Maraming karapatan ng mga bata ang pumoprotekta sa mga kabataang Pilipino. Mahalagang malaman kung ano ang mga karapatan ng mga bata nang maprotektahan ang mga ito mula sa karahasan at pang-aabuso. Ano nga ba ang pangunahing karapatan ng mga bata? Mayroon bang batas para sa karapatan ng mga kabataan?
Ayon sa Batas for Every Juan, hindi lang 10 o 20 ang karapatan ng mga kabataan. Maraming karapatan ang mga kabataan sa ilalim ng batas sa bansang Pilipinas.
Bukod sa mga pambansang batas para sa karapatan ng mga kabataan, marami ring nakatalang karapatan ng mga bata sa United Nations Convention on the Rights of the Child. Alamin sa artikulong ito kung ano ba ang mga karapatan ng iyong anak at paano sila pinoprotektahan ng batas.
Talaan ng Nilalaman
10 Karapatan ng bata: Pangunahing karapatan ng mga bata
Ano ang pangunahing karapatan ng mga bata? Narito ang 10 karapatan ng bata.
Pangunahing karapatan ng bata:
- Karapatan ng isang bata na maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad.
- Magkaroon ng payapang tahanan at pamilya na mag-aalaga sa kanya.
- Karapatan ng isang bata na makakain nang sapat at wasto nang maging malusog ito at aktibo.
- Mabigyan ng oportunidad na makapag-aral at magkaroon ng maayos na edukasyon.
- Karapatang mapa-unlad ang kanilang mga kakayahan.
- Makapaglaro at makapaglibang.
- Proteksyunan mula sa pang-aabuso, kapahamakan, at karahasan.
- Karapatang matulungan at maipagtanggol ng estado o gobyerno.
- Maipahayag ang kanilang sariling ideya.
- Mamuhay nang malaya at walang takot.
Batas para sa karapatan ng mga kabataan
Hindi lamang 20 karapatan ng mga kabataan, at lalong hindi ito 10 lamang. Sa ilalim ng batas para sa karapatan ng mga kabataan, nakatala ang mahabang listahan ng mga karapatan ng bata at parusa sa sino mang lalabag dito.
Bilang pakikiisa ng Pilipinas sa UN Convention on the Rights of the Child, ikinasa ang Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Sa ilalim ng batas na ito, binigyang diin ang mga karapatan ng kabataan mula sa diskriminasyon at pang-aabuso.
Pinoprotektahan ng Republic Acr 7610 ang mga karapatan ng mga bata. At ang sinomang lalabag dito ay maparurusahan:
Prostitution at sexual abuse
Maaaring maparusahan ng reclusion temporal hanggang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang sino mang gagamit sa bata sa prostitusyon at iba pang uri ng sexual abuse.
Child trafficking
Maparurusahan ang sino mang magtatangkang magbenta o bumili ng bata. Kung ang bata ay nasa edad 12 pababa, reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang parusa para dito.
Obscene publications at indecent shows
Ipinagbabawal din ng batas na gamiting modelo ang mga bata para sa mga bastos na publikasyon o pornographic materials. Makukulong din ang mga magulang o guardian ng bata na hinayaang maging performer ng obscene publications at indecent shows ang kanilang anak.
Child employment
Maaari namang magtrabaho ang batang nasa edad 15 pababa lalo na sa cinema, teatro, radyo, at telebisyon. Ngunit kailangang mag-comply sa mga requirements ng Department of Labor and Employment. Kailangang tiyakin na hindi pa rin naabuso ang bata kahit na ito ay nagtatrabaho. Bukod pa rito, mahalaga ring mabigyan ito ng primary at secondary education sa kabila ng pagtratrabaho. Hindi maaaring magtrabaho ang isang bata nang walang permit mula sa DOLE.
Children of Indigenous Cultural Communities
Pinoprotektahan din ng batas ang mga bata sa pagtupad ng kanilang mga tradisyon at customs ng komunidad na kanilang kinabibilangan.
Bukod pa rito, dapat na mag-implementa ng alternative system of education ang Department of Education Culture and Sports (DECS) na naka-angkla sa kultura ng mga batang katutubo.
Dapat na suportahan ang non-formal ngunit functional indigenous programs na isinasagawa ng mga non-government organizations para sa mga katutubong pangkat.
Dagdag pa, ipinagbabawal din ng batas ang ano mang porma ng diskriminasyon sa mga batang katutubo. At dapat na mabigyan ang mga ito ng basic social services sa kalusugan at nutrisyon.
