Nakararanas ka ba ng tila pagsakit sa bahagi ng ilong na nagdudulot din ng sipon at pananakit ng ulo? Ang sinusitis ay pamamaga ng paranasal sinuses. Ano ang gamot sa sinusitis?
May iba’t ibang uri ng sinusitis at nakadepende sa kung gaano ito kalala kung ano ang mabisang gamot para dito.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang sinusitis?
Ang sinusitis ay inflammation o pamamaga ng tissue na naka-linya sa sinuses ng ilong. Tinatawag na sinus ang hollow na bahagi na nakapagitan sa mga buto malapit sa mga mata. Nasa likod na bahagi rin ng cheekbones ang sinus, at tumutuloy sa bandang noo.
Ang sinus ay lumilikha ng mucus, na tumutulong na mapanatiling may moist sa loob ng ating ilong. Dahil sa mucus na ito, napipigilan nitong tuluyang makapasok ang alikabok, allergens, at pollutants.
Kapag healthy ang sinus, napupuno ito ng hangin. Pero kapag naman na-block at napuno ng fluid, maaaring mamuo ang germs at magdulot ng infection. Dito nangyayari ang sinusitis, at kinakailangan ang gamot sa sinusitis para malunasan ito.
Ano ang sanhi at sintomas ng sinusitis?
Maaaring dulot ng viral o bacterial infection ang pagkakaroon ng sinusitis. Mayroong iba’t ibang uri ng sinuses sa ating katawan. Ang paranasal sinuses, ay matatagpuan sa likod ng ating pisngi patungo sa nasal cavity. Ito ang sinuses na naaapektuhan kapag mayroong sinusitis.
Pareho ang composition ng paranasal sinuses at ng lining ng ilong. Nagproproduce ito ng mucus o mala-sipon na fluid. Kapag na-trap ang fluid sa sinuses at napuno na ng dirt particles ay magsisimulang dumami ang germs. Magreresulta ito ng iritasyon at inflammation sa sinuses.
Tinatawag ding rhinosinusitis ang pamamaga ng sinuses dahil karaniwang kaakibat nito ang pagkakaroon ng rhinitis o inflammation sa ilong. Ang gamot sa sinusitis ay nakadepende sa tindi ng sintomas nito.
Sanhi ng sinusitis
Ang sinusitis ay pamamaga ng sinuses na idinulot ng blockage sa sinus, dahil napamugaran na ng mga germs at nagiging simula ng impeksyon. Narito ang mga sanhi ng blockage na nagiging sinusitis:
- common cold o sipon
- kapag ang tao ay may allergic rhinitis, o ang pamamaga ng lining ng ilong na tinatawag na nasal polyps
- mga maliliit na pamumuo sa nasal polyps ng ilong
- deviated septum, na nagiging shift o pagbabago sa nasal cavity
Sinusitis symptoms: Ano ang sintomas ng sinusitis?
Katulad ng sipon at lagnat, marami pang senyales para malaman kung ano ang sintomas ng sinusitis. Madalas, nagdudulot din ito ng matinding panankit ng ulo sanhi ng blockage sa sinus.
Ang mga sintomas ng sinusitis o sinusitis symptoms ay ang mga sumusunod:
- Pressure sa pisngi o tila pananakit sa mukha
- Ubo
- Sore throat
- Mabahong hininga
- Baradong ilong
- Runny nose
- Sipon na maaaring kulay berde o madilaw
- Postnasal drip, kung saan may mucus o tila sipon na dumadaloy paibaba sa bahagi ng lalamunan.
- Pagkawala ng pang-amoy at panlasa
- Pamamaga ng mga mata, ilong at pisngi
- Pananakit ng ulo
- Lagnat
- Pananakit ng ngipin
Karaniwang sanhi ng sinusitis ay viral infection. Subalit maaari ring ang dahilan ng pagkakaroon nito ay bacterial o kaya naman ay fungal infections.
Uri ng sinusitis
May iba’t ibang uri ng sinusitis. Nakadepende ang gamot sa sinusitis kung anong uri ang nakaapekto sa iyo.
