Kung ayaw mo pang magkaanak, kailangang mong alamin ang mga ligtas na paraan para maiwasan ang ovulation. Narito ang ilang tips para hindi mabuntis pagkatapos magtalik.
Sabi nga nila, ang pinakamabisang paraan para hindi mabuntis ay iwasan na lamang ang pakikipagtalik sa iyong partner. Pero kung nasa tamang edad ka na, nasa sa ‘yo pa rin ang desisyon kung ano ang makakabuti sa iyong katawan.
Mayroon namang ibang paraan para makaiwas sa pagbubuntis na maaari mong subukan. Narito ang mga tips para hindi mabuntis ang babae.
Talaan ng Nilalaman
Paano ba nabubuntis ang isang babae?
Bago tayo tumungo sa mga tips para hindi mabuntis. Narito muna ang ilang bagay na dapat tandaan ng isang mag-asawa o partner na ayaw pang magkaanak:
- Para mabuntis ang isang babae, kailangang magtagpo ang kaniyang egg cell at sperm cell ng lalaki sa loob ng fallopian tube. Ito ay isang natural na pangyayari kapag nagtatalik ang babae at lalaki, at ang lalaki ay nakapaglabas ng semilya sa loob ng ari ng babae.
- Kapag nakalabas na ang sperm, nakakapagtagal ito ng 2 araw sa katawan ng babae habang 1 araw lang nagtatagal ang egg cell ng mga babae. Mahalaga ito para malaman kung kailan niyo dapat iwasan ang pagtatalik.
Tips para hindi mabuntis kahit walang condom: Ano ang contraceptives?
Kung hindi pa kayo handa ng iyong partner na magkaanak, maaari niyong subukang gumamit ng contraceptives.
Ang contraceptives o birth control method ay mga paraan o gamot na ginagamit para maiwasan ang pagbubuntis.
Narito ang ilang paraan kung paano nakakatulong ang contraceptives kung paano hindi mabuntis:
- Pinipigilan ang sperm cells ng lalaki na makarating sa itlog ng babae.
- Pinipigilan ang ovaries na maglabas ng itlog o mag-ovulate.
- Mayroon ding mga permanenteng uri ng contraceptives na tinatawag na sterilization kung saan tinatali ang fallopian tube o kaya hindi na pinakadadaan ang sperm cells para maiwasan ang makabuo.
Mayroong mga natural na uri ng contraceptives at mayroon ding mga artipisyal o gumagamit ng mga gamot.
Subalit dapat tandaan na bawat isang paraan ay may iba’t ibang porsiyento ng efficacy o bisa. Posible rin na mayroong masasamang epekto sa katawan ang ilan sa mga ito.
Paano maiiwasan ang pagbubuntis?
Maaari mong maiwasan ang pagbubuntis sa pamamagitan ng abstinence, pero hindi ito garantiya. Maraming tips at options para maiwasan ang pagbubuntis, at mahalagang maging maalam dito.
Ang mga paraan ay hindi lamang para sa kababaihan; reproductive health at safe sex ay dapat ituro sa lahat ng kasarian, na may wastong consent. Dapat ding matutunan kung ano ang gagawin pagkatapos magtalik para maiwasan ang pagbubuntis.
Narito ang ilang tips at paraan para maiwasan ang pagbubuntis.
7 sex tips: Ano ang dapat gawin para hindi mabuntis?
Itinuturo noon sa sekundarya sa Pilipinas ang mga dapat malaman sa reproductive health, maging ang tamang paraan at ano ang dapat gawin para hindi mabuntis ang babae. Nakakatulong ito upang mabawasan ang kaso ng sexually transmitted disease (STD) at HIV. Dagdag pa, nababawasan din nito ang lumalalang paglobo ng populasyon sa bansa.
Nagiging problema rin ang unwanted pregnancy ng karamihan, kaya narito ang mga tips at ano ang mga dapat gawin para hindi mabuntis.
1. Calendar method
Ito ang isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng birth control at tinatawag na natural family planning.
Sa paraang ito, kailangang alamin ng babae ang kanyang monthly cycle at tukuyin ang mga araw kung kailan siya nag-o-ovulate.
Kapag natukoy mo na ang mga araw kung saan may nagaganap na ovulation. Siguruhing hindi kayo magtatalik ng iyong partner sa mga araw na malapit o sa mismong araw ng ovulation.
