Ang iyong anak ay apat na taon na ngayon. Napansin mo ba ang kaniyang confidence? Mas nagiging independent at assertive siya habang tumatagal. Madalas mo na sigurong madinig ang “Kaya ko na ito!” na mga salita. Ating alamin ang mga dapat asahan na development ng 4-taong gulang na bata. Tandaan, gabay lamang ang mga ito. Ang bawat bata ay magkakaiba at nagdedevelop sa iba’t-ibang bilis.
Development ng 4-taong gulang na bata: Physical
Napaka-active ng iyong anak sa edad na ito. Mahilig siyang tumakbong, tumalon, bumato at sumipa ng bola.
Mapapansin mo din na mas gusto niyang gawin mag-isa ang iba’t-ibang bagay. Minsan pa, sasabihin niya sa sa iyo na “Kaya ko na ito!” kapag tinutulungan mo siya. Hayaan mo siya upang mas lalong madevelop ang confidence at mas mahasa siya.
Ito ang iba’t-ibang skills na kaya nang gawin ng iyong anak:
- Magkandirit at tumayo gamit ang isang paa hanggang dalawang segundo
- Tumalon sa pwesto
- Umakyat at bumaba sa hagdan na walang tulong
- Bumato at sumalo ng bola
- Lumakad nang paharap at patalikod
- Magbisikleta
- Humawak ng crayon gamit ang hinlalaki at hintuturo
- Gumuhit ng tao na may katawan
- Magpatong-patong ng 10 o higit pa na blocks
- Maglagay o mag-mash ng kaniyang pagkain
Parenting Tips
- Maglaan ng oras para sa playtime pati na din ang pagpunta sa parks at playgrounds.
- Hikayatin siyang magdrawing, maggupit, magtali ng beads dahil nakakatulong ito upang mas mahasa ang kaniyang mga small muscles.
- Bilihan siya ng mga blocks at Lego dahil ito ay nakakatulong sa kaniyang imahinasyon at muscles sa kamay.
- Siguraduhin na nakatago at hindi maaabot ng iyong anak ang mga gamot at pesticides.
- Kahit pa marunong na magtoothbrush ang iyong anak, ulitin mo ito upang masigurado na malinis ang kaniyang mga ngipin.
- Bagaman ang iyong anak ay nakakapagbutones at zipper ng damit pati na din ang magsintas ng sapatos, makakatulong din na bilihan mo siya ng mga pants na may garter at sapatos na may velcro.
- Hayaan mo ang iyong anak na maghanda ng kaniyang agahan kung gusto niya, kahit pa medyo magiging makalat ito.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
- Kung hindi pa kaya ng iyong anak tumalon sa kaniyang pwesto
- Kung nahihirapan siyang makakita o kaya magkaiba ang direksyon ng kaniyang mga mata
- Kung hindi siya makahawak ng crayon gamit ang kaniyang hinlalaki at hintuturo at hirap gumuhit
- Kung hirap siya magbihis, magtoothbrush at maghugas ng kamay mag-isa
- Kung mayroon siyang kayang gawin dati na hindi na niya magawa ngayon
You’ll see a huge improvement in motor skills as part of four year old child development.
Development ng 4-taong gulang na bata: Cognitive
Naiintindihan na ng iyong anak ang paglipas ng oras. Alam na niya ang umaga at gabi. Nauunawaan na din niya ang mga routines at gusto nila ang seguridad at structure na dala ng mga ito. Alam na din niya ang iba’t-ibang hugis at kulay, pati na din ang magbilang.
Ito ang mga dapat asahan na cognitive development ng 4-taong gulang na bata:
- Pagbilang hanggang sampu o higit pa, at pagkaunawa sa ibig sabihin nito
- Paglalaro gamit ang imahinasyon tulad ng pretend play
- Kakayahang sabihin ang tamang tawag sa iba’t-ibang kulay at hugis
- Kakayahang iguhit at iba’t-ibang hugis
- Pagkaunawa sa konsepto ng oras at pagkakasunod-sunod ng mga activities araw-araw tulad ng pagkain ng agahan, tanghalian at hapunan.
