Para sa maraming Pilipinong magulang, normal lang ang pamamalo sa bata. Kung tutuusin, karamihan sa atin mismo ay naranasan nang paluin o saktan ng ating magulang kapag mayroon tayong kasalanan o pagkakamali.
Ngunit alam niyo ba ang masamang epekto ng pamamalo sa bata? Maraming eksperto na ang nakapagsabi na hindi naman talaga nakakatulong ang pamamalo sa bata. Kung tutuusin ay mas nakakasama pa nga daw ito at hindi nakakatulong sa kanilang development.
Pero, bakit nga ba dapat iwasan ang pamamalo at ang iba pang tawag sa pananakit bilang paraan ng pagdidisiplina? Ano ang epekto nito sa bata, at ano ang magandang alternatibo para dito?
Talaan ng Nilalaman
Napatunayang makakasama lang lalo ang pamamalo sa bata
Hindi na bago ang usapin ng pamamalo sa mga bata. Napakarami nang pagtatalo at diskusyon ang ginawa tungkol sa usaping ito.
At sigurado, maraming magulang ang magsasabi na, “pinalo naman ako ‘nung bata ako, pero maayos naman ako ngayon.”
Ngunit alam niyo ba na sa lahat ng ginawang pag-aaral tungkol dito, kahit isa ay walang nagpakita na mayroong mabuting epekto
ang pamamalo sa anak bilang disiplina?
Napatunayan pa nga ng mga eksperto na lalo lang nakakasama ang pamamalo at ang iba pang tawag sa pananakit bilang paraan ng pagdidisiplina. Tulad ng paghampas, paninipa, pagpipingot at iba pang pananakit sa bata.
Kabilang nga sa mga epekto nito ang pagkakaroon ng galit o aggression ng bata, pananakit o pambu-bully ng ibang bata, pagkakaroon ng mas masamang ugali, mga mental health problems, at pagbaba ng IQ ng mga bata.
Nakakasira rin ito ng ugnayan ng mga magulang sa kanilang anak, at lalo lang nitong pinaglalayo ang mga pamilya.
Ayon sa isang bagong pag-aaral na nailathala sa journal na Lancet, hindi nakakabuti ang pamamalo sa anak bilang disiplina. Kahit na ito ay para itama lang ang mali niyang ugali o ginawa.
Sapagkat imbis na makatulong ay nakakadagdag pa umano ito sa dahilan para mas tumigas ang ulo niya habang nagdudulot din ito ng masamang epekto sa development niya.
Ito ay ayon sa senior author ng pag-aaral na si Elizabeth Gershoff. Si Gershoff ay isang professor ng human development at family sciences mula sa The University of Texas sa Austin, USA.
Natututo rin manakit ang mga batang pinapalo
Ang isa pang masamang epekto ng pamamalo ay kung paano ito nagiging “normal” para sa mga tao. Kapag ang isang bata na pinalaki sa pamamalo o corporal punishment ay naging magulang, kadalasan, sasaktan din niya ang kaniyang mga magiging anak.
Dagdag pa ng isang pag-aaral, nagiging bayolente rin ang mga batang pinapalo ng kanilang mga magulang. Masasanay din silang gamitin ang pananakit upang resolbahin ang kanilang mga problema, na hindi naman tama.
Nawawalan din ng respeto sa mga magulang ang mga batang pinapalo. Sa halip na intindihin at respetuhin nila ang kanilang mga magulang, ito ay napapalitan ng takot.
Ano ang mas magandang alternatibo?
Sa halip na paluin ang iyong anak, heto ang ilang mabuting alternatibo upang sila ay disiplinahin o healthy forms of discipline.
Pag-usapan ang nangyari
Mahalaga ang komunikasyon sa pagitan ng mga anak at kanilang mga magulang. Kapag may ginawang mali ang isang bata, kailangan ipaliwanag ng magulang kung bakit mali ang kanilang ginawa, hindi lang basta paluin ang bata.
Ito ay para mas maintindihan ng bata ang epekto ng ginawa niya, at upang hindi na niya ito ulitin sa sunod.
