Sa edad na dalawang taon at walong buwan ay kaya nang maging independent ng iyong anak sa maliliit na paraan. Nagsisimula na siyang makipagkwentuhan sa kanyang mga kalaro pero may mga pagkakataon pa rin na nagiging mahiyain siya. Oo, madalas pa rin siyang topakin ngunit mas naipapakita na niya ngayon sa ‘yo kung ano ang mga gusto at kailangan niya. Kaya maging handa, Mommy at Daddy, dahil nalalapit na ang ikatlong taong kaarawan niya! Anu-ano nga ba ang mga dapat asahan sa 32 buwan development ng bata?
Dito, malalaman mo ang ilang mga pagbabago sa iyong anak at mga aasahan mo sa kanyang 32 buwan development ng bata.
32 Buwan Development ng Bata: Nakakasabay Ba ang Iyong Anak?
Pisikal na Paglaki
Sa 32 buwan development ng bata ay mas nagiging aktibo at mausisa na siya sa kanyang paligid. Nagsisimula na rin siyang maging dalubhasa sa pagtalon at pagbalanse ng katawan. Mahilig rin siyang magtatalon sa mga muwebles at sinusubukan na ring maglakad nang patalikod pababa ng hagdanan. Siguraduhing makisali sa kanyang pisikal na development sa pamamagitan ng pagpasyal sa kanya sa mga parke o kahit sa sarili ninyong bakuran kung saan puwede siyang tumakbo at maglaro ng ligtas.
Pagdating sa kanyang fine motor skills, mapapansin na sa 32 buwan development ang madalas na paggamit ng iyong anak ng espesipikong kamay sa pagkopya o pagbakas ng mga simpleng hugis.
Mga Tips:
- Ang pinakamainam na paraan upang malinang ang kanyang skills ay ang pagbibigay ng mga pambatang art supplies. Masisiyahan din ang inyong anak sa mga laruang bloke at mga puzzles.
- Ang aksidenteng pag-ihi sa kama ay problema pa rin sa iyong anak. Takpan ng plastic sheets o protector ang kanyang kama kung kinakailangan. Para maiwasan na ang ganitong mga aksidente, ugaliing isama ang pagbabanyo sa inyong routine gabi-gabi bago kayo matulog.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
- Obserbahan ang inyong anak kung may mga developmental delays siya gaya ng hindi kayang tumakbo o umakyat nang maayos sa hagdanan. Komunsulta sa doktor upang mapalakas ang kanyang motor development.
Pagsulong ng Kamalayan
Mamamangha ka sa galing ng iyong anak sa pagkilala ng bawat kulay! Himukin din siyang pagbutihin ang kanyang kaalaman sa pagkilala sa bawat hugis! Gumuhit o gumawa ng mga masasayang sining na hindi lamang makakapagpalinang sa kanyang brain development, kundi magpapatibay din sa inyong ugnayan at komunikasyon bilang mag-ina o mag-ama.
Sa 32 buwan development nahihilig ang iyong anak sa mga lapis at krayons. Sa simula ay maaaring wala pang korte o porma ang kanyang mga iginuguhit. Ngunit kalaunan, mapapansin mo na ang ilang hugis o mga larawan sa mga ito.
Mga Tips:
- Puwede mong utusan ang iyong anak na tulungan kang maggupit ng mga papel sa tuwid na linya (siguraduhing pambatang gunting ang ipapagamit sa kanya!).
- Magbilang nang magbilang ng kahit na ano! at sanayin rin ang kanyang pagkabisa ng mga alpabeto sa pamamagitan ng mga kanta, laro o kahit mga visual aids.
- Pasiglahin ang brain development ng iyong anak sa pamamagitan ng mga sensory activities gaya ng paglalaro ng clay o pagkilala sa mga huni ng mga hayop.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
- Ang bawat bata ay magkakaiba pagdating sa pagkatuto kaya dapat mong alamin kung ano ang mas epektibong paraan para matuto ang iyong anak. Kung nahihirapan siya sa pagbibilang o pagkilala ng mga kulay at hugis, ipakonsulta siya sa kanyang pediatrician.
Isa sa mga kamangha-manghang milestone ng 32 buwan na bata ay ang kanyang kakayahan na masabi ang kaibahan ng mga kulay at hugis ng bawat bagay. Linangin ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat at patuloy na pakikipag-usap sa kanya. | Image courtesy: Dreamstime
Kakayahang Sosyal at Emosyonal
Sa 32 buwan development ng bata, mas gusto ng iyong lumalaking anak na maglaro mag-isa o makipaglaro sa ibang bata. Anuman ang gusto niyang uri ng laro, paunlarin ang kanyang diwa sa pakikipagtulungan at pakikipag-usap kahit na mas gusto niyang kalaro ang kanyang mommy at daddy sa ngayon.
Bagaman nagsisimula na siyang makipagkaibigan, may mga ilang pagkakataon na magiging tensyon ito. Maaaring makipagtalo siya sa ibang bata habang nagiging bossy sa kanila o kabaliktaran, na siya naman ang natatakot sa mga bossy na kalaro.
Mga Tips:
- Upang matulungan ang iyong anak sa yugtong ito, subukan siyang turuan ng mabuting asal at pakikiramay. Ipaliwanag sa kanya ang kahulugan ng pakikipagkaibigan.
