Ectopic pregnancy: Sanhi, sintomas, at lunas dito ayon sa experts

Sa una, tulad lang ito ng normal na pagbubuntis. Ngunit habang tumatagal, lumabas na ang ibat’t-ibang sintomas ng ectopic pregnancy tulad ng matinding pananakit ng tiyan, pagdurugo at pagkahilo. | Photo: Shutterstock

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Narito ang mga impormasyon tungkol sa ectopic pregnancy in Tagalog. Ano-ano nga ba ang mga sintomas ng ectopic pregnancy at ano ang peligrong maaaring maidulot nito sa mga kababaihan? Mayroon kayang gamot para sa kundisyong ito? Tatalakayin natin iyan dito.

Ano ang ectopic pregnancy in Tagalog?

Maraming bagay ang unexpected na maaaring mangyayari during pregnancy ng babae. Katulad na lamang ng tinatawag na “ectopic pregnancy” o sa salitang Tagalog ay ang pagbubuntis sa labas ng matres.

Nagsisimula ang pagbubuntis sa panahon na maging fertilized ang egg na kadalasang nakakakabit sa lining ng uterus. Kung lumalaki ang fertilize egg na ito sa labas ng main cavity ng uterus, dito na nagaganap ang tinatawag na ectopic pregnancy.  Ito ay isang abnormalidad na kung saan ang fetus ay nabuo sa labas ng matres imbis na sa loob nito.

Ang matres o ang uterus lamang ang nagsisilbing bahay-bata sa pagbubuntis. Kaya nitong mag-stretch at expand habang lumalaki ang sanggol sa loob. Sa kabilang banda, ang fallopian tubes ay walang kakayahan para sa ganito.

Maituturing na unsuccessful pregnancy na may kaakibat na peligro sa babaeng nagdadala ng sanggol sa labas ng kanyang matres. Kaya nga sa oras na malaman mong mayroon ka nito kailangan ng dobleng pag-iingat at kaagapan sa pagresolba nito.

Ayon sa American Academy of Family Physicians (AAFP), 1 sa 50 pregnancies o 20 sa 1,000 na pagbubuntis ang maaaring makaranas ng ectopic pregnancy.

Bagamat makikita sa pamamagitan ng pregnancy test na positibo sa pagdadalang-tao ang isang babae hindi pa rin ito nagbibigay kasiguraduhan na ang pinagbubuntis niya ay nasa tama nitong kinanalagyan. At hindi isang kaso ng ectopic pregnancy.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mga dapat malaman tungkol sa ectopic pregnancy in Tagalog | Image from Freepik

Sintomas ng ectopic pregnancy

Isa sa pangkaraniwang uri ng ectopic pregnancy ay ang pagkabuo ng fetus sa fallopian tube o sa lagusan ng itlog na mas kilala rin sa tawag na tubal pregnancy.

Nangyayari ito kapag ang fertilized na itlog o egg cell ay nanatili sa fallopian tube imbis na bumaba sa matres ng isang babae upang doon ma-develop at maging isang sanggol.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa una, hindi kaagad malalaman na mayroong kang ganitong kundisyon. Ang ectopic pregnancy kasi ay tulad rin ng normal na pagbubuntis sa mga inisyal na panahong mararanasan mo ito. Hindi rin dadaloy ang iyong menstruation at magpo-positive sa pregnancy test, parang isang normal na pregnancy.

Habang tumatagal at lumalaki na ang fetus ay makakaramdam na ang babaeng nagbubuntis ng mga sintomas ng ectopic pregnancy. Halimbawa na lamang sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Matinding pananakit sa balikat, leeg at isang parte ng tiyan.
  • Makakaranas din ang nagbubuntis ng pagdurugo mula sa mahina o spotting hanggang sa malakas o heavy bleeding.
  • Makakaramdam rin ng pagkahilo o pagkahimatay ang isang babaeng nakararanas ng ectopic pregnancy.
  • Labis na sakit sa tiyan o pelvic pain na may kasamang vaginal bleeding.

Ilang weeks bago malaman na ectopic pregnancy?

