Narito ang mga pagbabago sa katawan o mga nararamdaman kapag buntis ang isang babae at ang mga maaring gawin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga health complaints na madalas na nararamdaman kapag buntis ang isang babae.
- Mga maaring gawin para malunasan ang mga health complaints na ito.
Health complaints na madalas na nararamdaman kapag buntis ang isang babae
Sa oras na magbuntis ang isang babae, maraming pagbabago sa katawan siyang nararamdaman. Madalas nga sa mga ito ay kaniyang irereklamo dahil sa ito ay nagdudulot ng discomfort sa kaniyang katawan.
Magkaganoon man, palatandaan ito na nasa unang stage na siya ng pagdadalang-tao at makalipas ang ilang buwan ay makikita niya na ang pinakahihintay niyang magdadagdag sigla at kulay sa kaniyang mundo.
Narito ang mga health complaints na madalas na nararamdaman kapag buntis ang isang babae at ang mga dapat gawin upang maibsan ang discomfort na dulot nito.
1. Pamamaga o pananakit ng suso.
Isa sa mga unang palatantaan o earliest signs of pregnancy ang pananakit ng suso. Ito ay na-tritrigger ng hormonal changes sa katawan at paghahanda rin sa milk ducts ng isang ina para mapasuso ang kaniyang sanggol kapag ito ay naipanganak na.
Ang maaaring gawin para maibsan ang pananakit na ito ay ang pagsusuot ng bra na sakto o maluwag sa suso. Makakatulong din ang paggamit ng support bra para sa dagdag na comfort para sa iyo.
2. Pagiging antukin.
Mga nararamdaman kapag buntis/ People photo created by kroshka__nastya – www.freepik.com
Kapag buntis ang isang babae, isa ito sa mga sintomas na madalas niyang mapapansin. Ito ay dahil hindi tulad noong una, siya ay labis na magiging antukin kahit sa mga oras na dati ay napakataas ng energy niya.
Ayon sa OB-Gynecologist na si Dr. Rona Lapitan ng Makati Medical Center, walang paraan para mapigilan ng buntis ang pagiging antukin niya.
Ngunit malaking bagay ang magagawa ng pag-idlip o pagpapahinga para matulungan ang katawan niyang dumadaan sa malaking pagbabago dulot ng pagdadalang-tao.
3. Labis na pagkapagod o extreme fatigue.
Kasabay ng pagiging antukin, mapapansin rin ng isang buntis na siya ay laging pagod na pagod sa hindi niya malamang dahilan. Paliwanag ng mga eksperto ito ay dahil nagtratrabaho ang iyong katawan bawat segundo upang mapangalagaan ang buhay sa loob ng tiyan mo. Epekto rin ito ng hormonal changes na dulot ng pagbubuntis.
Ang tanging paraan lang para masolusyonan ito ay ang pagpapahinga. Mahalaga rin na maidlip ang isang buntis hangga’t maaari. Bagama’t dapat niyang iwasang gawin ito sa hapon sapagkat maaaring makaapekto na ito sa pagtulog niya ng mahimbing sa gabi.
4. Constipation o pananakit ng tiyan.
Sanhi pa rin sa hormonal changes sa katawan, nakakaranas rin ng constipation o hirap sa pagdumi ang isang buntis. Ito ay dahil sa tumataas na level ng hormone na progesterone sa kaniyang katawan; na nagpapabagal ng muscle contractions sa kaniyang tiyan. Mas nagiging malala pa nga ito sa oras na umiinom na ng iron o prenatal vitamin ang isang buntis.
Para malunasan ito, makakatulong ang pagkain ng fiber-rich foods at pag-inom ng extra fluid ng buntis. Ganoon din ang paggawa ng mga physical activity na makakatulong para mag-contract ang muscles niya sa tiyan.
Pero kung labis na itong nagdudulot ng discomfort sa ‘yo, may mga laxatives o stool softeners na maaaring ireseta ang doktor na ligtas sa pagdadalang-tao.
5. Kawalan ng energy.
Dahil laging pagod at antukin ay nagpapakita rin ng kawalan ng energy ang buntis sa mga bagay noon na active siyang ginagawa. Bagama’t may mga vitamins o supplements na tinatawag na energy boosters.
