Ikaw ba ay buntis at nakakaranas ng sakit tulad ng ubo, sipon, pananakit ng katawan, allergy at iba pa. Ngunit kung ikaw ay nangangamba sa posibleng maging epekto nito sa iyo at sa iyong baby? Alamin kung ano ang mga bawal na gamot sa iyo kapag buntis.
Hindi maiiwasan ang pagkakasakit kahit pa ikaw ay nagdadalang tao. Karamihan sa mga ina o magiging ina ay alam na ang mga dapat iwasan. Tulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, paggamit ng droga, at iba pa.
Ngunit may mga gamot na bawal sa buntis o hindi pinapahintulutang inumin. Sapagkat maaari itong magdulot ng hindi magandang epekto sa kalusugan mo at ng iyong supling.
Upang masiguro ang kaligtasan mo at ng bata sa iyong sinapupunan. Dapat mong malaman ang mga gamot na bawal o maaaring magdulot ng masamang epekto saiyong pagbubuntis.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang bawal na gamot sa buntis?
Bago magbigay ng preskripsyon ng gamot ang mga doktor ay babalansehin muna nila kung ang peligro ba ng pag-inom mo ng gamot ay mas mataas kaysa sa peligro ng hindi pag gamot sa kasalukuyang sakit na iyong nadarama.
Kung ikaw at ang iyong baby ay haharap sa higit na problema o mga komplikasyon sa hindi pag-inom ng gamot. Iyon pa lamang ang panahon na rerekumendahin kang uminom ng gamot.
Upang masiguro ang kaligtasan mo at ng iyong supling. Narito ang ilang mga bawal na gamot sa buntis at mga pwedeng inumin kung bibigyan ka ng preskripsyon ng iyong doktor o OB.
7 gamot na bawal inumin ng buntis
Ano ang mga bawal na gamot sa buntis? Dahil ang pagbubuntis ng mga mommies ay isang maselang bagay, nagiging maingat din ang karamihan sa kung ano ang pwede at bawal na gamot lalo na kung buntis. Narito ang 7 bawal na gamot sa buntis:
1. Chloramphenicol
Kabilang sa mga pinagbabawal na gamot sa mga buntis ay ang Chloramphenicol. Ito ay isang uri ng antibiotic na binibigay sa pamamagitan ng injection.
Kung ikaw ay buntis, maaari itong magdulot ng komplikasyon sa iyong dugo o humantong sa gray baby syndrome o GREY. Lubhang delikado ito para sa mga sanggol. Pwede ring maging sanhi ito ng kanilang pagkamatay.
2. Fluoroquinolones
Ang gamot na ito ay maaaring magdulot ng pagdurugo at mataas na tiyansa ng pagkalaglag ng bata.
3. Warfarin (Coumadin)
Ito ay isang blood thinner na ginagamit upang maiwasan ang pamumuo ng dugo, na maaaring makasama sa iyo at sa iyong baby.
4. Clonazepam Klonopin
Dapat ring iwasan dahil ginagamit ito sa panggagamot ng anxiety and panic attack. Ang mga gamot na ito ay maaring magdulot ng komplikasyon sa panganganak. Kabilang rin ang Aspirin, ilang mga herbs, minerals, amino acids, and regular vitamins sa mga bawal inumin.
5. Pain reliever (Ibuprofen Advil, Motrin)
Ang pag inom ng mataas na dosage ng pain reliever (Ibuprofen Advil, Motrin) ay maaari ring magdulot ng komplikasyon gaya ng pagbaba ng amniotic fluid, hemorrhaging, at fetal kernicterus, isang uri ng sakit sa utak.
Samantala, ang iilang eksperto ay sumasang ayon sa pag-inom ng maliit na dosage ng ibuprofen. Kung ikaw ay nasa unang mga buwan pa lamang ng pagbubuntis.
Mahalagang iwasan na ito sa ikatlong trimester ng iyong pagbubuntis. Sapagkat maaari na itong magdulot ng komplikasyon sa puso sa iyong supling.
