Narito ang mga bagay na dapat mong abangan sa development ng iyong baby pagdating ng 3 buwan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Development ng baby pagdating ng kaniyang ika-3 buwan
- Mga milestones na dapat mong abangan
- Paano malalaman kung delayed ang development ng iyong sanggol?
Tuluy-tuloy na ang paglaki ni baby, at mula sa pagiging isang newborn na walang ginawa kundi magdede at matulog, unti-unting nagbabago ang ugali ng iyong anak at mas nagiging mapagmasid sa pagdating ng kaniyang ika-3 buwan.
Bukod sa paninigurong malusog at walang sakit si baby, mahalaga rin na tingnan kung naaabot o nagagawa ba niya ang mga developmental milestones na inaasahan para sa kaniyang edad. Ang developmental milestones ay isang paraan para masukat kung lumalaki ba ng maayos ang iyong anak pagdating sa pisikal at mental na aspekto.
Ano nga ba ang mga dapat asahan sa development ng baby pagdating ng 3 buwan?
3 Buwan development ng baby – kalusugan at pisikal na aspekto
Ayon sa World Health Organisation (WHO), sa ika-28 na araw mula pagkapanganak ng bata, mas mataas ang panganib sa kalusugan at mortality niya, kaya’t dapat na doble at mas maigting ang pag-iingat at pag-aalaga.
Pagdating sa kanilang pisikal na paglaki, narito ang average na timbang at taas ng mga batang 3 buwan:
-
- Lalaki
– Length: 61.4 cm (24.2 inches)
– Weight: 6.4 kg (14.1lb)
- Babae
– Length: 59.9 cm (23.6 inches)
– Weight: 6.0 kg (13.3lb)
At ang kanyang head circumference naman ay dapat:
-
- Lalaki: 40.5 cm (15.9 in)
- Babae: 39.5 cm (15.6 in)
-
Muscle control
Pagdating rin ng ikatlong buwan, mas malakas na ang neck muscles niya kapag nakadapa. Ayon pa kay Dr. Michiko Caruncho, isang developmental pediatrician mula sa Makati Medical Center, sa panahong ito, dapat ay kaya na talagang suportahan ng sanggol ang kaniyang ulo.
“So ideally 3 to 4 months, they start achieving head control so nasusuport na nila ‘yong head. Pwede mo na sila ilagay sa lap mo, at makikita mo more stable na at this time.” aniya.
Kapag nakadapa, malakas na ang pagsipa at pag-iinat ng bata, dahil malakas na ang katawan niya, lalo na ang kaniyang mga binti. Kaya na rin niyang itaas ang kaniyang upper body kapag nasa ganitong posisyon.
Magsisimula na siyang magtangkang umikot at dumapa kapag nakahiga, o humiga kapag nakadapa, kaya’t siguraduhing hindi siya iiwan nang mag-isa sa kama o changing table at baka mahulog siya.
Larawan mula sa Freepik
-
Hand and eye coordination
Sa ganitong edad, natututo na ang bata na kontrolin ang kaniyang mga kamay. Isa sa mga maagang natutunan ng mga sanggol ay ang pag “close-open,” o pagbukas at sara ng kaniyang kamay. Maaaring natututo na rin siyang pumalakpak at subukang abutin ang mga bagay sa harapan niya gamit ang kaniyang mga kamay.
Gayundin, natututunan na ni baby ang pagsubo ng kaniyang mga kamay, ng ibang bagay sa kaniyang mga bibig, kaya siguruhing hindi niya maaabot ang mga bagay na maaring maging choking hazard at delikado para sa kaniya.
3 Buwan development ng baby – sensory at cognitive development
Mahilig na siyang humawak at kumapa ng mga bagay bagay sa paligid niya. Makakatulong na bigyan siya ng mga bagay na may iba-ibang texture.
Mapapansing naibabaling na niya ang ulo sa direksiyon ng ingay o tunog na naririnig. Ngumingiti rin siya at tumatahan sa pag-iyak kapag naririnig ang malumanay na boses ni Mommy o Daddy, at saka napapangiti.
Tingnan ang bata sa mata at titingnan ka rin niya. Kaya na rin niyang sundan ng tingin ang isang bagay. Mahilig din siyang tumingin sa salamin, at pagmasdan ang sariling reflection.
Mapapansin na kapag tumitingin si baby sa mga laruang nakasabit tulad ng crib mobile, dadakmain at hahampasin ito, at papanoorin niyang gumalaw.
Dito niya natututunan ang konsepto ng cause and effect, at gagawa ng libo-libong koneksiyon sa kaniyang utak, habang natututo ng bagong kakayahan.
Sadyang kay tamis ng ngiti ni baby, pero hindi na ito para kay Mommy at Daddy lang. Madalas na siyang ngingiti sa mga tao na makikipag-usap at makikipaglaro sa kaniya.
At dahil nga palangiti ito at masayahin, magtatangka na rin itong makipaglaro sa mga nakikita o nakikilala niya, pati na sa sariling reflection sa salamin.
