Ilang months gumagapang ang baby? Alamin sa artikulong ito at ang iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa major milestone na ito ng isang sanggol.
Paggapang ng isang sanggol
Tayong mga magulang ay very excited sa tuwing nakakarating sa isang major milestone sa kaniyang buhay ang ating mga anak. Tulad na lang sa mga sanggol na palatandaan na tama ang kaniyang growth and development. Bilang magulang ito ay ating ikinatutuwa at ikinaka-proud.
Isa na nga ang paggapang o crawling sa mga bagay na inaabangan nating mga magulang kay baby. Bagama’t maituturing na bittersweet ito dahil palatandaan ito na unti-unti ng nagiging independent ang sanggol. Kailangan ng magsimulang i-babyproof ang inyong bahay.
Kung sa tingin mo ay malapit ng gumapang si baby ay dapat malaman mo na ang mga mahahalagang impormasyon tungkol rito. Bagama’t kailangan mong isaisip na ang bawat sanggol o bata ay unique.
Ganoon din ang kaniyang development na maaaring maiba sa mga bata o sanggol na kaedaran niya. May mga milestones sa buhay nila na maaari nilang ma-skip tulad ng paggapang. Pero hindi dapat mag-alala, dahil ito naman ay normal lang.
Bakit mahalaga ang paggapang ni baby?
Ayon kay Dr. Rallie McAllister, co-author ng librong The Mommy MD Guide to Your Baby’s First Year at iba pang experts, ang paggapang ng isang sanggol ay mahalaga dahil sa maraming dahilan. Ito’y ang mga sumusunod:
- Ang paggapang ay nakakatulong na patibayin ang muscles ni baby. Partikular na sa kaniyang likod, leeg, balikat at gitnang bahagi ng kaniyang katawan.
- Tinutulugan ang eyesight development ng iyong anak, partikular na ang kaniyang binocular vision. Sa pamamagitan ng paggapang ay natutunan niyang gamitin ang kaniyang mga mata ng sabay para makarating sa kaniyang paroroonan.
- Nag-iimprove din ang navigation skills at memory ni baby sa pamamagitan ng paggapang. Paliwanag ni Dr. Allister, ito ay nangyayari halimbawa sa tuwing gusto niyang puntahan ang isang basket na kung saan alam niyang naglalaman ng kaniyang mga laruan. “For instance, they’ll learn that they have to go around the coffee table and beyond the recliner to get to the basket of toys.”
- Nakakatulong din ang paggapang para ihanda siya sa paglalakad. Ito ay dahil sa tuwing gumagapang siya ay ginagamit niya ang kaniyang mga binti at braso na nag-dedevelop ng bilateral coordination ng kaniyang katawan.
- Dinedevelop rin ng paggapang ang sense of independence at decision-making skills ni baby. Dahil sa pamamagitan nito ay nalalaman niya kung saan siya pupunta at paano makakarating doon.
Ilang months gumagapang ang baby?
Una sa lahat, kailangan mong isaisip na hindi lahat ng sanggol ay gumagapang. Maaaring malagpasan nila ang phase na ito at dumeretso agad sa pagtayo at paglalalakad. Pero madalas ang mga sanggol ay nagsisimulang gumapang kapag sila ay nasa 6-10 months old na. Ang mga signs na handa na si baby na gumapang ay ang sumusunod:
- Nakakaupo na siya ng maayos ng walang tulong o support. Nangyayari ito madalas kapag siya ay nasa 8 buwan na.
- Naitataas niya ang kaniyang katawan na parang siya ay nagpupush-up.
- Nai-babalance niya na ang kaniyang mga braso at binti.
- Naigagalaw niya na ang kaniyang mga braso at binti ng pasulong at pabalik.
Sa oras na makita mo na ang mga palatandaan na ito ay nangangahulugan ng malapit ng gumapang ang iyong sanggol.
Ang isang sanggol na magaling ng gumapang ay matutukoy kapag alam niya na ang technique na kung tawagin ay cross-crawling. Ito ay paggamit ng magkasalungat na bahagi ng kaniyang braso at binti para makagapang.
O ang paggamit ng kanan niyang braso kasabay ng kanyang kaliwang binti. Imbis na ang paggalaw gamit ang kaniyang kanang braso at kanang binti ng sabay. Ito’y madalas na matutunan ng sanggol kapag siya ay nasa isang taong gulang na.
Isaisip na hindi sa lahat ng oras o lahat ng sanggol ay gagamit ng braso at binti para makarating sa kanilang kinaroroonan. Minsan maaari nilang gamitin ang kanilang tiyan para makagapang. Maaari rin silang magpagulong-gulong hanggang sa makarating sa gusto nilang puntahan.
Pagdapa at paggapang ni baby
Ang pagdapa ay isang paghahanda sa nalalapit na paggapang ng isang sanggol. Sa pamamagitan nito ay nai-encourage siyang itaas ang kaniyang ulo. Ito ay nakakatulong na patibayin ang kaniyang leeg, braso, gitnang katawan at balikat. Napapatibay rin nito ang kaniyang balakang at binti sa tuwing siya ay sumisipa.
