Ilang months nakakaupo ang baby? Alamin ang kasagutan nito pati na ibang milestones na dapat abangan sa unang taon ng iyong anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga importanteng milestones ni baby sa unang taon
- Ilang months nakakaupo ang baby?
- Paano mo malalaman kung delayed ba ang development ng iyong anak?
Parang kailan lang nang isilang mo siya. Ngayon, mag-iisang taon na ang iyong anak. Mula sa pagiging isang sanggol na walang ibang ginawa kundi magdede at matulog, ngayon ay isa na siyang ganap na bata at malikot na rin.
Habang lumalaki ang iyong anak, napapansin mo na mas marami na siyang nagagawa. Parte ito ng kaniyang development at isang senyales na lumalaki nang tama ang iyong anak.
Bukod sa pagdagdag ng kaniyang timbang at pagtaas ng iyong anak, mayroon ring mga gawain at kakayahan na inaasahang nagagawa ng bata pagdating niya ng isang edad. Tinatawag itong developmental milestones.
Developmental milestones
Ang developmental milestones na ito ay pwedeng magsilbing gabay sa mga magulang para malaman kung ang kanilang anak ay “on-track” sa kanilang paglaki. Pero dapat ding tandaan na bawat bata ay ay lumalaki at nagde-develop ayon sa sarili niyang pace o oras.
“Ang child development is not really a specific age or specific month. Range talaga, may mga batang slow, may mga batang fast. Kunyari sa sitting, may mga mabagal may mga mabibilis.”
‘Yan ang paliwanag ni Dr. Michiko Caruncho, isang developmental pediatrician mula sa Makati Medical Center. Aniya, may mga bagay rin na nakakaapekto sa development ng isang sanggol.
Halimbawa, maaaring mas mabilis makatayo o makalakad ang mga sanggol na lalaki, o kaya mas mabilis na makapagsalita ang mga baby na babae. Subalit hindi rin naman ito lagi ang kaso.
Ang developmental milestones ay kadalasang nahahati sa mga sumusunod na kategorya:
- Gross motor skills tulad ng paggapang at paglalakad
- Fine motor skills, tulad nang paghawak ng sariling bote, mga maliliit na laruan, pagpisil o pagdutdot gamit ang daliri (sa pagkain, halimbawa)
- Language skills, kasama ang pagsasalita o pagbigkas ng mga tunog (karaniwang vowels), at pag-intindi (comprehension) na makikita sa interaksiyon niya sa mga adults at animo’y pakikipag-usap at pagsunod sa mga simpleng utos (Kunin mo ito, Laro tayo)
- Thinking o cognitive skills, Nauuna muna ang konkretong kaalaman o konsepto, mula sa paggamit ng kaniyang mga senses, bago tuluyang ma-develop ang abstract thinking.
- Social interaction – Pakikipaglaro sa iba, bata man o matanda
Image from Freepik
Mga importanteng milestones ni baby sa unang taon
Ilang months ba nakakaupo nang mag-isa ang baby? Narito ang ilan sa mga milestones na nararating ng mga sanggol buwan-buwan:
- 1 buwan – Nagagalaw ang kaniyang mga kamay at nailalagay ito sa kaniyang mukha, nakakapagdede na nang maayos at alam na ang amoy ng kaniyang gatas.
- 2 buwan – Ngumingiti kapag naririnig ang boses ni mommy o daddy, at sinusundan ng tingin ang tinig na naririnig.
- 3 buwan – Kaya nang suportahan ang ulo kapag nakadapa
- 4 buwan – Gumagaya ng mga tunog o salita (bababa, mamama), tumatawa, nakakasunod na ng tingin
- 5 buwan – Kaya nang mag-roll over o dumapa, nakakaupo na rin nang may suporta
- 6 buwan – Humahawak ng mga bagay mula sa isang kamay papunta sa isang kamay
- 7 buwan – Tumitingin kapag tinatawag ang pangalan, nakakahanap ng mga nakatagong bagay
- 8 buwan – Nagsisimula nang gumapang o nakakagapang na
- 9 buwan – Nakakaupo ang baby mag-isa, gumagapang, nagsasabi ng “mama” o “dada”
- 10 buwan – Nakakatayo nang walang sumusuporta
- 11 buwan – Nakakaintindi ng mga simpleng utos at salita.
- 12 buwan – Naglalakad nang walang gabay, kayang magsabi ng isang salita o higit pa, gumagaya sa mga nakikitang galaw o ekspresiyon ng mukha, o salita
Ilang months nakakaupo ang baby at iba pang katanungan
Tinanong naman namin si Dr. Caruncho kung kailan aasahan ang mga milestones na inaabangan ng mga magulang, gaya ng pag-upo, paglalakad, pagsasalita at iba pa.
Pag-upo
Kapag nakakadapa na si baby, ang susunod na milestone na maaaring abangan ay ang kaniyang pag-upo.
Kung papansinin, mayroong pattern ang gross motor development ng isang sanggol. Ani kay Dr. Caruncho,
“If you will notice ang development ng bata is head down. Una ‘yong neck control, they are using their arms to reach, rolling over and later sitting down.
Babies are very curious. Gustong gusto talaga nila makita ang mga surrounding nila. Around 6 to 7 months when they start sitting.” aniya.
Paano mo malalaman kung hindi pa kayang umupo ng iyong anak, at puwede mo ba siyang piliting maupo?
“Kapag we try the baby to sit on our lap, makikita mo hunch pa ‘yong back nila meaning hindi pa strong ang mga muscles nila.