Children in situations of Armed Conflict
Para naman sa mga batang nakatira sa lugar kung saan mayroong armed conflict, kailangang tiyakin na hindi magiging object ng pag-atake ang mga bata.
Nararapat na protektahan ang mga ito sa ano mang banta, assault, torture, at iba pang hindi makataong pagtrato.
Sa panahon ng digmaan, dapat na bigyang prayoridad ang mga bata sa paglikas at pagbibigay ng pansamantalang tirahan habang nangyayari ang armed conflict.
Para malaman ang iba pang karapatan ng mga bata ayon sa ating batas maaaring basahin dito.
Karapatan ng mga bata: 20 Karapatan ng mga kabataan ayon sa UN Convention
Bukod sa mga nabanggit na karapatan ng mga bata, narito naman ang nakasaad sa United Nations Convention on the Rights of the Child hinggil sa karapatan ng mga kabataan.
- Proteksyon mula sa diskriminasyon – Walang sinoman ang maaaring trumato sa isang bata nang kakaiba nang dahil sa kaniyang edad, kasarian, relihiyon, wika, kalagayan sa buhay, at kapansanan.
- Kailangang tiyakin ng mga nakatatanda at ng pamahalaan ang kapakanan ng bata sa mga hakbang o desisyong gagawin.
-
Dapat na gamitin ng pamahalaan sa tama ang pondo upang masigurong nakakamtan ng mga bata ang kanilang karapatan.
Loading...You got lucky! We have no ad to show to you! - Nararapat na igalang ng pamahalaan ang karapatan at responsibilidad ng mga magulang ng bata na mabigyan ng direksyon at gabay ang kanilang mga anak.
- Karapatan ng bata na mabuhay, mapaunlad ang sarili at mga kakayahan.
- Dapat na mairehistro ang pagkapanganak sa isang bata dahil karapatan nitong magkaroon ng pangalan at nasyonalidad.
- Karapatan ng bata na makilala ang kaniyang mga magulang at maalagaan siya ng mga ito.
- Hindi dapat na ihiwalay ang bata sa kaniyang mga magulang maliban na lamang kung magdudulot sa kaniya ng kapahamakan ang pagsama sa kaniyang magulang.
- Kung nakahiwalay ang bata sa mga magulang nito, karapatan niyang bumiyahe at makasama ang kaniyang magulang sa isang bansa.
- Proteksyon mula sa kidnapping at child trafficking.
- Karapatan ng bata na ipahayag ang kaniyang saloobin tungkol sa ano mang bagay o sitwasyon na makaaapekto sa bata. Mahalagang mapakinggan ang saloobin at ano mang sasabihin nito.
- Malayang pag-iisip at pananampalataya. Karapatan ng bata na isabuhay ang kaniyang relihiyon sa pamamagitan ng gabay ng magulang.
- Makisama sa iba pang mga kabataan at makilahok sa mga samahan. Basta tiyaking walang naaapakang karapatan.
-
Karapatan na magkaroon ng pribadong buhay.
- Magkaroon ng impormasyon mula sa mass media gaya ng radyo, tebisyon, at pahayagan. Dapat ang mga impormasyong ito ay mauunawaan ng bata. Nararapat ding pigilan ang pagpapakalat ng mga impormasyong makasasama sa bata.
- Karapatan ng bata na makatanggap ng pag-aalaga mula sa kaniyang mga magulang. Dapat na akuing responsibilidad ng dalawang magulang ang pagpapalaki sa bata. Gayundin, dapat natulungan ng pamahalaan ang mga magulang upang magabayan at mapalaki nang tama ang bata.
- Dapat na protektahan ng pamahalaan ang bata mula sa pang-aabuso ng mga magulang. Nararapat na tiyaking naaalagaan ng wasto ang bata.
- Kung wala sa piling ng pamilya ang bata, o hindi magagawang pangalagaan ng pamilya ang bata, nararapat na tugunan ng pamahalaan ang pag-aalaga rito. Dapat na mabigyan pa rin ito ng tamang pag-aalaga na nakabase sa pangangailangan nito at sa kaniyang kultura.
- Kung ang bata ay mayroong karamdaman o kapansanan, dapat na mabigyan ito ng espesyal na kalinga, edukasyon, at pagsasanay para magkaroon ito ng maunlad na buhay nang may dignidad.
- Karapatan ng bawat baata na makatanggap ng maayos na serbisyong pangkalusugan, malinis na tubug, masustansyang pagkain, at malinis na kapaligiran para matiyak ang maayos nitong kalusugan.
Para malaman ang iba pang karapatan ng mga kabataan at mabatid kung paano sila maproprotektahan, maaaring basahin sa artikulong ito ng Save the Children Organization.