Pwede ba ang Buscopan sa preggy moms? Alamin rito ang epekto ng Buscopan sa buntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Para saan ang Buscopan?
- Buscopan para sa sakit sa tiyan ng buntis – pwede ba?
- Epekto ng Buscopan sa buntis
Buscopan, saan gamot?
Napakaraming pagbabago ang nararanasan ng ating katawan kapag tayo ay nagbubuntis. Isa na rito ang pagbabago sa ating pagkain. Kung dati ay pwede tayong magpakabusog nang husto, maparami lang ng kaunti ang kainin ng buntis ay pwede nang humilab ang kaniyang tiyan. Gayundin, mas madalas tayong makaranas ng gas o kabag, o di kaya ang acid reflux. Isa sa mga posibleng epekto nito ay ang pananakit ng tiyan.
Bago mabuntis, kapag nakakaranas ng pananakit ng tiyan, pwede kang uminom agad ng gamot para maibsan ang sintomas na ito. At isa sa mga kilalang gamot na nakakatulong gamutin ang paghilab ng tiyan ay ang Buscopan.
Saan gamot ang Buscopan?
Ayon sa website nito, ang Buscopan ay isang antispasmodic medicine na nakakatulong para maibsan ang pananakit o paghilab ng tiyan. Ito ay nagtataglay ng active ingredient na kung tawagin ay hyoscine butylbromide na nakakatulong para ma-relax ang muscle sa tiyan partikular na ang mga tubular organs ng ating gastrointestinal tract.
Tinatamaan lang nito ang bahagi ng tiyan, kaya naman pwede mo itong inumin sa oras na makaranas ng pananakit ng tiyan. Ang kagandahan nito, wala itong gaanong matinding side effects.
Dito sa Pilipinas, mayroong tatlong klase ng Buscopan na mabibili sa mga botika: ang original na Buscopan, Buscopan Venus, at Buscopan Plus.
Para saan ang Buscopan Venus?
Buscopan Venus, para saan?
Ang Buscopan Venus ay ginawa para sa mga kababaihan na nakakaranas ng pananakit at paghilab ng tiyan dahil sa menstrual cramps o dysmenorrha.
Para saan ang Buscopan Plus?
Samantala, ang Buscopan Plus naman ay ang mas matinding bersyon ng original na Buscopan at para ito sa mga nakakaranas ng matinding paghilab ng tiyan. Sinasabi na doble ang bisa nito kumpara sa nauna.
Gaya ng nabanggit, isa ang Buscopan sa mga kilalang gamot pagdating sa sakit ng tiyan. Pero ligtas ba itong inumin ng mga buntis? Ano nga ba ang epekto ng gamot na ito sa mga babaeng nagdadalang-tao?
Epekto ng Buscopan sa buntis
-
Pinapabilis umano nito ang pagle-labor ng isang buntis
Sa isang pag-aaral na inilathala sa Therapeutics and Clinical Risk Management Journal, ang pag-inom ng Buscopan ng buntis ay nakakatulong sa pagpapalambot o pagbuka ng cervix para sa mabilis na paglelabor.
Ang pag-aaral ay pinangunahan ng mga researchers na sina Nourah H Al Qahtani at Fatma Al Hajeri. Sila ay parehong nagmula sa College of Medicine ng King Fahad University Hospital sa Saudi Arabia.
Base sa kanilang pag-aaral, natuklasan nilang ang hyoscine butylbromide ay nakakatulong sa pagpapaikli ng first stage ng labor ng isang buntis na manganganak na. Ayon sa kanila, wala silang nakitang naging masamang epekto ng pag-inom nito sa buntis at sa sanggol na ipinanganak nito.
Ito ay kanilang natuklasan matapos suriin ang data ng 97 na babaeng nanganak na binigyan ng placebo at hyoscine butylbromide sa unang stage ng kanilang pagle-labor. Ang mga babaeng ito ay primigravid term pregnant woman o first time palang na nagdalang-tao.
“HBB is effective in significantly reducing the duration of the first stage of labor, and is not associated with any apparent adverse maternal or neonatal outcomes.”
Ito ang naging kongklusyon ng kanilang ginawang pag-aaral.
-
Maari umano itong magdulot ng preterm labor at miscarriage sa pagbubuntis
Ganito rin ang natuklasan ng isang pang pag-aaral na nailathala naman sa Indian Journal of Medical Sciences. Bagamat sa pag-aaral na ito, ang hyoscine butylbromide ay binigay sa pamamagitan ng intravenous fluid.
“Intravenous Hyoscine N-Butyl Bromide causes pain relief of up to 36% and shortens the duration of active phase without any untoward short term fetal or maternal effects.” Ito ang naging kongklusyon ng ginawang pag-aaral.
Dahil sa napatunayang epekto nito, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom nito ng mga buntis na hindi pa inaasahang manganak. Mataas ang tiyansa umano nitong magdulot ng preterm labor o miscarriage sa pagbubuntis.
