Isa sa mga unang bagay na isasagawa sa iyong bagong-panganak na sanggol ay ang newborn screening. Ano ba ito at paano ang proseso ng newborn screening dito sa Pilipinas? Narito ang mga kailangan mong malaman.
Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, sa wakas ay naipanganak mo na ang iyong sanggol. Congrats!
Alam naming excited ka nang iuwi sa bahay si baby, pero bago kayo makalabas ng ospital, mayroong mga bagay na dapat gawin para masigurong magiging ligtas at malusog ang sanggol – isa na rito ang newborn screening.
Larawan mula sa Freepik
Newborn screening in the Philippines: gabay sa magulang
Ano ba ang newborn screening?
Lahat ng sanggol ay parang normal at pare-pareho kapag ipinapanganak. Pero maaaring mayroon silang congenital disorder na kapag hindi agad naagapan, ay lubhang delikado para sa kanilang kalusugan.
Ang newborn screening ay isang simpleng pagsusuri na isinasagawa sa mga bagong-panganak na sanggol para malaman kung sila ay may congenital disorder.
Dahil rito, malalaman agad kung may problema sa kalusugan ng sanggol at makakaiwas sila mula sa peligro ng mental retardation o pagkamatay.
Taong 1996 nang nagsimulang magkaroon ng newborn screening ang mga ospital dito sa Pilipinas. Pero noong 2014, naisabatas ang Republic Act 9288, ang Newborn Screening Act of 2014, na nagsasaad na lahat ng batang ipinapanganak sa bansa ay dapat sumailalim sa newborn screening.
Mula May 1, 2019, naipanukala g Department of Health (DOH) na lahat ng bagong-panganak na sanggol ay dadaan sa Expanded Newborn Screening (ENBS) kung saan mula sa pagsusuri ng 6 na sakit, itinaas ito sa higit sa 28 para maagapan ang epekto ng mga seryosong sakit.
Kailan ito isinasagawa?
Para maging epektibo ang mga pagsusuri at maagapan ang posibleng masamang epekto ng mga sakit, dapat maisagawa ang ENBS sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos ipanganak ang sanggol.
Isinasagawa ito sa ospital, lying-in o health centers na sertipikado ng DOH. Kadalasan, isa itong requirement bago payagang makalabas ng ospital si baby.
Paano ito isinasagawa?
Kukuha ng sample ng dugo ng sanggol mula sa kaniyang sakong at ilalagay sa espesyal na papel (filter card), pagkatapos ay ipinapadala sa Newborn Screening Center. Isang doktor, nars o certified medical technician ang dapat magsagawa ng ENBS.
Maaring maging mahirap para sa ‘yo bilang magulang na makitang kunan ng dugo ang iyong bagong-panganak na sanggol, pero kailangan ito para masigurong ligtas ang iyong anak at makakaiwas sa mga panghabang-buhay na karamdaman.
Mas maganda kung nariyan ka o ang iyong partner kapag isinagawa ang pagsusuring ito sa iyong anak.
Larawan mula sa Freepik
Newborn screening in the Philippines: ano ang mga isasagawang tests?
Sa naunang isinasagawang newborn screening, mayroong 6 na uri ng sakit na sinusuri. Pero para makasabay sa global standards at mas masiguro ang kaligtasan ng mga bagong-panganak na sanggol.
Nagdagdag ng 22 pang tests para masuri kung ang baby ay mayroong hemoglobinopathies at metabolic disorders sa organic acid, fatty acid oxidation, at amino acid na maaaring napasa sa kaniya mula pagbubuntis.
Narito ang buong listahan ng mga tests na kabilang sa expanded newborn screening:
Endocrine Disorders:
Ang mga sakit sa thyroid at endocrine glands ay maaaring makasagabal sa kakayahan ng katawan na gumawa ng hormones na may masamang epekto sa paglaki ng bata.
- Congenital Hypothyroidism
- Congenital Adrenal Hyperplasia
Amino Acid Disorders
Kapag mayroong amino acid disorder ang sanggol, maaari itong makaapekto sa kaniyang metabolism o kakayahan ng katawan na ma-convert ang pagkain sa energy na kailangan para lumaki at mabuhay ng maayos.
