Hindi maiiwasan ang pananakit ng tiyan. Minsan kasi ay mga nakakain tayo na hindi gusto ng ating sikmura. Pero sa ilang pagkakataon naman kung labis-labis o palaging nanakit ang tiyan, baka may mga sakit na pala tayo. Alamin dito ang mga gamot sa sakit ng tiyan home remedy na maaaring makatulong sa iyo.
Talaan ng Nilalaman
Pananakit ng tiyan
Mayroong mga tao na kahit nakakaranas na sila ng sakit ay hindi umiinom ng gamot o pumupunta sa doktor dahil pakiramdam nila ay kaya pa nila itong tiisin at kusa lang naman itong mawawala.
Subalit kung masakit ang iyong tiyan, mahalagang alam mo rin kung kailan mo ba pwedeng indahin lang ito, kailan pwedeng sumubok ng natural na gamot at kailan dapat pumunta na sa doktor?
Kaya naman inilista namin ang ilang posibleng dahilan ng masakit na tiyan at mga mabisang gamot sa sakit ng tiyan home remedy na maaari mong subukan.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Andrea Piacquadio
Sakit ng tiyan at mga posibleng sanhi nito
Ang pananakit ng tiyan ay isa sa mga karaniwang sintomas ng napakaraming sakit, mapa-impeksyon man ito o matinding karamdaman.
Depende sa mga iba pang sintomas na kasama ng pananakit ng tiyan, iba-iba ang posibleng sanhi ng sakit ng tiyan. Kadalasan, ito ay dahil sa infection, abnormal growth sa isang bahagi ng katawan, pamamaga o pagbabara ng intestines.
Kapag mayroong impeksyon sa lalamunan, posibleng makapasok ang bacteria sa ating digestive tract kaya magdudulot din ng pananakit ng tiyan. Sa mga kababaihan, posible ring ito ay dahil sa menstrual cramps o kasama ng pananakit ng puson.
Ang iba pang karaniwang sanhi ng sakit ng tiyan ay ang mga sumusunod:
- constipation
- diarrhea
- gastroenteritis (stomach flu)
- acid reflux (kapag ang laman ng tiyan ay bumabalik sa esophagus, na nagdudulot ng heartburn at kabag)
- pagsusuka
- stress
Kapag mayroon ring sakit o karamdaman sa digestive system, nagsasanhi rin ito ng pananakit ng tiyan. Ilan sa mga ito ay:
- gastroesophageal reflux disease (GERD)
- irritable bowel syndrome o spastic colon (nagdudulot ng sakit ng tiyan at pagbabago ng bowel movements)
- Crohn’s disease
- lactose intolerance (kung saan walang kakayahan ang tiyan na tumunaw ng lactos, ang sugar na natatagpuan sa gatas at iba pang dairy products)
Ito naman ang karaniwang sanhi ng matitinding sakit ng tiyan:
- organ rupture o near-rupture (tulad ng pagputok ng appendix o appendicitis)
- gallbladder stones (mas kilala sa tawag na gallstones)
- kidney stones
- kidney infection
Larawan mula sa Pexels kuha Cotton Bro Studio
Komplikasyon na maaaring dulot ng sakit ng tiyan
Ang matinding sakit ng tiyan ay inuugnay sa maraming harmful na komplikasyon. Katulad na lamang ng iyong eating habits at psychological distress.
Halimbawa, ang mga taong may irritable bowel syndrome ay mataas ang tiyansa na mag-develop ng mood disorders katulad ng depression at anxiety.
Dagdag pa rito, may mga underlying conditions ang nararanasan ng mga taong may sakit ng tiyan. Katulad ng pagkakaroon ng impeksyon sa loob ng kaniyang digestive system, cancer, at inflammatory bowel disease.
Upang mabawasan ang kumplikasyon, mahalagang magpakonsulta sa doktor lalo na kung labis-labis ang sakit ng tiyan at pabalik-balik ito. Ganoon din kapag nakaranas ka ng ibang sintomas katulad ng lagnat, dugo sa iyong dumi, biglang pagbaba ng timabng, at visible swelling.
Gamot sa sakit ng tiyan home remedy
Kung ang sanhi ng iyong sakit ng tiyan ay infection at hindi naman matindi ang pananakit ng iyong nararamdaman, maaari kang sumubok ng mga paraan para maibsan ang pananakit. May mga gamot sa sakit ng tiyan home remedy na maaari mong subukan. Malay mo, baka nasa loob lang ng inyong bahay o bakuran ang gamot na makakatulong sa sakit na nararamdaman mo.
