maanghang na pagkain at maaasim, pati na ang pag-inom ng softdrinks.
- Iwasang magsuot ng masikip na damit.
Gamot sa acid reflux
Narito ang mga gamot na maaaring ireseta sa ‘yo ng iyong doctor:
- Prokinetics – Ito ay makakatulong upang mabawasan ang amount ng acid sa iyong tyan.
- H2 blockers – Nagpapabagal ng production ng acid sa tyan
- Foaming agents (Gaviscon) – Pinoprotehtahan ang iyong tyan sa acid reflux
- Proton pump inhibitors (Prilosec, Prevacid, Protonix, Nexium) – nababawasan ang dami ng acid na ginagawa sa iyong tyan.
Tandaan na dapat munang magpakonsulata sa doktor at magkaroon ng reseta bago makabili at makainom ng mga gamot na ito.
Mayroon ding mga over-the-counter na gamot na madaling bilhin at hanapin para sa acid reflux na makatutulong sa iyong sikmura:
- Buscopan
- Kremil S
- Bisodol
- Gaviscon
- Simethicone
Lagi pa ring alamin ang tamang gamot na dapat inumin sa mga nararanasang sintomas at sakit ng tiyan upang maiwasan ang paglala nito at ibang komplikasyon. Mainam pa rin ang pagkonsulta at pagsunod sa payo ng mga eskperto.
Surgery para sa GERD
Kung hindi epektibo ang mga gamot at remedies na nirekomenda ng iyong doktor sa iyo para gamutin ang acidity, maaaring i-suggest ng doktor ang surgery.
Mayroong dalawang uri ng surgery para sa mga taong may GERD.
Ang una ay ang paglalagay ng ring na tinatawag na LINX device sa labas ng lower end ng esophagus. Ang esophagus ang kumokonekta sa bibig at bituka ng tao.
Mayroong magnetic titanium beads ang LINX device na pinagsama-sama gamit ang tinanium wires. Makatutulong ang paglalagay ng ring na ito para mapigilan ang pag-angat ng mga laman ng bituka patungo sa esophagus. Ayon sa WebMD, may pag-aaral kung saan ay matapos lagyan ng ring ang esophagus ng pasyente ay nabawasan na rin ang mga gamot na kailangan nitong inumin.
Subalit, kung mayroong allergy sa metal ay hindi maaaring sumailalim sa LINX device surgery ang isang tao. Bukod pa rito, hindi rin puwedeng sumailalim sa ano mang MRI test ang taong nilagyan na ng LINX device sa esophagus.
Samantala, ang ikalawang surgical treatment na puwedeng gawin para magamot ang GERD ay ang tinatawag na fundoplication. Gagawa ng artificial valve gamit ang itaas na bahagi ng stomach. Ibabalot ng doktor ang itaas na bahagi ng stomach sa LES para mapalakas ito. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang acid reflux at mare-repair ang hiatal hernia.
Isinasagawa ito sa dalawang pamamaraan:
- Open incision o bubuksan ang abdomen o bahagi ng tiyan o dibdib ng pasyente
- Gagawa ng tiny incision o maliit na hiwa sa bahagi ng tiyan at ipapasok ang lighted tube dito.
Tandaan na nirerekomenda lang ng mga doktor ang surgical procedures na ito wala na talagang ibang paraan at hindi talaga epektibo sa tao ang iba pang uri ng paggamot at remedy.
Iba pang sintomas ng acidic
Bukod sa mga nabanggit na sintomas ng acid reflux o ng GERD. May iba pang palatandaan din na dapat obserbahan at bantayan. Ang akalang simple lamang na pananakit ng likod at mahapding lalamunan.
Maaaring ikaw ay nakararanas na ng acid reflux o inaacid na sikmura. Kaya tignan sa ibaba ang iba pang sintomas nito at upang malaman kung anong gamot ang maaaring i-take para sa acid reflux:
- Madalas na kinakabag
- Palagian o labis na pagdighay
- Ang pakiramdam na laging busog o kapansin-pansin ang pagiging bloated ng tiyan
- Bukod sa matigas na tiyan, kabilang din ang pananakit ng itaas na parte ng iyong tiyan
- Pagtatae. Tignan din kung ang tae ba ay lusaw at basa, isa itong indikasyon na ikaw ay nakararanas ng hyperacidity o acid reflux
- Mahapding lalamunan
- Kabilang din sa mga senyales ng acid reflux ang pagsakit ng iyong likod
- Ang pakiramdam na pangangailangang kumain ulit kahit na katatapos lamang kumain.