3 Buwan development ng baby: pagsasalita o komunikasyon
Hindi na pag-iyak lang ang paraan ng pakikipag-usap ni baby ngayon. Kaya na niyang bumigkas ng mga pantig tulad ng ba-ba-ba, da-da-da.
Natututo na rin ang bata ang tumugon sa kaniyang kausap. Halimbawa, tumatahimik siya kapag may naririnig na boses, o kaya tumatawa at nagiging maligalig kapag narinig ang pamilyar na boses ng kaniyang ina.
Mas may ibig-sabihin na rin ang pag-iyak ni baby dahil natututo na siyang ipahayag ang kaniyang kailangan gamit ito.
Habang kinakausap at nakikipaglaro ka kay baby, mas madali niyang naiintindihan ang konsepto ng komunikasyon kaya minsan ay parang ginagaya niya ang ekspresyon ng iyong mukha at mga tunog na naririnig niya mula sa’yo.
BASAHIN:
Baby development and milestones: your 3 month old
Delayed motor skills: Mga dapat gawin at kung kailan dapat mabahala
Tummy time for baby: A comprehensive guide for parents
Iba pang milestones na maaaring mapansin kay baby:
Pagdating ng 3 buwan, nagiging mas magaling na dumede si baby. Dahil dito, mas marami na siyang nadedede, kaya posibleng mapansin na parang mabilis ang kaniyang paglaki. Kaya na rin niyang tukuyin ang dede mula sa bote.
Subalit hindi pa lubos na malakas ang ulo at leeg ni baby sa panahong ito, kaya kailangan pa ring suportahan siya kapag nagdedede.
Ang karamihan ng mga sanggol sa ganitong edad ay natutulog ng 14 hanggang 17 oras sa isang araw. Ibig-sabihin nito ay halos 7 hanggang 10 oras lang nananatiling gising si baby.
Bagamat hindi pa nila kayang manatiling gising ng mahabang oras, mapapansin na mas mahaba na ang oras na sila ay gising at naglalaro kaysa dati.
Maraming mga sanggol ang kaya nang matulog ng hindi nagigising sa buong magdamag, subalit huwag mag-alala kung hindi pa ito nagagawa ni baby. Tandaan na iba-iba nga ang pag-abot ng milestone ng bawat bata.
Larawan mula sa Freepik
Kailan dapat mag-alala
Ayon kay Dr. Caruncho, magkakaiba naman ang bawat bata pagdating sa kanilang development at pag-abot ng kanilang mga milestones. Pahayag niya,
“Ang child development is not really a specific age or specific month. Range talaga, may mga batang slow, may mga batang fast. Kunyari sa sitting, may mga mabagal may mga mabibilis.”
Dagdag pa niya, kung ang iyong anak ay premature, nakakaapekto ito sa kaniyang kakayahan na abutin ang mga developmental milestones, kaya kailangan mong i-adjust ito para makumpirma kung siya ba ay “on-track” sa kaniyang paglaki.
“For premature baby ang ginagamit natin ‘yong adjusted or corrected age. Generally, hanggang 2 years old, we expect na mga premature babies na mag-catch up na sa mga regular babies.”
Subalit kung gusto mong makasiguro na hindi nahuhuli ang iyong anak sa kaniyang development, maaring kumonsulta sa iyong doktor kapag napansin ang mga sumusunod sa iyong 3-month old baby:
- Hindi nagre-react sa ingay (binagsak na pinto, malakas na music, busina ng kotse)
- Kapag hindi tinitingnan ang sariling kamay
- Hindi ngumingiti kapag kinakausap o nilalaro
- Kapag hindi sinusundan ng tingin ang mga bagay na gumagalaw
- Hindi humahawak o dumadakma ng mga bagay
- Kapag hindi pa kayang itayo ang sariling ulo
- Hindi umaabot o itinataas ang kamay para umabot ng mga bagay na nasa harap niya
- Kapag hindi bumibigkas ng pantig, o kaya ay hindi gumagawa ng ingay gamit ang sariling boses
- Hindi nagsusubo ng mga bagay sa bibig
- Kapag hindi maigalaw ang isa o parehong mata sa iba’t ibang direksiyon
- Naduduling pa rin (normal ito paminsan-minsan sa mga unang buwan)
- Hindi pinapansin ang mga mukha sa harap niya, o labis na natatakot sa mga bagong mukhang nakikita
Pakatandaan na ang paglaki ng bata ay hindi isang kompetisyon. May mga bata na unang naglalakad, at may mga bata na nauunang magsalita. Huwag malungkot kung hindi agad maabot ni baby ang mga milestones gaya ng ibang bata. Sa halip, patuloy siyang alagaan, obserbahan at makipag-ugnayan sa kaniyang pediatrician para masigurong ang kalusugan at tamang paglaki ng iyong anak.
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR mula sa theAsianparent Singapore
Additional source:
Pathways
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!