Paano hindi sasama ang ugali ng bata? Narito ang ilang bagay na hindi dapat ginagawa ng mga magulang.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga parenting mistakes kaya lumalaking brat ang iyong anak
- Paano hindi sasama ang ugali ng bata?
May nakilala na bang matanda na masama ang ugali at nagtaka kung bakit sila naging ganoon? Isa sa unang bagay na maiisip mo ay kung paano sila pinalaki ng kanilang mga magulang.
Bagamat ang pag-uugali ng isang tao ay nagbabago rin habang siya ay tumatanda at nagiging mature, malaking bahagi pa rin talaga ang pagpapalaki at pagdidisiplina sa kaniya noong bata pa siya.
Bilang magulang, ang paulit-ulit na paghikayat ng paggalang at pagrespeto ay natural lang. Wala namang magulang ang tahasang nagtuturo ng masamang ugali sa kanilang anak. Pero lingid sa kanilang kaalaman, maaring may mga bagay silang nagagawa na taliwas sa kanilang itinuturo. Posible rin na hindi nila alam na nakakasama na pala ang bagay na ito sa kanilang anak.
Paano hindi sasama ang ugali ng bata? Narito ang mga bagay na dapat iwasang gawin ng mga magulang.
Parenting mistakes kaya lumalaking masama ang ugali ng bata
“Kapag hindi ka pa tumigil, iiwan na kita diyan. Aalis na ako.” O kaya, “Sige ka, kapag hindi ka kumain nang mabuti, kukunin ka ng mumu sa gabi.”
Ang takot ay isang natural na reaksyon ng mga bata kapag mayroon silang bagay na hindi maintindihan. Ayon sa isang pag-aaral mula sa Purdue University, mahalaga na maging balanse ang takot sa isang bata.
Kapag masyado siyang maraming kinatatakutan, maaring mahirapan siyang mag-explore ng kaniyang kapaligiran. Subalit kapag wala namang takot ang bata, maari rin siyang mapahamak kung hindi siya nag-iingat sa mga bagay na maaring magdala ng panganib.
Pero ayon sa mga researcher, ang isang bagay na hindi mo dapat gamitin ang takot ay sa pagdidisiplina sa iyong anak.
“Some parents try to scare children into following rules. It is not a very effective way to control children’s behaviour. Fear uses the lower levels of the brain, so children do not learn to think when parents use fear.
Using fear in discipline can make children more afraid of other things. When they are often scared, their brains learn to be scared more quickly.”
Kung ang isang tao ay natatakot, hindi niya natututunan ang aral na dapat niyang matutunan at maari rin niyang gamitin ang pananakot para makuha ang gusto niya sa hinaharap.
-
Pagbibigay ng lahat ng gusto niya.
Bilang magulang, gusto nating pasayahin ang ating mga anak. Pero kung nasasanay silang makuha lahat ng gusto niya, maari rin itong makasama.
Kung nagiging demanding ang bata at nagpapanic ka para lang sundin sila, mali ang napapadala nitong mensahe. Nasasanay ang mga bata sa ideya ng pag-iyak o pagwawala bilang paraan ng pagmamanipula. Nagiging entitled ang bata at iniisip niya na lahat ng gusto niya ang dapat makuha niya, kahit hindi naman niya ito pinaghirapan.
Ayon kay Dr. Susan Newman, ang unang dapat gawin ay itanong ang sarili kung naii-spoil ang bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng “unearned privileges.” Nangyayari ito kapag binibigay agad lahat sa bata.
Isang halimbawa nito ay para lalo kang mahalin ng bata o para makabawi sa mga hindi mo naranasan sa iyong pagkabata. Subukang ipa-intindi sa kanila ang pinagkaiba ng “gusto” at “kailangan.”
Larawan mula sa Pexels
-
Paggawa ng excuses para sa kaniya
Kapag nagta-tantrums o nagpapakita ng masamang ugali ang bata, minsan ay tayo pa ang gumagawa ng excuse para sa ikinikilos nila, lalo na kapag nakikita ito ng ibang tao.
“Antok na kasi siya,” o “Gutom na siya kaya nagmamaktol na.”
Maaring mayroong katotohanan sa mga dahilan na ito, pero kung ang iyong anak ay lagpas na sa edad na 4, dapat ay kaya mo nang kausapin siya ng maayos. Importante na turuan mo siyang mag-self-regulate o kontrolin ang kaniyang mga emosyon. Dapat maging accountable siya sa mga ginagawa niya.
Kasama rin rito kapag ibang tao ang sinisisi mo sa ikinilos ng iyong anak. Halimbawa, nakalimutan niyang gawin ang kaniyang assignment. Maaring sabihin mo sa teacher na, “Sorry teacher, hindi ko kasi siya naturuan kagabi.” O kaya naman kung mababa ang grado ng iyong anak sa paaralan, sinasabi mo na hindi kasi magaling magpaliwanag ang teacher niya.
