Isang 14-anyos na babaeng estudyante ang nasawi matapos saksakin ng kaniyang 15-anyos na kaklase sa loob ng Moonwalk National High School sa Parañaque City nitong Miyerkules ng hapon. Ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB at GMA News, sinasabing maaaring bullying ang isa sa mga dahilan kung bakit sinaksak ng kaklase ang biktima.
Sinaksak ng kaklase: Isang Trahedya na nag-ugat sa bullying?
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na parehong binubully umano ng suspek at biktima ang isa’t isa. Ayon kay Police Lieutenant Colonel Eric Angustia, isang guro ang nagsabi na lumapit sa kaniya ang biktima upang magsumbong na may dalang kutsilyo ang kaniyang kaklase at nagbantang sasaksakin siya. Ngunit bago pa man maagapan, nagawa na ng suspek ang pananaksak sa loob mismo ng silid-aralan.
Larawan mula sa Canva
Base sa pahayag ng ina ng biktima, matagal nang nakararanas ng pang-aapi ang kaniyang anak. “Mama, sasaksakin ako ng bakla. Binubully-bully po ako, Mama. Marami po kaming magkaka-classmate. Mama, papatayin niya ba ako?” aniya sa kaniyang ina bago mangyari ang trahedya.
Sa kabilang banda, sinabi naman ng pulisya na ang suspek mismo ay nagsabing siya ang binu-bully ng biktima at ng iba pang kaklase nila, dahilan kaya niya nagawang dalhin ang kutsilyo sa paaralan. “Dala niya ang kutsilyo. May intensyon talaga siyang gamitin ang kutsilyo at manakit ng tao,” ayon kay Angustia.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso.
Ano ang magagawa ng mga magulang upang maiwasan ang bullying?
Ang insidenteng ito ay isang malagim na paalala kung gaano kaseryoso ang epekto ng bullying sa mga kabataan. Bilang magulang, mahalagang maging aktibo sa pagprotekta sa ating mga anak mula sa pang-aapi sa paaralan. Narito ang ilang mga hakbang na maaaring gawin:
Larawan mula sa Canva
Maging bukas sa komunikasyon
Hikayatin ang inyong anak na maging bukas sa pagsasabi ng kanilang mga saloobin at karanasan sa paaralan. Kung may nararanasan silang pambubully, tiyaking alam nila na may makikinig at tutulong sa kanila.
Makipagtulungan sa guro at administrasyon ng paaralan
Kung may senyales ng bullying, agad itong ipaalam sa mga guro o sa pamunuan ng paaralan upang maagapan ang sitwasyon bago pa lumala.
Turuan ang mga anak ng tamang paraan ng pagtugon sa bullying
Ituro sa kanila ang kahalagahan ng pagsasalita kapag sila o ang kanilang kaklase ay nakararanas ng pang-aapi. Hikayatin din silang lumapit sa tamang awtoridad sa paaralan.
Palakasin ang emosyonal at sikolohikal na katatagan ng mga bata
Ang mga batang may matibay na emosyonal na pundasyon ay mas may kakayahang humarap sa bullying nang hindi naaapektuhan nang husto ang kanilang mental health. Turuan silang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at huwag patulan ang pang-aapi sa negatibong paraan.
Maging mapanuri sa asal ng sariling anak
Hindi lamang ang mga biktima ng bullying ang nangangailangan ng atensyon kundi pati na rin ang mga batang nambu-bully. Kung napapansin ang agresibong asal sa inyong anak, mahalagang maunawaan ang pinagmulan nito at maagapan ito sa pamamagitan ng tamang paggabay at pagdidisiplina.
Larawan mula sa Canva
Pagtutulungan para sa ligtas na paaralan
Ang nangyari sa Moonwalk National High School ay isang panawagan para sa mas maigting na aksyon laban sa bullying sa mga paaralan. Sa pahayag ng paaralan, nangako silang maghihigpit sa inspeksyon ng mga bag ng mga estudyante at magpapatupad ng mas mahigpit na mga patakaran sa seguridad upang maiwasan ang ganitong insidente.
Ngunit hindi lang paaralan ang may responsibilidad sa pagharap sa isyung ito. Bilang mga magulang, guro, at bahagi ng lipunan, tungkulin nating tiyakin na ligtas ang mga paaralan at na ang bawat bata ay lumalaki sa isang kapaligirang puno ng respeto at pang-unawa.
Ang isang simpleng usapan sa hapag-kainan tungkol sa araw ng inyong anak sa paaralan ay maaaring maging unang hakbang sa pagprotekta sa kanila mula sa bullying. Dahil minsan, ang isang inosenteng tanong na “Kumusta ang araw mo sa school?” ay maaaring maging daan para mapigilan ang isang trahedya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!