Mommies, alam niyo ba kung ano ang halak ng baby? Siguro narinig niyo na ang salitang ito, o kaya ay may ideya kayo kung ano ito. Pero paano mo malalaman kung may halak si baby, at ano ang pwedeng solusyon dito?
Minsan, may mapapansin tayong kakaibang tunog mula kay baby na kasabay ng kaniyang paghinga. Mas kilala ito sa tawag na halak. Subalit ano ba talaga ang halak, at kailangan mo bang mabahala kapag may ganito ang iyong anak?
Ano ang halak?
Halak ng baby: Mga importanteng kaalaman tungkol dito | Image from iStock
Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology mula sa Makati Medical Center, ang halak ay tunog sa dibdib ng isang sanggol kapag may nakabarang plema o secretion sa kaniyang baga.
Subalit dito sa bansa, ginagamit ng mga magulang ang salitang “halak” upang ilarawan ang anumang kakaibang ingay na naririnig sa sanggol kapag siya ay humihinga. Ano ang halak at ano ang tunog ng halak ng baby?
“Halak is a general term, so kailangan mong linawin (sa magulang) kung anong ibig sabihin nila,” ani Dr. Gerolaga. “For lack of a better term in Filipino, hindi nila ma-describe kung ang halak ay more of wheezing or huni,” dagdag niya.
Bakit nagkakaroon nito ang baby?
Ayon kay Dr. Gerolaga, mahalagang alamin kung ano at saan nanggagaling ang halak sa bata para matukoy ang tamang lunas para rito.
Kailangang tanungin sa magulang kung saan ba nila naririnig ang tunog mula sa kanilang baby. “Depende sa tunog, depende kung saan nanggagaling partikular sa baga.” aniya.
Bakit may halak ang baby? Inilarawan ng doktora ang iba’t ibang klase ng tunog sa paghinga ng bata at kung ano ang mga posibleng sanhi nito.
Tunog ng halak ng baby
Kung ang tunog ay nanggagaling sa dibdib, na parang plemang hindi mailabas, maaring ito ang tunay na description na tinatawag ding gurgly chest.
Kapag sobra-sobra na ang gatas sa tiyan ng baby, maaaring ito ay lumabas sa tatlong butas. Una ay sa bibig, pangalawa ay sa ilong at pangatlo sa baga ng sanggol. Ito ang naririnig natin sa kanilang dibdib na kung tawagin ay halak.
“Karaniwan sa babies, ang halak ay napapakinggan kapag may nakabarang plema o secretion, o kaya kapag nasobrahan ng pagpapadede at hindi nakababa ng maayos ang gatas.” ani Dr. Gerolaga.
Kapag ang tunog naman ay parang hilik na parang nanggagaling sa lalamunan, maaaring ito ay sanhi ng viral infection gaya ng croup o tonsilitis.
Puwede rin namang dahil hindi pa gaanong developed ang lalamunan ng baby o kaya sanhi ng isang sakit na tinatawag na laryngomalacia.
Kung ang tunog naman ay parang huni o tinatawag na wheezing mula sa dibdib, maaaring ito ay dahil sa hika o asthma.
Gamot sa plema ng baby na ayaw lumabas
Halak ng baby: Mga importanteng kaalaman tungkol dito | Image from iStock
Ngayong may ideya ka na kung saan nanggagaling ang halak ng iyong anak, mas mabibigay mo na ang tamang lunas para rito. Ano nga ba ang mabisang gamot sa halak ng bata o plema ng baby?
Tandaan, maraming nabibili sa mga botika na gamot sa halak ng baby, pero dahil mayroong mga epekto ang pagbibigay ng cough syrup sa mga sanggol, dapat itong iwasan, maliban na lang kung mayroong payo at reseta mula sa doktor ng bata.
Paano matanggal ang halak ng baby? Ayon sa doktora, may iba’t ibang paraan at option para sa gamot sa halak ng bata, depende sa kung ano ang sanhi nito.
May halak pero walang ubo
Paano matanggal ang halak ng baby kung ang halak ng baby ay sanhi ng gatas na nababara sa lalamunan ni baby?
May halak si baby pero walang ubo? Narito ang ilang home remedy for halak sa baby.
- Importanteng padighayin si baby pagkatapos dumede.
- Ibahin ang posisyon ni baby kapag dumedede.
- Painumin ng maraming tubig si baby (kung lagpas na siya ng 6 na buwan).
- Patakan ng nasal drops ang ilong ni baby at higupin ang sipon gamit ang nasal aspirator.
- Puwede ring tulungan siya ilabas ang plema sa pamamagitan ng dahan-dahang pagtapik sa kaniyang likod nang naka-cup ang iyong mga kamay.
- Sa mga batang mahigit 2-taong gulang, maaaring magbigay ng decongestant kung barado ang ilong. Subalit tandaan na hindi dapat lumagpas ng limang araw ang pagbibigay nito.