Hindi maganda na makalakihan ng bata ang ugaling ito. Dahil kapag lagi kang gumagawa ng excuses para sa maling ikinikilos ng iyong anak at nakikita niyang sinisisi mo ang ibang tao sa kamalian niya, maari niyang kalakihan ito at hindi siya maging responsable sa kaniyang sariling aksyon at damdamin.
-
Pagbibigay at paggamit ng shortcuts
Walang magulang ang gustong mahirapan ang kanilang anak, ngunit, maganda na hayaan silang magtrabaho para sa mga bagay. Isang simpleng halimbawa ay kapag nasa restaurant at sila ay hindi na mapakali. Huwag sila bigyan basta ng gadget para lang hindi ka na nila guluhin.
Turuan silang maghintay kapag may kailangan sila, at habaan ang kanilang pasensya sa mga bagay. Pero kaakibat rin nito ang pagbibigay ng oras para ipaintindi sa kanila ang mga ganitong bagay.
Huwag ring gumamit ng shortcuts sa pagdidisiplina tulad ng pagbibigay ng bagay na gusto nila para hindi na sila mangulit, o kaya naman pagbibigay ng parusa kahit hindi mo pa ipinapaliwanag sa bata kung ano ang nagawa niyang mali.
Isa pang paraan para maturo ang halaga ng pagiging masikap ay ang pagbibigay ng gawaing bahay. Ayon sa guro at ama ng 3 anak na si Andrew Andestic, dapat hikayatin ng mga magulang ang mga anak na mangarap. Ngunit, dapat bigyang diin na walang kwenta ang ambisyon kung walang kaakibat na pagsisikap.
-
Pagbibigay ng empty threats
Halimbawa, sinabi mo sa iyong anak na na kapag hindi niya nilinis ang kwarto niya, hindi mo siya hahayaang maglaro ng kanilang gadgets. Pero makaraan ang ilang oras, lalo na kapag busy ka, maaring ipahiram mo pa rin ang iyong gadget para nga maaliw ang bata.
Subalit ayon kay Dr. Hansa Bhargava, isang pediatrician sa Children’s Healthcare sa Atlanta,
“Toddlers and preschoolers can easily pick up the difference between an empty threat and actual punishment. We really love our children, and we want what’s best for them, but it’s really important to follow through (on punishment).”
Paalala ng doktor, kapag nagpatuloy ang ganitong kaugalian, maaring mabawasan ang respeto sa’yo ng iyong anak, at dahil alam niya na hindi mo naman talaga gagawin ang parusang sinabi mo, hindi siya matatakot na gawin ito uli o suwayin ka ulit.
Kung may sinabi kang gagawin mo, lalo na kung ito ay parusa sa isang bagay, dapat ay panindigan mo ito. Kapag sinabi mong hindi pwedeng gumamit ng gadget, dapat alam ng mga anak mo na hindi talaga sila pwedeng gumamit nito.
Gayundin, dapat alam ng bata na kapag humindi ka na, ito na ang iyong desisyon. Hindi na pwedeng makipagkasundo o subukang baguhin ang iyong pasya. Dahil kung hindi, maaring isipin ng bata na hindi mo naman siniseryoso ang mga bagay na sinabi mo at pwede ka pa niyang i-manipulate para pumabor ito sa kaniya.
No means no. Wala nang mahabang eksplanasyon o usapan. Dapat ay panindigan mo ito.
Kapag may pinangako ka naman sa anak mo na gagawin mo, dapat ay tuparin mo ito. Dapat maintindihan ng bata na may laman ang mga salita mo at hindi ito empty threats at empty promises lang.
BASAHIN:
6 na paraan nang pagdidisiplina ng walang parusa
“Hindi mo na ako love?” Ito ang rason kung bakit hindi mo dapat sinasabi ito sa bata kapag may ayaw siyang gawin
Mga magulang, narito ang masamang epekto ng pamamalo sa bata ayon sa pag-aaral
-
Pinapaikot mo ang mundo mo sa iyong anak
Walang duda na mahal natin ang ating mga anak. At para sa iba, ginugugol nila ang lahat ng oras nila sa mga bata. Pero ang ganitong pag-uugai o aksyon ay maaring magdulot ng pagiging entitled ng bata.
Hindi masama na iparamdam natin sa kanila na mahal natin sila. Pero hindi rin maganda na umiikot lang ang buhay mo sa kanila at sila lang ang priority mo. Kailangan mo ipakita sa kanila na hindi sa kanila umiikot ang mundo. Hindi lang sila ang importante sa iyo.
Bigyan mo rin ng oras ang iyong asawa, mga kaibigan, hobbies at pati ang iyong sarili. Kapag nakita ito ng bata, matututunan nila kung ano ba talaga ang hitsura ng isang healthy relationship.
-
Hinahayaan mong siya ang laging masunod
Minsan, natatawag mo rin bang “bosing,” o “mahal na prinsesa” ang iyong anak?
Bagamat cute ang batang alam ang gusto nila, tandaan na ikaw pa rin ang authoritative figure o ang masusunod sa buhay ng iyong anak. Hindi ka niya katulong o alipin. Ikaw pa rin ang magdedesisyon kung ano ang makakabuti sa kaniya.
