May kuliti ba ang iyong anak? Mommy and daddy, narito ang mga dapat malaman tungkol sa kuliti sa mata na tinatawag ding stye in English. Ano nga ba ang sanhi at sintomas nito? Mayroon bang gamot sa kuliti sa mata?
Bilang magulang, ayaw natin na mayroong bagay na nakakasagabal sa kalusugan ng ating mga anak, seryoso man ito o hindi. Isa sa mga sakit na puwedeng magdulot sa ‘tin ng pag-aalala at pagkabahala ay kapag tinubuan ng kuliti sa mata ang ating anak.
Tayo ngang matatanda ay nahihirapan kapag nagkakaroon nito, paano pa kaya ang mga bata? Alamin dito kung paano magagamot ang kuliti sa mata ng bata.
Gamot sa kuliti | Image from Freepik
Talaan ng Nilalaman
Ano ang kuliti sa mata at sanhi nito?
Stye ang tawag sa kuliti in English. Kuliti ang tawag sa Tagalog kung ang tinutukoy ay ang maliit at masakit na namumulang bukol sa may talukap ng mata. Ito ay sanhi ng infection sa sweat glands sa ating eyelids. Bakit nga ba nagkakaroon ng kuliti sa mata?
Ang kuliti sa mata ay impeksyon na karaniwang sanhi ng bacteria na Staphylococcus aureus.
Maaaring matagpuan ang kuliti sa itaas o ibabang bahagi ng eyelid, o kaya naman sa loob o labas ng talukap.
Ang talukap ng ating mata ay maraming oil glands. Kailangan kasi ito para manatiling lubricated ang ating mga mga at hindi manuyo.
Minsan, maaaring magkaroon ng pagbabara sa mga oil glands na ito. Posible ring mahalo ito sa dead skin cells at bacteria. Kapag nangyari ito, namumuo ang fluid sa isang oil gland at hindi makalabas kaya parang namamaga ito na parang pantal o tigyawat. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng kuliti sa mata.
Kapag nagkaroon ito ng infection, pwede itong mamula at lumaki. Sa ibang kaso, halos hindi na mabukas nang maayos ang mata na may kuliti.
Bagama’t kahit sino ay pwedeng magkaroon ng kuliti, mas madalas raw itong nararanasan ng mga bata.
Sinong pwedeng magkaroon ng kuliti
Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng kuliti ang mga sumusunod:
- Hinahawakan ang mata nang hindi naghuhugas ng kamay
- Naglalagay ng contact lens nang hindi nagdi-disinfect o naghuhugas ng kamay
- Hindi nagtatanggal ng makeup sa gabi
- Gumagamit ng lumang makeup sa mata
- May blepharitis, ang pabalik-balik na pamamaga sa gilid ng talukap sa mata
- May o seborrheic dermatitis o rosacea, isang kondisyon sa balat na nagiging rason ng pamumula nito
- Mayroon diabetes
Nakakahawa ba ang kuliti?
‘Di gaya ng sore eyes, hindi naman talaga nakakahawa ang pagkakaroon ng kuliti. Subalit dahil mayroong fluid na lumalabas mula sa mata, maaring kumalat ang bacteria sa bagay na ginagamit ng taong may kuliti, tulad ng kanilang unan o tuwalya.
Kaya kapag ginamit mo ang unan o tuwalya ng taong may kuliti, maaaring pumasok rin sa iyong mata ang bacteria at magkaroon ng impeksyon.
Mga sintomas ng kuliti
Larawan mula sa Shutterstock
Maaaring iba-iba ang senyales ng kuliti sa bawat bata. Pero ilan sa mga karaniwang sintomas ng kuliti ay ang mga sumusunod:
- Pamamaga ng eyelids
- Pakiramdam na parang napuwing o mayroong maliit na bagay sa loob ng iyong eyelids
- Pamumula at pamamaga ng talukap ng mata at paligid nito
- Pangangati sa bahagi ng mata na may kuliti
- Pananakit sa bahagi ng mata na may kuliti
- Parang may kulay yellow na fluid na lumalabas mula sa mata
- Sensitivity ng mata sa liwanag
- Discomfort tuwing ikikisap ang mata
Ang sintomas ng kuliti ay mayroong pagkakahalintulad sa sintomas ng ibang sakit. Kaya maas magandang kumonsulta pa rin sa doktor upang makumpirma kung kuliti nga ba ito.