Paalala ni Dr. Gerolaga, bukod sa home remedy for halak sa baby na mga ito, obserbahan din kung nahihirapan bang huminga ang sanggol.
“Tingnan kung hirap ba huminga yung baby – kung nangingitim ba ‘yong labi, kung mabilis ang paghinga.” aniya.
Mabisang gamot sa halak ng sanggol kung laryngomalacia
Karaniwan itong nawawala bago umabot ng 2-taong gulang ang bata. Subukang ibahin ang posisyon ng pagdede ni baby at padadapain siya pagkatapos. Makakatulong din kung nakaangat ang ulo o kaya naman nakadapa (kung kaya na) ang iyong anak kapag natutulog.
Paano mawala ang halak ng baby kung ang halak sa baby ay sanhi ng hika o asthma
Subukang gumamit ng humidifier para magkaroon ng moisture ang hangin sa kuwarto ni baby at lumuwag ang kaniyang paghinga. Depende rin sa payo ng kaniyang pediatrician, maaaring gumamit ng nebulizer o gamot para sa hika ng bata.
“Karaniwan, nawawala siya kaagad.” ani Dr. Gerolaga. “Pero kung hindi nawawala, kailangang kumonsulta sa doktor.”
Paano mawala ang halak ng baby: Kumonsulta sa doktor
Dalhin agad ang iyong anak sa doktor kapag ang halak sa baby ay sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- Ubo o sipon na hindi pa nawawala makalipas ang isang linggo
- Ubo o sipon sa mga batang 0-3 na buwan
- Mataas na lagnat
- Nahihirapan huminga
- Parang hinihika o may paghuni sa paghinga
- May dugo sa plema o sipon
- Namumutla
- Ayaw dumede o kumain
- Mga iba pang sintomas
Herbal na gamot sa plema ng baby na ayaw lumabas
Narito ang mabisang gamot sa halak ng sanggol na herbal at natural (ayon pa rin sa payo ng iyong doktor):
- Honey | Gamot sa plema ng baby na ayaw lumabas
Halak ng baby: Mga importanteng kaalaman tungkol dito | Image from Unsplash
Napag-alaman na mainam ito para mabawasan ang dalas ng pag-ubo ng bata, at dahil nababawasan ang pag-ubo at secretions ng mucus.
Paalala: Ito ay hindi nirerekomendang painumin sa batang nasa 2 taon gulang pababa dahil maaaring magdulot ito ng botulism
- Lagundi | Gamot sa plema ng baby na ayaw lumabas
Hanap mo ba ay gamot para sa plema na ayaw lumabas para sa baby? Isa ito sa pinakakilalang natural na gamot laban sa ubo. Ayon kay Dr. Gerolaga, may mga pag-aaral na nagsasabing nakakatulong ito para mapalambot ang plema sa baga.
“Sinasabi na pinaluluwag nito ang daluyan ng hangin sa baga.” aniya.
Ang dahong ito ay may antibacterial properties at isa ring expectorant kaya nakakatulong na mailabas ang plema dulot ng ubo. Puwedeng pakuluan ang dahon ng oregano bilang gamot sa halak ni baby at inumin ang pinagkuluan na parang tsaa.
Madalas pinapakuluan ang luya at ginagawang salabat o minumumog para gumaling ang sakit ng lalamunan. Maaari ring inumin ang tsaa para bumaba ang lagnat ng isang tao. Ilaga lang ang luya at pagkatapos ay lagyan ng honey o kalamansi at ipainom na ito sa bata.
Paalala sa gamot sa plema ng baby na ayaw lumabas
Paalala ni Dr. Gerolaga, ang mga natural na gamot na ito ay pinag-aaralan pa, kaya tanungin muna sa iyong doktor bago ipainom sa batang may halak. Nakadepende rin kasi ang tamang paggamot sa sanhi ng halak ng iyong anak.
Sa panahon ngayon, inaasahan ang mga magulang na maging mas alerto at mapagmatyag sa ating mga anak. Makakatulong ito para mabigyan agad ng lunas ang sakit ng bata habang hindi pa ito lumalala.
Kapag mayroon kang narinig o napansing kakaiba mula sa iyong anak, huwag mahiyang tumawag sa kaniyang pediatrician.
Delikado ba ang halak ng baby?
Ang halak ay maaaring sanhi ng bacteria o isang virus. Karamihan nito ay viral at kusang nawawala ng walang kinakailangang gamot.
Tanging tubig at sapat na likido, breastfeeding, malinis at maaliwalas na katawan at paligid, at maginhawang pagtulog lamang ang kailangan.
Mayroon din namang mga halak sa bata na bacterial at kinakailangan ng mabisang gamot sa halak ng sanggol.
Delikado ba ang halak ng baby? Upang malamang kung ito ay isang bacterial o viral infection, kinakailangang kumonsulta nang agaran sa iyong doktor upang ma-examine nang mabuti ang iyong anak. Iwasan ang pagse-self medicate na walang konsultasyon sa doktor.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Margaux Dolores
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!