Acute sinusitis
Pansamantala lang ang sinusitis na ito at karaniwang gumagaling din matapos ang pito hanggang 10 araw. Subalit maaari din itong tumagal nang hanggang apat na linggo. Pwedeng magkaroon ng ganitong sinusitis kung mayroong sipon o ubo o kaya naman ay seasonal allergy.
Subacute sinusitis
Tumatagal ang sintomas nito hanggang 12 linggo. Karaniwang sanhi ay seasonal allergies o bacterial infections.
Recurrent acute sinusitis
Kung nakaranas ng apat na episodes ng acute sinusitis sa loob ng isang taon, tinatawag itong recurrent acute sinusitis. Bawat episode ay tumatagal nang pitong araw o higit pa.
Chronic sinusitis
Kapag tumagal ng lampas 12 linggo ang mga sintomas ng sinusitis o pabalik-balik ito nang tatlong beses sa loob ng isang taon, chronic sinusitis na ang kondisyon.
Ayon sa Medical News Today, tinatayang nasa 50% ng mga tao na mayroong moderate-to-severe asthma ang mayroon ding chronic sinusitis.
Mataas ang tiyansa na magkaroon ng sinusitis ang mga sumusunod:
- Mayroong mahinang immune system dahil sa medication o kaya naman ay health condition
- May seasonal allergy o allergy sa alikabok, pollen, at balahibo ng hayop
- Mayroong nasal polyps o maliit na bukol sa nasal passage na maaaring magdulot ng pagkasira at pamamaga nito.
- May ubo, sipon, o iba pang respiratory tract infection
- Kapag na-bend o deform ang septum o ang buto sa ilong na humahati sa dalawang bahagi o nostrils.
- Naninigarilyo
- Mayroong dental infection
Mabisang gamot sa sinusitis
Ano ang mabisang gamot sa sinusitis? Nakadepende ang bisa ng gamot kung akma ito sa uri ng sinusitis. Karaniwang ginagamot lang sa bahay ang sinusitis pero kung ang sintomas mo ay hindi gumaling sa loob ng 10 araw makabubuting kumonsulta sa doktor.
Itatanong sa iyo ng doktor ang mga sintomas na nararanasan. Maaari ka ring sumailalim sa physical examination. Titingnan ng doktor ang nasal passages mo gamit ang endoscope.
Sa kaso ng structural damage sa septum o ilong, maaaring i-order ng doktor na sumailalim ka sa MRI o CT scan. Dagdag pa rito, kung allergy ang tinitingnang dahilan ng iyong sinusitis, magsasagawa ang doktor ng allergy test para malaman kung ano ang naka-trigger ng iyong sinusitis.
Samantala, maaari ring magsagawa ng blood test ang iyong doktor para matingnan ang ilang kondisyon na posibleng dahilan ng paghina ng immune system.
Mahalagang magpatingin sa doktor kung:
- Lumalala ang sintomas imbes na mas bumuti sa paglipas ng mga araw
- Tatlo hanggang apat na araw nang may lagnat na 38.6°C
- Mayroong severe symptoms na hindi nawawala kahit mag-take ng over-the-counter na gamot sa sinusitis
- Namamaga ang mata o nanlalabo ang paningin
Kapag nababahala sa mga sintomas na nararamdaman, agad na magpatingin sa doktor para malaman kung ano ang tamang gamot para sa sinusitis na nararanasan.
Sinusitis treatment: Gamot sa sinusitis
Ano ba ang treatment para sa sinusitis? May mga partikular na gamot para sa sinusitis na madalas ay inirereseta ng doktor. Bago sumubok ng anumang gamot sa sinusitis, iwasan ang pagself-diagnose at alamin muna ang sanhi ng sakit.
May mga mabisang gamot naman sa sinusitis ang dapat na malaman upang maiwasan ang paglala nito. Nakadepende rin kasi ang mabisang gamot sa type o level ng sinusitis ng isang tao. Narito ang mga dapat alamin para sa mabisang gamot sa sinusitis.
- Para sa acute sinusitis na dulot ng bacterial infection, maaaring irekomenda ng iyong doktor na uminom ng antibiotics.
