Pamamaga ng bakuna ng sanggol, paano nga ba masasabing normal lang o nakababahala?
Talaan ng Nilalaman
Pagbabakuna sa mga sanggol
Ayon sa WHO o World Health Organization, ang immunization o pagbabakuna ay isang proseso na kung saan binibigyan ng immunity o resistance ang isang tao mula sa mga infectious diseases.
Ito rin ang napatunayang pinakamurang paraan para makontrol at ma-eliminate ang mga life-threatening diseases. Kaya naman isinusulong ng ahensya na mabakunahan ang bawat tao sa mundo laban sa mga sakit na nagsisimula sa pagkasilang pa lang ng isang indibidwal.
Bakuna sa baby
Ang ibinibigay ngang bakuna sa baby mula siya ay isilang habang lumalaki ayon sa DOH ay ang sumusunod:
- BCG (Anti-tuberculosis vaccine)
- Hepatitis B vaccine
- DPT-Hib-Hep B Vaccine (5-in-1 vaccine laban sa Diphtheria, Tetanus, Pertussis, Polio at Hib disease)
- Polio vaccine
- PCV (Pneumococcal conjugate vaccine o anti-pneumonia vaccine)
- MMR (Measles-Mumps-Rubella vaccine)
- Rotavirus vaccine
- Varicella vaccine
- Flu vaccine
- Hepatitis A vaccine
Maaari pa ring ikonsulta sa inyong pediatrician kung alin sa mga naitalang bakuna ang pwede sa inyong baby bago kumuha ng lahat ng ito. Pero, mainam rin kung makakakuha ng karamihan sa mga bakuna na ito para sa baby dahil magsisilbi itong pagbuo ng immunity niya.
Dahilan kung bakit hindi maaaring makatanggap ng bakuna ang isang bata
Mahalagang mabigyan ng mga bakunang ito ang isang lumalaking bata. Ito ay kanyang magsisilbing proteksyon sa mga sakit na maaring dumapo sa kaniyang murang katawan.
Ngunit dapat mong tandaan na hindi sa lahat ng oras ay maaring mabakunahan ang isang bata. May mga pagkakataon o sitwasyon na siya ay hindi maaring tumanggap ng bakuna.
Ang mga dahilang ito ay ang sumusunod:
- Ang batang may malubhang karamdaman ay hindi maaring mabakunahan. Siya ay papayuhang bumalik na lamang sa ibang araw kapag siya ay magaling na.
Ayon naman sa CDC o Center for Disease Control and Prevention, ang isang bata ay maaring makatanggap pa rin ng bakuna kahit na siya ay may ubo at sipon basta’t ito ay hindi malala.
Ganoon din kapag siya ay may mahinang lagnat (38.3 degree Celsius pababa), mild diarrhea at impeksyon sa tenga o otitis media. Ang mga hindi malalang sakit na ito ay hindi naman daw makaka-apekto sa reaksyon ng vaccine sa katawan ng isang tao.
- Hindi na dapat makatanggap ng parehong bakuna ang batang nakaranas ng nakamamatay na allergic reaction. Mahalagang ipaalam ito sa nagbibigay ng bakuna upang maiwasang maulit ang negatibong reaksyon.
- Kung ang isang bata ay nakakaranas ng allergic reaction sa substance na taglay ng isang bakuna ay hindi siya dapat mabigyan nito. Mahalagang ipaalam din ito sa nagbibigay ng bakuna.
Mga dapat asahan matapos ang pagbabakuna
Epekto ng bakuna sa sanggol
Kapag nabakuhan ang sanggol, hindi imposibleng magkaroon ng epekto ng bakuna sa sanggol. Ang bakuna sa baby ay immune system na itinurok sa katawan niya, kaya pupwedeng magkaroon ito ng mga reaksyon sa kanyang katawan.
Narito ang mga dapat asahang epekto ng bakuna sa sanggol na dapat ninyong bantayan:
-
Local reaction
Ang bahagi kung saan tinurukan ang sanggol ay maaaring magkaroon ng pamamaga, pamumula, at pagsakit. Kadalasan, ang mga sintomas na ito ng epekto ng bakuna sa sanggol ay magsisimula sa loob ng 24 oras pagkatapos magpabakuna.
Natatapos ang mga epekto ng bakuna sa baby sa loob ng 3 hanggang 5 araw. Sa ibang kaso ng bakuna sa baby, ang epekto at pamamaga sa sanggol ay aabot ng 7 araw pagkatapos ng bakuna.
Ang pamamaga at pamumula sa bahagi ng bakuna sa baby ang mga epekto na karaniwang nangyayari.
-
Lagnat
Ang lagnat bilang epekto ng bakuna sa sanggol ay maaaring maranasan sa loob ng 24 oras at matatapos sa loob ng 1 hanggang 2 araw.
-
Delayed na epekto ng bakuna sa sanggol
Para sa MMR at bakuna sa bulutong, ang lagnat at rashes ay maaaring lumitaw. Ang mga sintomas na ito pagkatapos ng bakuna sa baby ay late na magsisimula. Maaaring lumitaw ang mga ito sa loob ng 1 hanggang 4 na linggo.
-
Anaphylaxis
Ang malala at malubhang allergic reactions ay rare na mangyari sa baby. Maaari itong magsimula pagkatapos ng 20 minuto lamang. Sa ibang kaso naman, maaari din itong lumabas sa loob ng 2 oras matapos ang bakuna sa baby. Sa ganitong sitwasyon, alam ng mga vaccine health workers kung ano ang gagawin sa ganitong reaction ng bakuna.
Itawag agad sa doktor kung sakaling may ibang malalang reaksyon matapos ang bakuna sa sanggol.
