Isa sa pinakamasayang pagkakataon bilang isang magulang ay ang makita mong bumukas ang mga mata ng iyong sanggol. Ang unang pagtatagpo ng inyong paningin ay hindi matatawaran. Pero ilang buwan bago makakita ang sanggol?
Ilang buwan bago makakita ang sanggol?
Ilang buwan bago makakita ang sanggol? | Larawan dreamstime
Ang unang taon ng isang bata ay nagpapakita ng mabilis na pag-unlad at malaking pagbabago sa visual sensitivity at visual perception.
Ang mga pagbabagong ito ay kailangang sundan at bigyan ng pagpapahalaga upang matulungan si baby na lumaking may maayos na paningin.
Napakaraming maaaring mangyaring pag-unlad mula sa pagkapanganak hanggang sa unang 6 na buwan pa lamang, lalo pa sa unang taon.
Sa loob lamang ng isang taon, malaki ang magiging pag-unlad ng paningin ng isang sanggol. Mahalagang malaman ng mga magulang ang bawat milestone ng visual development ng isang bata. Gayundin, kung paano ito matutulungan upang masiguro na makakakita ng maayos.
Nasa kamay ng mga magulang ang pagtulong sa mga anak sa unang 6 na taon na mapaunlad ang paningin at mga mata. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang gawain, laro at laruan na bagay sa kaniyang edad.
Habang ikaw ay nagbubuntis pa lamang
Ilang buwan bago makakita ang sanggol? Bago pa ipanganak, nagsisimula na ang vision development ng isang bata. Sa prenatal check-up pa lang, pwede nang magtanong sa OB-Gyne kung paano lubos na mapapangalagaan ang sarili para maging malusog ang sanggol sa sinapupunan.
Kailangan ng pag-iingat tulad ng pag-inom ng mga supplements o bitamina at pagpapahinga upang maiwasan ang mga problema sa kalusugan na maaaring maka-apekto sa vision development.
Ang pag-inom ng alak at paninigarilyo ay ilang sa mga nagiging sanhi ng problema sa mata at paningin ng batang nasa tiyan pa lamang ni Nanay.
Visual Milestones
Mula pagkapanganak, buhay na buhay ang lahat ng pandama (senses) ng isang bata. Gamit ang mga mata at kakayahang makakita, natututo ang isang sanggol tungkol sa lahat ng nasa paligid niya—bago pa man niya matutunang gamitin ang mga kamay o paa.
Ang abilidad na maigalaw, maka-focus, at gamitin ang mga mata ay natututunan, ayon sa American Optometric Association. Ang kakayahang makita at maintindihan ang mundo ay natututunan sa pamamagitan ng pagmamasid at pagbuo ng ideya mula sa nakita at naintindihan.
Pagkapanganak hanggang 4 na buwan
Ang mga bagong panganak ay wala pa gaanong abilidad na makakita. Ang visual system ng isang sanggol ay nagsisimulang ma-develop.
Sa unang linggo ng buhay, wala pang detalye ang mga nakikita ni baby, bagama’t may mga ilang kulay na tulad ng pula, orange, berde at dilaw.
Gustong gusto ng mga sanggol ang matingkad na kulay, lalo na kapag black ang white. Ayon sa mga pag-aaral, nakakatulong sa brain development ang pagtingin sa mga bagay na kulay itim at puti para sa mga sanggol.
Kaya na ni baby na tumitig sa isang bagay, habang lumilipas ang buwan, ngunit wala pa siyang kakayahang mapag-iba ang mga bagay na nakikita. Nakikita niya ang mga bagay na malapit lamang sa kaniya, ng hindi hihigit sa s 8 hanggang 10 pulgada ang layo.
Sa ikalawang buwan, kaya na niyang tumitig o makipagtinginan kay Nanay at Tatay, o kahit sinong “kausap” at kalaro niya. Minsan, mapapansing parang naduduling ang bata.
Normal lamang ito dahil nga nag-aaral pa lang siyang mag-focus. Takpan lamang ng kamay at ipikit ang kaniyang mga mata para maalis ang pagkasalubong nito.
Sa patuloy na stimulation, natututo ang sanggol na gamitin ang kaniyang mga mata at nagiging mas maayos ang paningin niya. Nahahasa din ang eye-hand coordination niya, at nakakaya na niyang masundan ang mga bagay na nakikita (katulad ng laruan) at abutin ito ng kaniyang kamay.
Sa mga buwan na ito at sa susunod pa ay magtutuloy-tuloy na ang development sa ilang buwan bago makakita ang sanggol.
