Mabilis na lumilipas ang mga milestones sa 28 buwan development ng inyong anak, at maaaring mahirap nang makahabol sa kanila.
Sa edad na ito, mapapansin mong nagiging mas imaginative ang iyong anak. Ito ang panahon kung saan nagsisimula na siyang mag-imagine ng iba’t ibang mga bagay at nagiging mas malikhain pa. Magsisimula na rin siyang sumubok ng iba’t ibang bagay at magiging mapusok. Huwag mag-alala kung tila hindi siya mapakali o nahihirapang mag-concentrate dahil normal lang ito, Mommy!
Pagdating naman sa kanyang 28 buwan development, mapapansin mong mas nagiging mausisa siya sa mga bagay na nakapaligid sa kanya. Magkakaroon din siya ng mga malilinaw na panaginip na siguradong ikukwento niya sa iyo.
Sa 28 buwan development nagsisimulang “makakita” ang iyong anak ng kung anu-ano sa kanyang kwarto at natatakot na rin sa mga “multo o halimaw”. Normal lamang ito, kaya naman mahalagang iparamdam sa kanya na ligtas siya at wala siyang dapat ikatakot.
28 Buwan Development at Paglaki: Nakakasubaybay ba ang Iyong Anak?
Pisikal na Paglaki
Pagdating ng 28 buwan development ng bata, ang kanyang pisikal na paglaki ang isa sa mga dapat na isaalang-alang. Ang mga ganitong edad ay mahilig nang magtatatakbo, kaya humanda nang makipag-habulan sa kanya. Hilig na rin niyang galugarin ang kanyang kapaligiran, magbubukas na rin niya ng mga pinto at takip, at aakyat na rin siya kung saan-saan. Simula pa lang ang pagtakbo. Kaya na rin niyang tumalon gamit ang dalawang paa, at magkandirit gamit lang ang isang paa. Asahan pa ang maraming malikhaing paraan ng iyong anak.
Sa ganitong edad ng iyong anak, kaya niya na ring pumanhik-panaog sa slide nang siya lang mag-isa at humawak ng mga maliliit na bagay tulad ng lapis at crayons.
Sa yugtong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Boys
– Height: 89.9 cm (35.4 in)
– Weight: 12.9 kg (28.5 lbs)
– Head Circumference: 48.7 cm (19.2 in)
- Girls
– Height: 88.8 cm (35 in)
– Weight: 12.8 kg (28.1 lbs)
– Head Circumference: 47.7 cm (18.8 in)
Mga Tips:
- Himukin ang iyong anak na gumawa ng mga pisikal na aktibidad. Hayaan siyang magsaliksik, tumalon at tumakbo sa loob ng bahay. Dalhin din siya sa palaruan at hayaan siyang makipag-laro sa ibang mga bata.
- Importante pa rin ang siesta sa 28 buwan development, kahit na sa palagay ng inyong anak ay hindi niya ito kailangan. Nakakatulong ito sa kanyang paglaki at development. Makakadagdag ng enerhiya ang pagtulog sa hapon upang magkaroon siya ng sapat na lakas sa buong maghapon.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung mahina o kulang ang motor skills ng inyong anak, senyales ito na baka may problema sa inyong anak. Huwag mag-alinlangang dalhin siya sa isang pediatrician upang matiyak na nasa ayos ang kanyang pisikal na paglaki.
Pagsulong ng Kamalayan
Mapapansin mo rin sa 28 buwan development ng inyong anak ang paggamit niya ng mga salita upang ilarawan ang mga bagay na nasa paligid niya. Ito ang magandang panahon upang turuan siya kung paano ilarawan nang maayos ang mga nakikita niya.
Nade-develop na rin sa puntong ito ang kanyang symbolic thinking at kaya na niyang makilala ang koneksyon ng mga drawing at ng mga totoong bagay. Nakaka-unawa na rin siya ng kaibahan ng drawing ng isang aso at ng isang totoong aso.
At sa panahon ding ito magsisimulang maglaro ng kunwa-kunwarian ang inyong anak at gagayahin na rin niya ang paborito niyang tauhan sa TV. Panahon na rin upang planuhin kung ano ang magiging costume niya pagdating ng Halloween!
Mga Tips:
- Importante ang paglalaro para sa development ng inyong anak. Magiging magulo pa rin ang kanyang paglalaro sa puntong ito, kaya hayaan lamang siyang mag-explore kasama ang kanyang mga laruan.
