Kung buntis ka o may kakilalang buntis, ipabasa mo na ito sa kanila ngayon. Alamin ang mga bagay na dapat malaman ng buntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- 21 bagay na dapat malaman ng buntis
- Paano nagsisimula ang labor
- Anong dapat mong asahan kapag nandiyan na si baby
Kapag nabuntis ka, makakatanggap ka ng napakaraming payo mula sa maraming tao. Pwedeng galing ito sa nanay mo, biyenan, mga kaibigan, pati na rin sa mga taong ‘di mo naman lubos na kilala.
Dito sa Pilipinas, may mga pamahiing sinusunod ang matatanda na may kinalaman sa pagbubuntis. Gayundin, maraming bagong pag-aaral at pamamaraan ang ginagawa ng mga modernong kababaihan. Sa dami ng payo at impormasyon na nakukuha mo, hindi mo na alam kung alin ang tama at alin ang dapat sundin.
Pero sa aking karanasan sa panganganak (normal delivery, CS at VBAC) at pagkakaroon ng tatlong anak, pati na rin pakikipag-usap sa mga kapwa nanay, napag-alaman ko na may mga bagay pala na sana nalaman ko nung buntis pa lang ako sa panganay ko.
Siguro mas naging madali ang aking pagbubuntis, o mas naging handa ako sa pag-aalaga ng baby ko kung nalaman ko na ito dati pa.
Kaya naman kung ikaw ay buntis o may kakilalang buntis, maaaring makatulong sa inyo kung babasahin ang listahang ito:
21 bagay na dapat malaman ng buntis
-
Importanteng magpa-check up agad sa iyong doktor kapag nalaman mo na buntis ka.
Maaaring nakakaramdam ka na ng mga sintomas bago ka pa sumailalim sa isang pregnancy test, kaya may ideya ka na ng iyong kalagayan.
Kung nakakuha ka ng positibong resulta sa iyong test, magpa-schedule na agad ng checkup sa isang OB-gynecologist para makumpirma kung buntis ka nga.
Sa tulong ng iyong OB-GYN, malalaman mo kung ilang linggo na ang iyong pagbubuntis, anong mga bagay ang dapat mong iwasan, at reresetahan ka ng mga vitamins na dapat mong inumin.
-
Paano nalalaman kung ilang linggo na si baby?
Para malaman kung ilang linggo na ang iyong anak, ibinabase ito ng mga doktor hindi sa petsa ng conception kundi sa iyong last menstrual period o LMP. Kaya mas makabubuti kung mayroon kang ideya ng iyong monthly cycle, o alam mo ang petsa ng huli mong period.
-
Uminom ng prenatal vitamins
Isa sa mga unang ipapayo sa iyo ng doktor ay uminom ng prenatal vitamins. Mahalaga ito para mapangalagaan ang iyong kalusugan bilang ina, at para masiguro ang tamang paglaki ng bata sa iyong sinapupunan.
Ilan sa mga importanteng bitaminang dapat mong inumin ay ang folic acid para makaiwas sa birth defects, at sa brain development at spinal cord ni baby, at iron para mapanatiling maganda ang daloy ng iyong dugo at makapagbigay ng oxygen para sa sanggol.
-
Napakaraming nangyayari sa loob ng ating katawan
“A woman’s body is a work of art,” ayon sa isang kasabihan. May kakayanan itong magbigay-buhay.
Kapag nabubuntis ang isang babae, napakaraming pagbabago ang nangyayari sa loob ng kaniyang katawan. Una rito ang pagtaas ng kaniyang mga hormones na pagbabago sa kaniyang panlabas na anyo, pati na rin ang kaniyang emosyon at pag-uugali
Gayundin, kusang nag-aadjust ang ating katawan para magbigay ng puwang sa paglaki ni baby sa loob ng ating uterus, at inihahanda tayo sa panganganak.
-
Hindi lang sa umaaga nangyayari ang morning sickness
Isa sa mga pinangangambahang sintomas at bahagi ng pagbubuntis ay ang morning sickness. Ito ay ang pabugsu-bugsong pagkahilo at pagsusuka ng mga babaeng buntis.