Paliwanag ni Dr. Lapitan hindi nagbibigay ng guarantee ang mga ito na magbabalik ang dating sigla o energy ng buntis. Narito ang payo niyang maari mong gawin para laging gising ang diwa mo.
“It’s no guarantee that if you take those vitamins that would really lift up your energy. I just tell my patients to do some activities. Just walk or to change from one position to another,” sabi ni Dr. Lapitan.
6. Nausea at pagkahilo.
Mga nararamdaman kapag buntis/ Business photo created by jcomp – www.freepik.com
Unang palatandaan din ng pagbubuntis ang nausea at pagkahilo. Ito ang pagsasalarawan ni Dr. Lapitan sa mga sintomas ng pagbubuntis na ito at ang maaring gawin para maibsan ang discomfort na dulot nito.
“Nausea is different from pagkahilo. When you say nauseous para kang nasusuka pero walang aktwal na lumalabas, saliva lang. Pagkahilo is iyong dizziness that sometimes lead to headache.”
“Kapag nausea we only advise them to take ice chips na parang kinekendi mo or any hard candy can do.”
Ito ang payo ni Dr. Lapitan.
BASAHIN:
8 signs na maaaring maging maselan ang pagbubuntis mo
Mental Health ng buntis: Bakit dapat umiwas sa stress ni Mommy?
Pananakit ng puson habang buntis: Mga dapat mong malaman
7. Morning sickness.
Ang mga naunang sintomas ng pagbubuntis ay madalas ding tinatawag na morning sickness. Paliwanag ni Dr. Lapitan, ito ay resulta o reaksyon ng katawan sa hormone changes na dulot ng pagdadalang-tao. Bagama’t hindi lahat ng mga babae ang sinasabing nakakaranas nito.
Ang morning sickness ay maaari ring maranasan anumang oras sa isang araw. Bagama’t mas malala lang ang nausea o pagduduwal na dulot nito sa umaga.
Payo ng mga eksperto, ang pagkain ng biscuit 20 minutes bago tumayo ng kama sa umaga ay makakatulong para maibsan ang discomfort na dulot nito. Para naman kay Dr. Lapitan, ito ang iba pang hakbang na maari mong gawin para ma-lessen ang tiyansa ng morning sickness sayo.
“You decrease your fatty food intake or have small frequent feedings. If you feel that you are already nauseous, you stop. And then maybe after two hours, try to it again.”
Ito ang pahayag ni Dr. Lapitan. Paalala rin niya kung ang nausea ay labis na nakakaapekto sa pagkain o pag-inom ng tubig ng isang buntis, ito ay palatandaan na dapat ng magpunta sa doktor.
Sapagkat maaaring palatandaan ito ng hyperemesis gravidarum o extreme morning sickness na kailangan ng kaukulang medikal na atensyon.
8. Pregnancy acne.
Epekto pa rin ng hormonal changes ang pagkakaroon ng acne breakout o tigyawat ng buntis. Bagama’t may mga treatment procedures na makakatulong para malunasan ito, payo ni Dr. Lapitan magpakonsulta sa iyong doktor bago ito gawin. Ito ay para makasigurado na safe ito sa pagdadalang-tao.
Para maiwasan ang pregnancy acne, dapat ay gumamit lang ng mild soaps ang buntis sa paglilinis ng mukha. Dapat din ay iwasan na muna ang mga produkto tulad ng facial scrubs, astringents at face masks na maaaring makapagpalala pa nito.
9. Extra sensitive skin.
Mas nagiging sensitive rin ang balat ng maraming babae kapag nagbubuntis. Kahit ang maliit na kagat na lamok o langgam ay maaring mamantal o mamula agad.
Payo ni Dr. Lapitan, gumamit ng mga lotion na may soothing effects para maibsan ang pamamaga o pananakit sa balat. At hangga’t maari ay huwag kakamutin ang apektadong bahagi ng balat.
“You should avoid scratching it. Kasi if you scratch it there might be a wound that will aggravate the problem and you’ll have bacterial infection.” Ito ang paliwanag ni Dr. Lapitan kung bakit.
