Paano kakapal ang buhok ng baby? Totoo bang kakapal ito kapag kinalbo siya? Alamin ang kasagutan rito.
Halos pare-pareho naman ang hitsura ng mga sanggol kapag sila’y ipinapanganak. Pero habang tumatagal, matapos ang ilang ligo, napapansin na natin kung ano talaga ang hitsura ni baby. Pati na rin ang kaniyang buhok.
May mga sanggol na ipinapanganak na marami na agad buhok, mayroon rin namang mga kalbo o may manipis na buhok. Makalipas ang ilang buwan, maaring mapansin mo na manipis at tila matagal humaba ang buhok ng iyong anak.
Bagamat ang pagkakaroon ng manipis na buhok ng baby ay hindi naman isang seryosong kondisyon na dapat ipag-alala, bilang magulang, nag-isiip ka pa rin kung paano kakapal ang buhok ng iyong anak. Sa puntong ito ay hindi ka nag-iisa! Dahil marami sa atin na ninanais rin ito para sa baby nila.
Kakapal ba ang buhok ng bata kapag kinalbo?
Paniniwala ng matatanda, kapag kinalbo mo ang bata, kakapal ang tubo ng buhok nito. Kaya naman ito ay naging kaugalian na ng mga magulang dito sa atin.
Pero ayon kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, walang katotohanan ang paniniwalang ito, dahil ang pagiging manipis o makapal ng buhok ng isang tao ay base sa genetics o namamana, at hindi makakatulong ang pagkalbo sa bata para kumapal ito.
“Walang medical explanation na kapag kinalbo ka kakapal ang buhok mo. Hindi totoo iyon. Kasi ang hair, genetic. Kung ipinanganak ka na makapal ang buhok ng parents mo, ng ancestors mo, kakapal ang buhok mo.” paliwanag ni Dr. Tiglao.
Kadalasan, ipipilit ng mga matatanda ang pagsunod sa ganitong paniniwala dahil “Wala namang mawawala.” Subalit ayon rin kay Dr. Tiglao, maari mo palang mailapit sa sakit ang iyong anak kapag kinalbo mo ang buhok niya, lalo na kung siya ay sanggol pa at hindi pa malakas ang kaniyang immune system.
“Ang mahirap pa nga kapag kinakalbo is infection. Kasi tinanggal mo iyong nagproprotect ng scalp ng baby, so ‘yong follicles niya mai-irritate.
Imagine mo magkakaroon pa yan ng folliculitis, iyong maliliit na sugat, so it’s a source of infection pa.” aniya.
Larawan mula sa Freepik
Mga mabisang pampakapal ng buhok ni baby
Bagamat ang pagkapal pala ng buhok ng isang bata ay base sa kaniyang genes, mayroon namang mga paraan na pwede mong subukan para masiguro ang magandang tubo ng buhok ni baby. Narito ang ilan sa kanila:
Ang pagmamasahe sa katawan ni baby ay nakakatulong upang tumibay ang kaniyang mga buto. Ganoon rin upang magkaroon ng maayos na sirkulasyon ang kaniyang dugo.
Kung ang masahe ay gagawin naman sa kaniyang ulo, nahihikayat nito ang mabilis na pagtubo ng buhok. Lalo na kung ang pagmamasahe ay gagamitan ng mga oils gaya ng virgin coconut oil na hindi lang nagmomoisturize ng buhok ni baby kundi pinoprotektahan din ito mula sa mga harmful bacteria.
Panatiliing malinis ang buhok at ulo ni baby
Para ma-promote ang hair growth sa ulo ni baby mainam rin na panatiliing laging malinis ito. Ito ay upang matanggal ang mga dumi na maaring bumara o tumakip sa pores ng scalp o anit ni baby na pumipigil sa mga follicles ng buhok na tumubo.
Paalala rin ni Dr. Tiglao, pumili ng mga produktong angkop para sa mga bata at walang matatapang na chemicals. Paano mo malalaman kung banayad ito? Amuyin mo. Aniya,
“Kapag alam niyong manipis ang buhok ni baby, huwag ninyo nang ibibili ng shampoo na matapang. Ito ang tandaan niyo – kapag ang shampoo mas mabango, mas matapang iyan. Kapag walang amoy, mas gentle ang shampoo, less chemicals iyon.”