Bagamat base sa isang guideline na nailatlahala sa website na BUMPS o best use of medicines in pregnancy, wala pang pag-aaral ang nakapagpatunay ng epekto ng buscopan sa buntis na ito.
“No studies have investigated the likelihood of miscarriage, stillbirth, preterm birth, or low infant birth weight following use of hyoscine in pregnancy.
Additionally, no studies of learning and behavior in children exposed in the womb to hyoscine have been carried out. Ongoing research into all of these outcomes is ideally required.”
BASAHIN:
11 na halamang gamot at home remedies para sa sakit ng tiyan
#AskDok: Paghilab ng tiyan ng buntis, bakit ito nangyayari?
12 home remedies sa pananakit ng puson
Paalala sa buntis: Makipag-usap muna o kumonsulta sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot
Kung nakakaramdam ng pananakit ng tiyan habang buntis, mas mabuting makipag-usap muna sa kaniyang doktor bago uminom ng kahit ano mang gamot. Dahil ito ang mas nakakaalam sa kaniyang kondisyon at makapagsasabi ng kung anong treatment ang makakabuti sa kaniya.
“If are taking any medicines while pregnant you can discuss this with your doctor. You can then decide together whether ongoing treatment is appropriate, and, if so, your doctor will ensure that you are taking the most effective dose.”
Pero mahalagang isaisip umano ng bawat buntis na ang body at internal organs ng isang baby ay nabubuo sa unang 12 linggo ng pagbubuntis. Kaya naman sa mga panahong ito ay makabubuti kung iiwas muna sa kahit anong gamot o medication. Lalo na ang mga napatunayang nagdudulot ng birth defects sa isang sanggol.
“A baby’s body and most internal organs are formed during the first 12 weeks of pregnancy. It is mainly during this time that some medicines are known to cause birth defects.”
“Scientific evidence from a small number of studies does not show that taking hyoscine during early pregnancy increases the chance of having a baby with a birth defect. However, larger studies are ideally required to confirm this.”
Ito ang dagdag na pahayag pa ng health website.
Hindi inirerekumenda ang Buscopan sa mga babaeng nagdadalang-tao
Samantala, base naman sa mismong package leaflet ng Buscopan, nakasaad dito na hindi dapat ito inumin ng babaeng nagbubuntis, may balak magbuntis at nagpapasuso. Bagamat walang idinetalye na epekto nito, mas mabuti umanong magpakonsulta muna sa doktor kung iinom o gagamit nito.
Maliban sa nabanggit, hindi rin daw dapat basta uminom ng Buscopan ang sinumang nakakakaranas ng sumusunod:
- May mabilis na heart rate o sakit sa puso
- May problema sa thyroid o may overactive na thyroid gland
- Hirap umihi tulad ng mga lalaking may prostate problems
- May constipation o lagnat
Ito rin umano ay maaring magdulot ng sumusunod na side effects:
- Allergic reaction tulad ng rashes, pangangati at pamumula ng balat
- Severe allergic reaction tulad ng hirap sa paghinga at pagkahilo
- Pamumula ng mata o pansamantalang kawalan ng paningin
- Panunuyo ng labi at bibig
- Mabilis na tibok ng puso
- Hirap sa pag-ihi
Gamot sa sakit sa tiyan ng buntis
Dahil sa paniniwalang ang Buscopan at Buscopan Venus ay maaring magdulot ng miscarriage, pinapayuhan na ang mga buntis na huwag na munang uminom nito, lalo na kung walang pahintulot ng kaniyang doktor.
Sa halip, maaring subukan ang ilang home remedies upang maibsan ang sintomas ng pananakit ng tiyan:
- Pagpapalit ng posisyon ng paghiga o pagtulog
- Pag-inom ng maraming tubig
- Pagligo ng maligamgam na tubig
- Kumain ng small, frequent meals sa halip na magpakabusog nang husto. Dagdagan rin ng fiber ang iyong diet para madaling mabusog at maging maganda ang iyong digestion.
- Pwedeng mag-ehersisyo o stretching, depende sa payo ng iyong doktor.
- Pag-iwas sa mga pagkain at inuming makakapagdulot ng gas at acid reflux.
Kailan dapat tumawag sa doktor?
Habang ang pananakit o paghilab ng tiyan ay maaring dahil sa gas, acid reflux o paglaki ng tiyan ng buntis, may mga sitwasyon na dulot ito ng komplikasyon sa pagbubuntis at kailangan ng agarang medikal na atensyon. Huwag mag-atubiling pumunta sa doktor kapag ang pananakit ng tiyan ay sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- lagnat o panginginig
- vaginal bleeding o spotting
- madalas na paghilab at paninigas ng tiyan o pagkakaroon ng contractions
- pagkahilo at pagsusuka
- pananakit ng ulo at parang wala sa sarili
- sakit pagkatapos umihi
Kung nakakaramdam rin ng matinding pananakit ng tiyan, huwag nang mag-atubili at tumawag na sa iyong OB-Gynecologist.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
NBCI, PMC, MIMS, Drugs.com, Medicines Org UK, BUMPS
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!