#AskDok: Paghilab ng tiyan ng buntis, bakit ito nangyayari?

lead image

Contraction o paghilab ng tiyan ng buntis, dapat nga bang pangambahan? Alamin ang sagot nina dok tungkol dito.

Paano nga ba mailalarawan ang paghilab ng tiyan ng buntis? Lalo na kung may iba’t ibang uri ng pananakit ng tiyang maaari at mas prone na maranasan ng mga buntis gawa ng iba’t ibang factors na dulot ng kanilang pregnancy.

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Paghilab ng tiyan ng buntis

Sa mga mommy na nagdadalang-tao, isa sa mga kadalasang ikinababahala ang pananakit ng tiyan sa takot na baka mayroon nang masamang nangyayari kay baby sa loob ng kanilang tiyan. Madalas pa nga, ang pananakit ng tiyan ay tinutukoy agad nilang paghilab, na nagdudulot ng sobrang pagpa-panic at lalong pagka-stress dahil sa hindi maipaliwanag na pag-aalala.

Ayon sa pagbabahagi ni Dr. Maria Carla Esquivias-Chua, aktibong Ob/Gyn consultant mula sa Capitol Medical Center, mahalagang naiku-quantify nang maayos ng pasyenteng buntis ang hilab na kaniyang naranasan (o nararanasan) at ang edad ng bata sa loob ng kaniyang sinapupunan.

“Halimbawa kase, may tinatawag kaming true labor. Iyon ‘yung contraction ng tiyan na talagang humihilab na, may regular interval, at saka medyo moderate to strong ang paghilab, enough to open the cervix—iyon ang true labor. Pero usually, nangyayari ang true labor sa last trimester ng pregnancy, kapag kabuwanan na. So, pag nag-complain ng hilab or ng contraction ang buntis before mag-37 weeks ,or before dumating ang kabuwanan, ‘yun ang iniimbestigahan kung baka Braxton-Hicks lang o false labor,” pahayag ni Dr. Esquivias-Chua.

Gayundin, ayon naman kay Dr. Kristen Cruz-Canlas ng Metropolitan Medical Center, maaaring matukoy ang paghilab ng tiyan kapag nakararanas ng regular na pakiramdam na “naninigas ang buong tiyan—maaaring kasingtigas ng ating noo, tumatagal ng 30-60 segundo, may regular interval, tumatagos hanggang likod ang sakit, parang nadudumi, pagbigat ng puson o ng tiyan, paglalabas ng tubig mula sa puwerta, o mayroong bahid ng dugo.”

Preterm labor kung tawagin ang anumang paghilab ng tiyan ng buntis na mararanasan sa buong panahong bago pa tumuntong ng 37 weeks. Puwede itong mauwi sa preterm birth o iyong napapaagang panganganak ng buntis. Pero kung mangyari ito bago pa man tumuntong ng 20 weeks ang bata sa loob ng tiyan ni mommy, malaki ang posibilidad ng abortion.

Mga posibleng dahilan ng paghilab ng tiyan ng buntis

Ayon kay Dr. Esquivias-Chua, malaking factor ang pagod na nararanasan ng isang buntis upang magkaroon ng paninigas-nigas ang kaniyang tiyan. Ang pagod ay maaaring triggered ng matinding physical activities na patuloy na ginagawa ng isang buntis, halimbawa na ang pagbubuhat ng mabibigat o pag-e-exercise, at maging ang mentally exhaustive activities na nagdudulot ng stress hindi lamang kay mommy kundi, pati na kay baby. Dahil sa stress, nagkakaroon ng mga unpatterned na paggalaw at reaksyon si baby sa loob ng sinapupunan, dahilan para magkaroon ng manaka-nakang paghilab ng tiyan ang ina.

Maaari ring isaalang-alang ang kaso ng high risk pregnancy sa mga ina para maging sanhi ng pana-panahong pagkaranas ng paghilab ng tiyan. Ilan ang diabetes at hypertension sa mga kabilang dito.

Bukod pa roon, ibinahagi ni Dr. Cruz-Canlas ang sumusunod na kondisyon at gawaing maaaring nakaaapekto sa baby sa loob at nagdudulot ng paghilab ng tiyan ng buntis.

 

  • Impeksyon
  • Multifetal gestation
  • Paninigarilyo
  • Depression
  • Interpregnancy interval
  • Dati nang nakaranas ng preterm birth
  • Edad
  • Obesity
  • Acute gastroenteritis
  • Unwanted pregnancy

Kailan ito nagiging mapanganib?

Kahit sinasabing normal sa mga buntis ang may paninigas ng tiyan, pananakit, o paghilab paminsan-minsan, hindi maiiwasang mabahala ng sinomang ina para sa kaniyang anak sa mga ganitong pagkakataon. Paano nga ba natin malalaman kung mapanganib sa mag0ina ang nararanasang paghilab ng tiyan? Ano-ano ang maaari at pangunahing dapat gawin sa oras na dumating ang ganitong delikadong sitwasyon?

Payo ni Dr. Cruz-Canlas, kung may pattern ang paghilab ng tiyak at nagaganap nang kada 2-3 minuto, tumatagal ng halos isang minute, at matigas ang buong tiyan, hindi na ito dapat ipagsawalang bahala.

“Pwede pong magresulta ito sa preterm birth. Tinatayang 75% kasi ng preterm birth ay preventable kung mabibigyan kaagad ng atensyong medical,” ang ayon kay Dr. Cruz-Canlas.

Ganito rin ang tinutukoy ni Dr. Esquivias-Chua; na kung ang paghilab ng tiyan ay may kaakibat na pagbubukas ng cervix ng babae, maaari itong mauwi sa panganganak ng babae.