- Palawakin ang kanyang imahinasyon sa pamamagitan ng pakikipag-laro ng kunwa-kunwarian kasama ang inyong anak. Magbihis bilang superhero o prinsesa.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung nahihirapan ang inyong anak na ilarawan ang mga bagay-bagay o makipag-usap sa inyo, makabubuting patignan na siya sa doktor. Ang kanyang 28 buwan development ay isang mahalagang yugto sa inyong anak, kaya naman maging mapagmatyag sa anumang sintomas na may problema sa kanya.
Bulaga! | Image courtesy: stock image
Kakayahang Sosyal at Emosyonal
Pagdating naman sa kakayahang sosyal at emosyonal, nagsisimula nang mabuo ang relationship skills ng inyong anak sa 28 buwan development niya. Didikit siya sa iyo paminsan-minsan at maaari siyang mag-alboroto kapag ikaw ay aalis.
Kapag nangyari ito, ang mabuting paraan ng pakikitungo ay ang ipaliwanag sa inyong anak kung saan ka pupunta at bakit mo kailangang umalis sandali. Laging ipaalala sa kanya na babalik ka at purihin siya sa kanyang mabuting asal.
Mapapansin mo ring susubukan ng inyong anak na makipaglaro sa ibang mga bata. Pero sa edad na ito ay maaaring mayabang pa ang inyong anak at hindi pa rin gusto ang may ibang kalaro. Gayunpaman, nag-uusisa pa rin siya sa mundong ginagalawan niya at susubukan pa rin niyang makisalamuha sa ibang bata. Magandang ideya na himukin ang inyong anak sa pag-uugaling ito.
Mga Tips:
- Dalhin ang inyong anak sa mga palaruan upang matuto siyang makihalubilo sa ibang bata.
- Maaari rin siyang ipasok sa daycare para lagi siyang may nakakasalamuhang mga bata.
- Turuan din siyang makipaglaro nang maayos sa ibang bata gaya ng paghihintay ng kanyang tamang pagkakataon at pagiging mapagbigay.
- Laging bantayan ang inyong anak habang naglalaro, dahil may mga batang nakakapanakit para lamang makuha ang gusto nila.
- Magkaroon ng madalas na bonding kasama ang inyong anak, lalo na sa panahong ito na nabubuo ang relasyon niya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Makatutulong ito upang makabuo ng matibay na pundasyon ang relasyon ninyong mag-ina.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Maging alerto kung laging mapag-isa ang inyong anak o hindi niya gustong makipag-laro sa ibang bata. Kung napapansin mong may sariling mundo ang inyong anak at hindi nakikisalamuha sa iba, makabubuting komunsulta sa isang doktor.
Development sa Pagsasalita
Pagdating sa pananalita at wika ng iyong anak na nasa 28 buwan development, magsisimula na siyang gumamit ng iba’t ibang mga salita upang ilarawan ang mga bagay sa paligid niya. Lumalawak na rin ang kanyang bokabularyo, pero huwag asahang klaro ang pagbigkas niya rito.
Makabubuting turuan muna siyang kilalanin ang iba’t ibang mga kulay, hugis at texture upang maintindihan niya kung paano gamitin ang bawat salita.
Magsisimula na ring magtuturo at gumamit ng ilang salita ang inyong anak upang makiusap. Halimbawa nito ay ang pagturo sa pinto para sabihing gusto niyang lumabas, o ang pagpunta sa kusina kung gusto niyang kumain.
Sa 28 buwan development din magsisimulang makipag-kuwentuhan ng iyong anak. Sa edad na ito magiging madaldal ang inyong anak at magkukuwento ng tungkol sa kanyang sarili. Tanungin siya tungkol sa mga kuwentong ito at turuan siya kung paano dapat ipahayag ang kanyang sarili gamit ang mga salita.
Mga Tips:
- Turuan ang inyong anak ng mga bagong salita at gumamit ng mga adjective o pang-uri upang ilarawan ang mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, matututo siyang kilalanin ang mga bagay, gayundin ang mga tamang salita upang maipahayag naman ang gusto niya.
- Hayaan siyang magkuwento upang makatulong sa kanyang kakayahang magsalita.
- Makipag-usap sa inyong anak at himukin siyang gamitin ang mga bagong salita na natutunan niya.
