Sa mga sintomas ng ika 13 weeks ng buntis, maaari ng makita ang maliit na baby bump o belly ng mga mommies. Ito rin ang pagtatapos ng unang trimester, at pagsisimula ng ikalawang trimester ng pagbubuntis.
Inaasahan na ang malalang mga sintomas ng buntis ay mababawasan pagsapit ng ika-13 na linggo ng pagbubuntis.
Pero, hindi lahat ng pagbubuntis ng mga mommies ay pare-pareho. Maaaring ang mga malalang sintomas ng 13 weeks na buntis ay manatili pa rin, depende sa pagbubuntis at depende sa katawan ng buntis.
Sa ika13 linggo rin ng pagbubuntis, posibleng makainom o makalunok ang baby mo ng ihi. Puwede rin siyang maka-produce na ng ihi niya. Kasabay nito, may mga panibagong sintomas ng pagbubuntis at mga hindi kaaya-ayang pagbabago sa iyong balat.
Ngunit, ano ano nga ba ang mga sintomas ng 13 weeks na buntis at mga iba pang kaalaman na kailangang maintindihan ng mga soon-to-be mommies?
Mga sintomas na nagaganap sa katawan sa ika 13 linggo ng pagbubuntis
Ang pinakaunang mapapansing pagbabago sa katawan bilang sintomas ng 13 weeks na buntis ay ang baby bump. Nagiging visible na ang baby bump sa period na ito dahil lumalaki ang uterus paitaas at palabas.
Dagdag pa, maaari na ring matigil ang pakiramdam na madalas na naiihi dahil lumalayo na ang uterus sa iyong bladder.
Samantala, mas dumadami ang naipa-pump na dugo sa pelvic area ng babae kaya hindi maiiwasang maramdaman ng ilang nagbubuntis ang pagtaas ng level ng kanilang sex drive. Nakakaranas din lagi ng matinding uhaw dahil sa pagbabagong ito sa pelvic area. Kaya, laging uminom ng tubig.
Gaano na kalaki ang iyong anak sa 13 weeks?
Larawan mula sa Shutterstock
Ang sintomas ng bahagyang pagkakaroon ng pagbabago sa iyong tiyan ay sintomas ng 13 weeks na buntis. Ito ay dahil sa fetus na nagkakaroon ng development sa loob ng sinapupunan.
Ang iyong anak ay kasing laki na ng isang star apple. Siya ay may habang 7.4cm at timbang na 22.9 grams.
Ang Development Ng Iyong Anak
Narito ang mga development ni baby kasabay ng mga sintomas ng 13 weeks na buntis.
- Patuloy na humahaba ang mga binti ng iyong anak. Nagsisimula na ring maging angkop ang haba ng kaniyang mga braso para sa kaniyang katawan.
- Mayroon na siyang mga fingerprints pati na din mata at tenga.
- Minsan makikita mo sa ultrasound na isinusubo niya ang kaniyang hinlalaki.
- Buo at gumagana na din ang lahat ng mahahalagang organs ng kaniyang katawan.
- Nabuo na din ang testes o ovaries ng iyong anak.
- Kung ang iyong anak ay babae, mayroon na siyang dalawang milyon na itlog sa kaniyang ovaries na mababawasan ng kalahati kapag siya ay ipinanganak. Kapag dumating na siya sa edad na 17, ang bilang ng itlog ay nasa mahigit kumulang 700,000 na lamang.
- Ang mga genitals ay nabubuo na din pero masyado pang maaga upang malaman kung ano ang kasarian ng sanggol.
- Naririnig ka na din ng iyong anak. Makakabuti na kausapin siya.
- Ang kaniyang heartbeat ay malakas at malinaw.
Mga sintomas ng 13 weeks na buntis
Narito ang kalimitang nagaganap at nararanasang mga sintomas ng 13 weeks na buntis:
- mas magaan na ang iyong pakiramdam ngayon kumpara sa mga naunang linggo. Nabawasan na din ang iyong pagsusuka.