Tandaan na ang iyong papel bilang magulang ay hindi para pagsilbihan ang iyong anak. Ito ay para turuan siya at kalingain siya, habang nagse-set ng boundaries at tinuturuan siya ng tama at mali.
Walang masama kung gusto nating iparamdam sa kanila na espesyal sila at mahal natin sila. Pero dapat alam nila na hindi tayo laging naroon para ibigay ang kailangan nila at dapat matuto silang gawin iyon para sa kanilang sarili.
-
Hindi dinidisiplina kapag matabil ang dila
Talaga namang cute ang mga batang bibo at madaldal. Pero hindi naman ibig-sabihin nito ay pwede na niyang sabihin lahat ng gusto niyang sabihin kahit makakasakit ito sa damdamin ng iba.
Kailangang sawayin ang bata kapag nagiging masyado na siyang matabil o mapang-asar. Kung hahayaan mo ito, maari niyang makasanayan ito at magiging bahagi na ng kaniyang masamang ugali.
Kahit gaano siya kagalit, hindi pa rin tama na maging bastos o pabalang sa pagsasalita. Ipaalam rin sa kaniya na kahit kailan ay hindi tama na magmura, mangutya o mang-insulto ng ibang tao.
Maging mabuting halimbawa ka rin sa pananalita ng may galang at respeto sa iba para ito ang tularan ng iyong anak.
Minsan, para maiwasan na masaktan ang damdamin ng ating anak, o para mapasunod natin sila nang mas mabilis, nagagawa nating magsinungaling sa kanila. Iniisip natin na ito ay para sa kapakanan din nila, pero ang totoo ay ang pagsisinungaling sa iyong anak ay may malaking epekto sa kaniyang pag-uugali.
Kapag hindi ka nagsabi ng totoo sa iyong anak at nalaman niya ito, maaring magkaroon ng lamat ang inyong relasyon. Mahihirapan na siyang pagkatiwalaan ka, at iisipin niya na hindi ka nagiging tapat sa kaniya.
Gayundin, pwedeng maisip ng bata na katanggap-tanggap ang pagsisinungaling at maari niya itong gayahin sa hinaharap.
Kahit gaano kahirap, sikapin na magsabi ng totoo sa iyong anak, at ipaliwanag sa kaniya ang mga bagay-bagay.
“Kapag hindi mo ako niyakap, iiyak ako.” O kaya, “Hindi na kita love kasi hindi ka sumusunod sa’kin.”
Maaring sa palagay natin ay isang paraan ng paglalambing o harmless joke lang ito sa ating anak. Pero ang totoo, nakaka-impluwensiya rin ang mga ito sa pag-uugali ng bata.
Una, ipinapahiwatig nito na wala tayong kontrol sa ating mga damdamin. At maiisip ng bata na, “Kung ang matatanda nga ay hindi kayang kontrolin ang damdamin nila, ako pa kaya?” Pangalawa, maaring isipin ng bata na tama ito at gawin ito sa ibang tao sa hinaharap.
Ayon sa parenting expert at clinical psychologist na si Dr. Becky Kennedy,
“Our children need to hear that our love is consistent and dependable. Especially when they are acting out.”⠀⠀
Nakakatulong ito para sa self-esteem ng bata dahil magiging secure sila sa ating pagmamahal. Mas matututunan rin nilang gawin kung ano ang tama. Dagda pa ng doktora,
“Kids need to know that a parent’s love is dependable and won’t change based on good or bad behavior. This actually helps them feel more stable and secure, which promotes more regulated behavior.”
Kaya naman sa halip na i-blackmail ang iyong anak, ipaalala sa kaniya na hindi magbabago ang pagmamahal mo sa kaniya kahit anong gawin niya.
-
Hindi dinidisiplina dahil “Bata lang ‘yan.”
Iniisip mo na masyado pa silang bata kaya pinapalagpas lang natin ang mga maling ginagawa nila. Pero paano kung makasanayan na nila ang masamang ugaling ito hanggang pagtanda?
Kapag hinayaan lang natin ang hindi magandang pag-uugali na pinapakita ng bata, posibleng madala na nila ito sa hinaharap.
Hindi natin kailangang parusahan agad ang ating maliliit na anak, pero dapat ay ipaalam pa rin sa kanila ang tama at mali.
Paano nga ba hindi sasama ang ugali ng bata? Ang pangunahing paraan ay maging mabuti tayong ehemplo kung ano ang dapat at hindi dapat gawin.
Gayundin, dapat maging positibo tayo sa pakikitungo sa ating anak upang maging maganda ang pananaw nila sa kanilang buhay. Iwasan ang maling paraan ng pagdidisiplina (tulad ng pagsigaw at pamamalo) at sa halip ay ipaintindi sa kanila kung saan sila nagkamali at bakit kailangan nilang maging mabuti.
Higit sa lahat, iparamdam sa bata ang iyong pagmamahal sa iyong anak sa tamang paraan.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
CBS News, Healthline, Pop Sugar