Sobrang likot ba ng iyong anak? Alamin rito kung ano ang ADHD at mga karaniwang senyales nito sa mga bata.
Alam natin na normal sa mga bata ang pagiging malikot, pati na rin ang pagliligalig paminsan-minsan. Subalit kung ang isang bata ay madalas na hindi mapakali at sobrang aktibo, hindi maiwasan ng isang magulang na mag-alala at isipin kung ang kaniya bang anak ay mayroong Attention Deficit Hyperactivity Disorder o ADHD.
Ating alamin mula kay Dr. Lim Boon Leng, isang psychiatrist sa Dr. BL Lim Centre for Psychological Wellness, Gleneagles Medical Centre Singapore, kung ano ang ADHD at mga karaniwang senyales nito sa mga bata.
title="Kailan puwedeng ma-diagnose?
">Kailan puwedeng ma-diagnose?
Ano ang ADHD: May gamot ba para rito?
Mga lifestyle change para mas mapabuti ang kondisyon
Pananaw ng isang guro
Ano ang ADHD para sa isang ina?
Ano ang ADHD sa mga bata?
Ang ADHD ang isa sa mga pinakakaraniwang behavioral disorder na mapapansin sa mga bata. Ang mga bata na may ganitong kondisyon ay mayroong tatlong pangunahing katangian – sobrang likot o hindi mapakali sa isang lugar, hirap na makontrol ang damdamin, at walang kakayahang mag-focus sa isang bagay o gawain.
Ayon kay Dr. Lim, hindi pa maipaliwanag ng science pero mas madaming batang lalaki na may ADHD kaysa sa batang babae.
Ang ADHD ay nakakaapekto sa mga bata at maaaring magpatuloy hanggang sa kanilang pagtanda
Sobrang likot ng bata. | Larawan mula sa iStock
Posibleng sanhi ng ADHD
Hindi pa rin masabi ang eksaktong dahilan ng ADHD sa mga bata ngunit may mga pag-aaral ang nag-uugnay sa pagkakaroon ng ADHD sa mga sumusunod na bagay:
- Chemical imbalance sa utak – ang mababang level ng activity sa ibang bahagi ng utak na may kinalaman sa attention ay maaring dahilan ng pagkakaroon ng ADHD.
- Genetics o namamana – 1 sa 4 na batang may ADHD ay namana ang kondisyong ito sa kaniyang magulang.
- Masamang bisyo habang nagbubuntis – mayroon ring mga pag-aaral na nag-uugnay sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng droga at hindi tamang nutrisyon sa panahon ng pagbubuntis sa pagkakaroon ng ADHD ng bata.
Salungat sa paniniwala ng iba, ang mga bakuna, sobrang panonood ng telebisyon at pagkonsumo ng asukal ng bata ay hindi nagiging sanhi ng ADHD.
Ano ang ADHD: Senyales na mayroon nito ang bata
Gaya ng naunang nabanggit, ang mga pangunahing sintomas ng ADHD sa bata ay ang kakulangan sa area ng self-regulation at attention. Kaya naman nahahati sa dalawang klase ang mga senyales ng ADHD – ang attention deficit at hyperactivity.
Kapag sinabing attention deficit, inilalarawan nito ang mga katangian ng bata kung saan hirap siyang magfocus o ibigay ang kaniyang atensyon sa isang bagay o gawain. Narito ang ilang sintomas na maaring mapansin sa ilalim ng attention deficit:
- Hirap makinig, sumunod sa mga utos at matapos ang mga nakatakdang gawain
- Makakalimutin
- Madalas makawala ng kaniyang mga gamit
- Madali ma-distract o magambala
- Madalas mag-daydream o lumilipad ang kaniyang isip
- Nakakagawa ng mga careless mistakes
- Umiiwas sa mga gawain na nangangailangan ng konsentrasyon
- Umiiwas sa mga gawain na mukhang boring
Ang term na Attention Deficit Disorder (ADD) ay isang tawag na nagpapakita ng mga sintomas sa domain na ito, subalit hindi pa ito maituturing na diagnosis. Ang formal diagnosis pa din ay ADHD.
Narito naman ang mga sintomas sa hyperactivity domain:
- Palaging tumatakbo at umaakyat sa iba’t ibang bagay
- Hindi mapakali kapag nakaupo
Ang mga batang may ADHD ay nagiging pabigla-bigla o mainipin din. Kadalasan ay hirap silang maghintay ng kanilang turn at sumingit habang nagsasalita ang ibang tao.
Subalit paiba-iba rin ang mga senyales ng ADHD depende sa edad ng bata. Sa mga batang nasa preschool age, narito ang ilang karagdagang senyales ng ADHD:
- Hindi nakakasunod sa direksyon
- Kumukuha ng mga bagay nang hindi nagpapaalam
- Kailangang paalalahanan na magdahan-dahan at makinig
- Hindi mapakali sa isang lugar kahit sinabihan nang pumirmi
Tandaan rin na may isang “confusing sign” ang ADHD, at ito ay kabaliktaran ng kawalan ng focus. Minsan naman, ang mga batang may ADHD ay mayroong “hyperfocus” o labis na pagkatutok ng atensyon sa isang bagay na nakakakuha ng interes nila.
Dahil dito, mahalagang kumonsulta sa isang espesyalista upang makumpirma kung mayroon talagang ADHD ang iyong anak.
Kailan puwedeng ma-diagnose?
Larawan mula sa Pexels
Dahil natural sa mga bata ang pagiging malikot at maligalig, at hindi pa rin sila nakakapag-focus nang maayos, magiging mahirap na masabi kung mayroon bang ADHD ang isang maliit na bata.