Ang isa pang kundisyon na maaaring makapagbigay ng pamamaga sa talukap ng mata ay ang tinatawag na chalazion.
Ang chalazion ay nangyayari kapag nagkakabara ang oil glands sa talukap ng mata. ‘Di tulad ng kuliti, walang nararamdaman na pananakit. Pareho lamang ang paggamot sa kuliti at chalazion.
Dalawang uri ng kuliti
Mayroong dalawang uri ng kuliti. Karaniwang tumutubo ang kuliti sa labas ng talukap at nagre-release ng yellow pus. Subalit may pagkakataon na ang kuliti ay tumutubo sa loob ng talukap. Ito ang uri ng kuliti na mas masakit.
Tinatawag na external hordeolum ang kuliti sa labas ng talukap ng mata. Puno ito ng pus o liquid sa loob ng kuliti at masakit kung hahawakan.
Ang karaniwang sanhi ng kuliti sa labas ng talukap ay ang infections sa sebaceous gland, eyelash follicle, at apocrine gland.
Ang sebaceous gland ay naka-aattach sa eyelash follicle. Nagpo-produce ito ng tinawag na sebum. Ang sebum ang tumutulong para ma-lubricate ang pilik mata para maiwasan ang pagkatuyo nito.
Gayundin naman ang apocrine gland, sweat gland ito na tumutulong sa eyelash na maiwasan ang pagkatuyo.
Samantala, ang eyelash follicle ay ang maliliit na butas sa balat kung saan tumutubo ang pilik mata.
Sa kabilang banda, ang pagtubo naman ng kuliti sa loob ng mata ay tinatawag na internal hordeolum. Nade-develop ang pamamaga ng kuliti sa loob ng mata. Karaniwang mas masakit ito kaysa sa kuliti sa labas ng mata.
Kadalasang sanhi nito ay ang impeksyon sa meibomian gland. Maaaring makaranas din ng mga sumusunod ang taong may kuliti sa loob ng mata:
- mainit na pakiramdam sa mata
- pangangati ng eyeball
- pakiramdam na tila napuwing
- discomfort kapag kumikisap
- sensitivity sa liwanag
- crusting sa eyelid margin
Komplikasyon sa kuliti at kailan dapat dalhin sa doktor
Kadalasan ay hindi naman seryoso ang pagkakaroon ng kuliti at hindi ito nagdudulot ng permanenteng sugat sa iyong mata. Subalit minsan, pwede rin itong magdulot ng mas seryosong impeksyon sa balat na tinatawag na cellulitis. Kapag nangyari ito, reresetahan ang pasyente ng iniinom na antibiotics.
Kapag masakit na ang mismong mata ng bata o nahihirapan na siyang makakita, kailangan na talaga siyang dalhin sa doktor. Gayundin, kapag ang bata ay may lagnat, hindi pa humuhupa ang kuliti at gumagaan ang pakiramdam sa loob ng dalawang araw, at kung lumala ang pamamaga at lumagpas na sa talukap ng mata papunta sa ibang bahagi ng mukha, kumonsulta na agad sa inyong doktor.
Bagama’t ‘di pangkaraniwan, maaari ring magkaroon ng meibomian cyst bilang komplikasyon sa kuliti. Ang kondisyong ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng bukol o cyst sa meibomian gland, o ‘yong gland na talukap ng mata.
Tinatawag ding chalazion ang meibomian cyst. Nasisira ng cyst ang nasabing gland. Subalit, madali rin namang gamutin ang chalazion. Mahalaga lang na ipakonsulta ito sa doktor para malaman kung ano ang mga dapat gawin.
Gamot sa kuliti | Image from Freepik
Ano ang gamot sa kuliti?
Paano nga ba mawala ang kuliti sa loob ng mata? Ayon kay Dr. Angelica Tomas, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, kapag mayroong kuliti ang bata, pinapayo talaga nila na kumonsulta ito sa isang ophthalmologist para makasiguro.
