Malamig na ang simoy ng hangin—ito ang unang hudyat na panahon na ng Kapaskuhan. Unti-unti na namang mabubuhay ang mga tradisyong Pilipino tuwing Pasko. Kabi-kabilang party o kainan, nagkakagulo sa malls para bumili ng regalo o ng susuotin sa mga pagdiriwang.
Panay malulutong na pera na rin ang nakukuha sa ATM at bangko. Pasko na!
Pero ito nga ba ang tunay na diwa ng Pasko? Bago pa makalimutan ng lahat, lalo na ng mga kabataan, hindi ba’t masaya ring ituro at iparanas sa mga anak natin ang mga tradisyong Pilipino tuwing Pasko?
Ang panahong ito, at ang selebrasyong ito kapag Disyembre ay isa sa mga pinakamasaya at pinakamahabang panahon na ipinagdiriwang ng mga Pilipino, kahit nasaang parte pa ng mundo.
Marami nang mga kaugaliang Pinoy ang nakakaligtaan, kaya’t magandang buhayin ang diwang ito ng Pasko sa gitna ng progresong makabago o moderno.
Mga tradisyong Pilipino tuwing Pasko
1. Pinakamahabang Pagdiriwang ng Pasko
Setyembre pa lang, abala na ang lahat sa pamimili ng panregalo, at lahat ng dekorasyon ay nasabit na. Sa atin yata nagsimula ang pagtawag sa -Ber months, dahil nagsisimula na ring lumamig (kahit papaano) pagdating ng buwang nagtatapos sa -ber.
Simula na agad ng countdown—sa Pinas lang talaga! Kahit saang mall ka magpunta, Pamaskong kanta na rin ang tugtog. Naging tradisyon na ito, kaya’t karamihan sa mga Pilipino sa ibang bansa, dala pa rin ang ganitong ugali.
Di ba’t masaya naman kasing ituro at ipadama sa mga bata ang masayang Kapaskuhan, na pinahaba ng mga Pilipino, dahil na rin likas tayong masayahin at mahilig sa mga pagdiriwang?
Opisyal na natatapos ang Kapaskuhan sa pagdiriwang ng Tatlong Hari sa ika-6 na Enero ng susunod na taon.
2. Tradisyong Pilipino tuwing Pasko: Simbang Gabi
Kung sa Amerika ay may 12 Days of Christmas, sa atin may 10 araw na pagdedebosyon sa pamamagitan ng Simbang Gabi. Nagsisimula ito sa ika-16 (ika-15 kapag anticipated) ng Disyembre at natatapos sa mismong Bisperas.
Tuluy-tuloy na nobena ito sa 9 na misa, na ipinagdiriwang sa madaling araw, alas 4 ng umaga. Binubuo ito ng mga deboto dahil naniniwala na kung anumang hinihiling para sa Kapaskuhan ay makakamit kung walang makakaligtaang misa.
Masaya dahil talaga namang subok ang tiyaga ng sinuman na gumising nang napakaaga para makinig sa misa. Kadalasan, may mga pa-almusal din ang mga Parokya sa labas ng simbahan. Kundi naman, maraming mga tindang pagkain para sa mga kagagaling sa misa.
Dito na matitikman ang bibingka at puto bumbong, mga pagkaing pam-Pasko ng mga Pilipino. Nariyan din ang salabat o ginger tea at mainit na tsokolate para sa malamig na umaga. Sabi nga ng Lola ko noon, kapag may nagsimula nang magluto at magtinda ng puto bumbong at bibingka sa labas, hudyat na ng Kapaskuhan.
