Maraming beses mo na rin bang naisip na makipaghiwalay? Pansin mo nang hindi ka na masaya sa iyong asawa? Nananatili ka pa rin sa relasyon kahit hindi na ito nakakatulong sa inyong dalawa? Alamin dito ang mga posibleng rason kung bakit hindi na masaya sa asawa.
Talaan ng Nilalaman
Hindi na masaya sa asawa
Masaya at exciting naman talaga ang unang panahon ng pag-aasawa. Naririyan ang kasal na dinadaluhan ng kapamilya at kaibigan.
Mararanasan ang honeymoon na punong-puno ng spice at init ng pag-iibigan. Hanggang sa magbubunga ito ng mga anak, na magdagdag ligaya sa inyong dalawa. Mangagarap ng marami para sa hinaharap.
Hindi nga lang parating ganito para sa lahat ng tao. Darating ang iba’t ibang mga factors na nakaaapekto sa relasyon. Mapupunta rin sa punto na papasok ang desisyon ng hiwalayan.
Maituturing na isa sa pinakamahihirap na desisyon ng pag-aasawa. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nananatili ka pa rin sa relasyon kahit hindi ka na masaya.
Mga posibleng rason kung bakit hindi na masaya ang mag-asawa sa pagsasama
1. Paulit-ulit nang nakaranas ng panloloko
Kapag paulit-ulit na ang panloloko sa pagitan ng inyong pagsasama magdudulot talaga ito ng malaking problema sa inyong dalawa. Hindi rin kasi madaling makalimutan ang sakit dahil sa nangyari.
Gugulgol ng panahon para manumbalik ang pagmamahalan at tiwala sa isa’t isa. Kaya naman isa ito sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi na nagiging masaya ang mga mag-asawa.
Makakatulong na pag-usapan niyo ang inyong relasyon, kung kaya niyo pa bang magsama at kung kakayanin niyo pa bang maayos ang inyong relasyon.
Maaari ring humingi ng tulong sa mga eksperto o magkaroon ng marriage counselling para maayos ang inyong pagsasama.
2. Nawawalan ng oras sa isa’t isa
Kapag mag-asawa na naiiba na ang mga responsibilidad niyo, lalo na kapag kayo ay ang nagkaroon na ng pamilya. Minsan isa rin itong dahilan kung bakit hindi ka na masaya sa asawa o pagsasama niyong dalawa.
Mahalaga na mabigyan pa rin ng oras ang inyong pagmamahalan maliban sa mga responsibilad sa ating mga anak. Sapagkat kapag nawawalan kayo ng oras sa isa’t isa, mababawasan din ang pagkakataon para mas pagtibayin pa ang inyong relasyon.
Kahit gaano kayo ka-busy halimbawa sa trabaho o sa gawaing bahay, laging maglaan ng oras para sa quality time niyong mag-asawa.
3. Iba na ang goals niyong dalawa
Isa rin ito sa mga maaaring dahilan kung hindi ka na masaya sa iyong asawa. Nag-iiba na ang goals niyo sa buhay at maaaring nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa pagitan ninyo.
Dahil sa mga pagtatalong ito nagkakaroon ng lamat sa inyong relasyon. Lalo na kung hindi niyo ito nireresolba agad. Bilang mag-asawa dapat parehas kayo ng goals para sa inyong pamilya.
Dapat ding maging supportive sa isa’t isa, sapagkat hindi lamang tayo basta isang ama, ina, asawa sa ating mga karelasyon at sa ating pamilya. Isa rin tayong individual.
Magkaroon ng seperate na goal para ma-improve ang self growth bukod sa pagiging magulang or asawa. Baka kasi kaya hindi na masaya sa pagsasama ay dahil hindi mo na nagagawa ang mga bagay na passionate ka bago kayo magpamilya.
Mahalagang suportahan ang isa’t isa sa mga ganitong bagay.
4. Pag-aaway patungkol sa mga gastusin
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit laging nagtatalo ang mga mag-asawa. Sapagkat totoo naman na mahirap mag-budget ng pera. Lalo para sa buong pamilya.
Maging open at bukas patungkol sa usaping ito, lalo na sa pagba-budget ng pera at mga gastusin sa bahay. Sa ganitong paraan maiiwasan ang mga pagtatalo o pagsisihan ninyong dalawa tungkol sa pera.
5. May pang-aabusong nangyayari
Maraming klase ng pang-aabuso, at maaring isa ito sa mga rason kung bakit hindi ka na masaya sa iyong asawa. Bukod sa pananakit, naririyan din ang verbal, emotional, at psychological abuse na maaaring magdulot nang hindi masayang pagsasama.
Maaari itong mangyari hindi lamang sa mga misis kundi pati na kay mister. Kaya naman sa mga ganitong pagkakataon lalo na kung may pananakit, dapat kayong humingi ng tulong sa mga awtoridad, o kaya naman magkaroon kayo ng counselling na dalawa.