- Pagsusuka o pagdumi nang may kasamang dugo
- Nausea o naduduwal
- Pagsinok na hindi nawawala
Pagkaing dapat iwasan at limitahan
Totoong hindi mapanganib ang anumang nararamdaman sa katawan kung maaga mong makikita at malalaman ang mga sintomas nito.
Gaya ng acid reflux, hindi ito mapanganib maliban na lamang kung alam ang tamang pag-iwas at kung mayroong maayos na lifestyle ang isang tao. Gayundin kung mayroong mga gamot na iniinom para dito.
Sakit ito na nagbibigay iritasyon sa ating tiyan, at ang lahat ng sintomas ang siyang nagbibigay discomfort naman para sa atin. Kung balanse ang pagkonsumo sa mga pagkain, at may maayos na digestion ay hindi nga naman ito mararanasan.
Malaki ang kaugnayan ng mga kinakain natin sa araw-araw sa anumang nangyayari sa ating mga katawan. Bukod sa paglilimita sa madadami at malalaking servings ng pagkain na nagiging dahilan ng pagbanat at pagiging sensitibo ng ating asido.
Marapat na alamin din natin ang mga pagkaing dapat iwasan at limitahan upang maiwasan din ang paggastos para sa mga gamot sa acid reflux o GERD.
- Anumang maalat na pagkain ay hindi masama sa katawan kung mayroong tinatalagang limit sa pagkonsumo nito. Kabilang din ang ang mga high-sodium condiments na nangangailangan ng control sa pagkonsumo, tulad ng soy sauce at ketchups.
- Mga fried foods o pritong pagkain. Ang pagkaing may mantika o mamantika ang nagpapabagal ng digestion o pagkatunaw nito sa ating mga tiyan. Ito ang nagdudulot ng labis na asido at pressure sa tiyan.
- Mga pagkaing mayroong preservatives. Likas sa ating mga Pilipino ang kumain ng mga matatamis na pagkain every after meal. Pantanggal umay kung ating tawagin. Ngunit dapat na limitahan lamang ang pagkain ng mga ito, dahil nakapipinsala ito sa tiyan at magdudulot ng hyperacidity mula sa high in artificial sugar na mayroon ang mga ito.
- Coffee o kape. Mahirap alisin sa atin ang pag-inom ng kape lalo na’t bahagi ito ‘di lang ng ating umaga, kundi ng ating buong araw. Nakatutulong ito sa pagiging produktibo, ika nga. Ngunit ang labis na pag-inom nito ay mag-iistimula sa gastric acid sa ating mga sikmura patungo sa esophagus. Pareho ang epekto ng kape sa mga carbonated drinks, dahil mataas din ang lebel ng artificial sugar content nito, kaya’t mainam ang paglilimita at pagkontrol sa pag-inom ng mga ito.
- Karne ng baboy at baka o red meats. Mahirap ang pagtunaw ng meats sa katawan, lalo na ang mga karneng may mataas na bilang ng fats. Mas nakasasama ang pagkain nito lalo na kung ikaw ay mayroong recurring acid reflux o kasalukuyang nararanasan ito. Mas mainam ang pag-take ng low acid-producing na gulay at prutas.
Kailan dapat mabahala?
Bagama’t karaniwang nawawala ng kusa ang pakiramdam ng sintomas ng acid reflux o acidity, mahalagang magpakonsulta agad sa doktor kung nakararanas ng mga sumusunod:
- Madalas na pagsusuka
- Hirap sa paglunok at pagkain
- Madalas na pagkakaroon ng heartburn
- Biglaang pagbaba ng timbang
Mahalagang kumonsulta muna sa doktor bago sumubok ng anomang remedy o gamot para sa acid reflux. Ito ay upang makatiyak na tamang gamot at tamang dosage ang iyong kinokonsumo.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.