Pagbawalan sila
Sa halip na paluin sila kapag nagkamali, puwedeng ibawal mo sa kanila ang paglalaro, o kaya ang panonood ng paborito nilang palabas sa TV.
Magsisilbi itong tanda na kapag may ginawa silang mali, mayroon itong kapalit na masamang kinahinatnan. Mas matututo sila sa ganitong paraan dahil mas madali sa kanila ang intindihin ang kanilang pagkakamali.
Bigyan ng time-out ang iyong anak
Minsan, nakakatulong sa iyong anak ang pagkakaroon ng oras upang pag-isipan ang kaniyang ginawang kasalanan. Ang pagbibigay ng time-out ay isang mainam na paraan upang magkaroon sila ng oras para sa sarili at maintindihan at pagsisihan ang kanilang pagkakamali.
Dito, matututo rin ang iyong anak na intindihin kung bakit niya ginawa ang kasalanan, at kung paano niya ito maiiwasang uliting muli.
Mahalagang tandaan ng mga magulang ang magiging epekto ng kanilang pagdidisiplina sa anak. Hindi lang sapat ang panandaliang pagpaparusa gamit ng pagpalo o pananakit ng bata. Mahalaga na turuan nila ang kanilang anak kung ano ang mabuting ugali, at ang tamang paraan ng pagdidisiplina.
I-reinforce ang tamang pag-uugali ng iyong anak.
Para maiwasan ang masamang epekto ng pamamalo sa bata o ang iba pang tawag sa pananakit bilang paraan ng pagdidisiplina ay mas mainam na i-reinforce ang mga tamang pag-uugali ng kaniyang ginagawa.
Paano ito gagawin? Dapat ay bigyan ng reward o i-recognize ang mga good deeds niya. Isa ito sa mga sinasabing pinaka-effective na paraan ng pagtuturo ng mabuting asal sa mga bata lalo na sa mga toddlers o edad 2-3 taong gulang.
Dapat ay bigyang atensyon ang mga tamang gawi o magagandang bagay na ginagawa ng iyong anak. Ito ay dapat purihin o tumbasan ng reward para mas gawin pa nila.
Sa oras naman na may ginawa silang mali, ay ilagay sila sa time-out at bahagyang alisan sila ng atensyon. Sa ganitong paraan ay nabibigyan sila ng punishment sa mali nilang nagawa.
Palitan o tapatan ng consequences ang mga maling gawi ng iyong anak.
Kaysa pamamalo sa anak bilang disiplina ang gamitin ay mainam na gumamit ng consequences. Habang lumalaki ang bata, hayaan siyang matuto sa consequences ng kaniyang mga ginagawa.
Tulad na lamang kapag hindi niya niligpit ang mga laruan niya matapos gamitin ang mga ito. Sabihin sa kaniya na hindi niya na ito muling malalaro pa kung ito ay hindi niya ililigpit at itatabi. Sa ganitong paraan ay mas nagiging responsable siya at lumalaking isang batang may mabuting ugali.
Pananakit sa bata bilang pagdidisiplina dapat bang ipagbawal?
Maliban sa pamamalo ay dapat din iwasan ang pagsasabi ng mga masasamang salita sa bata, pamamahiya sa kaniya at pagmumura. Pero pagdating sa tanong na pananakit sa bata bilang pagdidisiplina dapat bang ipagbawal? Maaaring ang sagot mo ay oo, maaring hindi.
Pero tandaan, iba-iba man tayo ng style ng pagdidisiplina sa ating anak panigurado ay iisa ang hangarin natin. Ito ay ang mapalaki siyang magalang at mabuting bata.
Kaya naman wala namang masamang sumubok ng ibang paraan ng pagdidisiplina, lalo ng mga paraang hindi siya masasaktan at mas mag-rerebelde pa.
Dahil ang mga batang nakakaranas ng physical violence tulad ng pamamalo ay nagpapakita ng lasting negative effects hanggang sa kanilang pagtanda. Tulad ng mababang IQ, magulong pakikipag-relasyon at paggamit ng ipinagbabawal na gamot o pagbibisyo, dagdag pa ng mga eksperto.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz