Nabahala ang maraming parents at ilang government officials dahil sa YouTube channel na Usapang Diskarte. Mapapansin kasi na ang mga content nito ay nakasentro sa sexual abuse, kung saan ilan sa kaniyang videos ay tungkol pa sa kabataang babae.
Mababasa sa artikulong ito:
- ‘Usapang Diskarte’ channel promotes pedophilia and sexual abuse
- Paano maproprotektahan ng Anti-OSAEC Law ang iyong anak
Usapang Diskarte channel promotes pedophilia and sexual abuse
Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Facebook, YouTube, at sa Philippine National Police (PNP). Hinggil ito sa nakababahalang content ng YouTube channel na Usapang Diskarte. Ang laman kasi ng Usapang Diskarte social media pages ay pawang tungkol sa mga pambabastos at kalaswaan sa mga kababaihan at kabataan.
Larawans mula sa Facebook ni Senator Risa Hontiveros
May mga content ang Usapang Diskarte kung saan ay nagbibigay ito ng tips kung paano maipipilit ang sarili sa mga “pihikang” babae. Ang malala pa rito, nagbibigay din ito ng mga hakbang kung paano mahihikayat ang isang batang babae na makipagtalik.
Sa comment section ng mga video ng Usapang Diskarte makikita rin ang comments ng mga lalaking may pagnanasa rin sa mga batang babae. May isang netizen pa ang umamin na may karelasyon siyang menor de edad.
Nanawagan din si Hontiveros sa pangulo na lagdaan na at ipasa ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (Anti-OSAEC) Law.
“These horrifying photos tell us what we already knew: that an Anti-Online Sexual Abuse & Exploitation of Children law is absolutely and urgently needed…Our children need the full power & protection of this measure.”
Ipinakiusap din ng mambabatas sa mga follower nito na i-report ang page at channel ng Usapang Diskarte. Ngayon nga ay na-take down na ang nasabing page at channel. Pero hindi ito nangangahulugan na ligtas na ang mga kabataan sa karahasan mula sa mga ganitong uri ng sexual predator.
Base sa mga nakita pa ng mambabatas sa social media, mayroon ding mga groups sa Facebook na tinatarget ang mga sexual predators. Ilan sa mga groups na ito ay may pangalan na ‘Atabs’ o ‘LF Kuya and Bunso’.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Pixabay
Samantala, ayon kay Police Lt. Michelle Sabino, spokesperson ng PNP Anti-cybercrime Group, bago pa man daw mag-viral ang channel ng Usapang Diskarte ay matagal na nila itong mino-monitor.
“Now after they found this out, siyempre ni-refer natin sa cyber security. And then sa women and children cybercrime protection unit natin. So sila naman ang gumawa ng social engineering tactics to engage the guy,” saad ni Sabino sa report ng Rappler.
Kaya lamang ay bago pa magkaroon ng engagement ang mga pulis at ang content creator ay na-take down na ang channel nito. Dahil dito ay mahihirapan daw ang mga pulis na mahuli ang suspek. Ito ay dahil naging aware na ito sa posibleng entrapment operation.
Paano maproprotektahan ng Anti-OSAEC Law ang iyong anak
Taong 2021 pa lamang ay pasado na sa Senado ang Anti-OSAEC Law. At nitong Mayo 2022 ay ni-ratify ng Senate at House of Representatives ang mga disagreeing provisions ng Senate Bill No. 2209 o proposed Anti-OSAEC law at House Bill No. 10703 o Anti Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.
Dahil dito ay lagda na lang ng Pangulo ang kailangan para tuluyang maisabatas ang Anti-OSAEC Law.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na pinapalawak ng Anti-OSAEC law ang iba pang mga batas na pumprotekta sa mga bata mula sa pang-aabuso.
Paano nga ba nito maproprotektahan ang iyong anak mula sa mga katulad ng Usapang Diskarte?
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ron Lach
Magbibigay ito ng additional tools sa mga law enforcer para imbestigahan at tugisin ang Filipino at foreign perpetrators ng online sexual abuse. Lalo na sa mga nagtatago sa likod ng anonymity sa online platforms at applications.
Papatawan din ng batas ng legal duties ang mga internet intermediaries tulad ng mga sumusunod:
- internet service providers
- web hosting providers
- online payment system providers
- social media networks
Sa pamamagitan nito kailangan ng mga nabanggit na magkaroon ng mahigpit na sistema. Sistema ng pagpigil, detect, block, at report sa mga akto ng online sexual abuse and exploitation.
“This means that social media companies like Facebook may be duty-bound under law to block and remove material involving child sexual abuse and exploitation within 24 hours from receipt of notice, preserve such evidence in their possession, and devise procedures of preventing, detecting, blocking and reporting any similar material,” saad ni Hontiveros.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Tracy Le Blanc
Mahalaga rin umano ang batas na ito para mapigilang makapasok sa bansa ang mga sexual predator tulad ni Peter Scully. Isa itong Australian na kinilalang “World’s Worst Pedophile” na nahuli noong 2015.
Pipigilan din ng batas na makapasok sa bansa ang lahat ng mga convicted perpetrator ng anti-OSAEC law. Gayundin ang mga foreigner na iniimbestigahan ng Philippine authorities dahil sa pakikisangkot sa OSAEC activities.
Ang registry umano ng mga foreign at local OSAEC offenders ay ime-maintain at regular na ia-update ng pamahalaan sa ilalim ng batas.
“We have a shared responsibility to end the sexual abuse and exploitation of children. Armed with effective legislation, we should work as one community towards stopping these horrible acts against young Filipinos everywhere,” pagtatapos ni Hontiveros.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!