Taliwas sa pangalan nito, maaaring maranasan ang morning sickness sa hapon o anumang oras. Karaniwan, mas napapansin ito sa unang trimester pero maaari itong tumagal hanggang ikalawa at ikatlong trimester.
Kung masyadong sumasama ang iyong pakiramdam at nakakaranas ng matinding pagsusuka at pagkahilo, maaari mo ring tanungin ang iyong OB kung anong pwede mong gawin para maibsan ito.
BASAHIN:
Mga dapat malaman ng buntis at breastfeeding moms tungkol sa COVID-19
Mga dapat malaman ng mga ina tungkol sa pagbubuntis sa edad na 30
-
Kailangan pa ring maging maingat sa pagkain
Madalas pinapayuhan ang mga buntis na kumain ng marami dahil kumakain na siya para sa dalawa. Pero may mga pagkain na dapat iwasan dahil maaari itong magsanhi ng mga komplikasyon sa iyong pagbubuntis tulad ng mga pagkaing mataas sa caffeine at asukal.
Gayundin, ang pagkain ng masyadong marami ay maaaring magdulot ng heartburn, acid reflux o constipation – mga karamdaman na madalas ireklamo ng mga buntis.
Ang mas tamang payo ay kumain ng masusustansiyang pagkain at uminom ng maraming tubig.
-
Pwedeng mag-exercise ang buntis
Maaring matakot kang magkikikilos dahil nag-aalala ka para sa iyong baby. Pero ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, makakatulong ang pag-eehersisyo para mapanatili ang magandang kalusugan ng isang babae, at mas makakayanan niya ang panganganak.
Paalala lang ng doktor, siguruhing ligtas ang iyong exercise na gagawin (ugaliing magtanong sa doktor) at uminom ng maraming tubig at magpahinga kapag nakaramdam na ng pagod.
“Pero again if mag-exercise, keep yourself full and well hydrated. Hindi pwede ‘yung hot yoga, bawal ‘yan. Kasi kailangan ang core temperature natin mga nasa 37 degrees huwag aabot ng 39 degrees. Kapag nag-zumba kayo, kailangan may water ka diyan, may electric fan or aircon hindi ‘yung sobra kang pinapawisan. ‘Pag medyo nahilo ka na o pagod ka na stop ka na.”
-
Kailangang paghandaan ang panganganak at pagkakaroon ng anak
Masaya maging magulang, pero may kaakibat din itong napakalaking responsibilidad.
Hindi gaya sa ibang bansa, hindi libre ang manganak dito sa Pilipinas. Kaya kailangan talagang paghandaan hindi lang ang gagastusin sa ospital, kundi pati na rin mga gamit at pangangailangan ng iyong anak.
May kamahalan din ang formula at mga disposable diaper, kaya dapat mo rin itong isaalang-alang sa magiging budget mo.
-
Kasama sa pagbubuntis ang pagiging emosyonal
Nagiging mas antukin o mas iyakin ka ba? Normal yan sa pagbubuntis. Dala ito ng pagbabago ng hormones sa iyong katawan at maaaring dala rin ng kakulangan sa tulog, hirap ng morning sickness o stress.
Pero kung nakakaranas ka ng matinding kalungkutan o nerbyos na hindi mo maipaliwanag, maaring senyales ito ng prenatal depression.
Ayon kay Doc Patricia, wala namang pag-aaral ang nagsasabing nakakaapekto sa bata ang depresyon, pero maaring makasama sa kaniya ang kakulangan ng tulog at hindi tamang pagkain kapag stressed ang ina.
“Wala ho talagang mga clinical studies that will prove that when a woman is depressed, made-depress din ang baby. Although I’m sure meron talagang effect ‘yan dun sa baby niyo. Siyempre ‘yung blood flow to the placenta baka may mga hormones or may mga cortisol na makaka-reach dun sa placenta. And kahit na hindi ‘yung emotion mafi-feel ng fetus, pero ‘yung sleeping pattern, ‘yung eating pattern mo and also baka meron kang mga eating habits na nagagawa din along the way, that can definitely affect the fetus.”