Mahalagang matingnan ng doktor ang mata ng bata para malaman kung ano ang akmang gamot at kung paano ang dapat gawin para mawala ang kuliti.
“Nire-refer talaga namin sa ophthalmologist because they really need to check kung kuliti ba siya o ano, kasi sa gamot na ibibigay. Very important to be checked by an ophthalmologist.”
Dagdag pa ng doktora, may mga kuliti na nawawala nang kusa, subalit mayroon pa rin naman na tumatagal at pabalik-balik. Kaya mas mainam na magpatingin talaga sa eksperto. Tanungin din sa doktor kung mayroong antibiotic ointment o eyedrops na pwedeng gamitin para sa kuliti ng bata.
Gayundin, pwede pa rin namang gumamit ng home remedy gaya ng paglalagay ng warm compress sa mata na may kuliti. Gawin ito sa loob ng 15 minuto 3 hanggang 4 na beses sa isang araw. Makakatulong kasi ang init para mawala ang pagbabara sa oil glands.
Habang ginagamot ang kuliti sa bahay, paalalahanan ang iyong anak na iwasang hawakan o kamutin ang kaniyang mata. Paalalahanan rin siyang laging maghugas ng kaniyang kamay at maghugas ng kaniyang mukha.
Puwede ring hugasan ang bahagi ng mata na may kuliti gamit ang tubig. Maaari ring gumamit ng bulak na nilublob sa tubig at may kaunting baby shampoo.
Gamot sa kuliti | Image from Freepik
Iba pang gamot sa kuliti
Bukod sa mga nabanggit ni Dr. Angelica Tomas, narito pa ang ilang gamot sa kuliti sa mata.
Kung nakararanas ng pananakit ng kuliti sa loob ng mata, maaaring uminom ng gamot na mabibili over-the-counter tulad ng mefenamic at ibuprofen.
Makatutulong ang mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs para maibasan ang pamamaga at pakiramdam na tila mainit sa mata.
Mayroon ding nabibiling eye drops sa mga drugstore na makatutulong para maibsan ang pananakit ng kuliti. Hindi mawawala ang kuliti sa pamamagitan ng eye drops pero makakatulong ito para mabawasan ang discomfort at pain.
Tandaan na mahalagang malinis ang inyong mga kamay kapag naglalagay ng remedy para sa kuliti. Dahil mas lalong lalala ang kalagayan ng stye kung maiimpeksyon ito dulot ng maduming kamay.
Samantala, kapag masyadong malaki ang kuliti, maaaring irekomenda ng doktor ang mga sumusunod:
Pag-inom ng antibiotics
Pupuksain ng antibiotics ang bacteria na sanhi ng kuliti. Makatutulong ito para ‘di na kumalat pa ang stye at maibsan ang pananakit nito.
Maaari kasing kumalat din sa iba pang bahagi ng katawan ang kuliti. Madaling madapuan ng ganitong impeksyon ang mga taong mahina ang immune system.
Paggamit ng steroids
Matutulungan ng steroids ang katawan na gumaling nang kusa. Puwedeng i-inject ng doktor ang steroid nang direkta sa kuliti para mabawasan ang sakit at unti-unting gumaling.
Surgery
Kapag hindi pa rin umubra ang mga naunang paggamot at patuloy sa paglaki at paglala ang kuliti sa mata, maaaring irekomenda na ng doktor ang surgery.
Home remedy sa kuliti sa mata
Ayon sa Healthline, may mga home remedy para sa mga kuliti sa mata na pwedeng-pwedeng gawin. Narito ang mga hakbang kung paano mawawala ang kuliti sa loob ng mata:
Kuliti remedy 1: Warm at cold compress para sa kuliti
Makakatulong ang warm compress bilang gamot para mawala ang kuliti sa mata. Sa pamamagitan nito, tinutulungan nitong mawala ang nana sa paligid ng mga mata pati na ang mga oil. Natural itong mawawala sa pagwa-warm compress dito.
Kapag ikaw ay magwa-warm compress ay gumamit ng malinis na towel o kaya naman damit at ilublob ito sa maligamgam na tubig. Pagkatapos nito, dahan-dahang idampi ito sa kuliti sa mata sa loob ng 5-10 minuto. Makatutulong ito para umimpis ang kuliti sa loob ng talukap.
