Bakit walang gana kumain si baby? Alamin ang mga posibleng dahilan rito.
Tuwang-tuwa tayo kapag nakikita natin ang ating anak na nae-enjoy ang kaniyang pagkain kapag nagsimula na siyang kumain ng solid food. Ang saya naman kasi na makitang magana sila sa pagkain at kinakain anuman ang ihain natin sa kanila.
Pero habang lumalaki sila, nag-iiba ito. Minsan, nagiging mapili na sila sa pagkain. Ang mga dating kinakain naman nila tulad ng mga gulay ay tinatanggihan na nila. Hindi na rin sila ganoong kadali pakainin at minsan ay mas gusto nilang maglaro kaysa kumain.
Bakit nga ba nag-iiba ang ugali ng ating anak pagdating sa pagkain, at bakit tila walang gana kumain si baby? Inalam namin ang ilang posibleng dahilan.
Bakit walang gana kumain si baby?
Narito ang mga posibleng dahilan kung bakit nabawasan ang gana ng iyong anak sa pagkain at ano ang dapat gawin upang manumbalik ito:
1. Lumalaki sila
Kung iyong mapapansin, napakabilis lumaki ng mga baby hanggang dumating sila ng 6 na buwan, at lalong babagal pagdating ng 12 hanggang 16 buwan. Kaya natural lang na mas kaunti na ang kinakain ng isang batang 16 buwan kaysa noong 12 buwan pa lang siya.
Hindi naman dapat mag-alala dahil habang lumalaki si baby, kumokonti naman ang calorie needs ng kaniyang katawan. Siguruhin lang na masustansiya ang mga pagkaing ibibigay sa kaniya para makuha niya ang nutrients na kailangan ng kaniyang katawan. Makakatulong rin kung umiinom siya ng maraming fluids upang maiwasan ang dehydration.
Pagdating ng 6 na buwan, nagsisimula nang magngipin si baby. Kaya kung nabawasan ang kaniyang gana noong tumungtong siya ng 9 na buwan, pansinin rin kung mayroon bang tumutubong ngipin ang sanggol.
Posible kasing nawawalan siya ng gana dahil sa sakit na nararamdaman niya sa kaniyang gilagid. Mas sumasakit kasi ito kapag kumakain o dumedede sila.
Larawan mula sa Pexels
Bagama’t ang pagngingipin ay hindi nagsasanhi ng lagnat o anumang sakit, maaari pa ring maapektuhan ang kalusugan ni baby kapag hindi siya kumakain nang tama.
Kaya siguruhin na bibigyan sila ng sapat na gatas o fluids habang nasa teething stage sila. Puwede mo rin subukang bigyan sila ng malalamig at malalambot na pagkain gaya ng yogurt at applesauce.
3. Masakit ang lalamunan niya
Mahirap talaga kapag nagkakasakit ang baby dahil hindi pa nila nasasabi kung anong nararamdaman nila. Ang pananakit ng lalamunan na sanhi ng isang viral infection gaya ng ubo ay maaari ring maging dahilan kung bakit walang gana kumain si baby.
Kapag masakit ang lalamunan ng sanggol, maaaring mahirapan siyang lumunok. Pwede mo siyang bigyan ng sopas at malalambot na pagkain habang may sakit. Painumin rin ng maraming fluids si baby para gumanda ang pakiramdam niya at bumilis ang paggaling.
Subalit kung ang kawalan ng gana ng bata ay sinasamahan ng lagnat at pamamaga ng kaniyang lalamunan o mayroong kulani, mas mabuting dalhin siya sa kaniyang pediatrician para magamot ang impeksyon at bumalik ang gana niya sa pagkain.
4. Busog pa siya (dahil sa uri ng pagkain)
Gaya lang nating matatanda, may mga pagkain na masyadong mabigat sa tiyan ni baby kaya hindi niya nararamdaman ang gutom. Ang whole grains na mayaman sa fiber, ay isang halimbawa ng pagkain na mabigat sa tiyan.
Kaya bagamat nakakabuti naman ang pagkain nito, maaari itong magdulot ng kawalan ng gana sa bata pagkatapos niyang kainin ito. Huwag mag-alala dahil kung ito ang dahilan, makalipas ng ilang oras ay magugutom na uli si baby.
5. May bulate sa tiyan ni baby
Dahil hilig nilang isubo ang kanilang mga kamay o iba pang kagamitan sa bahay, may posibilidad na magkaroon ng bulate sa tiyan ang iyong baby. Maaari itong magdulot ng pagsusuka, pagtatae at kawalan ng gana.
