Ano nga ba ang development ng baby ngayong 10 buwan na siya? Ngayong buwan, magugulat kayo sa mga kaya na niyang gawin! Mas independent na siya at mas marami nang sinusubukang gawin nang walang tulong. Nakakaaliw ang pagiging madaldal niya, at nagtatangkang magsabi ng maraming salita.
Makikita na rin ang personalidad ni baby, kung mahiyain ba siya o mahilig makipaglaro, kung palatawa o tahimik. May mga paborito na siyang libro, music, at mga pelikula at TV shows.
Development ng baby 10 buwan: Physical Development
Dahil mas nagiging curious na siya, patuloy siyang gagala sa paligid niya at bubutingtingin ang anumang mga bagay na makita niya. Magaling na ang motor skills niya—nakakagapang na siya at nagsusubok na lumakad, at ilipat ang hawak na laruan sa kabilang kamay.
May mga batang kaya nang maglakad ng walang akay o hawak, bagamat may mga batang mas huli sa paglakad.
Mag-ingat sa mga nakakalat na choking hazards, dahil nga magaling nang mamulot si baby gamit ang kaniyang pincer grasp.
Development ng baby 10 buwan: Cognitive Development
Mapagmasid at curious si baby ngayon, kaya’t hayaan siyang maglaro sa loob at labas din ng bahay. Bigyan pa siya ng iba’t ibang mga laruan kung saan magagamit ang talino at kakayahan tulad ng mga blocks, sorting puzzles, pull toys, at iba pa. Pati mga gamit sa bahay (siguraduhing safe) ay puwedeng ipalaro sa kaniya. Gustung-gusto din niya ang mga kahon na walang laman—na siguradong pagkakaabalahan niya nang matagal.
Mahilig pa rin siya sa larong “it-bulaga” o peek-a-boo, o anumang laro na may ‘tinatago mula sa kaniya na hahanapin niya. Mahilig din siyang pumulot ng mga bagay na inilalaglag.
Development ng baby 10 buwan: Social at Emotional Development
Gaya-gaya na din siya ngayon! Kapag may nakita siyang facial expression, gagayahin niya ito. Pakitaan siya ng funny faces at bigkasin ng madiin ang mga salita. Nakakatuwa ito para kay baby, at nakaka-stimulate pa ng senses ni baby. May mga paborito na rin siyang tao (na kasama at kausap), at patuloy siyang nangingilala sa mga bagong tao.
Development ng baby 10 buwan: Speech at Language
Ang mabilis na development ng utak ni baby ang dahilan ng mabilis na pag-intindi niya sa mga sinasabi sa kaniya. Ang mga salita tulad ng mama, dada, dog, cat ay palagi na niyang bibigkasin, para bang nagpapraktis siya sa pagsasalita gamit ang mga ito.
Huwag mag-alala kung tahimik ang baby paminsan-minsan. May mga iba-ibang moods din siya, at maaaring gusto lang manahimik nang walang negatibong dahilan.
Development ng baby 10 buwan: Kalusugan at nutrisyon
Patuloy nang maglalabasan ang “milk teeth” ni baby sa edad na ito. Bigyan siya ng mga mas malasang pagkain at mas may texture, tulad ng porridge, pati mga hiniwang mga pagkain. Masasanay ang pincer grasp at koordinasyon niya, sa patuloy na pagpulot at pagsubo ng iba’t ibang pagkain. Maraming iba-ibang prutas, gulay, grains at karne ang puwedeng ipatikim sa kaniya ngayon.
Mag-ingat lang sa mga choking hazards, tulad ng raisins, candy, ubas at hiwa-hiwang hotdog.
Pahawakin siya ng kutsarita at hayaang kumain mag-isa, kahit pa makalat. Lagyan lang ng bib at placemat at ilayo ang mga gamit na ayaw madumihan. Importanteng matuto siyang kumain mag-isa at mapagdaanan niya ang pagkakalat na ito.
Ang mga 10 buwang gulang na bata ay puno ng importanteng milestones na dapat alam ng mga magulang, para matulungan siyang hinangin ito.
Development ng baby 10 buwan: Mga activities
Kausapin siya at hayaang dumaldal
Hindi pa man nakakapagsalita ng may buong pangungusap, pero huwag mag-alala. Patuloy lang siyang kausapin, at magiliw na pakinggan ang mga tunog na bibigkasin niya, para masanay sa pakikipag-usap.
Magsayaw!
Magpatugtog ng mga masasyang tugtog at hikayatin siyang magsayaw! Mabuti ito para sa auditory development ni baby, pati na sa motor skills at coordination. Bigyan din siya ng mga musical intstruments na pambata, o kahit anumang gamit na pwede niyang ipukpok, o patunugin.
Hintayin din ang pag-iiba sa ugali ni baby
Ingatan ang ulo ni baby at susubukan niyang iuntog ito sa anumang matigas dahil para sa kaniya ay nakakatuwa ito. Makikita siyang nagpapa-ikot ikot, sumisipa, nagkakagat sa sariling ngipin at labi, o nanghihila ng buhok (o sariling buhok) kapag may hindi gusto o kapag nagbubwisit. Bigyan siya ng sapat na atensiyon, dahil maaaring magpakita siya ng takot, lalo kapag may malakas na ingay (kidlat, trak, o bumagsak na bagay).
Maging mapagmasid
Katulad ng ibang stages ng development ni baby, ang pag-alam sa mga importanteng milestones ay makakatulong sa pag-aalaga kay baby. Sa pagmamasid, malalaman din kung tumutugon ba siya sa mga salita at galaw, o anumang komunikasyon sa kaniya. Kung mapapansing balisa siya at hindi pinapansin ang mga tunog o galaw o anumang bagay sa paligid niya, ikunsulta kaagad sa doktor niya.
Ito ang ilang RED FLAGS na maaaring ma-obserbahan:
- Hindi nakakatayo (hindi nakikitaan ng lakas ang mga binti), kahit pa may akay o suporta
- Hindi nakakaupo mag-isa
- Hindi nakakapagsabi ng anumang pantig (“mama,” “baba,” “dada”)
- Hindi nakakakilala ng mga taong palaging kasama
- Hindi sumusunod ang mga sa direksiyon ng itinuturo, o hindi tumitingin sa mata ng kausap
- Hindi naililipat ang isang bagay mula sa isang kamay papunta sa kabilang kamay.
Sources: WebMD, MayoClinic
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/baby-development-10-month-old
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!