- Maaaring matatakutin siya sa gabi, ngunit kapag nalaman na niya ang pagkakaiba ng totoo sa kathang-isip, magiging mas matapang na siya.
- Bukod sa pagpapaunlad ng kanyang fine motor skills, ang sining ay magiging daan din upang masukat ang emosyon ng iyong anak kaya hayaan siyang gawin ito nang hindi siya iniistorbo.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
- Huwag magpanic kung ang iyong anak ay nagpapakita ng pagiging balisa gaya ng pag-untog ng kanyang ulo. Kadalasan itong dala ng kanyang pagiging mausisa, at ito ang paraan niya upang masubukan ang kanyang limitasyon. Ngunit maging mapagmatiyag pa rin dahil kung madalas itong nangyayari, maaaring may nararamdamang sakit ang iyong anak na hindi niya masabi sa iyo.
- Tandaan rin kung ang iyong anak ay masyadong mahiyain o hindi tumitingin ng mata sa mata.
Development sa Pagsasalita
Sa panahong ito, ang iyong anak ay mas kumportable ng tawagin sa kanyang pangalan. Pamilyar na rin siya sa kasarian at paggamit ng mga pang-ukol – in, on, over – upang ipahiwatig ang lokasyon ng mga bagay. Ang iyong mausisang anak ay kaya ng umunawa at makisali sa kwentuhan.
Sumasabat na rin siya sa usapan o nang-iistorbo kapag ikaw ay abala ngunit paraan niya lamang ito upang kunin ang iyong atensyon.
Mga Tips:
Maghandog ng mga pagpipilian upang matulungan ang iyong anak na makuha ang kanyang pagkontrol sa isang bagay o sitwasyon. Kung siya man ay umiyak, ito ang kanyang paraan ng komunikasyon.
Himukin siyang sabihin ang kanyang nararamdaman. Kapag nangyari ito, subukang maging kalmado at huwag siya pagalitan o sundin at pamihasain.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
- Kung ang inyong anak ay nahihirapang bigkasin ang ilang salita o pantig, makabubuting komunsulta sa pediatrician o sa isang speech pathologist upang malaman kung ano ang mga makakapagpalinang ng kanyang communication skills.
- Kung masyadong tahimik at walang imik ang iyong anak kahit sa inyong pamilya at mga kaibigang kakilala niya, mabuting ipasuri siya sa doktor.
Kalusugan at Nutrisyon
Sa 32 buwan development ng bata, ang gana ng iyong anak sa pagkain ay kapantay na rin ng kanyang bilis sa paglaki. Kaya kung kumakain siya ng mabuti, mabilis din ang kanyang paglaki. Hainan ng iba’t-ibang uri ng masustansiyang pagkain ang iyong anak na may iba’t-ibang kulay at lasa upang lalo siyang ganahan sa pagkain.
Dapat siyang bigyan ng pagkain base sa apat na basic food group: karne (2 ounces), isda, manok, o itlog (1 piraso); gatas (kalahating tasa), keso (1 hiwa), at iba pang dairy products; prutas (1/3 tasa) at gulay (2-3 piraso), at tinapay (1 hiwa) patatas (1/3 tasa), kanin (1/3 tasa) o cereal (kalahating tasa)
Ang tipikal na taas ng mga batang nasa 32 buwan development ay nasa 86.4 cm hanggang 100.4 cm at may timbang na nasa 10.8 kgs hanggang 17.4 kgs.
Pagdating sa iskedyul ng bakuna, mabuting tanungin ang pediatrician ng iyong anak kung kailangan ang mga bakunang Hepatitis A series, Menigococcal, at pneumococcal (PPSV) base sa medical history at predisposisyon ng iyong anak.
Mga Tips:
- Mahalagang tandaan na ang sobrang pagpapakain sa ganitong edad ay maaaring magresulta sa obesity sa kalaunan kaya mabuting patnubayan ang dami ng pagkain ng iyong anak, maging ang nutrisyon nito.
- Pagdating naman sa pagtulog, maaari na silang ilipat mula sa kuna patungong kama. Ngunit maging mapagpasensya dahil siguradong maninibago kayo at maiistorbo ang inyong pagtulog.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
- Ipasuri agad sa pediatrician ang iyong anak kung siya ay masyadong magaan para sa kanyang edad o mabagal ang kanyang paglaki.
- Bagaman natural lamang na mahirapan ang iyong anak na matulog at manibago sa bagong higaan, ikonsulta sa doktor kung mapapansing sobrang clingy o hysterical ng iyong anak.
Higit sa lahat, huwag madaliin ang iyong anak. Bagaman kapana-panabik para sa mga magulang ang kanyang 32 buwan development ng bata, mahalagang malaman na ang bawat bata ay may kanya-kanyang panahon ng pag-unlad. Habaan ang pasensya at maging supportive dahil kailangan ito ng iyong anak!
Sana ay nasumpungan mong kapaki-pakinabang ang artikulong ito. Ano pa ang mga kayang gawin ng iyong anak na nasa 32 buwan development ng bata?
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
Sources: Maternal and Child Health Nursing Fourth Edition, Adele Pillitteri
Ang nakaraang buwan ng iyong anak: 31 buwan
Ang susunod na buwan ng iyong anak: 33 buwan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!