Alam niyo ba na ang masahe sa baby ay hindi lang basta beneficial sa sanggol. Makatutulong din umano ito para maiwasan na magkaroon ng postpartum depression si mommy. Lalo na para sa mga nanay na nakaranas ng preterm labor.
Masahe sa baby kontra postpartum depression
Paano nga ba nakakatulong kay mommy ang pagmasahe kay baby? Ang marahang pagmasahe sa baby ay nagdudulot ng relaxation at connection kay baby at mommy.
Ayon sa Psychology Today, kapag ang isang ina ay minamasahe ang kaniyang bagong silang na sanggol, naglalabas ng hormone na oxytocin ang katawan na siyang nakaapekto sa mood nito. Sa pamamagitan ng masahe sa baby, nagiging happy ang mood ni mommy.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Nataliya Vaitkevich
Bukod pa rito, unti-unti ring matututunan ni mommy ang mga cues ni baby tuwing minamasahe ito. Tandaan na sa batang edad ay nagagawa na ng mga baby na makipag-communicate sa pamamagitan ng pag-vocalize ng pleasure at displeasure. Mas maiintindihan ni mommy ang reaksyon o response ni baby sa bawat haplos o masahe niya rito.
Nabanggit sa artikulo ng Psychology Today ang isang pag-aaral sa Norway na nilahukan ng mga nanay. Sa nasabing pag-aaral, inimbitahang makilahok ang mga ina na nakakaranas ng struggle sa transition patungo sa pagiging isang ina.
Ang unang grupo ay tinuruan ng course sa infant massage habang ang ikalawang grupo naman ay tinuruan kung paano mag-facilitate ng suporta at koneksyon sa kapwa ina.
Ano man umano ang kanilang naranasan sa pagmasahe sa baby, naitala na mas naramdaman ng mga mommy ang attachment sa kanilang baby at lalo silang naging attentive sa cues ng kanilang mga anak.
Isa umanong magandang pagkakataon ang masahe sa baby para ma-practice ang emotional at physical connection ng nanay at ng bata.
Dagdag pa rito, inirerekomenda ang masahe sa baby lalo na sa mga batang ipinanganak ng preterm o kulang sa buwan. Kapag preterm daw kasi ang sanggol, mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng postpartum depression ang ina.
Ayon sa pag-aaral, napag-alaman na sa pamamagitan ng pagmasahe sa baby, nag-i-improve din ang mood ni mommy at ang kalidad ng pag-aalaga nito sa kaniyang anak.
Hindi mo naman kailangan mag-enroll pa sa klase para sa masahe sa baby. Puwede na ring subukan ito sa inyong bahay, marahang masahiin ang iyong anak habang kinakantahan mo ito ng lullaby.
Tandaan din na makatutulong lang ang pagmasahe sa baby upang maibsan ang sintomas ng postpartum depression ngunit mahalaga pa rin na magpatingin sa doktor at magpaggamot kung nakararanas ng postpartum depression.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ksenia Chernaya
Ano ba ang postpartum depression?
Normal sa mga bagong ina na makaranas ng tinatawag na postpartum baby blues. Kabilang sa mga sintomas nito ay ang mood swings, crying spells, anxiety, at hirap sa pagtulog.
Karaniwang nararanasan ng mga ina ang baby blues sa loob ng unang dalawa hanggang tatlong araw matapos magsilang ng sanggol. Maaari rin itong tumagal ng hanggang dalawang linggo.
Subalit, mayroong ilang mga mommy ang nakararanas ng mas matindi o severe na kalungkutan. Tinatawag na postpartum depression ang long-lasting form ng baby blues.
Tandaan, mommy na ang postpartum depression ay hindi mo kasalanan at hindi ito kahinaan. Karaniwang komplikasyon lamang ito ng panganganak.
Narito ang ilang sintomas ng postpartum depression:
- Hirap sa pagkain o kaya naman ay sobra sa pagkain kompara sa normal na nakokonsumo
- Nahihirapang maka-bonding ang anak
- Madalas na pag-iyak
- Matinding mood swings
- Overwhelming na pagod at pagkawala ng energy o gana sa mga bagay
- Matinding pakiramdam ng pagkairita o galit
- Takot na hindi ka nagiging mabuting ina
- Pakiramdam na nawawalan ng pag-asa
- Pagkakaroon ng insomnia o hirap sa pagtulog o kaya naman ay tulog nang tulog
- Kagustuhang umiwas sa mga kaibigan at kapamilya
- Pakiramdam na walang kwenta, nahihiya, o guilt
- Matinding anxiety at panic attacks
Larawan mula sa Pexels kuha ni Nataliya Vaitkevich
Ang matinding kaso ng postpartum depression ay maaari ring magdulot ng kaisipan na saktan ang sarili o ang iyong anak. Hindi gaya ng baby blues na saglit lang kung maranasan ng bagong panganak, ang postpartum depression ay tumatagal. Mahalagang kumonsulta sa iyong doktor kapag nakararanas ng ano mang sintomas ng postpartum depression.
Maaaring makaapekto sa iyong abilidad na alagaan ang iyong baby ang sakit na ito. Kadalasang nade-develop ang mga sintomas nito sa mga unang linggo matapos na ikaw ay manganak.
Mayroon din namang habang nagbubuntis pa ay nakararanas na ng depression at nagpapatuloy hanggang matapos ang panganganak.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Kung nakakaramdam ka ng depresyon matapos kang magsilang ng sanggol, agad na kumonsulta sa iyong doktor. Lalo na kung ang pakiramdam na ito ay hindi nawala nang higit sa dalawang linggo.
Kapag sa palagay mo ay tumitindi rin ang epekto nito sa iyong emosyon at nahihirapan kang alagaan ang iyong anak dahil dito, tumawag na sa iyong doktor.
Mahalaga rin na ipaalam mo sa iyong partner ang pinagdaraanan para mas maintindihan niya na kailangan mo ang kaniyang suporta sa bahaging ito ng pagiging isang ina.