- Mas mahabang attention span
- Kakayahang sumunod sa tatlong magkakasunod na utos tulad ng: “Itago mo ang aklat, pagkatapos matoothbrush ka at matulog.”
- Pagkaunawa sa ibig sabihin ng iba’t-ibang size tulad ng maliit at malaki
Parenting Tips:
- Maglaro ng sorting game sa bahay tulad ng pagsasama-sama ng magkakaparehong kulay at hugis. Maaari mo din siyang patulungin sa pag-aayos ng labada.
- Patuloy siyang turuan ng mga bagay na magkasalungat tulad ng malaki at maliit, mahaba at maikli.
- Pilitin na sundin ang kaniyang routine araw-araw. Sabihin sa kaniya ang mga sunod na gagawin tulad ng: “Pagkatapos ng hapunan ng 7 o’clock, magbabasa tayo ng kwento. Pagkatapos, matutulog tayo ng 9 o’clock.”
Kailan dapat pumunta sa doctor?
- Kung ang iyong anak ay hindi kayang sumunod sa tatlong magkakasunod na utos
- Hindi interesado sa mga interactive games o pretend play
- Hindi maka-focus sa isang gawain nang higit sa limang minuto
Development ng 4-taong gulang na bata: Social at Emotional
Ang iyong anak ay masayang nakikihalubilo sa ibang bata. Nagagawa na din niyang magbahagi o magpahiram, pati na din ang maghintay ng kaniyang turn. Hindi pa din maiiwasan ang paminsan-minsan na tantrum pero mayroon na itong malaking pagbabago kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Habang lumalaki siya, mas naiintindihan na din niya ang nararamdaman ng ibang tao. At dahil nakakapagsalita na din siya, mas nasasabi na din niya ang kaniyang nararamdaman.
Maganda ang panahon na ito upang ipasok siya sa kindergarten. Matututo siya ng mga bagong bagay pati na din ang pagsunod sa mga rules at makihalubilo sa mas madami pang bata.
Ito ang mga dapat asahan na social at emotional development ng 4-taong gulang na bata:
- Hindi na masyadong umiiyak kapag umaalis ang mga magulang
- Natutuwang gawin ang mga bagong bagay
- Natutuwa sa mga pretend play
- Mas gustong makipaglaro kasama ang ibang bata kaysa sa mag-isa
- Nakikipagtulungan sa ibang bata
- Nakakapagsabi ng kaniyang mga gusto at interes, pati na din ang kaniyang nararamdaman
- Maaring hirap pa din na paghiwalayin ang katotohanan sa likha lamang ng imahinasyon
Parenting Tips:
- Tulungan ang iyong anak na mas maintindihan ang kaniyang nararamdaman: “Alam ko na malungkot ka dahil hindi natin nakita ang iyong kaibigan.” Damayan siya sa kaniyang nararamdaman, kahit pa mababaw lang ito sa paningin mo. Mas magiging kumportable siyang magbahagi sa iyo ng kaniyang nararamdaman. Huwag din kalimutan na yakapin siya.
- Maging mabuting halimbawa ng pakikiramay sa iba. Purihin din siya kapag nakita mo na ginawa niya ito.
- Ipatupad ang mga house rules ng maayos. Mahalaga ang consistency para mas maintindihan ito ng iyong anak.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
- Kung ang iyong anak ay hindi namamansin ng ibang bata o ng ibang tao na hindi bahagi ng iyong pamilya
- Ayaw magbihis, matulog o gumamit ng banyo
- Mahiyain, matatakutin o agresibo
- Madaling mabalisa kung mahiwalay sa magulang
- Hindi tumitingin sa mata ng kausap
- Madalas na malungkot
Development ng 4-taong gulang na bata: Speech at Language
Mahilig ang iyong anak na kumanta ng mga nursery rhymes at makinig sa mga kwento.
