Mommies, alamin rito ang masamang epekto ng vitamin D deficiency sa mga bata.
Hindi ba mahilig uminom ng gatas o kumain ng isda ang iyong anak? Kapag kulang sila sa vitamin D at calcium, mas malaki ang posibilidad na magkaroon sila ng rickets, isang sakit sa buto na nagiging dahilan para lumambot, ma-deform o kaya naman mabali ang ating mga buto.
Kaya naman bilang magulang, importanteng alamin natin ang mga posibleng sanhi, sintomas at mga paraan para maiwasan ang sakit na ito.
Ano ang rickets?
Ang rickets ay isang bone disorder na kadalasang nangyayari sa mga bata. Nagdudulot ito ng paglambot o pagka-deform ng mga buto.
Ang sakit na ito ay madalas inuugnay sa kakulangan sa nutrisyon ng bata. Ang rickets ay epekto ng vitamin D deficiency dahil sa kulang na intake mula sa mga pagkaing may vitamin D at mababang exposure sa araw.
Mas karaniwan ang rickets sa mga bata, subalit pwede ring magkaroon nito ang matatanda, na tinatawag nilang osteomalacia.
Karamihan ng kaso ng rickets, maliit pa lang ang bata ay kulang na sa vitamin D ang kaniyang katawan.
Sintomas ng rickets
Narito ang ilang senyales na mayroong rickets ang isang bata:
- parang malambot ang mga binti at braso ng sanggol
- pananakit ng mga buto
- paglambot ng mga buto sa katawan
- pamamaga ng cosoculum, o spine sa pagitan ng ribs at breast plate
- Harrison’s Groove, o ang linya sa pagitan ng dibdib na nakakabit sa ribs.
- mababa ang calcium sa dugo
- parang magkadikit ang mga tuhod
- malambot ang bungo
- mababa ang timbang at maiksi ang height
- may problema sa spine, balakang o bungo
- nakabaliko ang mga binti
- hindi nakokontrol na muscle spasms sa buong katawan
- malapad ang wrist
Ang mga sintomas na ito ay depende sa lala ng sakit ng isang tao.
Mga posibleng komplikasyon
- Kung hindi maaagapan, ang mga batang may rickets ay mas prone o mas posibleng magkaroon ng bali sa kanilang mga buto. Ang mga taong may severe at prolonged rickets naman ay maaring magkaroon ng permanenteng deformities sa kanilang mga buto.
- Ang mababang calcium level sa dugo ay maaring magdulot ng pamumulikat, seizures at hirap sa paghinga.
- Sa mga ilang kaso, ang rickets ay maaring maging sanhi ng paghina ng heart muscle.
BASAHIN:
Anong magandang vitamins para sa baby at bakit ito kailangan?
STUDY: Mas madaling kapitan ng COVID-19 ang mga kulang sa Vitamin D
STUDY: Mas matalino ang mga bata kapag mayroong sapat na Vitamin D ang ina habang nagbubuntis
Mga sanhi ng rickets
1. Vitamin D deficiency
Kailangan ng katawan ng sapat na vitamin D para makakuha ng calcium mula sa mga intestines. Ang UV light na mula sa araw ang tumutulong sa balat na mai-convert ang vitamin D para maging aktibo ito.
Kapag kulang sa vitamin D ang bata, hindi naa-absorb ang calcium mula sa kanilang kinakain.
Ang kakulangan naman sa calcium ay nagdudulot ng paghina at pagkasira ng mga buto at ngipin, pati na rin problema sa ating nerves at muscles.
Maari mong dagdagan ng vitamin D ang diet ng iyong anak. Narito ang mga pagkaing mayaman sa bitaminang ito:
- itlog
- healthy fats and oil
- margarine
- gatas at fruit juice
- mga isda tulad ng sardinas at salmon
2. Genetics
Ang hypophosphatemic rickets ay isang namamanang kondisyon na nakakaapekto sa maayos na pagproseso ng phosphate sa ating kidney. Ang mababang phosphate levels sa ating dugo ay nagdudulot ng mahina at malalambot na buto.
3. Sakit
Ang pagkakaroon ng sakit sa bato, sa atay at sa bituka ay maari ring makaapekto sa pag-absorb ng katawan ng mga sustansya at posibleng maging sanhi ng rickets.
Gamot at paraan para makaiwas sa rickets
Para malunasan ang rickets, kailangang magkaroon ng maraming intake ng calcium, phosphate at vitamin D ang pasyente.
Kabilang sa mga paraan para makakuha sila ng sapat na nutrisyon ay ang pagbibilad sa araw, pag-inom ng fish oil at ergocalciferol o cholecalciferol o vitamin D.
Ang pagkakaroon ng sapat na sun exposure at calcium sa katawan ay nakakatulong para malabanan at maiwasan ang rickets.
Kung ang sakit ay dahil sa isang genetic problem, maaring bigyan ang pasyente ng phosphorus medication at active hormone na vitamin D.
Kung ang sanhi naman ng rickets ay mga sakit tulad ng diarrhea, kailangang malunasan muna ang sakit para magamot ang rickets.
Kaya naman paalala sa mga magulang, siguruhin na tama ang nutrisyon ng iyong anak at mayroon itong sapat na vitamin D at calcium. Importante rin ang magpa-araw, pero huwag sosobra dahil maari rin itong makasama at maging sanhi ng skin cancer.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa buto at tamang paglaki ng iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Sintomas ng vitamin D deficiency
Ang kakulangan ng vitamin D ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sintomas at kondisyon. Narito ang ilang karaniwang sintomas ng vitamin D deficiency:
- Panghihina ng kalamanan at buto
- Pagkapagod
- Madalas na pananakit ng likod at iba pang bahagi ng katawan, lalo na sa mga mas mababang parte ng likod.
- Madaling magkasakit o paghina ng immune system
- Pagbaba ng mood: Maaaring magdulot ng depresyon o malungkuting pakiramdam.
- Pagbaba o pagtaas ng timbang.
- Problema sa balat
- Pagkalagas ng buhok
Mga pagkaing makatutulong para maiwasan ang vitamin D deficiency
- Isda: Tulad ng salmon, mackerel, sardinas, at tuna.
- Cod Liver Oil: Isang supplement na karaniwang ginagamit at may napakataas na antas ng bitamina D.
- Mushrooms: Ang ilang klase ng mushrooms, tulad ng maitake at shiitake, ay may vitamin D, lalo na kung ito ay na-expose sa UV light.
- Egg Yolks: Ang pula ng itlog ay naglalaman ng vitamin D, bagaman mas mababa ang dami nito kumpara sa isda.
- Fortified Foods: Tulad na lamang ng gatas, cereals, orange juice at dairy products.
- Beef liver: Bagaman hindi kasing dami ng ibang sources, ang atay ng baka ay naglalaman din ng vitamin D.
- Fortified plant-based milk: Ang almond, soy, at oat milk na pinayaman ng vitamin D ay magagandang alternatibo para sa mga lactose-intolerant.
Ang regular na pagkain ng mga ito ay makakatulong upang mapanatili ang tamang antas ng vitamin D sa katawan. Mahalaga rin ang regular na pagbilad sa araw upang matulungan ang katawan na makagawa ng sariling bitamina.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Malaysia
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!