Habang ang mga sintomas ng ADHD ay maaaring maging prominente habang bata pa, maari lamang itong ma-diagnose sa mga batang may edad 4 at pataas.
Kung napapansin mo ang mga sintomas na nabanggit sa iyong anak na nasa edad 4 pataas, maaring kumonsulta sa isang developmental pediatrician upang mabigyan ng masusing pagsusuri ang bata.
Ano ang ADHD: May gamot ba para rito?
Ang ADHD ay isang cognitive at behavioral disorder kaya hindi agaran ang gamot dito. Depende sa mga sintomas at katangiang ipinapakita ng bata, maaring magkaroon ng doktor ng iba’t ibang treatment plan. Narito ang ilan sa kanila:
Sa ngayon, may 2 uri ng gamot na puwedeng gamitin para mabawasan ang sintomas ng ADHD sa mga bata – stimulants at norepinephrine uptake inhibitors. Nakakatulong ang mga gamot na ito para tumaas ang level ng neurotransmitters (chemical messengers) sa utak na tinatawag na dopamine at norepinephrine.
Depende rin ang gamot na gagamitin sa edad at mga sintomas na napapansin sa bata. Mahalaga na mai-adjust nang maayos ang dosage ng mga gamot na ito para maiwasan ang masasamang epekto ng gamot. Tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga posibleng epekto ng gamot sa iyong anak.
Ang mga batang may ADHD ay maaring sumailalim sa behavioral therapy o social skills training upang malaman nila kung ano ang mga dapat nilang gawin kapag nasa isang social situation. Maari ring makatulong ang counseling, lalo na kung mayroon pang ibang mental condition ang bata gaya ng anxiety disorder o depression.
Para naman sa mga magulang o ibang kapamilya, maari ring subukang sumailalim sa parent skills training upang malaman mo ang dapat gawin para matulungan ang iyong anak na may ADHD.
Mga lifestyle change para mas mapabuti ang kondisyon
Ayon kay Dr. Lim, hindi pa napapatunayan kung nakakatulong nga ang dietary changes para mas mapabuti ang kalagayan ng mga batang may ADHD.
Pero ang fish oil ay nagpakita ng pagbabago sa mga attention deficit symptoms at nakakabawas sa hyperactivity sa ibang pagkakataon.
Hinihikayat din ang mga magulang na gumamit ng positive parenting styles. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga boundaries at routines, paghikayat sa mga positive behaviour at pagkakaroon ng mga consequences para sa mga bad behavior.
Mahalaga rin ang communication style. Kinakailangan na kunin muna ng mga magulang ang atensyon ng kanilang anak bago ito kausapin, at hindi ito sigawan. Gumamit ng kakaunting salita dahil sa poor attention span ng mga batang may ADHD at mahihirapan sila na sumunod sa mga instructions.
Pananaw ng isang guro
Napansin ko na ang ADHD sa mga bata ay nagiging mas karaniwan na sa mga panahong ito. Halos sa kada klase, mayroon isa o dalawang bata na may ganitong kondisyon. Nakakalungkot na minsan, naniniwala sila na hindi sila magiging mabuting kaibigan at sila ay kakaiba.
Minsan pa, ang mga bata na high-performing bago ang formal diagnosis ay nag-give up na pagkatapos na sila ay na-diagnose ng ADHD.
Ang mas nakakalungkot pa ay kapag nagkukwento sila, sinasabi nila ang kanilang nararamdaman kapag hindi sila maintindihan ng ibang tao. Ang akala ng iba ay ginagamit nila ang kanilang kondisyon para sa kanilang bad behaviour. Madalas pa ay naikukumpara sila ng kanilang mga magulang sa ibang kapatid na wala namang ganitong kondisyon.
Nadudurog ang puso ko kapag naririnig ko na ang mga magulang ay pinagkukumpara ang kanilang mga anak. May ibang mga magulang na in denial din o ayaw tanggapin ang kondisyon ng kanilang anak, samantalang may iba na hindi talaga kayang ipagamot ang anak na may ADHD. Nakakalungkot.
Pero sa totoo lang, hindi naman talaga naiiba ang batang may ADHD. May mga bata pa nga na wala naman ADHD pero mas malala pa ang ipinapakita.
Bagamat totoo na maaring maka-apekto sa pag-aaral ng bata ang pagkakaroon ng ADHD, huwag natin kalimutan na maaari pa rin silang maging successful, sa tamang paggabay ng guro at mga magulang.
Ano ang ADHD para sa isang ina?
Larawan mula sa Pexels
Ang aking anak ay may ADHD at mahal na mahal ko siya. Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi ako nafu-frustrate. Sumisigaw rin ako at minsan ay mga nasasabi na pinagsisihan ko.
Alam ko na hindi niya ito kasalanan pero tao lang rin ako. Hindi madali magkaroon ng anak na may ADHD. Madalas akong makaramdam ng guilt kung kasalanan ko ba na mayroon siya nito.
Palagi rin akong nag-aalala kung paano siya nakaka-aadjust sa school, kung mayroon ba siyang mga kaibigan, o kung nabu-bully ba siya. Inaalala ko rin kung paano ang kaniyang kinabukasan.
May mga panahon na iniisip ko, sana hindi na lang ang anak ko ang nagkaroon ng ADHD. Pero para sa kaniyang ikabubuti, natutunan ko nang tanggapin ang kaniyang kondisyon at ginagawa ko ang lahat para maging maayos siya.
Huling paalala ni Dr. Lim, ang mga batang may ADHD ay walang pinagkaiba sa ibang mga medical problems. Ang mga batang may ADHD ay hindi tamad o matigas ang ulo. Kinakailangan ng mga magulang na maging pasensyoso sa pagtulong sa kanilang anak na ma-manage ang mga sintomas ng ADHD.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Ocampo
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!