Narito ang ilang mabisang gamot sa sakit ng tiyan home remedy o halamang gamot na pwede mong subukan para sa sakit ng tiyan.
Mabisang gamot sa sakit ng tiyan
Gamot sa sakit ng tiyan at pagsusuka home remedy: Tubig
Kailangan ng katawan ng tubig para matunaw at ma-absorb nang maayos ang mga sustansya mula sa pagkain. Kapag ang isang tao ay dehydrated, nahihirapang ang katawan na ma-digest ang pagkain at posibleng magkaroon ng pananakit ng tiyan.
Kapag nakaramdam ka na masakit ang iyong tiyan, mas mabuting uminom ng maraming tubig para matulungan ang iyong digestive tract. Ang pagsusuka at pagtatae ay maaaring magdulot ng dehydration, kaya dapat siguruhin na uminom ng maraming tubig kapag nakakaramdam ng ganitong sintomas.
Gamot sa sakit ng tiyan at pagsusuka home remedy: Luya
Napakaraming gamit ng halamang gamot na ito. Maituturing itong gamot sa sakit ng tiyan na herbal. Bukod sa gamot sa pagkahilo at ubo, mabisa rin ang luya na gamot sa masakit ang tiyan.
Mayroon kasi itong anti-inflammatory properties na nakakatulong sa pamamaga ng mga bahagi ng katawan na nagdudulot ng pananakit ng tiyan.
Maaari itong ihalo sa sabaw o mga ulam, pero pwede rin namang gawing tsaa o salabat para maibsan ang pananakit ng tiyan.
Larawan mula sa Pexels kuha Angele J
Chamomile tea
Isa sa mga mabisang gamot sa masakit ang tiyan na herbal ay ang Chamomile tea. Gaya ng luya, ang chamomile tea ay mayroon anti-inflammatory properties na nakakatulong para ma-relax ang ating tiyan at mawala ang cramps o muscle spasms. Bagama’t bihirang makakita ng halamang gamot na ito, marami namang mabibiling uri ng chamomile tea sa mga supermarket.
Gamot sa sakit ng tiyan at pagsusuka home remedy: BRAT diet
Kadalasan, kapag masakit ang ating tiyan, wala tayong ganang kumain dahil ayaw nating sumakit pa lalo ito. Pero ang diet na ito ang nirerekomenda sa mga taong nagsusuka, nagtatae at masakit ang tiyan. Ito ay binubuo ng:
- Banana o saging
- Rice o kanin
- Applesauce o pinakuluan at dinurog na mansanas, at
- Toast o tinapay
Mababa sa fiber at walang gaanong lasa ang mga pagkain na ito kaya banayad ito sa digestive tract, lalo na sa mga taong nakakaranas ng pananakit ng tiyan.
Gamot sa sakit ng tiyan home remedy: Peppermint
Ang menthol na component ng peppermint ay isang natural analgesic o pain reliever kaya nakakatulong itong maibsan ang pananakit ng tiyan.
Pwede mong subukang nguyain ang malinis na dahon nito, o kaya ay uminom ng peppermint tea o kumain ng peppermint candy.
Apple Cider Vinegar
Kung kaya ng iyong sikmura (at panlasa) humigop ng isang kutsara ng apple cider vinegar. Kung hindi naman, pwede itong ihalo sa isang tasang tubig at isang kutsarita ng honey, at inumin ito na parang tsaa.
Ang mga acid kasi sa sukang ito ay nakakatulong para mabawasan ang starch sa ating tiyan at mapanatiling malusog ang ating gut at intestines.
Warm compress
Nakakatulong ang init para gumalaw ang air bubbles sa ating tiyan na maaring magdulot ng kabag o indigestion. Mabisa rin ito para marelax ang mga muscles sa tiyan at mawala ang cramps.
Pwedeng magbabad ng tuwalya sa mainit na tubig at saka ito ipatong sa tiyan, o pwede rin namang maligo ng mainit o maligamgam na tubig para maibsan ang pananakit ng tiyan.
Siguruhin lang na huwag masyadong mainit at huwag itong ilagay sa tiyan ng masyadong matagal para hindi magkaroon ng sugat sa iyong balat.
Gamot sa sakit ng tiyan home remedy: Lemon juice at baking soda
May mga pag-aaral na nagsasabing ang paghahalo ng lemon juice sa kaunting baking soda ay maaaring makatulong para mawala ang sakit sa tiyan.