5 hanggang 8 buwan
photo: dreamstime
Ilang buwan bago makakita ang sanggol?
Kaya na ni baby na kontrolin ang paggalaw ng kaniyang mga mata, at patuloy na nahahasa ang eye-body coordination skill niya. Gumagapang na rin kasi siya, at nagsusubok na na puntahan at hilahin o pulutin ang mga bagay na nakakapukaw ng atensiyon niya.
Nagkakaron na rin siya ng mala-3D na pagtingin sa mga bagay, at naaaninag na niya kung malapit o malayo ang tao o bagay. Nakakakita na rin siya ng mga kulay, kaya’t mainam na gawing makulay ang kaniyang paligid. Kaya naman mapapansin na lahat ng laruang pambata para sa edad na ito ay matingkad ang mga kulay.
Nakakakita at nakakakilala na siya ng lahat ng kulay sa rainbow o bahaghari, kaya’t magandang pakitaan siya ng mas maraming makukulay na bagay.
9 hanggang 12 buwan
Pagsapit ng 9 na buwan, kaya na ng bata na tumayo nang nakakapit. Pagkatapos nito ay patuloy itong magtatangkang pumunta kung saan saan, at hawakan at hilahin ang mga bagay na nakakapukaw ng atensiyon niya.
Papunta sa kaniyang unang taong kaarawan, magtatangka na itong lumakad nang mag-isa. Mapapansin mo ang pagkahilig ni baby na abutin ang isang bagay, at pagkatapos ay ibato ito. Pagkatapos ay pupulutin ulit, at ibabato.
Kasama ito sa patuloy na pag-unlad ng depth perception o pagtingin sa layo o lapit ng isang bagay, at sa eye-hand-body coordination.
Hayaan siyang gumapang muna, bago tuluyang maglakad, dahil ito ang paraan para maging mas bihasa ang eye-hand coordination niya.
Sa gulang na isang taon, hindi mo na mapipigilan ang paglalakad, paggapang, at patuloy na pagtuklas ni baby sa mga bagay sa kaniyang paligid—gamit ang paningin at iba pang pandama nito.
Mga Problema sa Paningin
Ang malusog na mga mata ay susi sa maunlad at maayos na paningin ng isang bata. Kapag may problema sa mata at paningin, nagkakaroon ng pagkaantala ng pag-unlad nito.
Imporanteng makita agad ang anumang problema upang mabigyan ito ng solusyon at hindi makaapekto sa pag-unlad ng visual abilities ni baby.
May mga eye exam na makakatulong sa pag-alam kung may problema sa mata o paningin ang isang sanggol. Bagamat bihira ito sa isang sanggol na wala pang 6 na buwan, may mga pagkakataon na nagkakaroon ng problema sa mata at paningin kahit gaano pa kabata.
May mga hudyat na makakatulong upang mapansin kung may panganib nga ba, tulad ng mapupulang talukap ng mata, na maaaring senyales ng impeksiyon, kakaibang paggalaw o madalas na paggalaw ng mata, pagiging sobrang sensitibo sa liwanag o ilaw, at puti sa pupil ng mata, na hudyat ng kanser. Alinman sa mga kondisyong ito ang mapansin, kumonsulta agad sa doktor o pediatric optometrist.
Bilang pangunahing tagapag-alaga, ang mga magulang ang dapat na magbigay ng lahat ng pagkakataon upang masiguro ang pag-unlad ng paningin ni baby.
Kasama dito ang pagmamasid upang makita agad kung may problema sa mata at paningin ang sanggol, at matugunan ang mga pangangailangang medikal, kung mayron man.
Siguraduhing napapagmasdan ang mga mata ng bata at paggamit niya nito. Ang mga kondisyon tulad ng mga sumusunod ay maaring makita agad:
- Strabismus o misalignment ng mga mata. Kapag hindi naagapan, ito ang nagiging dahilan ng amblyopia o “lazy eye.”
- Ang mga premature babies ay may mas posibleng panganib na magkaroon ng problema sa mata. Ang retinopathy of prematurity (ROP) ay ang abnormal na pagkakaroon ng fibrous tissue at blood vessels sa retina. Karaniwang itong sakit ng mga pinanganak nang mas maaga kaysa sa due date o premature. Nakakasugat ito sa retina at nagiging sanhi din ng mahinang paningin. Sa mga malalang kaso, ito ay nagiging sanhi ng pagkabulag.