Tandaang dapat dahan-dahan lang ang dampi dito. Gawin ito sa loob ng 3 hanggang 4 na beses sa isang araw.
Samantala, makakatulong din ang cold compress para sa kuliti. Ang cold compress naman umano ang kailangang gamitin kapag tender ang kuliti kapag hinawakan.
Ibig sabihin daw kasi nito ay active ang inflammation. Tumutulong bilang anti-inflammatory agent ang cold compress para sa kuliti.
Kuliti remedy 2: Linisin ang kuliti sa mata gamit ang mild soap at tubig.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Miriam Alonso
Ayon kay Dr. Michele Green, isang New York-based cosmetic dermatologist,
“The skin around the eyes is much thinner than the rest of your face. Therefore, you need to be very careful with products you apply to your eye area.”
Kaya naman dapat ang gagamiting sabon ay hypoallergenic at non-irritating.
Paalala rin ni Dr. Green na iwasan ang mga synthetic chemical kapag nililinis ang mata. Ang dapat na gamitin ay mga produktong may hypoallergenic at nonirritating na ingredients.
Kuliti remedy 3: Iwasan muna ang paggamit ng make up o contact lens
Kapag may kuliti mas magandang umiwas muna sa paggamit ng mga ito para maiwasan din ang irritation sa mata. Tandaang senstibo ang mga mata kapag may kuliti.
Kuliti remedy 4: Pagdadampi ng maligamgam na tea bag sa bahagi ng mata na may kuliti
Makakatulong umano ang tea bag para sa kuliti sa mata. Natutulungan nitong mabawasan ang pamamaga ng mata at mayroon din itong antibacterial properties na makakatulong sa mata na may kuliti.
Ang gawin lamang ay maglagay ng mainit na tubig sa baso at ilagay ang tea bag. Pagkatapos ay tanggalin ito matapos ang isang minuto. Hintayin munang maging warm ito pagkatapos idampi sa mata na may kuliti. Gawin ito sa loob ng 5 hanggang 10 minuto.
Dahan-dahang masahin ang bahagi ng mata gamit ang kamay. Siguraduhing malinis ang inyong kamay dahil baka ma-irritate lalo ito at mapasukan pa ng iba pang bacteria.
Kapag sumasakit na ang pagmamasahe ay itigal na ito. Makakatulong ito para ma-promote ang drainage sa kuliti sa mata.
Pag-iwas sa pagkakaroon ng kuliti
Para maiwasan ang pagkakaroon ng kuliti at ang pagkalat nito, narito ang ilang bagay na dapat tandaan:
- Maghugas ng kamay – Ugaliin ang paglilinis ng kamay gamit ang tubig at sabon o hand sanitizer na may alcohol bago hawakan ang mata.
- Ugaliin ding linisin ang talukap ng mga mata kapag naghihilamos. Pwede ring linisin ang eyelids gamit ang bulak na may tubig at diluted baby shampoo paminsan-minsan.
- Iwasan ang paghawak sa mata lalo na kung marumi ang iyong mga kamay. Iwasan rin ang paglalagay ng mga bagay sa malapit sa iyong mata gaya ng lumang eye makeup.
- Siguruhing malinis ang mga contact lens – Kung gumagamit ng mga contact lens, siguraduhing malinis ang mga kamay bago hawakan ang mga contact lens. Sundin ang tamang pag-disinfect sa mga ito.
- Iwasan ang paggamit ng tuwalya at unan ng iba para makaiwas sa kuliti o iba pang nakakahawang sakit.
Madaling maiwasan ang pagkakaroon ng kuliti. Ang pagiging malinis sa sarili ang pinakauna at epektibong paraan para hindi magkaroon nito.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa kuliti sa bata o tungkol sa kalusugan ng iyong anak, huwag mag-alinlangan na kumonsulta sa iyong doktor.
Kuliting hindi gumaling
Kapag hindi pa rin gumaling ang kuliti at tinubuan ng scar tissue ang palibot nito, maaaring magkaroon ng tinatawag na chalazion. Ayon sa Web MD, karaniwang hindi naman umano delikado ang kuliti at chalazion at hindi nakaaapekto sa eyeball at sa paningin ng tao.
