Noong 2008 nagkaroon ng malawakang recall ng mga gatas sa China matapos matagpuan ang melamine—ginagamit sa pag gawa ng plastic at fertilizer—sa mga ito. May anim na bata ang namatay dahil dito at 300,000 pa na nagkasakit. Ngayon naman isang malaking eskandalo pumutok dahil sa mga depektibong bakuna galing China. Ang malala, naibigay na ito sa 250,000 na katao, kabilang na ang mga bata!
Depektibong bakuna
Inanunsyo kamakailan ng China Food and Drug Administration (CFDA) na nilabag ng Changchun Changsheng Biotechnology—isa sa pinakamalaking kumpanya na gumagawa ng bakuna sa China—ang standards ng kalidad ng gamot at pineke ang records para sa ginagawa nilang bakuna para sa rabis.
Mahigit na 250,000 depektibong bakuna ang naibenta na sa probinsya ng Shendong sa China. Naalarma ang mga awtoridad dahil ang mga bakunang iyon ay maaaring gamitin ng mga bata mula three months old! Ang mas nakakabahala ay ang pag-anunsyo ng CFDA na hindi ito ang unang insidente na nasangkot ang kumpanya ng gamot.
Mayroon nang naging kaso ang Changchun Changsheng Biotechnology ng paglabag sa pagbebenta ng depektibong bakuna noon. Ayon sa mga awtoridad, depektibo din daw ang bakuna na ginawa ng kumpanya laban sa diphtheria, pertussis, and tetanus (DPT)—isa sa mga bakuna na kinakailangang ibigay sa mga newborn.
Aksyon ng gobyerno ng China
Madaliang ipinatigil ng mga awtoridad ang produksyon ng bakuna ng naturing na kumpanya na base sa Jilin province. Itinigil na rin ang pagbebenta ng mga depektibong mga gamot. Mula nang pumutok ang balita, inatake ng mga hackers ang website ng kumpanya. Bumagsak din ang presyo ng stocks nito.
Kahit na humingi na ng tawad ang kumpanya para sa pangyayari, marami pa ring mamamayan na humihiling ng mas mabigat na parusa para sa pamunuan ng kumpanya. Anila, pinagkakitaan ng kumpanya ang mga walang muwang na mga biktima nang walang pagsasaalang alang sa kapakanan ng mga ito.
Wala pang mga ulat sa naging epekto ng mga depektibong bakuna galing China. Wala pa ring ulat sa naunang mga depektibong DPT vaccines—kung ilan ang nabigyan nito at kung ano ang magiging epekto nito sa kalusugan ng mga bata.
Galit na mga magulang
Dahil sa balitang ito, labis ang galit ng mga magulang. Daing nila, pagdating sa mga produkto para sa mga bata, dapat maging priyoridad ng mga kumpanya ang kaligtasan at kalusugan ng mga bata. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari.
Tanong ng isang Chinese netizen: “Paano ko palalakihin na healthy ang anak ko kung walang kasiguruhan na ligtas ang mga binibigay kong bakuna o gatas?”
Paano kung patuloy ang mga ganitong panloloko ng mga kumpanya? Paano pa magtitiwala ang mga magulang sa kalidad ng mga produkto, katulad ng bakuna at gatas, na dapat ay ipinapalagay na safe at healthy para sa mga bata? Nagsisilbi lamang itong bala para sa mga anti-vaccine advocates para paigtingin ang kanilang paniniwala na masama ang mga bakuna.
Dagdag pa ng isang magulang na dapat bitayin ang mga may kagagawan ng pangyayaring ito dahil ang paglalagay sa panganib ng kalusugan ng mga bata ay krimen na dapat hindi patawarin.
Tanong pa ng karamihan: sa China lang ba ito naipamahagi o pati sa ibang mga bansa? Paano kung ginagawa rin ito ng mga ibang kumpanya?
Paalala
Totoo ang takot na nararamdaman ng mga magulang dahil sa eskandalong ito. Ngunit hindi sana ito maging hadlang upang hindi protektahan ang mga bata laban sa sakit. Malimit na pinapaalalahanan ng World Health Organization (WHO) ang benepisyo ng pagbabakuna. Ayon dito, hindi lamang prinoprotektahan ang iyong anak laban sa mga sakit, naiiwasan din ang paglaganap ng mga sakit sa ibang mga bata.
May malaking responsibilidad ang mga gumagawa ng mga gamot na siguruhing safe at effective ang mga produkto nito—mas lalo na’t kalusugan ng kabataan ang pinag-uusapan. Wala ng mas importante pa kaysa ang kanilang kaligtasan.
Tandaan: dahil wala pang datos kung naipamahagi na ang mga depektibong bakuna sa ibang mga bansa, ibayong pag-iingat ang kinakailangan. Alamin sa inyong pedia kung saan galing ang gamot at kung safe ba ito.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Candice Venturanza
https://sg.theasianparent.com/china-vaccine-scandal
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!