“Pag nanganak nang premature, ang lungs ng baby na premature ay hindi pa fully developed. So pag ganun, delikado. Puwedeng ma-incubate pa nang matagal ang baby or 'yung iba, hindi talaga mabubuhay pagka ipinanganak nang premature.”

Mga dapat gawin kapag may paghilab ng tiyan ang buntis

Mahalagang matukoy ng isang pasyenteng buntis kung kailan normal pa ang paghilab ng tiyan, at kailan nakababahala na, dahilan para humingi ng atensyong medikal. Siyempre, dahil hindi lahat ng mga buntis ay maalam sa mga sintomas ng mapanganib nang paghilab ng tiyan, may mga simpleng bagay na ating ilalahad sa bahaging ito na maaaring magsilbing gabay ng ating preggy mom out there.

Ang sabi ng doktor

Ayon kay Dr. Esquivias-Chua, kung ang buntis ay nakararanas ng paghilab ng tiyan matapos ang mabibigat na physical activities, o stressful na gawain tulad ng pagtatrabaho, pagkabalisa, maraming iniisip, at labis na pagkaemosyonal, maaaring ipahinga ang katawan at obserbahan ang nangyayaring paghilab. Paliwanag niya, malaking factor para magkaroon ng contraction ang tiyan ang pagod at stress, at ang ganitong short-term contraction ang kanilang tinatawag na Braxton-Hicks contraction.

Maaari ring mag-cause ng paghilab kung ang baby sa loob ng tiyan ay sobrang aktibo at magalaw. Basta’t maging alerto sa haba ng panahong nakararanas ng paghilab, at kung may regular nang interval sa nangyayaring paghilab. Kung hindi man, walang dapat na ikabahala.

Ngunit dahil hindi maiiwasang ma-overwhelm ang nanay sa nararanasang paghilab, mataranta, at mawala sa alertong obserbahan ang sarili, maaari naman itong ikonsulta sa attendinig Ob/Gyn. Isa-isang ilahad sa Ob ang inyong mga nararanasan. Kung ito ay napapadalas at nagisismulang magkaroon ng pattern, ngunit nangyayari lamang sa loob ng maikling minuto o segundo, ipaalam lamang sa doktor ang mga detalye.

Sabi pa ni Dr. Esquivias-Chua, kung hindi kayang i-quantify ng pasyenteng buntis kung nagle-labor ito o Braxton-Hicks lang, inire-request ang pagsailalim nito sa CPG o cardiotocography. May aparatong idinidikit sa tiyan ng mommy para masuri kung nagkakaroon talaga ng seryosong paghilab ang tiyan.

“At the same time, we have to do internal examination. Kakapain natin 'yung puwerta para matingnan kung 'yung cervix, o 'yung puwesto ng matres, kung nag-o-open ito. Kase dapat sarado pa 'yun pag di pa kabuwanan. So, pag nag-open na ito, baka nga nagpe-premature labor ang pasyente. So, pagka ganun, pag nagpe-premature labor, aba, a-admit-in naming. Bibigyan namin ng gamot para maampat 'yung pagpe-premature labor,” paglalahad ni Dr. Esquivias-Chua.

Aniya, dekikado ang preterm labor dahil maaaring manganak ang pasyenteng buntis anumang oras dahil maaaring kasabay ng paghilab ang unti-unting pagbuka ng cervix. Hindi ito mabuti para sa baby dahil hindi pa fully developed, aniya, ang baga (lungs) ng premature baby. Maaaring ma-incubate ang baby nang matagal na panahon  kaya ay tuluyan itong mamatay.

Ano ang mga posibleng solusyon?

Para maiwasan ang ganitong mga pangyayari, binibigyan ng gamot ang buntis na nakararanas ng seryosong paghilab ng tiyan nang hindi pa niya kabuwanan, halimbawa na ang uterine reluctant tablet. Anti-contraction ito na tumutulong ma-relax ang matres ng mommy. Kung hindi tumigil ang paghilab sa sa loob ng 24 oras, sa kabila ng pag-inom ng tablet 3x a day, ayon kay dok ay kailangang i-admit ang pasyente at suweruhan.

Bukod sa suwero pararaanin ang uterine reluctant na gamot, maaari silang mag-inject ng steroids sa ina para tumulong sa pagma-mature ng lungs ni baby sa loob. Mahalaga umano ito para kahit papaano ay maihanda ang lungs ng bata sakaling hindi na makontrol ang hilab ng tiyan at mauwi sa maagang panganganak ng inang nagbubuntis.  Isa pa, nakabubuti ito para tumaas ang survival rate ng premature baby oras na makalabas na ito mula sa puwerta ng ina.

Sa huli, mahalaga ang pagiging maliksi ng isip at pananatiling kalmado ng isang inang nagbubuntis kung nakararanas ng paghilab-hilab ng tiyan. Hindi ito madali, ngunit tiyak na kayang-kayang gawin ng ating moms-to-be. I-take note ang dalas at haba ng panahong nararanasan ang paghilab, gayundin ang klase ng sakit na idinudulot nito sa katawan. Ang pananatiling kalmado ay makatutulong upang hindi makaragdag ng stress kay baby sa loob ng tiyan. Habang kung fully conscious ang ina sa kaniyang mga nararanasan, mas madali niyang maisasangguni ito sa kinauukulan, gaya ng attending Ob, kung talagang kinakailangan.

Basahin: STUDY: Baby na nasa tiyan ni mommy, mataas ang tiyansang magka-asthma paglaki kapag naninigarilyo si daddy

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Written by

anaisabel

app info
get app banner