Pamamanas ng buntis: Sanhi, sintomas at mga puwedeng gawin para mawala ito

undefined

Alamin ang mga sanhi at pagkaka-ugnay ng manas sa paa ng pagbubuntis at ang mga paraan upang guminhawa ang pakiramdam mula sa pamamagang dulot nito.

Pamamanas ng buntis, paano nga ba mawawala? Alamin ang mga sanhi at pagkaka-ugnay ng pamamanas ng paa ng buntis at mga paraan para guminhawa ang pakiramdam mula sa pamamagang ito.

Karaniwan nang parte ng pagbubuntis ang edema o mas kilala sa tawag na pamamanas.  Ito’y dala ng pagpapanatili ng tubig sa katawan na nangyayari sa pagdadalang tao.

Kadalasan itong napapansin sa ikatlong trimester, ngunit posible rin na mangyari ito ng mas maaga sa iyong pagbubuntis.

Ating alamin kung paano nagkakaroon ng manas, at kung ano ang magagawa upang maibsan ang mga sintomas nito.

pamamanas ng buntis - buntis na pagmamasahe ng paa

Pamamanas ng buntis sa paa: Mga importanteng malaman | Image from iStock

Sanhi ng pamamanas ng buntis

Pagpasok ng isang babae sa kaniyang pregnancy journey, marami na ang kailangang asahan na pagbabago. Nangyayari ang pamamanas o pamamaga ng paa dahil ang katawan ng buntis na babae ay naglalabas ng dobleng fluid na makakatulong sa paglaki ni baby.

Ang nadadagdag na fluids na ito ay kinakailangan ng katawan upang maihanda ito sa paglaki dahil sa pagbubuntis. Pinapalambot nito at inihahanda ang pelvic joints ant tissues sa nalalapit na panganganak.

Karaniwang napapansin ang pagmamanas sa huling trimester ng pagbubuntis. Ito ay dahil sa paglaki at pagbigat ng uterus, nadidiinan ang pelvic veins at vena cava o ang malaking ugat sa kanang bahagi ng katawan.

Ang ugat na ito ang nagdadala ng dugo mula sa ibabang bahagi ng katawan papunta sa puso, kaya’t naiipon ang tubig sa ugat, at namamanas.

Narito pa ang ilang sanhi ng pagmamanas ng buntis:

  • init ng panahon
  • pagtayo ng matagal
  • pagiging aktibo
  • kakulangan sa potassium
  • labis na caffeine at sodium sa katawan
  • hindi pag-inom ng sapat na tubig

Mas nagiging malala rin ang pamamanas sa gabi, at kapag mainit ang panahon, tulad ng tag-init o summer. Napansin din ng iba na nawawala ang pressure at pamamaga kapag nakahiga o nakataas ang paa ng buntis.

Home remedy at mabisang gamot sa manas sa paa ng buntis

Walang gamot sa manas ng buntis ngunit maraming paraan para mabawasan ang pananakit o para mas maging komportable ang lagay ni Nanay.

Kung nakakaranas ka ng pamamanas sa paa at iba pang bahagi ng katawan habang buntis, narito ang ilang bagay na pwede mong subukan sa bahay:

  • Pag-inom ng maraming tubig

Ang dehydration ay isang dahilan din upang maimbak ang sobrang tubig sa katawan. Kaya naman para maiwasan ito, ugaliing uminom ng mas maraming tubig.

Ugaliing uminom ng hindi bababa sa 10 baso ng tubig araw-araw para na rin mabawasan ang manas sa paa ng buntis. Maaari ka ring maglagay ng lemon o berry sa iyong tubig para sa dagdag na flavor.

  • Magsuot ng komportable at maluwag na damit

Ang pagsusuot ng masisikip na damit pang ibaba tulad ng tight-fitting jeans ay maaaring makadagdag sa pamamaga o pamamanas ng iyong paa.