Payo niya, kailangan ng buntis ng emotional support para makayanan nito ang pagbubuntis at panganganak.
-
Huwag mahiyang tumawag sa OB
Sa unang anak ko, nahihiya akong kausapin ang OB ko kaya hinihintay ko na lang ang aming buwanang checkup para magtanong o malaman ang mga dapat kong malaman. Pakiramdam ko, hindi ako naging masyadong handa sa panganganak.
Maraming pwedeng mangyari sa loob ng isang buwan. Maaring may magawa ka na maaring makasama sa iyong baby.
Kaya sa ikatlong pagbubuntis ko, humanap ako ng doktor na palagay ang loob ko, at malaya kong akong nakakapagtanong sa kanya kung mayroon akong hindi maintindihan at nakakatawag rin ako sa kanya kapag mayroon akong nararamdaman para makumpirma kung normal ba ito o hindi.
-
Mayroon kang “say” sa kung paano mo gustong manganak
Sabi ng isang mommy na nanganak ng CS,
“Sana nakahanap ako ng mga ospital na nag-eencourage ng normal deliveries. Hindi yung kakabitan ka agad ng mga gadgets sa pagdating mo sa delivery room.”
Mahalagang kausapin ang iyong OB-GYN kung may gusto kang paraan ng panganganak. Sa iyong mga checkup, sasabihin naman niya sa ‘yo kung may posibilidad na sumailalim ka sa isang ceasarian delivery o kung kaya mong mag-normal delivery.
Maaari ka ring gumawa ng birth plan at ipakita ito sa iyong doktor para malaman kung posible ito.
Sa ikatlong pagbubuntis ko, sinabi ko sa aking OB na gusto kong mag-VBAC. Nakipagtulungan siya sa ‘kin kung paano namin mapapagtagumpayan ito.
Tandaan din na hindi lahat ng plano ay nasusunod, at mas mahalaga pa rin ang kaligtasan niyong mag-ina.
-
Nakakatulong ang mga breathing exercises at birthing classes
Para mabawasan ang kaba at pag-aalala sa paparating na labor, maari kang humanap ng mga birthing classes para malaman mo kung anong dapat gawin kapag dumating na ang sandaling iyon. Isama mo na rin ang iyong asawa o partner.
-
Matulog!
Isa sa mga paborito kong payo sa mga magulang na magkakaanak na. Kapag lumabas na si baby, may mga gabi na mapupuyat ka para alagaan at padedehin siya. Kaya habang may oras pa, matulog ka na!
-
I-enjoy ang panahon ng pagbubuntis – mamimiss mo rin ito
Kapag lumabas na ang iyong anak, maaring mapaligiran na kayo ng mga ibang taong nagmamahal sa kanya. Magiging abala ka na rin sa napakaraming bagay na may kinalaman sa iyong anak.
Kaya ituring ang panahon ng pagbubuntis bilang panahon ng pagrerelax at pagdadahan-dahan. Mamimiss mo rin ang mga panahon na dala-dala mo si baby sa iyong sinapupunan.
-
Kaya mo yan! Ginawa ang ating katawan para magbuntis at manganak
Maraming first-time moms ang binabalot ng takot at kaba sa paparating na panganganak. Pero sa loob ng ilang buwan ng pagbubuntis, naghahanda na ang iyong katawan para sa panahong ito.
Ang panganganak ay isang natural na bahagi ng ating buhay bilang babae kaya hindi ka dapat matakot, bagkus, lakasan mo ang iyong loob at makinig sa payo ng iyong doktor.
-
Hindi lahat ng panganganak ay nagsisimula sa pagputok ng panubigan
Hindi tulad ng napapanood natin sa mga pelikula, hindi lahat ng labor ay nagsisimula kapag pumutok na ang panubigan.