Ang mixture na ito ay gumagawa ng carbonic acid, na nakakatulong na mabawasan ang kabag at indigestion. Pwede rin nitong mapaganda ang liver secretion at paggana ng ating mga bituka.
Subukan ang home remedy na ito sa pamamagitan ng paghalo ng 1 kusarang lemon o lime juice, 1 kutsaritang baking soda, at 8 ounces ng tubig.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Pixabay
Gamot sa sakit ng tiyan home remedy: Cinnamon
Ang cinnamon ay nagtataglay ng mga antioxidants na tumutulong sa digestion at mabawasan ang pagkairita ng digestive tract.
Nakakatulong din itong mabawasan ang bloating at cramps. Nakokontrol rin nito ang acid sa ating tiyan para maiwasan ang heartburn at indigestion.
Pwedeng ihalo ang isang kutsaritang cinnamon powder sa iyong pagkain, o kaya naman sa mainit na tubig parang tsaa.
Halamang gamot sa sakit ng tiyan: Basil
Ang basil ay isang mabisang halamang gamot sa sakit ng tiyan dahil mayroon itong anti-inflammatory properties na nakakatulong laban sa bloating at cramps.
Gaya ng cinnamon, pwede ring ihalo ang mga dahon ng basil sa iyong mga pagkain, o kaya naman pakuluin ang mga dahon nito at inumin ang pinagkuluan ng parang tsaa.
Gamot sa masakit ang tiyan: Buko juice
Ang sabaw ng buko ay mayroong mataas na levels ng potassium at magnesium. Ang mga nutrients na ito ay nakakatulong na mabawasan ang pananakit, muscle spasms at cramps sa iyong sikmura. Mainam rin ito para manatiling hydrated ang isang taong may diarrhea.
Uminom ng 2 baso ng buko juice o coconut water bawat 4-6 oras para mabawasan ang sakit ng tiyan.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Thunyarat Klaiklang
Paano maiiwasan ang pananakit ng tiyan?
Ang unang-unang kailangan gawin ay magpatingin sa doktor patungkol sa pananakit ng iyong tiyan. Sa pamamagitan nito, malalaman kung mayroon ka bang underlying medical condition.
Halimbawa, kung ikaw ay may hyper acidity o kaya naman allergy sa ilang mga pagkain kaya sumasakit ang iyong tiyan. Kung alam mo ito, maiiwasan mong kumain nito at maiiwasan mo rin ang pananakit ng iyong tiyan.
Isa pa sa mga paraan para hindi sumakit ang tiyan ay magkaroon ng balanseng diet at huwag kakain nang sobra-sobra. Kapag sobrang busog kasi ay may tendency na sumakit ang tiyan. Huwag ring pigilan ang pagdumi.
Kumain ng maraming fiber na pagkain katulad ng pechay, kangkong, talbos ng kamote at iba pa.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Cotton Bro Studio
Kailan dapat pumunta sa doktor kapag masakit ang tiyan?
Kadalasan, ang pananakit ng tiyan ay maaring epekto lang ng indigestion at hindi naman dapat ikabahala. Para sa iba, maaaring mawala nang kusa ang sakit pagkalipas ng ilang oras, o kaya naman bumuti agad ang pakiramdam sa tulong ng mga halamang gamot.
Subalit para sa mga bata, mas mabuting kumonsulta agad sa kanilang pediatrician kung ang sakit ng tiyan ay sinasamahan ng pagsusuka at pagtatae, upang maiwasan ang dehydration.
May mga kaso rin na ang pananakit ng tiyan ay senyales ng mas malubhang sakit at nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Kung matindi o pabalik-balik ang pananakit ng tiyan, dapat ay kumonsulta na sa doktor para malaman ang sanhi nito. Gayundin, huwag mag-atubiling pumunta sa doktor kapag ang sakit ng tiyan ay sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- tuluy-tuloy na pagsusuka at pagtatae
- hirap sa pagdumi
- lagnat
- may dugo sa suka o dumi
- nahihirapang umutot
- nahihilo
- pananakit ng mga braso
- biglaan at hindi sinasadyang pagbaba ng timbang
- may bukol sa tiyan
- nahihirapang lumunok
- may history ng iron-deficiency anemia
- nakakaramdam ng sakit kapag umiihi
Tandaan, huwag magpapainom ng anumang gamot sa mga bata nang walang payo ng kanilang doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!