10. UTI o urinary tract infection.
Mga nararamdaman kapag buntis/ Food photo created by jcomp – www.freepik.com
Isa pang pagbabago sa katawan na mararanasan ng buntis ay ang maya-mayang pag-ihi. Bagama’t ito ay normal na reaksyon ng kaniyang katawan dahil sa nababanat ang kaniyang uterus para palagian ng kaniyang sanggol, maaring ito ay palatandaan narin na nakakaranas ng UTI o urinary tract infection ang buntis.
Paliwanag ni Dr. Lapitan, nararanasan ito ng buntis, una dahil sa malapit ang vagina sa rectum na tinitirhan ng bacteria. Dagdag pa ang pregnancy hormones na mas nakakapagpalala pa ng kondisyon.
Ayon parin kay Dr. Lapitan, ito ang mga sintomas ng UTI na maaring maranasan ng buntis na palatandaan na siya ay dapat ng magpunta sa doktor. Ito ay upang maiwasan ang maaaring maging epekto nito sa kaniyang pagdadalang-tao.
Pahayag ni Dr. Lapitan,
“Gastric pain or pain sa puson or sometimes iyong iba pain sa likod or difficulty in urination or dibbling of urine or urinary frequency.
Iyong kakaihi mo lang babalik ka naman kasi iyong amount ng urine na inilalabas mo pa-unti-unti lang. And also change in the color of the year sometimes tea-colored o soda colored urine.”
Para maiwasan ang UTI ng buntis, mahalaga ang tamang paghuhugas ng ari na magmumula dapat sa harap patalikod. Makakatulong rin ang madalas na pag-inom ng tubig at pagtigil sa pag-inom ng kape.
11. Food cravings o paglilihi.
Ayon sa mga pag-aaral, higit sa 60% ng mga buntis ang nakakaranas ng food cravings o paglilihi. Ito ay ang biglang paghingi o pagnanais ng buntis na kumain ng mga pagkaing dati naman ay hindi niya hilig o gustong kainin kahit sa mga oras na alanganin.
Maliban sa paglilihi, ayon kay Dr. Lapitan, may mga pagkain ding aayawan ang buntis. Kahit nga minsan ang amoy ng pagkaing ito ay maari ng ikasama ng pakiramdam niya.
“Aside from craving from food they also have this distaste for food iyong tipong maamoy lang nila sasabihin na ay ayoko niyan. Pero dati naman na totolerate niya yung amoy na yun prior to pregnancy,” sabi pa ni Dr. Lapitan.
Pahayag ng mga eksperto, ayos lang naman na pagbigyan ang hiling na pagkain ng buntis. Basta siguraduhin lang na ito ay healthy at nagtataglay ng low-calories.
12. Discharge.
Ang mga babaeng buntis ay makakakita rin ng pagbabago sa kaniyang vaginal discharge. Mapapansin niya ang manipis at milky white na discharge lalo sa mga unang buwan ng pagbubuntis.
Para maging komportable ay nangangailangang magsuot ng panty liner ang buntis. Pero dapat bantayan ng buntis ang vaginal discharge na lumalabas sa kaniya.
Kung ito ay mabaho, kulay berde o dilaw o masyadong marami ang clear discharge na lumalabas mabuting ipaalam ito agad sa iyong doktor.
13. Heartburn.
Isa pang madalas na nararanasan ng babaeng buntis sa unang trimester ay ang heartburn. Dulot ito ng pagluwag ng mga muscles na pumipigil sana sa acids sa tiyan na umakyat sa lalamunan.
Ayon kay Dr. Lapitan, ang buntis na nakakaranas ng heartburn ay makakaramdam ng pananakit sa upper part ng tiyan. Para maiwasan ito ay narito ang maaring gawing ng buntis.
- Kumain ng paunti-unti.
- Huwag agad hihiga matapos kumain.
- Iwasan ang mga mamantika, maanghang at maacid na pagkain tulad ng mga citrus fruits.
- Bahagyang itaas ang una kapag natutulog.
14. Mood swings.
Dulot parin hormonal changes, ang isang buntis ay nakakaranas ring ng mood swings. Mapapansin nalang na mula sa pagiging masaya ay bigla nalang lulungkot o magiging masungit ang buntis.
Ang mga tagpong ito sa pagbubuntis ay hindi maiiwasan. Bagamat napaka-laking tulong ng suporta mula sa mga taong nakapaligid sa buntis para mas maging magaan o less stressful ang pagdadalang-tao niya.
Source:
Healthline, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!