Para ma-encourage siyang gumapang sa tuwing siya ay nakadapa ay lagyan siya ng laruan sa kaniyang harapan. Ito ay para gumalaw siya papalapit dito upang ito ay maabot at mapuntahan.
Unti-unti ay matutunan niya na ang paggapang na palatandaan rin na may mga pagbabago kang kailangang gawin sa inyong bahay para sa kaniyang kaligtasan.
Paggapang at kaligtasan ni baby
Para masigurong ligtas ang paggapang ni baby ay dapat simulan na ang babyproofing ng inyong bahay. Nangangahulugan ito na kailangan ng gawing ligtas ang bawat sulok ng inyong bahay para sa kaniya.
Kahit na ang mga mesa na hindi niya maabot. Dahil sa hindi mo napapansin ay maari niyang mahatak ang anumang mayroon rito na maaring makasakit sa kaniya.
Ito ang ilan sa mga tips na dapat mong isaisip para sa kaniyang kaligtasan.
Tips para sa kaligtasan ng iyong sanggol
- Huwag maglagay ng maiinit na pagkain o inumin sa dulo ng mesa o mga counters sa inyong bahay.
- Sa pagluluto ay siguraduhing ang hawakan ng kaldero o pot ay paharap sa likod ng kalan.
- Lagyan ng childproof latch ang pinto ng inyong oven.
- Itago ang mga toiletries sa lugar na hindi maabot ni baby.
- Huwag bibili o suotan si baby ng mga damit na may tali o ribbon. Maaari itong makasakal sa kaniya ng hindi mo napapansin.
- Alisin ang mga hanging toys sa itaas ng higaan ni baby sa oras na siya ay nakakagapang na. ito ay upang maiwasang abutin niya ito na maaaring maging sanhi ng pagkakahulog nito sa kaniya o pagkakahulog niya sa kaniyang higaan.
- Lagyan ng cover ang outlets o saksakan ng kuryente na maaaring maabot ni baby.
- Harangan ang entrance sa inyong balcony kung kayo ay nakatira sa isang high-rise apartment. Lagyan din ng safety grills ang inyong mga bintana.
- Siguraduhing walang mga cords, tali o linya ng kuryente na nasa sahig ng inyong bahay. Maaaring kasing masakal rito si baby.
- Harangan ang mga unsafe areas sa inyong bahay. Lalo ang mga hagdan at inyong kusina. Itago ang mga dustpans o ilagay sila sa lugar na hindi maabot ni baby.
- Huwag gumamit ng tablecloths sa inyong mesa kapag natututo na si baby na tumayo. Maaari niya itong hatakin pati ang anumang bagay na nakapatong rito.
- I-secure ang mga furniture o gamit sa bahay na maaring gawing pang-alalay ni baby para siya ay makatayo. Tulad ng mga mesa, lagayan ng libro o kaya naman ay patungan ng inyong TV.
- Ayusin o lagyan ng takip ang mga sharp corners ng mga gamit ng inyong bahay. Lalo na yung mabababa na maaring pag-untugan ni baby.
- Alisin ang mga toxic o nakakalason na halaman sa inyong bahay.
Dagdag na tip
Isang paraan para masigurong tama ang pag-baby-proof ng inyong bahay ay dumapa sa sahig tingnan ang mga makikita ni baby sa parehong posisyon. Sa ganitong paraan ay masisiguro mong maging ligtas ang anumang bagay na maabot ng kaniyang paningin at makakatawag ng kaniyang pansin.
Saan dapat gumapang si baby?
Maaaring gumapang sa kahit anong parte ng inyong bahay si baby. Basta’t siguraduhin lang na malinis at ligtas ito para sa kaniya.
Kung nag-alala na maaaring mangitim ang binti at braso niya habang siya ay gumagapang sa sahig ay makakatulong na pasuotin siya ng mga pajama o tights bilang proteksyon. O kaya naman pasuotin siya ng knee pads na para sa mga sanggol.
Kailan dapat mag-alala sa oras na hindi makagapang si baby?
Tulad ng naunang nabanggit sa artikulong ito, may mga sanggol na maaring malagpasan ang stage na ito. Maaari ring mahuli o ma-late na nila itong magawa lalo na kung ang sanggol ay ipinanganak na premature.
Dapat ka lang mag-alala na kapag isang taong gulang na ang iyong anak at hindi pa nagpapakita ng kahit anumang interes o palatandaan ng paggalaw tulad ng paggapang.
Ipaalam o makipag-usap na agad sa iyong doktor kung hindi naigagalaw ni baby ang mga braso at binti niya. Kung hindi niya rin kaniyang suportahan ang bigat ng katawan niya. O kaya naman ay wala siyang energy na gumalaw at maging active tulad ng mga sanggol na kaedaran niya.
Sana sa pamamagitan ng artikulong ito ay nasagot ang mga tanong mo kung ilang months gumagapang ang baby at iba pa. Sana sundin mo ang mga tips na nakasaad sa artikulong ito para sa kaligtasan niya.
Isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!