Kapag napansin ang mga sintomas na ito sa iyong sanggol, mas mabuting kumonsulta na sa doktor. Lumalaki ang posibilidad ng viral infections kapag mahilig nang magsubo ng kung anu-ano si baby sa kaniyang bibig, kaya dapat ay bantayan nang maigi ang bata.
Image from Pexels
6. May sakit si baby
Isang karaniwang senyales na may sakit ang isang sanggol ay kapag hindi siya dumedede o kumakain nang maayos. Kapag may sakit si baby, isa sa mga posibleng sintomas ay walang gana kumain. Pero sa oras na bumuti na ang kanilang pakiramdam, babalik rin naman ang gana nila sa pagkain.
May mga bacterial at viral infections na nagdudulot ng kawalan ng gana sa pagkain. Ang mga sakit naman tulad ng ear infection, bronchitis at flu ay maaring magdulot ng pagbilis ng tibok ng puso kaya hindi sila nakakakain nang maayos.
Kumonsulta na agad sa pediatrician ni baby kapag napansin ang mga sintomas ng sakit at siguruhin na mabibigyan ng tamang lunas.
Kapag may sakit si baby, bigyan siya ng mas maraming tubig (kung 6 na buwan pataas) o padedehin ng mas madalas para maiwasan ang dehydration.
7. Nasobrahan siya sa gatas o tubig
Maari rin naman na busog pa si baby mula sa kaniyang breastfeeding session kaya wala pa siyang ganang kumain. Tandaan, maliit lang ang tiyan ng mga sanggol kaya kung puno na ito ng gatas (breast milk o formula), hind na nito kailangan ng karagdagang tubig o fluid.
Ang pagbibigay ng masyadong maraming tubig ay maaring magpigil sa tiyan na maabsorb ang nutrients sa gatas. Nagbibigay rin ito ng pakiramdam na pagkabusog at nakakabawas ng gana sa bata.
Tandaan, ang mga sanggol na 6 na buwan pababa ay hindi pa dapat bigyan ng tubig o iba pang fluids maliban sa gatas nila. Tanungin din ang pediatrician ni baby kung gaano karaming tubig ang dapat ibigay sa kaniya ayon sa kaniyang edad.
8. Nahihirapan siyang dumumi
Mahina pa ang tiyan at digestrive tract ng sanggol kaya mataas ang risk na magkaroon siya ng digestive problems gaya ng diarrhea at constipation.
Kung ang sanggol ay nakakaranas ng constipation o hirap sa pagdumi, lalo na kung masakit ito, maaring ayaw na niyang kumain o hindi siya gaanong makakaramdam ng gutom.
Tanungin ang pedia ni baby kung ano ang dapat gawin para maibsan ang kaniyang nararamdaman. Mas mabuting magdagdag ng mga pagkain na mayaman sa fiber para makatulong sa kaniyang pagdumi.
9. Mayroon siyang food tolerance
Maaari ring walang gana kumain si baby dahil hindi niya gusto o mayroon siyang intolerance sa mga pagkain na ibinibigay mo sa kaniya.
Maaaring may allergies pala siya sa pagkaing ito. O kaya naman ay intolerance kung saan hindi kaya ng sikmura ni baby tunawin ang pagkaing ito.
May mga batang nagkakaroon ng food intolerance sa itlog, gatas, at mani. At ilang senyales nito ay pangangati, pagtatae at kawalan ng gana. Kapag napansin ang mga sintomas na ito, huwag mag-atubiling ipakonsulta si baby sa kaniyang doktor.
10. Pagod lang si baby
Minsan naman, kapag masyadong napagod ang bata sa kalalaro, nawawalan na rin siya ng ganang kumain. Madalas, kapag pagod na si baby, dedede na lang ito at saka matutulog.
Kaya hindi na siya nakakakain nang maayos. Para maiwasan ito, iwasang pagurin ang bata bago ang oras ng kaniyang pagkain.
Gayundin, posibleng distracted ang bata sa kaniyang paglalaro at panonood sa kaniyang gadgets kaya nawawalang siya ng gana kumain.
11. Iniiwasan niya ang mga bagong pagkain
Isa sa mga posibleng dahilan kung bakit ayaw kumain ni baby ay baka hindi siya familiar sa pinapakain mo sa kaniya. Kaya naman ayaw niyang kumain.
Mainam na unti-unti mo lang i-introduce ang mga bagong pagkain kay baby. Sa ganitong paraan, magiging familiar siya sa mga bagong pagkain na hinahain mo sa kaniya.