‘Pag nakikita mo naman ‘yong mga baby na nakaupo na tapos their back is straight, ayon na sinusuportahan na ng muscles nila ‘yong back nila.” paliwanag ng doktora.
“Kapag more than 8 months, medyo malambot or stiff ayan ‘yong mga time na kailangan na natin magtanong sa mga pediatrician natin.” dagdag niya.
Image from Freepik
Paglalakad
Kailan naman pwedeng asahan na magsisimula nang maglakad si baby? Ang sagot ni Dr. Caruncho,
“Again it is a range. Ideally, 12 to 15 months. May mga babies (na naglalakad na ng)mga 10 months. May mga mabilis, may mga mabagal.
Safe sabihin pag 16 months up, iyon na ‘yong kailangan ka mabahala, kailangan na iraise ‘yong concern sa pediatrician.”
Totoo bang mas mabilis nakakalakad ang mga sanggol na lalaki kaysa sa mga babae? Ayon sa doktora, posibleng may katotohanan sa paniniwalang ito, subalit hindi naman ibig sabihin na delayed na ang development ng mga sanggol na babae.
“Sa totoo, may mga konting difference talaga. Pero sa totoo naman generally nandoon sa range na normal. ‘Yong mga baby na boys mas advance, pero it doesn’t mean na delayed si girl.” aniya.
Pagsasalita
Isa pa sa mga inaabangan ng mga magulang ay ang pagsasalita ng kanilang anak. Subalit kailan ba aasahang magsimula ito?
“Kahit before 1 year old pa lang, your baby is trying to communicate with you. Bago pa magsalita, they are communicating to you – staring, gestures, facial expression. Babbling is an important milestone.
Finally, by 1 year old doon mo maririnig ‘yong first word ni baby. Again it is a range.” paliwanag ni Dr. Caruncho.
Pagdating naman sa pagsasalita, pinaniniwalaang karaniwang nauuna ang mga sanggol na babae na gawin ito. Ayon sa doktora,
“A little bit true to it. Ang girls kasi more socially inclined talaga. Again very very small lang ang difference. Nandoon sa faster range si girl kaysa sa boy. May mga girls din naman na little slower kaysa sa boys.”
Dagdag pa niya, isa sa mga bagay na nakaka-apekto sa pagsasalita ng bata ay ang screen time.
“May isang study, na 6 times delayed ‘yong mga bata na maraming screen time compared sa ibang regular na bata.”
Payo ng doktora, iwasan ang pagbibigay ng screen time sa mga batang 2-taong gulang pababa para maiwasan ang developmental delays.
Kailan naman dapat mabahala kung hindi pa nagsasalita si baby?
“It depends on the age. Children develop sentences around three years old. Short phrases around 2 years old. ‘Pag hindi pa nakaka form sa ganyang age, you can be concerned na hindi nila narereach ang milestone para sa language.” ani Dr. Caruncho.
BASAHIN:
Paggapang ni baby: Isang guide ng mga magulang para sa major milestone na ito ng isang sanggol
7 paraan kung paano turuan maglakad ang baby
6 parenting mistakes kung bakit hindi na-iengganyo si baby na magsalita
Mga nakakaapekto sa development ni baby, at kailan dapat mabahala?
Bagama’t magkakaiba ang bilis ng development ng bawat bata, narito ang ilang senyales na dapat ka nang kumonsulta sa doktor kapag 1-taong gulang na ang iyong anak:
- Hindi pa nakakatayo nang mag-isa at nakatingkayad kapag nakatayo
- Mga kamay ang ginagamit para makatayo
- Hindi pantay ang pagkakaupo
- Hindi pa niya kayang suportahan ang kaniyang likod kapag nauupo
- Nahihirapang suportahan ang kaniyang leeg kapag nakaupo o nakadapa
- Nagiging balisa habang gumagalaw
- Hindi lumilingon kapag tinatawag ang pangalan niya
- Kapag hindi pa nasusundan ng tingin ang isang bagay
- Hindi pa nakakaintindi ng mga pamilyar na salita gaya ng “mama” “dada” o “dede”
- Ayaw pang kumain ng solid food
Tulad ng laging paalala ni Dr. Caruncho, iba-iba ang range ng development ng mga sanggol. Gayundin, kung napapansin mong hindi naaabot ni baby ang kaniyang milestones, kailangan mo siyang obserbahan nang maigi dahil posibleng mayroong dahilan kung bakit nagiging delayed ang development ng bata.
“Hindi lang one area ng development dapat full . You have to make sure the delay is significant. Tignan mo kung may risks factors ba. Premature ba, ganoon.
May mga posibleng neurologic problems. Kailangan ievaluate. May seizure ba? Kailangan ma-root out muna lahat ng mga posibleng reasons or cause bakit mabagal.” aniya.
Paalala rin niya, iba rin ang developmental milestones ng mga premature babies kaysa sa mga sanggol na ipinanganak ng full-term.
“For premature baby ang ginagamit natin ‘yong adjusted or corrected age ang ginagamit natin. Generally, hanggang 2 years old. We expect na mga premature babies na mag-catch up na sa mga regular babies.”
Gayundin, kung napapansin mo ang delay sa development ng iyong anak, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa kaniyang pediatrician para matukoy ang dahilan at maagapan ito.
“Kapag pumunta ka (sa doktor), hindi lang sila magbibigay ng bakuna sa’yo. They check the baby’s development. Anytime you have a concern, ask your pediatrician.” paalala ng doktora.
Image from Freepik
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Pathways, Healthline, WebMD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!