Magugulat ka sa lahat ng kayang gawin ni baby ngayong 6 na buwan na siya! Madaldal na at aktibo at tuluy-tuloy na ang pagtulog sa magdamag. Alamin ang development ng 6 buwang baby.
Wow! Nakaabot na ng kalahating taon si baby? Ang bilis ng panahon—6 na buwan na siya!
Isa itong major stage sa buhay ng iyong anak. Napakaraming malaking progreso sa development niya at mapapansin ang makabuluhang interaksiyon niya sa mga magulang at mga tao sa paligid niya. Ito na rin ang exciting na panahon na pwede na siyang kumain ng iba’t ibang pagkain, dagdag sa gatas na iniinom niya.
Sa mga pagbabagong ito, kasama na ang mas maigting na bonding ng mga magulang kay baby. Mas alam na niya at napapansin ang paligid niya at madalas ay naghihintay ng atensiyon ni Mommy at Daddy!
Development ng 6 buwang baby: Physical Development
Panoorin ang iyong baby na magsimulang kayanin ang sarili sa pag-ikot at pagdapa—nang may tulong sa umpisa, hanggang sa mag-isa.
Ibig sabihin nito ay kailangang bantayan nang husto at huwag aalisin ang paningin sa malikot nang baby. Mas mabuti nang magpalit ng lampin o nappy sa sahig o kaya ay sa malaking kama na maraming unan na nakapaligid.
May ibang baby na mabilis matutong magpaikot-ikot, dapa at tihaya, at mayron ding ibang natatagalan sa umpisa. Magkaron ng “tummy time” palagi para mas masanay si baby nang nakadapa, at matutong tumihaya, at bumalik din sa pagdapa. Napapalakas kasi nito ang kaniyang mga kamay, braso at binti, at buong katawan, at pagkontrol dito.
Ipakita ang tuwa kapag nagawa ni baby ang pagdapa at pagtihaya nang mag-isa, dahil mahihikayat siya na pagbutihin at gawin pa nang paulit-ulit. Bigyan ng mga laruan kapag nakadapa ito.
Makakatulog na din si baby ng mula 6 hanggang 8 oras sa buong magdamag.
Ang timbang niya ay bibigat pa ng 1.5 hanggang 2 pounds kada buwan.
Sa puntong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Lalaki
– Length: 67.6 cm (26.6 inches)
– Weight: 7.9 kg (17.5 lb)
- Babae
– Length: 65.7 cm (25.9 inches)
– Weight: 7.3 kg (16.1 lb)
Ang kanyang head circumference naman ay dapat na:
- Lalaki: 43.3 cm (17.1 inches)
- Babae: 42.2 cm (16.6 inches)
Development ng 6 buwang baby: Cognitive Development
Kapag nakikinig ng mga kanta at nursery rhymes, madali na ring matutunan ni baby ang mga pattern ng kanta at mga ritmong paulit-ulit.
Mapapansin na may progreso na rin ang sense perception sa ika-6 na buwan. Mahilig na si baby sa iba’t ibang texture tulad ng malambot, magaspang, at makinis, at iba pa. Maraming mga tactile o feely books na may iba’t ibang texture tulad ng serye ng libro ng Usborne Children’s Books tulad ng “That’s not my Giraffe”, “That’s not my Bee” at iba pa.
Gagaling na rin ang sight perception ni baby, at makikitang gusto niya ng mga makikinang at makulay na bagay. Gusto niyang dakmain at hawakan ang mga ito, kaya’t mag-ingat sa mga hikaw!
Development ng 6 buwang baby: Social at Emotional
Excited na si baby na makipag-usap at makiulayaw sa mga tao sa paligid niya. Nakikipag-usap at nakikipaglaro na sa mga bisita, sa mga nakikita sa labas ng bahay, lalo na kay Mommy at Daddy, Lolo at Lola. Nangingilala pa din siya sa umpisa, pero kapag nakagiliwan niya, nakikipaglaro na rin siya.
Isa sa mga paboritong hobby niya ay paglalaro ng mukha ni Mommy o Daddy, at palagi din niyang kinukuha ang atensiyon ng mga magulang at mga tao sa paligid niya. Panoorin siyang dumadaldal, naglilikot, at nakikipaghagikgikan para makakuha ng reaksiyon sa mga tao sa paligid niya.
