Alamin ang mga development ng baby: 9 buwan!
Ikatlong quarter na mula nang naipanganak si baby—malapit na siyang mag-isang taon! Mas malinaw na ang mga salitang sinasabi niya, at gustung-gusto niya ng adventure!
Narito ang mga developments na dapat asahan kay baby ngayong 9 na buwan na siya.
Development ng baby 9 buwan: Physical Development
Tumatayo, gumagapang, kung saan-saan na nakakarating ang dati’y sanggol na kalong mo lang.
Kaya na niyang umupo nang matagal, kumakain ng solids, tumatayo nang walang tulong sa iba—dahil ang mga muscles niya ay patuloy na nagde-develop. Nakakagapang na rin habang may hawak na laruan sa isang kamay.
At dahil malikot na at gumagala na, babagal na ang pagbigat ng timbang niya.
Sa puntong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Lalaki
– Height: 71.8 cm (28.3 inches)
– Weight: 8.9 kg (19.6lb)
- Babae
– Height: 70.1 cm (27.6 inches)
– Weight: 8.5 kg (18.8lb)
Ang kanyang head circumference naman ay dapat na:
- Lalaki: 45 cm (17.7 inches)
- Babae: 43.83 cm (17.3 inches)
Development ng baby 9 buwan: Cognitive Development
Mapagmasid na si baby ngayon at lahat ay inaalam at kinakalikot. Mas lumalalim na rin ang pag-intindi niya sa mga salita at pakikipag-usap sa kaniya, pati na ang body language.
Ngayon ay natututunan na ni baby ang ibig sabihin ng “no” kahit sa galaw at tono pa lang.
Ito na rin ang simula ng paggaya ni baby sa mga sinasabi at ginagawa ni Mommy at Daddy, o kung sino man ang nakikita niya sa paligid. Mahilig na rin siyang magpasikat at madalas ay napapatawa ang mga tao sa paligid niya.
Development ng baby 9 buwan: Social at Emotional Development
Mahirap nang mapawalay kay Mommy at Daddy ngayong edad na ito. Ang tinatawag na separation anxiety ang dahilan kung bakit palagi na lang iiyak si baby kapag nahihiwalay kay Mommy at Daddy. Lalong ayaw niyang sumama sa mga hindi niya kakilala.
Development ng baby 9 buwan: Kalusugan at Nutrisyon
Nagsisimula na siyang mamili ng pagkain at marami siyang tatanggihan. Siguraduhing masustansiyang pagkain ang hinahain sa kaniya, at iwasan ang mga pagkaing hindi mabuti para sa kalusugan niya.
Ito na ang tamang panahon para magpakilala ng mag iba’t ibang texture at lasa kay baby.
Iba na rin ang sleeping pattern ni baby at mag-iiba pa ito dahil mas mahaba na ang oras niya ng paglalaro.
Pagmasdan ang pakikipag-usap niya, paggalaw, paraan ng pagkatuto at pati paglalaro dahil ang mga ito ang magsasabi sa inyo ng mga mahahalagang development niya.
Vaccinations and Common Illnesses
Sa ngayon, ito na dapat ang mga bakuna na kailangan makuha ng baby mo:
- BCG
- Hepatitis B (1st, 2nd and 3rd dose)
- DTaP (1st, 2nd and 3rd dose)
- IPV (1st, 2nd and 3rd dose)
- Hib (1st, 2nd and 3rd dose)
- Pneumococcal Conjugate (1st and 2nd dose)
Development ng baby 9 buwan: Motor Skills
Ang motor skills niya ay lalo pang gumagaling sa edad na ito. Magaling na siyang gumapang at tumayo, at maglaro ng iba’t ibang bagay sa pamamagitan ng pagkalikot gamit ang mga kamay niya. Malikot na siya at mahilig bumaybay nang nakahawak sa pader o mga bagay sa paligid tulad ng lamesa at silya. Mabilis na siyang tumayo mula pagkakaupo, o biglang uupo kapag nakatayo. Katulad ng dati, patuloy na siguraduhing child-proof ang buong bahay, lalo na ang mga lugar o kuwarto na pinaglalagian ni baby.
Ang fine motor skills niya ay sanay na ngayong 9 na buwan na siya. Mahilig na siyang mamulot ng mga bagay na nakikita niya sa sahig o lamesa, pati pagkain kapag mealtime.
Bigyan siya ng malaking lugar o space para makapaglaro at gumala, para masanay ang motor skills niya.
Development ng baby 9 buwan: Language Development
Madaldal na si baby ngayon, at kaya nang magsabi ng mga salita, kataga at nagsusubok nang makipag-usap palagi. Makakarinig na ng mga malinaw na salita mula kay baby, kaya’t mariringgan na siya ng malinaw na “Da-da” “Papa” o “Mama” ngayon. Kasabay ng kalikutan ay ang kadaldalan din. Kausapin siya palagi at tugunan lahat ng mga sinusubukan niyang sabihin. Naiintindihan niya ang mga naririnig niya kapag kinakausap, kahit pa hindi niya nagagaya ng sakto. Mas iniintindi niya kasi ang tono ng boses at hindi ang mga salita. Ang ibig sabihin nito ay dapat pang ipagpatuloy ang pakikipag-usap kay baby nang masaya at magiliw.
Mag-ingat pa din dahil lahat ng sabihin ay gagayahin ni baby, kaya’t piliin ang mga salitang gagamitin sa harap ni baby.
Sa edad na ito din niya nagsisimulang intindihin ang pagkakaiba ng iba’t ibang emosiyon.
Sa tono pa lang ng boses, malalaman na ni baby kung malungkot, galit o masaya ang kumakausap sa kaniya. Maiintindihan na rin niya ang ibig sabihin ng “no” o “huwag,” bagamat hindi ibig sabihin nito ay susundin niya lahat ng sabihin sa kaniya. Iwasang sabihan ng “no” ang bata palagi, para mas maintindihan niya ang kahulugan nito.
Bawat bata ay kakaiba
Ang mga nabanggit ay mga karaniwang developmental achievements o progress ng isang 9 na buwang gulang. Mahalaga pa ring tandaan na ang bawat bata ay may kani-kaniyang panahon ng pagkatuto, kaya’t maaaring hindi kaagad marating ang mga milestones na ito, o di kaya ay maagang matutunan. Ang listahang ito ay gabay lang ng mga maaaring asahan para sa edad na ito.
Kung may napapansing delay o problema sa development ni baby, ikunsulta agad ito sa paediatrician.
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/9-month-old
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!