- Kapag chronic ang sinusitis, karaniwang hindi bacterial infection ang sanhi nito. Kaya naman hindi makatutulong ang pag-inom ng antibiotic. Ang kailangan ay umiwas sa mga lugar na maaalikabok, may pollen, at iba pang allergens.
- Makakatulong ang corticosteroid sprays or tablets bilang gamot sa chronic sinusitis. Magagawa nitong i-manage ang inflammation o pamamaga ng sinuses. Sundin ang prescription ng doktor kung hanggang kailan lang ito maaaring gamitin o i-take dahil maaaring magdulot ng adverse effects ang labis na paggamit nito.
- Kung hindi umubra ang mga nabanggit na pag gamot sa sinusitis, maaaring irekomenda ng doktor ang surgery. Kaya lamang, kakailanganin pa rin ang ibang treatment matapos ang surgery para maiwasang bumalik ang sinusitis.
Kung bata ang nakararanas ng sinusitis at nirekomenda ng doktor ang surgery, makabubuting humingi ng second opinion bago ito gawin.
Gamot sa sinusitis home remedy
- Dampian ng warm damp cloth ang iyong mukha at noo para mabawasan ang sakit na dulot ng sinus pressure
- Uminom ng maraming tubig at juice para manatiling hydrated
- Gumamit ng humidifier sa iyong kwarto upang mabalanse ang moisture sa hangin.
- Isarado ang pinto ng banyo, buksan ang shower at umupo sa bathroom. Hayaang mapuno ng steam ang paligid.
- Haluan ng menthol o eucalyptus oil ang hot water o towel. Tandaan lang na huwag direktang i-apply ang essential oils sa iyong balat.
- Linisin ang makakapal at malagkit na sipon o mucus sa ilong gamit ang salt water o saline solution.
- Gumamit ng nasal corticosteroid spray na mabibili over-the-counter.
Gamot sa sinusitis home remedy: Halamang gamot sa sinusitis
Para maiwasan ang pamumuo ng germs dulot ng blockage sa sinus, narito ang halamang gamot sa sinusitis na maaaring subukan:
- ginger tea o luyang pinakuluan
- turmeric tea
Gamot sa sinusitis headache
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sinusitis?
Narito ang ilang pwedeng gawin para makaiwas sa pagkakaroon ng sinusitis:
- Ugaliing maghugas ng kamay.
- Kumain ng masusustansyang pagkain.
- Iwasan ang paninigarilyo o umiwas sa mga mauusok na lugar.
- Umiwas sa kemikal, pollen, o iba pang irritants.
- Magpabakuna ng flu shot taun-taon.
- Umiwas sa mga taong may active respiratory infections tulad ng ubo, sipon, at trangkaso.
- Gumamit ng humidifier sa bahay para mapanatili ang malinis at moisten na hangin.
Tiyakin na laging magpakonsulta sa doktor kapag nakakaramdam na ng mahinang sintomas ng sinusitis. Ang pagpapanatiling malinis ng paligid at malayo sa mga potential allergens ang isang paraan ng paglayo sa anumang sakit tulad ng sinusitis at mabisang gamot at lunas din para dito.
Sa mga halamang gamot naman, itanong muna sa doktor kung safe ba ang mga itong gawing panlunas sa sinusitis.
Sino ang posibleng magkaroon nito?
Sino man ay maaaring makaranas ng sinusitis per mas mataas ang tiyansa ng pagkakaroon ng sinusitis kung ikaw ay may kondisyon tulad ng mga sumusunod:
- Deviated septum – ang septum ay ang linya ng tissue na humahati sa iyong ilong. Kung mayroon kang deviated septum, ibig sabihin hindi tuwid ang septum na nagsasanhi ng pagkipot ng passage sa isang bahagi ng ilong. Maaari itong magdulot ng pagbara.
- Nasal allergy
- May Asthma
- Mahinang immune system
- Kung ikaw ay may HIV, cancer o iba pang medical condition
- Kapag ikaw ay naninigarilyo
- Kung mayroong nasal polyps
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.