Gumamit o bigyan ng vitamin D si baby
Ang pagbibigay ng vitamin D ay isa ring mabisang pampakapal ng buhok ni baby. Ito ay maaring ipainom sa kaniya o kaya naman ay idagdag sa mga ikinakain niya.
Maari ring ihalo ang vitamin D supplement sa isang carrier oil at saka imasahe sa kaniyang ulo. Sa ganitong paraan ay hindi lang tutubong makapal ang kaniyang buhok. Ito rin ay magiging healthy at shiny.
Pakainin si baby ng mga pagkaing mayaman sa iron
Maliban sa vitamin D, ang isa pang nutrient na nakakatulong sa mas mabilis na pagtubo ng buhok ni baby ay ang iron. Mas pinapatibay rin nito ang buhok at sinisigurong ito ay tutubo ng makapal.
Ang mga pagkaing mayaman sa iron na maaring ihalo sa diet ni baby ay mga green leafy vegetables, beans, pumpkin at marami pang iba.
Pakainin ng almonds kay baby
Ang almonds ay mayaman sa amino acid, proteins at omega 3 fatty acids na makakatulong sa magandang pagtubo ng buhok ni baby. Para makuha niya ang mga nutrients na ito, mainam na ihalo ito sa kaniyang diet o pagkain.
Gumamit ng aloe vera sa buhok ni baby
Ang aloe vera ay hindi lang maganda sa ating balat. Nakakatulong rin ito sa mas mabilis na pagtubo ng buhok. Ang kailangan lang gawin ay imasahe sa ulo ni baby ang katas nito o kaya naman ay ihalo sa shampoo para sa mas magandang resulta.
Gumamit ng malambot na brush sa pagsusuklay ng buhok ni baby
Napakasensitibo ng anit at bunbunan ng mga sanggol, kaya naman gumamit ng malambot na brush sa pagsusuklay ng kaniyang buhok. Sa ganitong paraan, hindi lang naalagaan na huwag maputol ang kaniya pang manipis at marupok na buhok, kundi namamasahe rin nito ang kaniyang ulo na nag-iimprove ng blood circulation at nagpropromote ng hair growth.
Gumamit ng malambot ng towel sa pagpupunas ng buhok ni baby
Sa pagpapatuyo ng buhok ni baby, dapat gumamit ng malambot na towel. Ito ay upang masiguro na hindi ma-dadamage ang follicles ng kaniyang buhok, Dahil kapag ito ay nangyari ang kaniyang buhok ay malalagas o tutubong manipis.
Iba pang tips kung paano kakapal ang buhok ng baby
Maliban sa mga nabanggit ay may iba ka pang maaring gawin upang masigurong tutubo ng healthy at makapal ang buhok ni baby. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Kung itatali ang buhok ni baby, siguraduhing hindi ito mahigpit. Dahil ang pagtatali ng mahigpit sa buhok ni baby ay maaring maka-damage rito. Kung maari ay iwasan ring gumamit ng mga rubber o goma sa kaniyang buhok. Dahil maaring dumikit dito ang kaniyang manipis na buhok at agad na maputol.
- Siguraduhing properly hydrated lagi si baby. Painumin siya ng maraming tubig o padedehin nang madalas. Sa ganitong paraan, gaganda ang sirkulasyon ng kaniyang dugo na mahalaga sa pagtubo ng kaniyang buhok.
- Kung lalabas at mainit ang panahon, suotan ng sombrero o takpan ang ulo ni baby. Ito ay upang maprotektahan ang kaniyang buhok mula sa damage na maaring maidulot ng init ng sikat ng araw.
Huwag kang masyadong mabahala sa manipis na buhok ni baby. Tutubo at kakapal rin ‘yan sa tamang panahon. Kung mayroon kang katanungan tungkol sa paglaki at kalusugan ng iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!