Magiging epektibo lang ang birth control method na ito kung sigurado ka sa iyong monthly cycle. Kaya hindi nirerekomenda ang calendar method sa mga babaeng may irregular period o monthly cycle.
2. Paano hindi mabuntis ng walang proteksyon: Pag-inom ng birth control pills
Paano gamiting ang pills para hindi mabuntis? Kung gagamitin ng tama, ang pag-inom ng birth control pills ay nagbibigay ng 99 porsyentong posibilidad na hindi ka mabubuntis.
Karamihan ng birth control pills ay naglalaman ng dalawang hormones – progestin at estrogen. Ito ang tinatawag na combination pills. Mayroon din namang progestin only pills na ligtas para sa mga nagpapadedeng ina.
Bukod sa pag-iwas sa pagbubuntis, maaari ring makatulong ang pag-inom ng pills para mabawasan ang dysmenorrhea, gawing regular ang iyong buwanang dalaw, at alisin ang hirap na dala ng premenstrual syndrome o PMS.
Paano hindi mabuntis? Hangga’t tama ang paggamit mo ng birth control pills, masisiguro na hindi ka mabubuntis sa loob ng mga araw na gagamitin mo ito.
Paano gamitin ang pills para hindi mabuntis?
Para sa everyday pills:
- Kunin ang 1st pill mula sa seksyon ng packet na may markang “start”. Ito ay magiging isang aktibong tableta.
- Ipagpatuloy ang pag-inom ng tableta araw-araw, sa tamang pagkakasunud-sunod at mas mabuti sa parehong oras bawat araw, hanggang sa matapos ang pakete (28 araw).
- Sa loob ng 7 araw ng pag-inom ng mga hindi aktibong tabletas, magkakaroon ka ng pagdurugo.
- Simulan ang iyong susunod na pakete ng mga tabletas pagkatapos mong matapos ang 1st pack, dumudugo ka pa rin o hindi.
Para sa 21-day pills:
- Kunin ang iyong 1st pill mula sa packet na minarkahan ng tamang araw ng linggo, o ang 1st pill ng 1st color (phasic pill).
- Ipagpatuloy ang pag-inom ng tableta sa parehong oras bawat araw hanggang sa matapos ang pack.
- Itigil ang pag-inom ng mga tabletas sa loob ng 7 araw (sa loob ng 7 araw na ito ay dumudugo ka).
- Simulan ang iyong susunod na pakete ng mga tabletas sa ika-8 araw, dumudugo ka pa rin o hindi. Ito ay dapat na parehong araw ng linggo kung kailan mo ininom ang iyong unang tableta.
May mga kababaihan na nakakaranas ng ilang side effects gaya ng spotting (para sa progestin only pills), pagkakaroon ng acne, pagsakit ng mga dede at nausea o pagkahilo.
Ayon kay Dr. Arlene Ricarte Bravo, isang OB-gynecologist sa Makati Medical Center, dapat na kumonsulta mula sa iyong doktor bago ka sumubok ng pills para malaman mo kung anong gamot ang puwede sa ‘yo at kung paano ito gagamitin para maiwasan ang mga delikadong epekto nito.
“Halimbawa ‘yong isang pasyente sinabi ng kaibigan niya na o mag-pills ka para hindi ka mabuntis. Hindi niya alam na may contraindications pala sa kaniya ang pag-inom ng pills.
Puwede na lang siyang ma-stroke. Puwedeng buntis pala siya tapos nag-pills siya, so may effect ‘yong pills sa namumuong baby. Kaya dapat directed ‘yon (pag-inom ng pills) by the obsetrician.” aniya.
Ang pangmatagalang paggamit ng pills ay hindi nakasasama, subalit tandaan na ito ay maaaring makapagpa-delay o magpahinto ng iyong pagregla.
3. Paano hindi mabuntis ng walang proteksyon: Paggamit ng injectables
Ang injectable ay isang uri ng contraceptive na ibinibigay sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagturok o pag-inject ng isang uri ng gamot sa katawan.
Ayon sa website ng Planned Parenthood, ang paggamit ng injectables bilang birth control ay may 99 porsyentong bisa ng contraception hangga’t hindi ka nagmimintis sa schedule ng iyong injection. Isa ito sa mga karaniwang tips para hindi mabuntis kahit walang condom.
Dito sa Pilipinas, limitado lamang ang birth control shots sa progesterone injectable na kilala rin sa tawag na Depo-Provero shot.