6. Codeine
Isang uri ito ng pain reliever, pwede rin itong maging gamot sa ubo na minsan ay inirerekumenda sa preskripsyon ng mga doktor. Kapag nakasanayan mo ang pag-inom nito ay maaari itong magdulot ng komplikasyon sa panganganak.
May mga gamot na nakakapagpataas ng tiyansa ng komplikasyon sa pagbubuntis. Ngunit minsan, ang paghinto sa pag-inom ng gamot (tulad ng gamot sa pagkontrol ng seizures) ay mas nagdudulot ng malaking komplikasyon.
Pagkonsulta sa doktor o saiyong OB ang pinakamaiging paraan upang makasiguro.
7. Iba pang mga gamot na nagpapataas ng tiyansa ng komplikasyon sa panganganak:
- Bismuth subsalicylate ( Pepto-Bismol).
- Phenylephrine o pseudoephedrine at decongestants. (Iwasan sa unang trimester ng pagbubuntis)
- Gamot sa sipon at ubo na nagtataglay ng guaifenesin. (Iwasan sa unang trimester ng pagbubuntis)
- Gamot sa acne na nagtataglay ng isotretinoin (tulad ng Accutane). (Pinapataas ang tiyansa ng pagkalaglag ng iyong baby ) Ang gamot na ito ay hindi maaaring inumin ng mga buntis, at ng mga may planong magbuntis.
- ACE inhibitors, tulad ng benazepril and lisinopril, na nakakapagpababa ng blood pressure.
- Mga medisina na ginagamit sa pagkontrol ng seizures tulad ng valproic acid.
- Mga antibiotics tulad ng doxycycline and tetracycline.
- Methotrexate, na ginagamit panggamot ng arthritis.
- Warfarin (tulad ng Coumadin), na tumutulong sa pag iwas ng pamumuo ng dugo.
- Lithium, na ginagamit panggamot sa bipolar depression.
- Alprazolam (tulad ng Xanax), diazepam (tulad ng Valium), at iba pang medisina na ginagamit panggamot ng anxiety.
- Paroxetine (tulad ng Paxil), na ginagamit panggamot sa depresyon.
- Arava (leflunomide) ginagamit sa pag gamot ng Rheumatoid arthritis.
- Lupron (leuprolide) isang uri ng injeksyon na ginagamit panggamot sa endometriosis at uterine fibroids na nagdudulot ng peligro sa mga buntis. Bagama’t ang leuprolide ay nagdudulot ng ovulation at nakakapagpahinto ng menstruation, ang isang non-hormonal ay dapat lamang gamitin sa conjunction.
- Rheumatrex (methotrexate) ginagamit panggamot sa psoriasis. Nagdudulot ito ng congenital anomalies at hindi dapat inumin ng mga buntis.
- Tazorac (tazarotene) – ginagamit panggamot ng wrinkles sa mukha.
Mga dapat isaalang-alang bago uminom ng OTC (Over the counter) na gamot
- Subukan ang mga tradisyonal na paraan gaya ng masahe, meditasyon, pag-eehersisyo, paglalakad iba pa. Ito ay makakatulong sa pagkawala ng sakit ng ulo o stress. Maaari ring humilop ng mainit na sabaw na mas makakabuti sa mga buntis kaysa sa pag inom ng gamot.
- Kumonsulta saiyong doktor o healthcare provider – Huwag gumawa ng anumang aksyon ng hindi ikinokonsulta sa iyong doktor. Kung may ibang paraan para mawala ang nararamdamang sakit maliban sa pag inom ng gamot ay ugaliing gawin muna ito.
- Iwasan ang paghahahalo ng mg produktong ginagamit. Ang iba’t ibang produkto ay nagtataglay ng halo halong ingredient na maaaring bawal sa buntis.