Kung ang kuliti ay naging chalazion, mawawala na ang sakit nito pero mananatili ang bukol. Kadalasang sa talukap din ng mata namumuo ang chalazion pero may mga pagkakataon na sa ibabang bahagi ng mata ito tumutubo.
Bukod sa baradong oil gland sa talukap ng mata mayroon pang ibang maaaaring sanhi ang chalazion sa mata:
- Impeksyon dulot ng virus
- Seborrheic dermatitis na nagdudulot din ng mapula at makating balat
- Tuberculosis (TB)
- Rosacea o kondisyon ng balat na nagdudulot ng pamumula at acne
- Chronic blepharitis, isang uri ng inflammation sa talukap ng mata na may kasamang pamumula, pagmamaga, at iritasyon.
Maaaring makaranas din ng mild irritation na nagdudulot ng pagluha ng mata ang chalazion. Bukod pa rito at sa hindi masakit na bukol sa talukap, puwede ring magdulot ng paglabo ng paningin kung masyadong malaki ang chalazia at bumabaon sa eyeball, ayon sa Cleveland Clinic.
Gamot sa chalazion
Ang paggamot sa chalazion ay halos katulad din ng paggamot sa kuliti. Makatutulong ang paggamit ng warm compress para linisin ang chalazion.
Basain lang ang malinis na tela gamit ang maligamgam na tubig at idampi ito sa apektadong mata nang 15 minuto. Gawin ito nang tatlong beses sa loob ng isang araw para matulungang bumukas ang baradong oil gland.
Dagdag pa rito, puwede ring imasahe nang dahan-dahan ang talukap ng mata, ilang beses sa isang araw. Light to medium pressure lang ang kailangan, huwag masyadong diinan. Makatutulong din ito para mabuksan ang baradong oil gland sa apektadong mata.
Higit sa lahat, mahalagang panatilihin ang maayos na hygiene.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Magda Ehlers
Huwag munang maglagay ng makeup sa mukha lalo na sa bahagi ng mata habang ikaw ay mayroong chalazion. Kapag na-drain na ang chalazion, panatilihing malinis ang paligid nito. Dagdag pa rito, importanteng iwasan din ang paghawak o pagkuskos sa iyong mga mata.
Kung maayos namang nagagawa ang mga nabanggit na paggamot, gagaling din ang chalazion sa loob ng isang linggo. Kapag naman napabayaan ito at hindi nilapatan ng lunas, posibleng tumagal ito ng apat hanggang anim na linggo bago gumaling.
Kung nagawa na ang mga nabanggit na hakbang at wala pa ring pinagbago, mahalagang kumonsulta na sa doktor. Magpatingin sa eye specialist na tinatawag na ophthalmologist.
Maaaring i-drain ang fluid sa loob ng chalazion sa pamamagitan ng paghiwa rito nang maliit. Posible ring irekomenda nito na mabakunahan ka ng steroids para mabawasan ang pamamaga at inflammation.
Tandaan
Kapag nagkaroon ka na ng kuliti o chalazion at ito ay gumaling, posible pa rin na magkaroong muli nito sa ibang panahon. Kaya naman, mahalagang panatilihin ang kalinisan sa katawan at kapaligiran. I-practice ang pagkakaroon ng good hygiene para maiwasan ang pagkakaroong muli ng chalazion at kuliti.
Kung may nararansang kakaiba sa inyong mga mata na nagdudulot ng pagkairita at problema sa paningin, mahalagang kumonsulta agad sa inyong doktor.
Importanteng alagaan ang ating mga mata dahil mahalaga ito sa kalidad ng ating buhay. Maaaring kausapin ang inyong doktor para humingi ng payo kung paano maiiwasan ang mga problema sa mata tulad ng kuliti at chalazion.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Kung palagay mo ay mas matagal na ang pagkakaroon ng iyong kuliti at mas lumalala pa ito, mas mainam na magpatingin na sa doktor. Sapagkat baka may iba pang pinanggagalingan ang kuliti at ito’y mas may malalang impeksyon sa mata.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!