- medyo hindi kumportable ang iyong magiging pakiramdam sa bandang ribcage dahil sa iyong lumalaking tiyan.
- nagkakaroon din ng pamamaga at pagdurugo ng gilagid
- bloating o pamimintog ng tiyan
- pamamaga ng kamay at paa (edema)
- pagkakaroon ng urine infections
- laging mainit ang pakiramdam
- pamamaga at pamimintog ng dibdib
- pagkakaroon din ng vaginal infections
- minsan, nagiging mas makapal at mas makintab ang buhok
- pangingitim ng balat sa mukha o paglitaw ng brown patches (chloasma)
- hindi mapigilang pagkatakam sa mga piling pagkain
- puting malapot na discharge mula sa ari o vaginal discharge
- pagsisimulang magkaroon o dumami ang stretch marks sa tiyan
- paglitaw ng linea nigra o linya sa tiyan ng buntis
Imahe mula sa | pexels.com
Pangangalaga sa buntis
- Magtoothbrush at floss palagi upang maiwasan ang pregnancy gingivitis.
- Laging bumisita sa iyong doktor o healthcare provider upang mas maintindihan ang mga nararanasang sintomas ng 13 weeks na buntis.
- Kumain ng mga masusustansiyang pagkaing inirerekomenda ng mga doktor para sa buntis. Kung may mga pagkaing hindi pwedeng kainin, mabuting itanong muna sa doktor para makasigurado.
- Iwasan ang mga mabibigat na gawain. Maaari pa rin namang magkikilos o magkaroon ng exercise na pwede sa buntis, ngunit ingatan ang lumalaking baby sa iyong tiyan.
Imahe mula sa | pexels.com
Checklist
- Kung isa ka sa mga hindi pa ibinabalita ang iyong pagbubuntis, ito na ang panahon para sa pregnancy announcement.
- Itanong sa iyong gynecologist kung kinakailangan mo bang magpa-screen para sa fetal abnormalities.
- Laging uminom ng tubig para manatiling hydrated.
- Huwag kalimutan ang pag-inom ng mga prenatal vitamins lalo na kung ito’y sinabi ng iyong OB.
- Maaari na rin bumili ng mga maternity clothes dahil lumalaki na ang iyong tiyan.
- Kumain ng mga masustansiyang pagkain at umiwas sa mga pagkain na makakasama sa iyong pagbubuntis.
- Maganda rin na maglakad-lakad or mag-exercise. Siguraduhin lang ang mga exercise na gagawin ay ligtas para sa iyong kundisyon. Maaaring humingi ng payo sa iyong doctor kung ano ang mga exercise na maaari mong gawin.
- Maaari ka nang tumingin ng mga prenatal massage packages.
- Laging sabihan ang iyong asawa kung ano ang nararamdaman lalo na kung unsual ito. Sabihan siya kung may sumasakit ba sa ‘yo o kung ikaw ay nahihirapan.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Agad na pumunta sa doktor o sa emergency kapag ikaw ay nakakaranas ng mga sumusunod:
- bleeding o pagdurugo
- abnormal na vaginal discharge
- masakit na pag-ihi
- may matinding pananakit ng tiyan o puson
- nakakaranas ng matinding pagsusuka
Higit sa lahat agad na magpakonsulta sa iyong doktor kung ikaw ay nakakaranas ng depresyon. Sapagkat may malaking epekto ang depression lalo na kapag ikaw ay buntis.
Hindi lamang ito nakakaapekto sa iyo bilang buntis subalit pati na rin sa iyong baby at sa iyong buong pregnancy journey.
Tandaan lahat ng pagbubuntis ng mga mommies ay maselan, lalo na ng mga nakakaranas ng sintomas ng 13 weeks na buntis. Ito ay crucial na panahon dahil nakakatapos ka na ng 1/3 ng panahon ng pagbubuntis.
Laging magtanong sa inyong OB at doktor para sa mga maaaring kainin, gawin, at pag-iingat.
Ang susunod na linggo: Buntis ng 14 linggo
Ang nakaraan na linggo: Buntis ng 12 linggo
Karagdagang impormasiyon mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!