Bakit dinudugo ang buntis? Totoo bang nagbabawas ng dugo ‘pag buntis?
Ilan lamang ito sa madalas na itinatanong o pinag-aalala ng mga babaeng nagdadalang-tao. Sagot ng isang OB-Gynecologist maraming posibleng maging dahilan nito na maaaring palatandaan na ang pagdadalang-tao ay nasa peligro.
Talaan ng Nilalaman
Totoo bang nagbabawas ng dugo kapag buntis?
Ayon kay Dr. Ramon Reyles, isang OB-Gynecologist at Chairperson ng Department of OB-Gynecology ng Makati Medical Center, hindi dapat binabalewala ang kahit anumang spotting o bleeding na nararanasan ng buntis. Ito’y sintomas na agad na dapat ipinapaalam sa kaniyang doktor.
Sapagkat madalas, palatandaan ito na maaaring malagay sa peligro ang pagdadalang-tao. Hindi totoong ang spotting o bleeding na nararanasan ng buntis ay pagbabawas lang ng kaniyang dugo. Pahayag ni Dr. Reyles,
“May kasabihan minsan na nagbabawas lang ng dugo o implantation bleeding. Any kind of bleeding, don’t interpret it as normal.
Interpret it as abnormal and go to your doctor. Any amount ng dugo masama. Spotting o ‘yong nagmamantsa lang sa undergarments o sa sanitary napkin or heavy bleeding na tumatagos sa dress—both are bad.”
Woman photo created by freepik – www.freepik.com
Bakit dinudugo ang buntis?
Ano nga ba ang dahilan bakit dinudugo ang buntis? Ayon pa rin kay Dr. Reyles, maraming posibleng dahilan kung bakit dinudugo ang buntis. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
Threatened abortion sa unang trimester ng pagbubuntis
Ang isa sa posibleng dahilan ng pagdurugo sa pagbubuntis lalo na sa unang trimester, ayon kay Dr. Reyles ay ang tinatawag na threatened abortion. Sa kondisyong ito, namimiligro ang pagbubuntis o maaaring mauwi sa miscarriage.
“If you have cramps o parang dysmenorrhea like pain sa puson early in pregnancy that is considered threatened abortion o namimiligrong pagbubuntis. Lalo na kung mayroong bleeding.”
Dagdag pa niya, maraming posibleng dahilan kung bakit nararanasan ito ng isang babae sa early stage ng pagbubuntis. Ngunit kung hindi ito dahil sa chromosomal abnormalities, abnormalities sa loob ng matris o walang sakit ang babaeng nagbubuntis, maaaring ito’y dahil mahina ang kapit ng fetus. Pahayag ni Dr. Reyles,
“Mayroon kasing tinatawag na mahina ang kapit o ‘yong lining hindi ganooon ka-receptive sa implanting pregnancy.”
Ayon pa kay Dr. Reyles, iniiwasang mauwi ito sa miscarriage sa pamamagitan ng mga ilang measures tulad ng pagbibigay ng pampakapit.
“Pampakapit is what we call progesterone which is produced by the ovary. Ito ‘yong nagpapaganda ng lining ng matris para sa magandang kondisyon ng implanted pregnancies.
Puwede itong ibigay oral mayroon ding infectible. We also put the woman in bed rest. Kasi nga ayaw nating matagtag yung matris at mag-contract.
Then we advised lots of water to prevent the brain from secreting oxytocin na natural na pampahilab ng matris.”
Woman photo created by torwaiphoto – www.freepik.com
Premature labor sa huling trimester ng pagbubuntis
Kung ang spotting o bleeding naman umano ayon Dr. Reyles ay nangyari sa 3rd trimester na ng pagbubuntis maaring palatandaan na ito ng premature labor na dulot ng iba’t ibang kondisyon.
“From 7 months onward, the last 3 months of pregnancy, any amount of bleeding should be as a bad sign that something is wrong. Puwedeng premature labor or may catastrophic na mangyayari like heavy bleeding.”
Placenta previa o placenta abruption
Isa sa sinasabing dahilan nito ay ang kondisyon ng kung tawagin ay placenta previa kung saan nauuna ang inunan sa baby na maaaring mauwi sa placenta abruption o ang paghihiwalay ng inunan sa nagde-develop na sanggol.