Kung sang-ayon ka na gumamit ng injectable, dapat ay handa ka sa mga side effects na maaaring dala ng paggamit nito gaya ng:
- Pananakit ng ulo
- Mood swings
- Breast tenderness
- Paglalagas ng buhok
- Pagbaba ng sex drive
- Irregular bleeding (maaaring malakas o mahina)
- Pagkawala ng regla
- Maaaring umabot ng 1 taon matapos mong huminto bago bumalik sa normal na fertilization ang iyong reproductive system.
- Hindi ka nito mapoprotektahan sa mga sexually transmitted disease, katulad ng chlamydia at HIV.
4. Mga tips para hindi mabuntis ang babae: Paggamit ng condom
Ang paggamit ng condom ay isa sa mga pinakakaraniwan at pinakamurang paraan para hindi makabuntis ang isang lalaki. Kung gagamitin ng tama, mayroon itong 98 porsiyento na mabisa sa pag-iwas sa pagbubuntis.
Pero walang saysay ang paggamit ng condom kung hindi mo ito mailalagay ng maayos, o kaya naman mali ang size na iyong nabili. Siguruhin na kung gagamit ng condom, ilagay ito ng maayos sa erected na ari ng iyong mister o partner.
Dapat ding siguraduhin na alisin ang hangin sa tip ng condom at maingat na ilagay ang condom ng buo sa ari ng partner.
Wala namang gaanong side effects ang paggamit ng condom. Puwera na lang kung may allergy sa latex or rubber ang mga gagamit.
Matapos gamitin ang condom, siguruhin din na hindi na ito gagamitin ulit at itapon na.
5. Paano hindi mabuntis ng walang proteksyon: Paggamit ng IUD
Kung gusto mo naman ng pangmatagalang uri ng birth control, pwede mong subukan ang intra-uterine device o IUD. Kapag tama ang pagkakalagay, mayroon itong higit sa 99 porsiyento ng contraception.
Ang IUD ay isang maliit na aparato na pinahiran ng tanso at progestin hormone na inilalagay sa loob ng uterus ng babae upang maiwasan ang pagbubuntis. Hindi maganda ang epekto ng copper sa sperm ng lalaki kaya naman hindi mabubuntis ang babae kapag mayroon siyang IUD.
Mayroong dalawang klase ng IUD – ang copper IUD na mas popular at mas mura at medicated IUD. Sa copper IUD, maaaring magtagal ang bisa nito ng 3 hanggang 5 taon. Samantalang 5 hanggang 12 taon naman ang sa medicated IUD.
Ang kagandahan ng medicated IUD, naglalabas ito ng gamot na levonargestrel araw-araw kaya nakakatulong ito sa mga babaeng may matinding regla.
Ayon kay Doc Arlene, hindi nirerekomenda ang IUD para sa mga babaeng may higit sa isang sexual partners. Sapagkat maaari itong magdulot ng impeksyon sa iyong matris.
“Remember that you are inserting a foreign body inside the uterus. Tapos meron siyang string na right after the dulo ng matris, ‘yong cervix nandoon ‘yong string na ‘yon.”
Kung halimbawa multiple sexual partners siya. It can be a conduit of the infection na papunta sa taas papunta sa loob ng matres. Papunta sa fallopian tube causing infection na tinatawag na pelvic inflammatory disease. Kapag nagkaroon ka ng pelvic inflammatory disease worst case scenario magkaroon ka ng sepsis. Puwede kang mamatay. And then kung multiple sexual partner at promiscous ka, paulit-ulit na cervicovaginitis mo na ‘yan.”
6. Mga tips para hindi mabuntis ang babae: Contraceptive Implant
Ang birth control implants o IUD ay isang pangmatagalang contraceptive na inilalagay sa ilalim ng balat sa braso ng babae. Ayon sa Planned Parenthood, mahigit 99 porsiyento ang bisa nito sa pag-iwas sa pagbubuntis. Naglalabas ito ng hormone na progesterone, na nagpapatigil sa ovary na gumawa ng egg cells at pinapalapot ang cervical mucus, kaya mahirap para sa sperm cells na makapasok.
Ang paglalagay ng implant ay isang small procedure na ginagamitan ng local anesthetic, at kailangan itong palitan kada tatlong taon. Hindi ito nakakasagabal sa pagtatalik at maaaring ipatanggal agad kapag gusto nang mabuntis.
Bago sumubok ng birth control implant, kumonsulta muna sa doktor at suriin ang iyong medical history, dahil hindi ito nirerekomenda sa mga babaeng may sakit gaya ng diabetes, sakit sa puso, depression, at high blood pressure.