Ang ectopic pregnancy ay agad na made-detect as early as 8 weeks sa pagbubuntis o sa first trimester ng isang buntis na ina. Kung makakaramdam ng mga naturang sintomas ng ectopic pregnancy dapat ay kumonsulta agad sa iyong doctor o OB-Gyne.

Makikita ba sa ultrasound ang ectopic pregnancy?

Hindi madaling matukoy ang ectopic pregnancy. Sa katunayan, hindi ito kaagad malalaman sa simpleng physical examination dahil mukha ngang normal din na pagbubuntis ang ganitong kundisyon.

Kailangan pang magsagawa ng transvaginal ultrasound o pagpasok ng isang instrumento sa inyong puwerta. Ito ay upang makita kung ang pinagbubuntis mo o ang gestational sac ay nasa labas o loob ng iyong matres.

Maaari ring magsagawa ng blood test upang malaman ang dami ng hCG o progesterone hormones ng isang buntis. Kung ang dami nito ay nababawasan o hindi nagbabago sa paglipas ng ilang araw.

Wala pa ring nakikitang gestational sac sa iyong matres malinaw na palatandaan na ito at sintomas ng ectopic pregnancy.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ectopic pregnancy  in Tagalog o pagbubuntis sa labas ng matres| Image from iStock

Ano ang gamot sa ectopic pregnancy?

Marahil sa ngayon, napapaisip ka na kung ano nga ba ang maaaring lunas para dito? Kung minsan, kinakailangan nang sumailalim sa isang surgery ang babaeng may ectopic pregnancy. Lalo na kung siya ay nakararanas na ng matinding pananakit at pagdurugo.

Isinasagawa ang operasyong ito para maiwasan na pumutok ang fallopian tube. Kung magpapatuloy kasi na dito lumaki ang fetus may tendency na hindi kayanin ng fallopian tube.

Ang mga ganitong pangyayari ang nagbibigay ng peligro sa buhay ng babaeng nagdadala nito. Sa ngayon, ito pa lang ang pinakamabilis na paraan upang malunasan ang ectopic pregnancy.

May mga pagkakataon ding inaalis ang fallopian tube kung sakaling hindi na talaga ito nag-survive. Huwag mag-alala dahil mayroon pa rin naman daw chance na mabuntis ka ayon sa experts. Dadaloy pa rin kami ang egg cells sa natitirang tube upang ma-fertilize.

Pero kung hindi naman labis ang pagdurugo na dulot ng ectopic pregnancy ay maari namang bigyan lang ng medication o gamot ang babaeng nakakaranas nito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang gamot na ito ay tinatawag na methotrexate na dini-dissolve ang existing cells at pinipigilan ang growth ng bagong cells sa katawan. Ang methotrexate ay ibinibigay sa pamamagitan ng injection.

Matapos mabigyan ng medication na ito ang babaeng nakaranas ng ectopic pregnancy ay kailangan niyang sumailalim sa HCG test. Ito ay para matukoy kung nagwowork ang nasabing treatment o kailangan pa ng dagdag na medication.

Magkano ang operasyon sa ectopic pregnancy

Samantala, ang surgery na isinasagawa para malunasan ang ectopic pregnancy ay tinatawag na salpingostomy at salpingectomy. Ang mga ito ay tinatawag na laparoscopic surgeries.

Sa procedure na ito ay hinihiwaan ng maliit sa tiyan, malapit sa pusod ang babaeng nakakaranas ng ectopic pregnancy. Saka doon ipapasok ang manipis na tube na may camera upang makita ang loob ng kaniyang tubal area.

Sa salpingostomy, inaalis ang ectopic pregnancy at hinahayaang mag-heal ang fallopian tube ng kusa. Habang sa salpingectomy naman, maliban sa pag-aalis ng ectopic pregnancy ay inaalis din ang dalawang fallopian tubes ng pasyenteng babae.