May mga Misa na ngayon na ginaganap sa gabi at hindi madaling araw, para din maisama ang mga bata, at para sa mga matatanda na hirap din maglakad sa madaling araw, lalo’t malamig ang panahon. May pasok pa rin kasi ang mga bata kaya’t mahirap nga namang gisingin ng alas 3 ng umaga, pagkatapos ay patulugin ulit.
photo: flickr
3. Pagsasabit ng Parol
Kung ang Mexico ay may piñata, ang kanluranin ay may snowflakes, ang Pilipinas ay may parol. Ito ang palamuti na nakikita sa mga bahay ng Pilipino, kahit saang bansa pa sila mapunta. Ito ang simbolo na kinuha sa Belen, na sinundan ng Tatlong Hari para mahanap ang Niño Hesus.
Sa mga paaralan, tinuturuan ang mga bata na gumawa ng tradisyonal na parol gamit ang tinabas na kawayan, rice paper, o papel de Hapon, foil, o cellophane, at tali. Ngayon ay may mga magagarbong parol na gawa sa Capiz shells at iba pang magagandang materyal—at siyempre pa, may ilaw na.
Palakihan ng parol sa mga shopping malls, at sa mga malalaking bahay. Ang pagsasabit nito sa labas ng bahay ay isang tradisyong Pilipino tuwing Pasko na magandang ibahagi sa mga bata, para mapahalagahan ang tradisyong Pinoy kapag Pasko.
4. Tradisyong Pilipino tuwing Pasko: Panunuluyan at ang Belen
Ito ang dekorasyon na paborito ko rin, nung lumalaki ako. Nakuha natin ito sa ibang kultura. Ang ibang parokya ay nagsasagawa ng “dramatization” ng paghahanap ng Birheng Maria at asawang si Joseph ng matutuluyan dahil nga manganganak na si Maria. Ito ang tinatawag na Panunuluyan. Magtutuloy ang kwento sa panganganak at pagdating ni Hesus, at pagdalaw ng mga pastol at Tatlong Hari.
Sa mga bahay ng Pilipino, naglalagay ng maliliit na Belen ang mga pamilya. Ang iba ay hinuhuli ang paglalagay ng maliit na sanggol na Hesus. Hinihintay ang Bisperas, at saka ilalagay sa manger ang sanggol. Ang mga bata ang pinapaglagay nito, para maituro ang tunay na diwa ng Pasko—ang pagdating ng sanggol na Hesus para iligtas ang lahat.
5. Bigayan ng Regalo
Pamasko ang tawag ng mga Pilipino sa regalong ibinibigay at natatanggap kapag Pasko. Na-adapt na din natin ang Kanluraning paniniwala kay Santa Claus, para sa mga bata. Nagkakaroon ng Monito-Monita, o Kris Kringle kung saan nagpapalitan ng regalo ang pamilya o magkakaibigan, lalo kung marami, para makabawas sa gastos sa pagreregalo sa lahat.
Ang mahalaga kasi ay ang diwa ng pagbibigayan at pag-sorpresa sa mga minamahal. Ang mga bata naman ay binibigyan ng “aginaldo”, o perang malulutong ng mga nakatatanda at mga Ninong at Ninang.
Pinapipila ang mga bata at inaabutan ng aginaldo, pagka-mano o halik sa mga matatanda. Masayang tradisyon ito, hindi dahil sa pera, kundi sa pagkilala at paggalang sa matatanda, at dahil nagiging mas masaya lang kapag nakikita ang tuwa sa mukha ng mga bata kapag may naibibigay sa kanila. Kaligayahan na rin kasi ng mga nakatatanda na bigyan ang mga apo ng kahit maliit na halaga o bagay.
Nakaugalian na ng mga pamilya na magbigayan ng regalo kapag bisperas ng Pasko. Pagsapit ng hatinggabi, nakaupo na sa tabi ng Christmas Tree ang mga bata dahil pwede na nilang buksan ang mga regalong laan para sa kanila. Pagkabukas ng mga regalo, saka kakain ang pamilya nang sama-sama.