Mayroon ding hindi magandang epekto ang implant sa ibang babae gaya ng:
- pananakit ng tiyan
- pagkakaroon ng cysts sa ovaries
- pagdurugo o kawalan ng menstruation
- pagbaba ng libido o sex drive
- pagkahilo
- sakit ng ulo
- insulin resistance
- mood swings at depresyon
- pagsusuka
- pananakit ng mga dede
- vaginal inflammation ordryness
- pagdagdag ng timbang
7. Ikunsidera ang permanenteng pag-iwas sa pagbubuntis
Para sa mga babaeng ayaw nang magkaanak, maaaring pag-isipan ang sterilization. Ang tubal ligation ay isang permanenteng paraan ng birth control kung saan itinatali at isinasara ang fallopian tubes para maiwasan ang pagbubuntis. Bagaman hindi ito 100 porsiyento ang bisa, marami ang nagiging matagumpay.
Para sa mga lalaki, ang vasectomy ay isang surgical procedure kung saan puputulin o itatali ang vasa deferentia upang maiwasan ang pagpasok ng sperm cells sa urethra. Kadalasan, ito ay halos 100 porsiyento ang bisa. Hindi ito nakakaapekto sa kakayahan ng lalaki na magkaroon ng orgasm o mag-ejaculate, at mabilis ang recovery period, karaniwang 1 hanggang 2 araw.
Maaari bang mabuntis kahit hindi pinutok sa loob?
Isa sa mga katanungan ng mga sexually active ay ang pagiging epektibo ng withdrawal method o coitus interruptus, kung saan hinuhugot ang ari bago labasan ang lalaki. Bagaman ito ay isa sa mga paraan para hindi mabuntis, hindi ito garantisado.
Oo, maaari pa ring mabuntis kahit hindi pinutok sa loob dahil sa pre-ejaculation fluid na may sperm o maling timing ng withdrawal.
Dagdag pa, ang withdrawal method ay hindi rin napoprotektahan laban sa sexually transmitted diseases.
Tips: Mga dapat gawin pagkatapos magtalik para hindi mabuntis
Kung kinakailangan ang contraception pagkatapos ng pagtatalik, maaaring gumamit ng emergency contraception pills, o tinatawag na morning-after pill. Kinakailangan itong inumin sa loob ng 120 oras (5 araw) pagkatapos ng unprotected sex, at mas epektibo kung inumin sa loob ng 72 oras (3 araw).
Ayon sa Kids Health, ang pag-inom ng emergency pills ay isa sa mga epektibong paraan para hindi mabuntis, pero hindi ito available sa ating bansa. Kaya’t mainam gumamit ng ibang contraceptives.
Ang paglalagay ng copper IUD ay isa pang paraan para hindi matuloy ang pagbubuntis.
Tips para hindi mabuntis ang babae – pumunta sa doktor
Karagdagang payo ni Doc Arlene, sa oras na magsimula kang makipagtalik. Dapat ay kumonsulta na sa OB-GYN para magabayan ka niya sa tamang pag-iingat ng iyong sarili kung ayaw mong magbuntis.
“Once you get to be sexually active, consult with a gynecologist para ma-guide kayo sa kung anong gagawin,” aniya.
Kung walang sapat na pera para magpa-checkup o bumili ng mga contraceptives, maaaring humingi ng tulong sa health center sa iyong barangay.
“Sa mga probinsya naman o sa mga malalayong lugar, ‘yong local government unit meron sila ng mga centers na may libreng IUD, contraception and pap smear. At may mga trained health workers na naka-assigned sa area na iyon. What you have to do is go there kasi libre ‘yon. Kahit sa mga public hospitals natin, libre ang pagkonsulta sa mga contracepions na ‘yan.” dagdag pa ni Doc Arlene.
Kung hindi ka pa talaga handang magkaanak, o kaya ayaw niyo nang masundan si bunso, maraming paraan para umiwas sa pagbubuntis. Kailangan mo lang kumonsulta sa iyong doktor para magabayan ka niya sa kung anong contraceptive ang babagay sa iyo.
Ugaliin lagi ang safe, at protected sex!
Karagdagang ulat mula kina Margaux Dolores at Nathanielle Torre
Healthline, Medical News Today, Medline Plus, Planned Parenthood, NHS, Mayo Clinic, Kids Health, Medindia
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.