Ito ang mga dapat asahan na speech at language development ng 4-taong gulang na bata:
- Kakayahan na makipag-usap ng malinaw at naiintindihan ng ibang tao
- Makabuo ng pangungusap na may limang salita
- Sabihin ang kaniyang buong pangalan
- Tamang paggamit ng “ikaw” at “ako”
- Kumanta ng sauladong nursery rhyme
- Masabi ang iba’t-ibang letra at makilala ang mga ito
- Bokabularyo na hanggang 1,500 na salita
- Masabi ang mga pamilyar na bagay sa libro
- Makilala ang mga simpleng salita kapag nakita ito
Parenting Tips:
- Ugaliin ang pagbabasa upang matuto ang iyong anak ng iba’t-ibang salita araw-araw. Ituro ang mga salita habang binabasa ito. Maaari mo din siyang tanungin kung ano sa tingin niya ang mangyayari sa kwento.
- Kausapin ang iyong anak. Ituro ang iba’t-ibang bagay sa bahay, supermarket, kotse o kahit saan kayo pumunta. Tanungin siya at sagutin din ang kaniyang mga tanong.
- Kumanta kayo ng mga nursery rhymes at makipaglaro sa kaniyang mga pretend play dahil nakakatulong din ito sa kaniyang bokabularyo.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
- Kung ang iyong anak ay hindi pa nakakapagsalita ng maliwanag
- Mali ang paggamit ng “ikaw” at “ako”
- Hindi pa kayang sabihin ang buo niyang pangalan
Development ng 4-taong gulang na bata: Health at Nutrition
Depende sa edad, laki at mga activity, ang apat na taon na bata ay nangangailangan ng 1,200 hanggang 1,800 calories araw-araw.
Ang mga batang babae sa edad na ito ay may taas na 98cm hanggang 104cm at 14.6kg hanggang 17.5kg na timbang. Para sa mga batang lalaki naman, sila ay may taas na 99.5cm hanggang 105.4cm at 15kg hanggang 17.7kg na timbang.
Ang pang-araw-araw na pagkain ng iyong anak ay dapat mayroon:
4-6 ounces, kalahati nito ay galing sa whole-grain. Ang 1 ounce ay katumbas ng 1 hiwa ng tinapay, 1 tasa ng ready-to-eat cereal o ½ tasa ng kanin, pasta o lutong cereal.
Ang iyong anak ay nangangailangan ng 2-2.5 tasa ng gatas araw-araw para sa calcium. Maari din ang 1 tasa ng yogurt, 1½ ounces ng natural cheese o 2 ounces ng processed cheese.
Ang karne at beans ay mabuti din na source ng protein at sa edad na ito, sila ay nangangailangan ng 3-5 ounces araw-araw. Ang 1 ounce ay katumbas ng 1 ounce ng karne, manok o isda, ¼ tasa ng lutong dry beans o 1 itlog.
Ang prutas at gulay ang pinakamainam na pagkunan nito. Para sa 4-taon gulang, nangangailangan sila ng 1-2 tasa ng prutas at 1.5-2.5 tasa ng gulay araw-araw.
Parenting Tips:
- Maging mabuting halimbawa sa iyong anak pagdating sa pagkain ng masusustansyang pagkain.
- Huwag pilitin ang iyong anak na kumain kung ayaw niya.
- Kumain ng magkakasabay.
- Isali ang iyong anak sa paghahanda ng pagkain.
- Planuhin ang kakainin ng iyong anak at maglaan ng tamang oras upang makakain siya.
- Iwasan hangga’t maaari ang mga fast food at hindi masusustansyang pagkain tulad ng chips at candy.
- Painumin siya ng tubig at gatas.
- Maglaan ng quiet time bago kumain. Mas nakakakain ang mga bata kapag sila ay relax.
- Huwag gamitin ang pagkain bilang reward.
- Gumamit ng mga plato, tasa, kutsara at tinidor na para angkop sa laki ng iyong anak.
- Patayin ang TV kapag kumakain.
- Turuan siya ng table manners tulad ng tamang paggamit ng mga kubyertos, hindi pagsasalita kapag may laman ang bibig, paggamit ng napkin at iba pa.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay underweight o maliit para sa kaniyang edad, kumonsulta sa pediatrician para malaman kung normal lang ito.
Laging tandaan na iba’t-iba ang bilis ng paglaki ng mga bata. Gayunpaman, kung nag-aalala ka sa development ng iyong anak, huwag mag-atubili na kumonsulta sa doctor.
Source: CDC, WebMD
Your child’s previous month: 47 months
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Ocampo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!