May mga pamilya rin na sinasamahan ang mga anak na mamasko sa mga kamag-anak, lalo na sa mga ninong at ninang. Nakaugalian na na pupunta ang mga bata sa bahay ng mga ninong at ninang para bumati ng Maligayang Pasko, magkumustahan, at manghingi ng aginaldo.
6. Tradisyong Pilipino tuwing Pasko: Karoling
Makikita rin ito sa ibang kultura, pero ang sa Pilipino, mga batang paslit ang nangunguna at karaniwang makikitang nangangaroling sa bahay-bahay. Minsan barka-barkada ang nagpaplano, minsa’y may makikita kang 1 o 2 bata lang na seryoso sa pangangaroling. May mga naghahanda ilang buwan bago mag-Pasko.
May mga magkakaopisina, magkakaklase, o magkakapitbahay. Uso na ang pagbibigay muna ng sulat sa mga bahay na dadalawin para maaayos silang tanggapin. Pero sa mga maliliit na barangay, gabi gabi ay may makikita at maririnig ka na nangangaroling na mga bata at tumatanggap ng barya o pagkain, minsa’y kendi pa nga.
7. Misa de Gallo at Noche Buena
Ang ibang hindi nakakapag-Simbang Gabi ay nagsisimba kapag Bisperas, na ang tawag ay Misa De Gallo. Pagkasimba, saka uuwi sa bahay at magdiriwang at kakain na ng Noche Buena. Ang iba ay nauuna ang Noche Buena, saka magsisimba. Depende ang lahat sa tradisyon ng kani-kaniyang pamilya.
Noche Buena ang highlight ng Pasko para sa marami. Maraming handa at ang lahat ay nagsa-salo salo. Lalo naman kapag ang mga kapitbahay ay kaibigan din ng pamilya, dumadalaw ang mga kabataan sa iba’t ibang bahay para makikain at makipagdiwang. Ang iba ay gising hanggang umaga, o di kaya’y di na natutulog.
8. Pagpaparanas ng Pasko sa mga Kapus-palad
Nasa kolehiyo ako ng makilala ko ang mga kaibigang imbis na mag-party, ay nagpupunta sa mga Bahay Ampunan at Home for the Aged. Para iparanas sa kanila ang Pasko, kahit wala silang sariling pamilyang makakasama.
Noong nagtuturo na ako, isa sa mga Social Action Projects ng mga estudyante ko ay ang magpa-party sa mga kabataang kapus-palad, pati na sa mga street children. Ang eskwelahan na ring ito ang nagturo sa mga anak ko ng ganitong tradisyon.
Natutunan ng mga anak ko, at mga estudyante ko ang magbahagi ng karangyaang natatamasa nila sa mga wala man lamang sapatos o tsinelas na suot. At maging sa mga hindi nakakakain ng masasarap na pagkain, lalo na ang mga walang magulang na nag-aaruga sa kanila.
Para sa akin, ito ang pinakamagandang kaugalian na maituturo sa mga kabataan ngayon. Masyado na rin kasing nagiging materyal ang karamihan sa pagtingin sa Pasko. Masaya ring makita at malaman na nakakapagpaligaya ka ng bata o matanda. Na hindi mo kaibigan, kadugo, o kapamilya, pero may malasakit kang nabuo para sa kanila.
Wala tayong snow o sariwang Pine trees, pero kilala ang mga Pilipino sa pagdiriwang ng pinakamsayang Pasko.
Karaniwan kong naririnig sa mga bansang natirhan ko na “Iba ang Pasko sa Pinas—walang katulad.” Totoo para sa nakararami, dahil na nga sa pagpapahalagang ibinibigay natin sa ating paniniwala at sa ating pamilya.
Kaya kahit pa walang pera, o kapos, masaya pa rin ang Pasko. Tuluy na tuloy pa rin ito at walang makakapigil, sa kabila ng kahit anong balakid.
BASAHIN: Noche Buena na! Pasarapin pa lalo ang Bisperas ng Pasko
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!