Maglaro ng follow-the-leader at mga larong tulad nito kasama si baby. Mahilig kasi siyang manggaya ng mga tunog at galaw, tulad ng mga animal sounds at actions. Simula na rin ito ng language development ni baby, kaya’t pakitaan siya ng mga litrato o drawing ng mga hayop. Bigkasin ang mga pangalan at gawin ang galaw at tunog ng mga ito. (“Ano ang sabi ng kabayo?” “Ano ang sabi ng baboy?”
Development ng 6 buwang baby: Speech at Language
Ilabas na ang camera! Sa edad na ito, magpapaulit-ulit na siyang manggaya at magsabi ng mga pantig at salita tulad ng “ma-ma” at “da-da”. Nakikipag-usap na siya at ikinatutuwa niya ito. Marunong na siyang makipaglaro at makipag-usap gamit ang sarili niyang pananalita (mga tunog na iba-iba ang tono at expression).
Kausapin siya at tingnan siya sa mata kapag ginagawa ito. Kapag may ginagawa ka, ipaliwanag ito sa kaniya gamit ang mga simpleng salita (“Papalitan ko na ang lampin mo. Pagkatapos ay lalagyan ko ng konting pulbos… Mmm, ang bango bango di ba?”) Lahat ng mga salitang ito ay naiipon sa utak niya at pagdating ng panahon ay maaalala niya ito at gagamitin nang tama.
Development ng 6 buwang baby: Kalusugan at Nutrisyon
Sa edad na ito, magsisimula na siyang ng weaning, o pagtigil sa pag-dede kay Mommy. Magsubok nang magpatikim sa kaniya ng mga solid foods na hinalo sa breastmilk, saka ipatikim ang mga prutas at gulay.
Magpakilala ng isang pagkain lang sa ilang magkakasunod na araw, para malaman kung gusto niya ito, para masanay siya sa lasa, at para din masubukan kung allergic ang bata sa pagkaing ito. Kapag nagtae o nagsuka, itigil muna ang pagpapakain dito. Mapili ang mga bata, kaya kailangang makilala muna ng panlasa niya ang mga pagkain, at hindi biglain.
Ayon sa American Academy of Pediatrics, walang koneksiyon ang allergies at pagbibigay ng itlog at isda sa mga bata pagkalagpas ng 6 na buwan. Pero ang mga pagkain tulad ng honey at gatas ng baka ay dapat munang iwasan sa susunod pang 6 na buwan.
Vaccinations and Common Illnesses
Sa buwang ito, dapat matanggap ng iyong anak ang third dose ng 6 in 1 vaccine at ang second dose ng PCV. Siguraduhing tanungin ang pedia tungkol dito.
Kung magkaroon ng sakit ang iyong anak katulad ng sipon, ang immune system niya ay mas handa na kaysa dati. Gayunpaman, kailangan mo pa rin itong bantayan dahil maaari itong lumala.
Kung siya naman ay magka-lagnat, kumonsulta na rin sa pedia bago siya painumin ng gamot. Maari mo ring hilutin ang kanyang noo, kilikili at mga singit para bumaba ang temperature niya.
Huwag painumin ng kahit anong gamot ang iyong anak hangga’t hindi ito ipini-prescribe ng pediatrician. Sa ngayon ay hindi rin dapat subukan ang mga home remedies sa kanya.
Tips para sa mga Magulang
Ito ay isang mahalagang developmental stage para sa inyong munting anghel. Siguraduhing may mga laruan para kay baby, para matulungang mahinang ang kaniyang mga kakayahan. May mga stackable toys na para sa hand-eye coordination, at building blocks para sa critical thinking. Ilagay ang laruan sa harapan ni baby at hikayatin siyang gumapang papunta dito.
Siguraduhin ding naka childproof ang buong bahay: mga pinto, cabinet, bintana, at pati mga bookshelves ay dapat safe at hindi babagsak kay baby. Maglagay ng mga bagay na pwede niyang tukuran at hawakan para makatayo at makalakad ng may gabay.
Ang pinakamahalagang mga milestones ni baby sa buwan na ito ay ang babbling, eye contact, pagngiti at pagtugon sa mga tunog. Handa ba ang camera ninyo para ma-record lahat ito?
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/baby-development-six-month-old
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!