Katulad na lamang ng mga gulay at prutas. Magandang mag-serve ka muna ng kaunti kay baby saka mo dagdagan ng paunti-unti kada araw.
Dapat bang piliting kumain si baby?
Bagama’t nakakapag-alala talaga kapag humihinang kumain si baby, kadalasan ay normal naman ito basta masigla pa rin ang nadaragdagan pa rin ang timbang niya. Ayon kay Dr. Cindy Gellner, isang pediatrician at miyembro ng American Academy of Pediatrics,
“Parents get very worried that their toddler isn’t eating and there’s something seriously wrong with them. Well, the truth is between the ages of 1 and 5 years old, it’s completely normal for a toddler’s appetite to slow down.
It may seem like your child doesn’t eat enough, is never hungry, or won’t eat unless you spoon-feed them yourself.
The good news is, as long as your child’s energy level is normal and they’re growing along their growth curves, they’ll be okay.”
May mga magulang na pilit pinapakain at sinusubuan ang kanilang anak para lang kumain ito. Bagama’t wala naman silang masamang intensyon, sa halip na makatulong ay lalo pa raw nakakasama ito. Ani Dr. Gellner,
“How much a child chooses to eat is controlled by the appetite center in the brain. Kids are already programmed to eat as much as they need for growth and energy.
Many parents try to force their child to eat more than they need because they worry that their child’s poor appetite might cause them to get sick or develop a vitamin deficiency.
The good news is this isn’t true. But what can happen is that forced feedings actually decrease a child’s appetite by making mealtime more of a punishment for your child.”
Larawan mula sa Pixabay
Gamot sa walang gana kumain
Hindi mo kailangang pilitin ang iyong anak na kumain. Pero kung gusto mo talagang maibalik ang kaniyang gana, pwede mong subukan ang mga sumusunod:
- Bigyan siya ng zinc. Nakakatulong ito para gumawa ang katawan ng hydrochloric acid na nakakatulong sa tamang digestion. Kapag mababa ang zinc sa katawan, maaaring maging mahina kumain ang bata. May mga pagkain na mayaman sa zinc tulad ng manok, pero pwede rin naman itong matagpuan sa mga multivitamins.
- Pagkain sa tamang oras. Maglagay ng sapat na pagitan sa meals ni baby para naman na-digest na niya nang maayos ang kinain niya sa almusal bago magpananghalian. Gayundin, iwasang pakainin si baby kapag malapit na ang oras ng kaniyang pagtulog at inaantok na siya.
- Iwasan rin ang pagbibigay ng snacks nang madalas. “This is a big no-no. Kids will graze and have so many snacks that they never become truly hungry. Let your child have no more than two small, healthy snacks a day, like a piece of fruit, for example,” payo ni Dr. Gellner.
- Gawing masaya ang mealtime. Iwasang pilitin kumain si baby kung ayaw niya. Sa halip, subukang lagyan ng buhay at kulay ang oras ng pagkain.
- Pagkain para sa mga walang gana kumain. Bukod sa zinc, pwede mo ring idagdag sa inyong menu ang mga pagkaing nakakatulong para gumanda ang digestion at manumbalik ang gana ng bata. Bigyan siya ng probiotics na matatagpuan sa yogurt, gayundin ang mga mani at maging mga prutas gaya ng avocado.
- Painumin ng tubig 30 minuto bago kumain. Nakakatulong raw ang pag-inom ng tubig para ma-activate ang digestive juices at enzymes na nagpapalakas ng gana sa pagkain. Siguruhin lang na maglaan ng 30 minuto bago kumain para hindi makaramdam ng pagkabusog ang bata dahil sa tubig.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Kadalasan, ang kawalan ng gana ni baby ay hindi dapat ikabahala. Pero minsan, senyales rin ito ng sakit o kondisyon sa kaniyang kalusugan. Huwag magdalawang-isip na dalhin agad si baby sa doktor kapag napansin ang mga sumusunod:
- Walang pagbabago sa gana ni baby matapos subukan ang mga tips sa itaas.
- Kapag mahigit isang linggo nang hindi kumakain nang maayos ang bata.
- Kapag ang kawalan ng gana sa pagkain ay sinasamahan ng rashes, lagnat o pagbabago ng kulay ng kaniyang dumi.
- Tuluy-tuloy ang pagbagsak ng kaniyang timbang.
- Hindi nadagdagan ang kaniyang timbang sa loob ng 6 na buwan.
- Sumusuka o naduduwal tuwing kumakain.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa tamang pagkain ng iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa inyong doktor.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!