- Homocystinuria
- Hypermethioninemia/Methionine Adenosine Transferase Deficiency
- Maple Syrup Urine Disease
- Phenylketonuria
- Tyrosinemia Type I
- Tyrosinemia Type II, III
Fatty Acid Disorders
Matutukoy ng mga tests na ito kung may problema ang katawan sa pagtunaw ng fat at i-convert ito sa energy. Delikado para sa bata kung makakapasok ang asukal at ipa bang masamang kemikal sa kaniyang dugo.
- Carnitine Palmitoyltransferase I Deficiency
- Glutaric Acidemia Type II
- Carnitine Palmitoyltransferase II Deficiency
- Long Chain Hydroxyacyl-CoA Dehydrogenase Deficiency
- Carnitine Uptake Deficiency
- Medium Chain-Acyl-CoA Dehydrogenase Deficiency
- Very Long Chain-Acyl-CoA Dehydrogenase Deficiency
- Tri-functional Protein Deficiency
Organic Acid Disorders
Ang mga sakit na ito ay makakaapekto sa isang bagong-silang na sanggol sa kanilang pagkain.
- 3-Methylcrotnyl CoA Carboxylase Deficiency
- Beta Ketothiolase Deficiency
- Glutaric Acidemia Type I
- Isovaleric Acidemia
- Methylmalonic Acidemia
- Multiple Carboxylase Deficiency
- Propionic Acidemia
Urea Cycle Defect
Matutukoy sa mga pagsusuring ito kung ang atay ng iyong baby ay may kakayahan na gumawa ng enzymes na kailangan nila para ma-convert ang sobrang nitrogen sa urea, na nalalabas sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi.
- Citrullinemia
- Argininosuccinic Aciduria
Hemoglobinopathies
Ang mga pagsusuri na ito ay ginagawa para malaman kung mayroong problema sa dugo ang sanggol na maaaring napasa sa kanya ng kaniyang magulang.
- Alpha Thalassemia
- Hemoglobin C
- Sickle Cell Disease
- Hemoglobin D
- Beta Thalassemia
- Hemoglobin E
Iba pa
- Galactosemia
- Glucose-6-Phosphate Dehydrogenase Deficiency
- Cystic Fibrosis
- Biotinidase Deficiency
Mga maaaring maiwasan dahil sa newborn screening
Mahalaga na maisagawa agad ang ENBS para maagapan ang mga malulubhang sakit sa sanggol, na maaaring maglagay sa kanila sa peligro sa susunod na 7-14 araw.
Narito ang mga sakit o kondisyon na maiiwasan at maaagapan sa pamamagitan ng newborn screening:
- malubhang mental retardation
- pagkasira ng mga parte ng utak
- developmental delays
- pagkaantala sa pisikal na paglaki
- kombulsyon
- hirap sa paghinga
- anemia
- paglaki ng puso at atay
- stroke
- coma
- multi-organ failure
- maagang kamatayan
Newborn screening in the Philippines: mga karagdagang impormasyon
Kabilang ang ENBS sa newborn care package na ibinibigay ng mga ospital sa mga sanggol sa loob ng 24 mula kapanganakan.
Magkano ang newborn screening?
Ang ENBS ay may halagang Php1,750, subalit sinasagot naman ito ng PhilHealth para sa kanilang mga miyembro.
Kailan at saan makukuha ang resulta?
Makukuha ang resulta ng newborn screening sa ospital o klinika kung saan ito isinagawa. Maaaring makuha ito sa loob ng 2 hanggang 4 na linggo.
Pero mas mabuting tumawag muna sa ospital o klinika at tanungin kung lumabas na ang resulta ng newborn screening ng iyong anak.
Anong ibig-sabihin ng mga resulta ng newborn screening?
Kapag NEGATIVE ang resulta ng test, ibig sabihin ay normal ang iyong anak at wala siya ng mga sakit na sinusuri sa ENBS.
Kapag POSITIVE naman ang resulta, maaaring senyales ito na mayroon siya ng isa sa mga nabanggit na sakit, o kaya naman ay kailangan pa ng karagdagang pagsusuri.
Ipinapaalam agad sa magulang kung sakaling positive ang resulta ng newborn screening at kung kailangang ulitin ang test o kailangang matingnan ng espesyalista ang sanggol.
Huwag masyadong mabahala kung nakakuha ng positive result sa newborn screening ang iyong anak. Sa halip, dalhin agad siya sa ospital para maulit ang screening at makumpirma ang resulta.
Kung mayroon kang karagdagang katanungan tungkol sa newborn screening dito sa Pilipinas, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
Larawan mula sa Freepik
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!