- Iwasan ang pag-inom ng halo-halong gamot. Ang iba’t ibang gamot ay nagtataglay ng mga ingredient na bawal sa mga buntis. Halimbawa nito ay ang Tylenol pain reliever (acetaminophen) na ligtas sa minsanang pag-inom. Ngunit ang Tylenol Sinus Congestion and Pain and Tylenol Cold Multi-Symptom liquid na nagtataglay ng decongestant phenylephrine, ay hindi ligtas.
- Matutong magbasa ng mga labels. Ang mga ingredients na alcohol at caffeine ay karaniwang makikita sa iba’t ibang pagkain o gamot. Halimbawa ay ang Vick’s Nyquil Cold & Flu Liquid na nagtataglay ng alcohol at CVS Aspirin-Free Tension Headache, ay walang aspirin, ngunit nagtataglay ng caffeine.
Maigi bang uminom o bawal uminom ng natural health products na gamot kung ikaw ay buntis?
Larawan mula sa Pixabay
Mahalagang kausapin ang iyong doktor tungkol sa mga natural health products na nais mong inumin. Huwag pangunahan ang iyong doktor dahil may iilan ding natural na gamot na maaaring magdulot ng komplikasyon sa iyong pagbubuntis.
Ang folic acid ay mahalaga sa mga unang linggo ng iyong pagbubuntis. Sapagkat iniiwasan nito ang anumang maaari mong maging problema sa panganganak.
Uminom ng 400 mcg ng folic acid araw-araw sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ng iyong pagbubuntis. Ang ibang mga kababaihan ay nangangailangan ng mataas na dosage ng Folic acid. Makipag-ugnayan sa iyong doktor o sa isang health professional kung gaano karaming folic acid ang iyong kailangan.
Maaari kang makakuha ng folic acid sa mga over the counter (OTC) na mga gamot o multivitamins na inireseta sa iyo ng doktor. Sundin ang abiso saiyo ng iyong doktor.
Ang mga sumusunod na gamot ay maaaring inumin kung ikaw ay pinahintulutan ng iyong doktor/OB:
- Ilang mga antidepressants
- Lithium para sa bipolar disorder
- Phenytoin para sa seizures
- Fluconazole (Diflucan) para sa inpeksyon
- Albuterol (Ventolin) para sa asthma
Larawan mula sa iStock
Kung sa first aid naman o pagbabahid ng ointment sa rashes ay ligtas gamitin ang mga sumusunod:
- Bacitracin
- J&J First-Aid Cream
- Neosporin
- Polyspori
- Benadryl cream
- Caladryl lotion or cream
- Hydrocortisone cream or ointment
- Oatmeal bath (Aveeno)
Kung ikaw naman ay nakakaranas ng constipation, maaari kang uminom ng gamot na nagtataglay ng Colace at Metamucile. Ligtas ring inumin ang benadryl at loratadine kung ikaw ay may allergy.
Kung ikaw naman ay may ubo o flu, maaari kang uminom ng acetaminophen at magmumog ng maligamgam na tubig na may asin.
Ang mga sumusunod ay may concentrated formulation na maaaring makasama sa bata sa iyong sinapupunan. Maaaring magdulot ng komplikasyon sa panganganak o maagang pag-labor:
Arbor vitae, beth root, black cohosh, blue cohosh, cascara, chaste tree berry, Chinese angelica (dong quai), cinchona, cotton root bark, feverfew, ginseng, golden seal, juniper, kava kava, licorice, meadow saffron, pennyroyal, poke root, rue, sage, St. John’s wort, senna, slippery root, tansy, white peony, wormwood, yarrow, yellow dock, at mataas na dosage ng Vitamin A.
Mahalagang umiwas din sa mga sumusunod na Aromatherapy essential oil:
Calamus, mugwort, pennyroyal, sage, wintergreen, basil, hyssop, myrrh, marjoram, at thyme.
Upang makasiguro ay kumonsulta sa iyong doktor o OB lalo na kung nasa mga unang trimester ka pa lamang ng iyong pagbubuntis.
Mga halamang gamot na bawal sa buntis
Sa pag-inom ng anumang halamang gamot lalo na kung ikaw ay buntis, mainam na maging maingat! Hindi porket halamang gamot ay safe ng inumin lahat.