Dito sa Pilipinas, ang pagsasagawa ng laparoscopic treatment para sa ectopic pregnancy ay nagkakahalaga ng P20,000 to P100,000.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ito’y nakadepende sa ospital na pagsasagawan ng surgery. Para sa mga member ng PhilHealth, ito ay covered naman ng nasabing health insurance at may ibinibigay silang diskuwento sa mga babaeng miyembro na sasailalim sa nasabing operasyon.

Sanhi ng ectopic pregnancy

Bakit nga ba nagkakaroon nito? Ano ba ang dahilan para malamang mataas ang risk mo na makaranas ng ganitong uri ng pregnancy?

Ayon sa experts, ang mga sintomas ng ectopic pregnancy ay kadalasang nararanasan ng mga babaeng may sexually transmitted infection o impeksyon.

Madalas na nakukuha ang ganitong sakit sa pamamagitan ng pagtatalik. Halimbawa na lang diyan ay ang gonorrhea o chlamydia na nagdudulot ng pamamaga sa fallopian tubes at iba pang organs sa paligid nito.

Kadalasan ding nangyayari ito sa mga babaeng gumagamit ng mga fertilization methods o ang makabagong paraan upang mabuntis tulad ng in vitro fertilization o (IVF). Maging ang infertility ay maaari ring magdulot ng ganitong kundisyon.

Mas malaki rin ang posibilidad na makaranas ng ectopic pregnancy ang mga babaeng dumaan sa tubal surgery at sa mga babaeng nakaranas narin ng ectopic pregnancy noon. Ibig sabihin kung mayroon ka nang kasaysayan ng ganitong pregnancy, maaaring ganito rin ang sapitin ng sunod na iyong ipagbubuntis.

Ayon naman sa experts, mayroon pa ring nakararanas ng successful pregnancies after na makaranas ng ectopic pregnancy. Kinakailangan nga lang na makipag-usap parati sa iyong doktor upang mamonitor ang iyong pangangatawan,

Bagamat pinipigilan dapat nito ang posibilidad ng pagbubuntis, ang paggamit ng IUD o intrauterine device ay maaaring maging sanhi ng ectopic pregnancy. Lalo na’t ang pagbubuntis ay hindi inaasahan.

Isang tinuturong dahilan din ng ectopic pregnancy ay ang paninigarilyo na mas nagpapataas ng tiyansa nito. Mas madalas ang paninigarilyo, mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ganitong kundisyon.

Sintomas ng ectopic pregnancy | Image from Unsplash

Mabubuhay ba ang bata sa ectopic pregnancy?

Ang malungkot na sagot para sa mommies? Hindi, nabubuhay ang bata sa ectopic pregnancy. Kaya nga maraming ina ang labis na labis na nalulumbay sa oras na malamang ectopic ang kanilang pregnancy.

Fatal o nakamamatay para sa fetus ang ganitong kalagayan. Sobrang bihira na mag-survive ang baby sa ganitong kalagayan.

Hindi kasi ito mabubuhay sa labas ng uterus. Kaya nga kinakailangan ng mabilis na gamutan para lang mailigtas na ang buhay ng nanay. Sa oras kasi na pumutok na ang fallopian tubes ng ina, maaaring magsanhi ito ng malalang internal bleeding.

Ito ang pangunahing dahilan para magkaroon ng maternal death o ang pagkamatay ng babaeng nagdadala ng ectopic pregnancy. Kaya nirerekomenda na mas maaga dapat naagapan ito.

Mga bawal sa ectopic pregnancy at paano makakaiwas dito

Walang paraan upang maiwasan ang ectopic pregnancy ngunit may mga maaari  kang gawin upang mapababa ang tiyansang makaranas nito. Narito ang mga sumusunod na ways upang mabawasan ang posibilidad na sumailalim ka sa ganitong kundisyon:

  • Kung nagpaplano nang magbuntis, iwasan na ang pakikipagtalik sa iba’t ibang tao.
  • Panatilihing ang pag-iingat sa pakikipagtalik o ang safe sex. Mainam na gumamit parati ng condom para maiwasang makakuha ng sexually transmitted disease at iba pang impeksyon.
  • Magkaroon ng healthy lifestyle. Simulang kumain ng masusustansyang pagkain. Maaari ring uminom ng vitamins na makakapagpalakas ng iyong immune system para maging helpful sa iyong pagbubuntis.
  • Itigil ang lahat ng uri ng bisyo. Gaya ng nabanggit sigarilyo ang isa sa dahilan ng ectopic pregnancy, kung nais nang magkaroon ng pamilya mainam na itigil na ito.
  • Parating kumausap sa iyong doktor o healthcare provider upang malaman nang tiyak ano pa ang risk factors para sa iyo.