Minsan makakaramdam ka ng paghilab ng iyong tiyan na nagiging malapit ang pagitan, minsan naman ay natatanggal ang iyong mucus plug. Kailangang bantayan ang mga senyales na ito at tawagan agad ang iyong OB-GYN para malaman ang sunod na gagawin.
-
Normal ang mawalan ng poise sa labor
May mga babae na nakakaihi o nadudumi habang nasa delivery room. Walang dapat ikahiya rito dahil parte ‘yun ng panganganak. Magiging masakit ang pag-iri kaya malaya kang gawin kung ano ang makakagaan ng pakiramdam mo.
Tandaan, matatapos din ang iyong paghihirap at maisisilang mo rin ng ligtas ang iyong anak.
-
Superpower ang pagpapadede
“Masyado akong nagfocus sa labor and delivery. I should have researched more on breastfeeding kasi nourishment ni baby ‘yun.”
Ang pagpapadede ay isang natural na gawain ng isang ina, pero hindi ito magiging madali sa umpisa. Maaari kang makaranas ng pananakit ng iyong dede, problema sa iyong milk supply o kaya nahihirapang mag-latch ang iyong anak.
Pero matututunan niyo rin ito. Sa tulong ng iyong OB o mga breastfeeding counselors, magagawa mo ring bigyan ng gatas ang anak mo at masasanay rin kayo sa gawaing ito.
-
Kakailanganin mo ng tulong kay baby pagkapanganak mo
Gustuhin mo man na ikaw lang ang mag-aalaga sa iyong anak, ang katotohanan ay kakailanganin mo ng tulong ng ibang tao.
Pagkatapos mong manganak, kailangan mong magpahinga para makabawi ang iyong katawan mula sa sakit at pagod. Kaya dapat kausapin mo ang iyong asawa, partner o pamilya na tulungan ka sa pag-aalaga kay baby kapag naisilang na siya.
-
May epekto ang tulog at stress sa iyong milk supply
Ayon kay Dr. Shivani Patel ng University of Texas Southwestern Medical Center, ang stress ang numero unong dahilan ng pagbaba ng iyong milk supply o gatas sa iyong dede.
Kapag kulang ka sa tulog, tumataas ang cortisol sa iyong katawan na siya namang nakakapagpababa ng iyong milk supply.
Kaya payo ko sa mga bagong nanay, “Sabayan ang pagtulog ni baby.” Sa aking karanasan, kapag mayroon akong sapat na pahinga, nagiging mas madali ang pagpapadede sa aking anak.
-
Kung walang tigil ang iyak ni baby, baka kinakabag siya
Kung napadede mo na at napalitan ang diaper ng iyong anak pero wala pa ring tigil ang kaniyang pag-iyak, maaaring kinakabag siya. Alamin kung anong pwede mong gawin para maibsan ang kanyang nararamdaman.
-
Maaaring mag-iba ang maranasan mo sa unang pagbubuntis at sa kasunod
Iba-iba ang karanasan ng bawat babae sa pagbubuntis. Mas naging madali ang pagbubuntis ko sa aking panganay noong mas bata pa ako bagamat mas naramdaman ko ang morning sickness.
Pagdating sa bunso, mas mabilis akong mapagod at manghina. Pero dahil na rin sa mga naunang karanasan ko, mas alam ko na kung paano palalakasin ang aking katawan at kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin.
Sa dami ng mga payong naririnig mo tungkol sa pagbubuntis, maaring nalilito ka na kung alin ang susundin. Mas maganda kung aalamin muna ang dahilan sa likod ng bawat payo, kung mayroon bang basehan ito o nakasanayan lang ng mga matatanda.
Wala namang masamang sumunod sa mga nakaugalian, basta hindi ito nakakasama sa iyong pagbubuntis. Kung nag-aalinlangan, laging tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga bagay na ligtas sa’yo at sa iyong anak.
Anong isang payo na sana nalaman mo bago ka magbuntis? Ikwento sa’min sa comments ang mga bagay na dapat malaman ng buntis!
Source:
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medingcal treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.