Maaaring nakakaramdam ka ng nausea, fatigue, o maging lower back pain o pananakit ng ibabang likod. Sa sandaling ito, pwedeng maging option mo ang herbal o halamang gamot.
Pero, pag-isipan muna kung tama ba o pwede bang inumin ang mga binili mong halamang gamot. May mga halamang gamot din na pwedeng bawal pala sa iyo bilang buntis.
Minsan, mahirap ding malaman kung aling halamang gamot ang dapat bilhin at gamot na bawal sa buntis lalo na’t hindi nare-regulate ng Bureau of Food and Drugs ang mga food supplement at herbal medicine.
Dagdag pa, mas maigi rin na ang pag-inom ng halamang gamot sa buntis ay maging tulad ng pagsunod sa preskripsyong gamot ng doktor. Ibig sabihin, huwag basta basta uminom ng gamot ng hindi naikokonsulta sa iyong doktor.
Baka, bawal na gamot pa pala sa buntis ang halamang gamot na iyong iniinom.
Mga bawal na halamang gamot sa buntis
Ilan sa mga halamang gamot ay maaaring bawal para sa isang buntis. Ito ay dahil maaaring magdulot ang ilang halamang gamot ng premature labor o iba pang problema kaugnay ng pagbubuntis.
Ang mga halamang gamot na dapat iwasan dahil bawal sa buntis ay ang mga sumusunod:
Ang mga uterine stimulants ay tulad ng aloe, blackberry, black cohosh, blue cohosh, at dong quai. Dagdag pa rito ay ang feverfew, goldenseal, juniper, wild yam at maging motherwort.
Ang dong quia ay isang halamang gamot na ginagawang supplement o tsaa. Ang gamot na ito ay may negatibong epekto sa iyong fetus.
Samantala, ang black cohosh naman ay isang halaman na ginagawang supplement. Maaaring magdulot ito ng kumplikasyon sa iyong pagbubuntis.
-
Halamang gamot na maaaring ikapahamak ng iyong baby
Bawal ang ilang halamang gamot sa buntis dahil ikakapahamak ito ni baby. Ilan sa mga ito ay ang autumn, crocus, mugworth, pokeroot, at sassafras.
-
Mga halaman na may epektong nakakalason o toxic
May nakakalason o toxic na epekto ang mga halamang gamot tulad ng mistletoe at comfrey.
Ilan pa sa mga bawal na halamang gamot sa buntis:
- Camomile – isa itong bulaklak na ginagawang tsaa, pero maaaring magdulot ng problemang pangkalusugan. Mas mainam itong gawing halamang gamot para sa balat.
- Thyme – ito ay isang halamang gamot na maaaring magdulot ng pagkalaglag o miscarriage kapag naka-inom ng marami.
- Licorice – isa itong halaman na ginagawang pampalasa ang ugat. Ginagawa rin itong supplement o tsaa, na maaaring magdulot ng isyu sa pagbubuntis.
- Cinnamon – ito ay pampalasang nanggaling sa isang puno. Toxic o nakakalason ito kapag marami ang nainom o in-take.
Laging ikonsulta sa doktor ang mga herbal na gamot na binibili o nakukuha bago inuman ang mga ito. Maaari ring iwasan muna ang mga tsaa na may katulad na halaman ng mga nabanggit na gamot na herbal na bawal sa buntis.
Ano ang dapat tandaan upang maiwasan ang bawal na gamot sa buntis?
Tandaan na walang 100 % ligtas na gamot sa buntis. Ang pagbubuntis ay isang panahon kung kailan dapat tayong maging maingat sa pagbibigay na anumang gamot.
Lahat ng gamot na iyong iniinom ay makakaapekto hindi lamang sa iyo. Kundi pati na rin sa kalusugan at development ng bata na nasa iyong sinapupunan.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga gamot na ipinagbabawal inumin. Upang mas makasiguro ay mahalagang kumonsulta sa iyong doktor o OB para sa mga karagdagang detalye.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!