Matapos nating talakayin kung ang mga maaaring dahilan kung bakit hindi masaya sa pagsasama ng mga mag-asawa, dito papasok ang tanong na, “Hihiwalayan ko na ba siya dahil hindi na ako masaya?”
Pero marami sa atin ang hindi kayang makipaghiwalay agad sa ating mga asawa kahit na may mga ganitong rason. Kaya naman inilista namin sa inyo ang ilan din sa mga rason kung bakit nahihirapan tayong makipaghiwalay sa ating mga asawa kapag hindi na tayo masaya at marami nang pang-aabusong naranasan.
5 dahilan kung bakit mahirap makipaghiwalay kahit hindi na masaya sa asawa
1. Usaping pampinansyal
Sa pag-aasawa malaking usapin ang pinansyal. Pinagtutulungan ng dalawa ang lahat ng gastusin. Mula sa pagpapagawa o renta ng bahay, pagkain, damit, bills, at maging budget sa anak. Sabay itong pinaplano at inaayos ng mag-partner.
Isa ito sa mga factor kung bakit nahihirapang maghiwalay ang magkarelasyon. Madalas na nauunang iniisip ang pera kaysa sa kasiyahan.
Ang pagbabayad ng bahay mag-isa, paano mababayaran ang bayarin at saan hahanapin ang panggastos sa anak; ang ilan sa pag-aalala ng mag-asawa kung magpapasyang maghiwalay.
Sa usaping ganito, madalas na naaapektuhan ay kababaihan. Dahil nga nasa kalalakihan ang common na role ng pagtatrabaho, sila ang may security sa pinansya.
Ayon sa mga report, 69% ang lamang ng dalas sa pag-aaya ng mga babae na makipag-annulment . Nasa tinatayang 25-50% naman ang nawawalang income sa kanila matapos makipaghiwalay.
2. Napapangunahan ng takot
Takot ang isa sa mga dahilan kung bakit hirap na tapusin ang relasyon. Maaaring may banta ng pananakit sa pisikal kung mapang-abuso ang partner.
Pwede rin ang emotional abuse, kung saan ipinipilit ang mga negatibong epekto ng hiwalayan. Ang takot na mahusgahan ng pamilya at mga kaibigan ang common na takot na nararamdaman ng mga gustong makipaghiwalay.
Ganito ang nangyayari kung mas nauuna ang takot. Hindi na nakikita na mas marami pang positibong kalalabasan ang pagtapos sa relasyon kaysa sa negatibong epekto.
Ayon sa pag-aaral, tinatayang nasa 75% raw ng mga may kakilala o kaibigang nakipaghiwalay ang lumalakas ang loob na ituloy rin.
Dito kasi nila nasasaksihan ang buhay nang walang karelasyon. Kumbaga ay may nagiging inspirasyon sila upang mas manaig ang tapang kaysa sa takot.
3. Kapakanan ng mga anak
Hindi lamang usaping pinansya ang iniintindi ng mag-asawa sa kanilang mga anak. Iniisip din nila kung paano magkakaroon ng buo at masayang pamilya ang mga bata.
Kung paanong mararamdaman nilang sila ay naalagaan at minamahal. Bulnerable kasi ang mga bata sa tukso at panghuhusga ng ibang tao lalo’t kung broken ang pamilya.
Ang pilit na pag-aayos sa relasyon para sa mga anak ay kadalasang mali ng mag-asawa. Mas nauuwi kasi ito sa hindi maayos na pagsasama.
Ang ending, bata pa rin ang magsusuffer sa kanilang dalawa. Maaaring magkaroon ito ng mental health problems gaya ng anxiety at depression. Pwede ring mauwi sa pagdadrop out sa paaralan o sumubok ng mga pinagbabawal na gamot.
4. Nakararamdam ng kahihiyan
Kahihiyan ang mararamdaman kung sakaling hindi maging matagumpay ang relasyon ng mag-asawa. Pareho na kasing nakasalamuha ninyo ang mga mahahalagang tao sa buhay.
Nakilala na ang pamilya at mga kaibigan, bumuo na rin ng maraming alaala. Kumbaga marami ang nakaabang at madi-disappoint ninyo kung sakaling maghiwalay.
Ganito ang kadalasang pinagdadaanan ng mag-asawa, inuuna ang opinyon ng iba kaysa sa kapakanan ng isa’t isa. Pinagmumukhang palpak na agad ang pagkatao dahil lang sa hindi na nagwowork-out ang relasyon. Ang mahusgahan na may mga pagkukulang ang isa sa common na kahihiyang ayaw nila maranasan.