Ito ang paliwanag ni Dr. Reyles kung paano ito nangyayari at ano ang nagdudulot nito,
“May kondisyon tayo na kung tawagin ay placenta previa na kung saan nauuna ‘yong inunan sa baby. Nakatakip sa pintuan ng cervix sa loob. Kapag bumukas ‘yong cervix may catastrophic bleeding or abruption o ‘yong tinatawag na humiwalay yung inunan. Usually, nangyayari ito kasabay ng highblood.”
Urinary tract infection
Isa rin sa posible pang dahilan kung bakit dinudugo ang buntis ayon kay Dr. Reyles ay maaaring sanhi ito ng urinary tract infection o UTI. Lalo na kung ang dugo ay makikita sa ihi ng buntis.
“’Yong bleeding mismo if galing sa ihi, one you should consider urinary tract infection. Kapag may balisawsaw obviously symptoms ‘yon.
‘Yong pantog kasi, ‘yong bladder kapag na-infect nagkakaroon ng bleeding that can be seen through a bloody urine.”
“Ngayon naman kung galing naman sa kidney ‘yon makikita ‘yon sa microscopic examination ng ihi na tinatawag na urinalysis.
Kapag mayroong nakalagay dun na more than 2, maraming red blood cells ibig sabihin may hematuria. At iyan ay nanggaling sa upper urinary tract na palatandaan na may diperensya ‘yong kidney.”
Pero paliwanag pa ni Dr. Reyles, masasabing ang pagdurugo ay dulot ng UTI kung ang dugo ay makikita sa mismong ihi o kung ito ay mapula.
Ngunit kung ang dugo ay makikita pagkatapos umihi maaaring ito’y dahil sa cervix at may kaugnayan sa pagbubuntis. Isa pang posibleng dahilan nito’y ang tinatawag na bloody show.
Baby photo created by drobotdean – www.freepik.com
Bloody show
Ang bloody show nama’y ang pagdurugo na palatandaan na malapit ng manganak ang isang buntis. Ngunit hindi tulad ng mga naunang kondisyon na maaring magdulot ng spotting at bleeding sa pagdadalang-tao, ang dugo na inilalabas na tinatawag na bloody show ay malagkit. Paliwanag ni Dr. Reyles:
“Kumpara sa bloody show lalo na kung near term, ‘yong bleeding noon (placenta previa at abruption) is not much actually malagkit o mucus tinged with blood. ‘Yung mucus tinged with blood iyon ‘yung bloody show na tinatawag.”
Dagdag pa nito,
“Kasi ‘yong cervix mayroong mucus plug sa loob it prevents na entry of harmful contaminants from the vagina from getting into the uterus. Ngayong nagpo-produce ‘yon ng maraming mucus na palabas ng palabas, protection ‘yon from the inside. “But when the cervix dilates, ‘yong mucus plug doon lalabas. And usually it is tinged with blood, ayun ‘yong tinatawag na bloody show.”
Ayon kay Dok,
“Kapag ganoon ibig sabihin dilated ‘yong cervix. Whether you are termed or preterm, punta agad sa ospital kasi open na ‘yong cervix mo kapag may bloody show.”
Sa kabuuan, ayon pa rin kay Dr. Reyles, anumang stage ng pagbubuntis, mahina man o malakas, sa oras na nakaranas ng bleeding o spotting ang isang buntis ay dapat na siyang magpunta sa doktor.
Upang maagapan pa ang kaniyang kondisyon at maiwasan pa ang malalang maaaring mangyari na ikakapahamak ng buntis at kaniyang dinadalang sanggol.
Bakit dinudugo ang buntis pagkatapos makipagtalik?
Isa sa mga dahilan naman kung bakit dinudugo ang buntis pagkatapos makipagtalik ay maaaring dahil sa rough sex ito. Ayon naman sa Healthline, ang pagkakaroon ng light red na spotting matapos makipagtalik ay isang normal na response lamang ng iyong cervix. Lalo na kung ito’y nangyari sa unang mga buwan ng iyong pagbububuntis.
Ang cervix kapag buntis ang isang babae ay sensitibo, kaya naman kaunting penetration o pagkakaroon ng penetration ay nagkakaroon ito ng bruise o pasa, na maaari rin magdulot ng pagdurugo. Subalit kadalasan ay hindi naman dapat ito ikabahala.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.