Bagamat hindi matukoy ang early signs o sintomas ng ectopic pregnancy, hinihikayat ang bawat kababaihan na maging responsable sa kanilang katawan at ugaliin maging maingat sa pagtatalik.

Makakatulong din ang madalas na pagbabasa upang magkaroon ng dagdag na kaalaman. Maaari kasi nitong mabigyang linaw ang mga pagbabagong nararamdaman sa iyong katawan para makasiguradong ikaw ay malusog at walang karamdaman.

Mga dapat asahan matapos makaranas ng ectopic pregnancy

Ang pagkaranas ng ectopic pregnancy ay talaga nga namang nakakalungkot lalo na sa mga babaeng nagnanais na magkaroon na ng baby. Normal lang na magmukmok ang babaeng nakaranas nito ng ilang buwan. Makakatulong kung hahayaan lang siyang magluksa at magdalamhati para sa mas madali niyang pagmomove-on sa narasang ectopic pregnancy.

Emotional recovery matapos makaranas ng ectopic pregnancy

Ang emotional recovery matapos makaranas ng ectopic pregnancy ay maaaring maging isang matagal at sensitibong proseso.

Mahalaga na maglaan ng oras at espasyo para sa sarili upang ma-process ang iyong nararamdaman. Ang paghahanap ng suporta mula sa mga mahal sa buhay, mga kaibigan, o maging sa mga support group para sa mga taong may similar na karanasan ay maaaring makatulong.

Mahalaga rin na maging maunawain at magpasensya sa sarili habang humaharap sa mga emosyonal na epekto ng ectopic pregnancy.

Tandaang, hindi mo ito kasalanan at malalampasan mo rin ito.

Babaeng nakaranas ng ectopic pregnancy mabubuntis pa ba?

Wala namang dapat ipag-alala ang mga babaeng nakaranas ng ectopic pregnancy. Dahil ito naman ay hindi pumipigil sa kanilang magbuntis muli. Bagamat, ito ay nagpapataas ng tiyansa sa kaniya na makaranas ng ectopic pregnancy sa mga susunod niya pang pagbubuntis.

Kailan dapat sumunok na magkaroon ng baby ulit?

Ang babaeng nakaranas ng ectopic pregnancy ay dapat sumubok na magkaroon ng baby sa oras na siya ay physically at emotionally ready na.

Bagamat ipinapayo ng doktor na dapat ito ay mangyari matapos ang at least dalawang period o regla matapos ang treatment na pinagdaan sa ectopic pregnancy.

Ang mga babaeng uminom ng methotrexate bilang treatment sa ectopic pregnancy ay inirerekumendang maghintay ng 3 buwan bago magbuntis muli.

Ito ay dahil ang gamot na ito ay maaring makasama sa sanggol kung sakaling magbuntis agad ang babaeng nakaranas ng ectopic pregnancy.

Para naman sa mga babaeng na-operahan at tinanggalan ng fallopian tube dahil sa ectopic pregnancy, maari parin naman silang magbuntis. Kung isang fallopian tube lang ang tinanggal ay maari pa namang mag-travel ang egg cells sa natirang isa pang tube.

Kung dalawang fallopian tubes naman ang inalis ay maari parin namang magkaanak. Ito ay sa pamamagitan nga lang ng IVF o in vitro fertilization.

Muling paalala, kung nagnanais magbuntis, mas mabuting ipaalam ito sa iyong doktor para magabayan at maalalayan ka na masiguradong malusog ang iyong susunod na pagdadalang-tao.

 

Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

theAsianParent