- Magtanong sa kanya at hintayin siyang sumagot upang mahasa ang kanyang kakayahang makipag-talastasan.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung ang inyong anak ay laging tahimik o bihirang magsalita, makabubuting sumangguni sa doktor. Sa puntong ito, dapat madaldal na ang inyong anak at lumalawak na ang bokabularyo.
Kalusugan at Nutrisyon
Ang mga batang nasa 28 buwan development ay hindi lamang magiging pihikan sa pagkain, kundi magiging hirap rin sa pag-ubos ng kanilang pagkain. Kaya naman mahalaga para sa mga magulang na maging mahinahon at mapagpasensya kapag nagpapakain ng anak. Ayaw ng mga batang pinipilit silang kumain, kaya habaan pa ang pasensya at hikayatin silang kumain sa nakaka-enganyong paraan.
Pagdating ng 28 buwan development, ang inyong anak na lalaki ay dapat na tumangkad ng humigit-kumulang 90.4 cm at tumimbang ng 12.9 kg. Para sa mga batang babae naman, ang tangkad nila ay dapat nasa 89.1 cm at ang timbang ay nasa 12.3 kg.
Ang iyong lumalaking anak ay dapat na nakakakain ng nasa 1/2 tasa ng kanin, 1/3 tasa ng gulay o karne at 1/3 tasa ng prutas bawat meal upang makatulong sa kanyang paglaki. Maaari ding magdagdag ng gatas sa kanyang pagkain, ngunit dapat na mas marami silang kinakain na solid food ngayon. Syempre, ang kagustuhan at gana sa pagkain ng inyong anak ay maaaring magpaiba-iba kaya lagi itong isa-isip tuwing naghahanda ng kanyang pagkain.
Pagdating sa mga bakuna, dapat kumpleto na ang inyong anak ng mga bakuna laban sa bulutong, MMR, hepatitis A at hepatitis B. Kung kulang ng isang bakuna ng inyong anak, huwag mag-alinlangang komunsulta sa doktor.
Isa sa mga karaniwang sakit ng mga batang nasa 28 buwan development ay ang lagnat, sipon at ubo. Hindi dapat mabahala nang husto kung magsakit ng mga ito ang inyong anak dahil normal lamang ito sa mga bata.
Mga Tips:
- Iwasang suhulan ang inyong anak ng masarap na pagkain para lamang maubos nila ang pagkaing nakahain sa kanila dahil iisipin nilang “mabuti” o “masama” ang isang klase ng pagkain. Dahil dito, gugustuhin nilang kumain na lamang ng “reward food” sa halip na kumain ng tamang pagkain.
- Isa pang dapat isaalang-alang ay ang unti-unting pagbawas sa pag-inom ng gatas ng iyong anak. Ang gatas ay maaaring maka-abala sa ganang kumain ng inyong anak at maaaring dahil dito ay mahirapan siyang ubusin ang kanyang pagkain. Sapat na ang 1 1/2 tasa ng gatas (puwede rin ang 1 tasa ng yogurt o 1 1/2 ounce ng keso). Tandaan na bukod sa gatas ay kaya ring matugunan ng karne at gulay ang pangangailangan sa protina ng iyong anak.
- Bigyan din ang inyong anak ng mga pagkaing mayaman sa iron dahil karaniwan din ang pagkakaroon ng anemia sa ganitong edad. Bigyan siya ng karne, isda, at mga madadahong gulay upang maparami ang iron sa kanyang katawan, na siyang nakatutulong sa paggawa ng mga bagong blood cells.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung laging nagkakasakit o laging walang ganang kumain ang inyong anak, makabubuting komunsulta na sa doktor. Maraming puwedeng dahilan ang pagkakasakit ng isang bata kaya makabubuting ipatingin siya sa doktor upang malaman ang sanhi ng kanyang sakit.
Vaccinations
Walang mga vaccination na due sa buwan na ito. Para malaman kung up-to-date na ang vaccines ng anak mo, tignan dito.
Pero sa buwang ito, dapat mayroon na siyang bakuna para sa mga sumusunod: chickenpox, MMR, flu, hepatitis A, and hepatitis B vaccine. Kung wala pa ay maiging magtanong na sa doktor.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
Source: WebMD
Ang nakaraang buwan ng iyong anak: 27 buwan
Ang susunod na buwan ng iyong anak: 29 buwan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!