Mild reactions matapos mabakunahan
Dahil ang isang vaccine ay gawa sa weakened version ng isang sakit, ito ay maaring magdulot ng pagbabago o reaksyon sa katawan ng isang sanggol.
Ngunit ito naman ay pangkaraniwan at kusang nawawala. Ilan nga sa mga reaksyong mararanasan ng isang sanggol matapos mabakunahan ay ang mga sumusunod:
- Pagsakit ng kalamnan lalo na sa parte ng katawan na nabakunahan
- Pamamaga sa parte kung saan itinurok ang bakuna sa baby
- Pamumula o pamamaga sa parte ng katawan na nabakunahan
- Mababa o banayad na lagnat
Ang mga reaskyong ito ay kadalasang nagtatagal ng isa o dalawang araw. At palatandaan na kumikilos o umeepekto na ang vaccine sa katawan ng isang sanggol. Ngunit hindi lahat ng sanggol ay nagpapakita ng ganitong reaksyon kapag nabakunahan.
Serious reactions matapos mabakunahan
Maliban sa mga mild reactions na nabanggit ay nakakaranas din ng seryosong reaksyon sa bakuna ang ilang sanggol bagama’t ito ay bibihira. Ang mga reaksyong ito ay ang sumusunod:
- Pagkaalibadbad
- Pagkapagod o walang gana kumain
- sobrang pamamaga ng bakuna sa baby
- Pagsusuka
- Pamamaga ng buong braso o hita na pinagbakunahan
- Walang patid na pag-iyak
- Lagnat na mahigit 105°F o 40°C
- Seizures o kombulsyon
- Palatandaan ng severe allergic reaction tulad ng hirap sa paghinga, pagkahilo, pamamaga ng lalamunan, mabilis na tibok ng puso at hives o pamamantal ng katawan.
Ang mga nabanggit na reaksyon ay itinuturing na seryoso kaya naman kung makaranas ng mga nabanggit ang iyong anak matapos mabakunahan ay mabuting dalhin siya sa doktor upang masuri at makasigurado sa kaniyang nararamdaman.
Pamamaga ng bakuna ng sanggol
Samantala, ayon sa UK health website na NHS, ang pamamaga ng bakuna ng sanggol ay normal lang. Lalo na kung ito ay dulot ng BGC vaccine na itinuturok sa ilalim ng balat sa taas na bahagi ng kaliwang braso.
Kadalasan, ang pamamaga ng bakuna ng sanggol ay hindi magtatagal sa loob ng 3-5 araw. Ngunit kung lumagpas na rito, dapat na itong isangguni sa inyong doktor.
Usual expected reaction na umano kung maituturing ang pamumula o pagkakaroon ng maliit na bukol sa injection site o tinurukan ng bakuna. Susundan ito ng pagkakaroon ng ulcer sa injection site o bukas na sugat na maaring gumaling sa loob ng ilang linggo.
Hindi rin dapat mag-alala kung makikitaan ng konting nana ang sugat na dulot ng pagbabakuna.
Pero kung ang nana ay marami na at namumuo na sa buong sugat o injection site ay dapat na itong ipatingin sa doktor. Lalo na kung sinabayan na ito ng pamamaga ng kaliwang braso ng isang sanggol.
Samantala, upang maiwasang ma-impeksyon at lumala ang pamamaga ng bakuna ng sanggol ay dapat maalagaan ito nang maayos. Dapat ay lagi itong panatiling malinis at tuyo.
Makakatulong din ang paglalagay ng temporary dry dressing o gauze sa sugat. Ngunit dapat iwasang lagyan ito ng ointment, anti-septic creams, sticking plaster o band aids na maaring dumikit sa bukas na sugat at magpapalala pa rito.
Asahan ding ang sugat na ito ng sanggol ay maaring magpeklat o keloid kapag ito ay magaling na.
Tandaang ang pamamaga ng bakuna ng sanggol ay normal lang. Ngunit kung ito ay nagdudulot na ng discomfort sa kanya ay mabuting patignan na ito sa doktor upang makasigurado.
Remedy sa pamamaga ng bakuna ng sanggol
Pagkatapos ng bakuna ng sanggol, maaaring maranasan niya ang iba’t ibang reaksyon at epekto ng bakuna. Bagaman magiging hindi komportable sa baby ang pamamaga, pamumula at pananakit dulot ng bakuna, may mga paraan para maibsan ang mga reaksyon na ito.
Dagdag pa, normal at kusang mawawala ang mga epekto na ito. Pero, may mga remedy, lalo na sa pamamaga ng bakuna ng sanggol, ang makakatulong sa mabilis na pagkawala ng side effects.
Narito ang ilan sa mga remedy sa pamamaga ng bakuna ng sanggol:
- Basahin ang vaccine information sheet na ibinigay ng nurse o doktor para malaman ang mga posibleng side effects na mararanasan ng sanggol pagkatapos ng bakuna.
- Gumamit ng cool, damp na towel o cloth para ibsan ang pamumula, pamamaga, o pananakit sa parte ng bakuna.
- Maaaring mabawasan ang itatagal ng lagnat sa pamamagitan ng sponge bath ng maligamgam na tubig.
- Laging painumin ng liquids si baby. Normal sa sanggol na dumede o kumain ng mas kaunti sa loob ng 24 oras.
- Tiyakin muna sa doktor kung pupwede ang non-aspirin pain reliever bilang remedy sa pamamaga ng bakuna ng sanggol.
- Laging bantayan ang nararamdaman at sitwasyon ng inyong sanggol. Pumunta agad sa doktor kung may mapansing hindi normal na sintomas.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.