5. Pinipilit na magiging maayos pa ang relasyon
Kaya nagiging urong-sulong ang relasyon ay dahil sa pagpipilit ng mga bagay na hindi na dapat. Kung minsan ay buo ang desisyon tyaka biglang maiisip kung bakit nga ba sila nagmahalan. Pilit binabalik ang sayang naramdamn noong bago pa lamang.
Nagbabago ang panahon kasabay ng tao. Dapat ay hindi niroromantisa ang bersyon ng inyong relasyon noong ito ay mainit at maligaya pa.
Marami nang factors ang pwedeng sumingit na maaaring makapagpabago ng inyong pagsasamahan. Hindi dapat nananatili sa kung ano kayo noon.
Tandaaan ang pag-aasawa at pag-ibig ay pinagsisikapan, dapat lagi kayong gagawa ng paraan upang mag-aalab ulit ang pagmamahalan niyo lagi.
Paano kaya mapapanatili ng mga mag asawa ang magandang samahan?
Nagkakaproblema ba kayo ng iyong asawa at ngayon ay napapatanong ka kung paano kaya mapapanatili ng mga mag asawa ang magandang samahan?
Narito ang ilang payo sa mag asawa para manatili ang healthy relationship:
Panatilihin ang meaningful na emotional connection sa isa’t isa
Mahalagang patuloy na ipinaparamdam sa iyong asawa ang iyong pagmamahal. Iparamdam sa kaniya na siya ay accepted at valued. Importante na nararamdaman ng mag-asawa na mahalaga sila sa isa’t isa.
Mahalaga na nakaka-relate emotionally ang mag-asawa sa isa’t isa. Ang kawalan ng emotional connection ay maaaring magdulot ng paglayo ng loob ng asawa.
Pinag-uusapan ang hindi pagkakasundo
Normal sa mga mag-asawa na kung minsan ay mayroong mga hindi pagkakasunduan. Dahil nga dalawang hiwalay na indibidwal na nagdesisyong magsama sa buhay.
Importante na tuwing mag hindi pagkakasundo ay pag-usapan ito nang maayos. Iwasan ang pagtataas ng boses sa mga sitwasyong ito. Mahalaga na safe ang pakiramdam ng isa’t isa sa pag-express ng kani-kanilang opinyon at nararamdaman.
Tandaan na ang maayos na komunikasyon ang isa sa mga pinakamahahalagang sangkap ng magandang relasyon. Importante na nararamdaman niyo pareho na komportable kayong i-express ang inyong mga pangangailangan, kinatatakutan, at mga kagustuhan. Sa pamamagitan nito, mas tumitibay ang tiwala niyo sa isa’t isa at ang ugnayan niyo ng iyong asawa.
Panatilihin ang outside relationship at interest
Kapag sinabing outside relationship, ito ‘yong mga relasyon natin na labas sa relasyon ng mag-asawa. Halimbawa nito ay ang relasyon natin sa pamilya at mga kaibigan.
Para mapanatili ang maayos na relasyon, mahalaga rin na mapanatili ang sariling identity sa pamamagitan ng pagpapalago rin sa relasyon niyo sa iba. Importante rin na maglaan pa rin ng panahon para sa mga indibidwal na interes at hobbies.
Payo sa mag asawa: Tips para mapanatiling maayos ang pagsasama
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, narito ang ilang tips mula sa Mental Health Foundation UK kung paano mapapanatili ang healthy relationship.
- Kilalanin ang sarili. Maglaan ng panahon para i-appreciate ang sarili. Kilalanin ang sariling mga emosyon at alamin kung paano mo ma-eexpress nang malinaw ang iyong sarili.
- Tandaan na para mapanatili ang maayos na samahan dapat na parehong committed ang mag-asawa. Mahalagang willing ang isa’t isa na i-accommodate ang pangangailangan ng bawat isa.
- Maaaring mag-set ng boundary. At importante rin na respetuhin ang boundaries ng iyong asawa. Sa paggawa at paggalang sa boundaries ng karelasyon, maiiwasan na mag-commit sa mga unrealistic na sitwasyon.
- Makinig sa sinasabi ng asawa. Normal na magkaroon ng ‘di pagkakasundo at ayos lang ito. Ang mahalaga ay mapag-usapan nang maayos at makinig sa isa’t isa para maituwid ang anomang gusot sa pagsasama.
- Mag-reflect at matuto. Kung makaranas ng galit, maaaring sandaling huminto at magmuni-muni kung saan ba nanggagaling ito. Sa pamamagitan nito, matututunan mong mag-react sa sitwasyon sa maayos na paraan.
Mommy and daddy, ano man ang inyong pinagdaraanan bilang mag-asawa, tandaan na maaayos lamang ito kung pareho kayong handang gumawa ng solusyon. Tandaan na hindi kayo magkaaway bagkus ay magkakampi kayo sa pagsasaayos ng inyong relasyon.