- Nystagmus ay ang hindi mapigil o makontrol na paggalaw ng mga mata. Nakikita ito sa mga bagong panganak, o maaaring makita paglipas pa ng ilang linggo pagkapanganak. Nagiging sanhi ito ng hindi pag-unlad ng optic nerve, albinism at congenital cataract.
Kumunsulta agad sa dooktor o pediatric ophthalmologist kung may mapansing kahit anong sintomas ng mga nabanggit na kondisyon.
Paano matutulungan ang Vision/Visual Development ni baby?
Narito ang ilan sa mga bagay na pwedeng gawin para patuloy na mapaigting ang pag-unlad ng mga mata at paningin ng inyong anak. Ito ay ayon sa American Optometric Association na patuloy na nagsasaliksik sa pagpapa-unlad ng paningin ng mga bata.
Ang visual stimulation rin ay nakakatulong sa brain development ng isang bata. Ayon sa aklat na How to Improve Your Child’s Eyesight Naturally ni Janet Goodrich, Ph.D. ang mga sanggol ay nakakakita lang ng matingkad na pagkakaiba ng kulay tulad ng itim at puti.
Hindi katulad nating mga matatanda, na maraming shades o hues ng kulay ang napapansin o nakikita. Kaya’t ang pinaka-epektibong stimulation sa paningin ng mga batang wala pang isang taon ay black and white o high-contrast tulad ng stripes at mga hugis.
Hanggang 4 na buwan
- Kausapin palagi si baby.
- Maglagay ng mga iba’t ibang laruan na bagay sa edad ng bata. Ilagay ito sa lugar na kaya niyang abutin, hawakan at laruin.
- Gumamit ng nightlight o mahinang ilaw na sadyang para sa gabi. Ito ay para hindi lang itim o sobrang dilim ang makikita kapag magising siya sa gabi.
5 hanggang 8 buwan
- Maglagay ng mobile, gumamit ng crib o floor gym. Maglagay ng iba’t ibang klase ng laruan sa cirb o playpen. Siguraduhing malambot, makulay, at ligtas at walang mga bahagi na maaaring maisubo at malulon ng bata. Hugasan at punasan ito nang madalas para malinis.
- Pagapangin si baby sa sahig. Maglagay ng mat, o panatilihing malinis ang sahig para hindi mag-alala sa pagkakasakit niya.
- Ang mga plastic at wooden blocks pa din ang isa sa pinakapaboritong laruan ng mga bata. Pero walang tatalo sa mga kahon ng iba’t ibang bagay tulad ng kahon ng tissue, at cereal. Lagyan ito ng palamang diyaryo para hindi mapipi, at saka balutin ng plastik cover, celotape o contact paper (clear sticker). Mayroon ka nang recycled/upcycled blocks.
- Makipaglaro ng mga hand games kung saan maigagalaw ni baby ang kaniyang mga kamay. Kasama na dito ang mga action songs tulad ng Incy Wincy Spider, Twinkle Twinkle Little Star, at Baby Shark. Isa pang all-time favorite ang it-bulaga o Peek-a-Boo, na talaga namang makakapagpahagikgik kay baby.
9 hanggang 12 buwan
- Pangalanan lahat ng mga gamit na ipinapakita o nakikita ni baby (Ito ay unan, Nakita mo ba si Barney?). Ito ay para matulungan din ang vocabulary development niya.
- Patuloy na pagapangin at palakarin si baby, habang kinakausap ito.
- Paborito pa rin ng mga bata ang tagu-taguan ng gamit o mukha, tulad na nga ng peek-a-boo/ it-bulaga. Pati na rin ang pagtatago ng mga laruan at ipapahanap kay baby.
- Ipakita ang paggalaw ng mga laruan tulad ng bola o kotse, habang sinusundan ito ng paningin ni baby. Bigyan din siya ng mga laruan na pwede niyang paghiwalayin at pagdikitin tulad ng connectors at Lego.
- Basahan si baby ng iba’t ibang kuwento mula sa libro. Walang tatalo sa benepisyo ng storytelling, kahit anong edad pa ang anak.
Kailan tatawag ng doktor
Kahit na walang nakikitang mga problema sa mata o paningin, sa edad na 6 na buwan, dapat mong dalhin ang iyong sanggol sa isang doktor ng optometry para sa kanyang unang masusing pagsusuri sa mata.
Ang mga problema sa kalusugan ng mata ay hindi karaniwan. Ngunit kung ang maagang pagtuklas at paggamot ay nag-aalok ng pinakamahusay na pagpipilian.
Karagdagang impormasyon mula kay Margaux Dolores
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!