Kaya naman mabuting iwasan ito at magsuot ng mga damit na magpapanatili ng maayos na pagdaloy ng dugo tulad ng mga maluluwag ngunit komportable damit gaya ng maxi maternity dress para sa mga buntis. (Maaaring i-click ang link na ito para sa mga maternity clothes)

  • Magsuot ng komportableng sapatos

Para maibsan din ang manas na paa, makakatulong ang pagsusuot ng komportableng sapatos kumpara sa high heels kapag buntis, mayroon rin itong maidudulot na benepisyo.

Ang komportable at well-fitting shoes ay nakakatulong din upang maiwasan ang pamamaga o pamamanas ng paa kapag nagdadalang-tao. (Maaaring i-click ang link na ito para sa mga maternity shoes)

pamamanas ng buntis - buntis na nakalabas at nakahawak sa tiyan

Pamamanas ng buntis sa paa: Mga importanteng malaman | Image from Freepik

 
  • Magsuot ng high-waist compression socks o stockings.

Ang mga compression socks o stockings ay nakakatulong upang bahagyang mapiga ang iyong binti na nagiging dahilan upang mapanatili ang pagsi-circulate ng tubig o dugo rito. Sa ganitong paraan ay mas naiiwasan ang pamamaga o pamamanas ng paa.

Ngunit dapat ang susuoting compression socks o stockings ay high-waist at hindi lagpas lang sa iyong tuhod. Dahil kung knee-high lang ang stockings ay masikip ito sa isang bahagi ng binti na maaaring mas magpalala pa ng pamamaga. (Maaaring i-click ang link na ito para sa mg maternity compression socks)

  • Bawasan ang pag-inom ng kape

Hindi nirerekomenda ng mga doktor ang madalas na pag-inom ng buntis ng kape. Bukod sa mayroon itong masamang epekto sa iyong pagbubuntis, nakakadagdag pa ito sa pamamanas ng iyong paa.

Sapagkat ang caffeine ay isang diuretic na nagiging dahilan upang mas madalas na maihi ang isang tao at mag-retain ng tubig ang katawan.

Kaya naman kung maaari ay dapat muna itong iwasan ng isang buntis. Uminom na lamang muna ng gatas, herbal tea o decaf coffee bilang alternatibong inumin sa kape.

  • Kumain ng pagkain na mataas sa potassium

Nakakatulong ang potassium sa mga buntis bilang pang balanse ng mga fluid sa loob ng kanilang katawan. Maaaring makuha sa prenatal vitamin ang potassium o sa iba’t-ibang pagkain na mayaman rito tulad ng:

    • Yogurt
    • Saging
    • Spinach
    • Patatas na may balat
    • Kamote na may balat
    • Beans
    • Orange juice
    • Carrot juice
  • Iwasan ang maaalat na pagkain

Makakatulong para mabawasan ang pamamanas ng paa ng buntis ang pagbabawas ng sodium sa kanilang diet. Kadalasang natatagpuan ito sa mga pagkaing maaalat at canned o processed foods.

Iwasan rin ang paglalagay ng dagdag na asin sa mga pagkain para magkalasa. Sa halip ay gumamit ng mga savory herbs tulad ng rosemary, thyme at oregano.

  • Itaas at iangat, kung kailangan, ang iyong paa

Habang buntis, iwasan muna ang pagtayo ng matagal na oras. Makakatulong ang pagtaas ng paa habang naka-upo para mabawasan ang pamamaga nito.

Ang pagtaas ng mga paa ay maaari ring makatulong sa pagbawas sa manas. Nakakatulong ito dahil nagagawa nitong pabilisin ang daloy ng dugo sa katawan. Maaaring gumamit ng mababang upuan para patungan ng paa para gumaan ang pakiramdam.

  • Panatilihing presko ang bentilasyon sa inyong bahay at iwasang lumabas kapag mainit ang panahon

Kung ikaw ay nagbubuntis sa kasagsagan ng tag-init, ang pananatili sa loob ng bahay habang tirik ang araw at iwasan ang mabibigat na pag-eehersisyo. Makakatulong ang pag-iwas sa ganito para manatiling presko ang iyong pakiramdam at para maibsan ang pamamanas ng buntis.

Maaari ring magdamit nang presko, maglagay ng cold compress sa iyong paa, o panatilihing nalalamigan ng electric fan.

  • Paglalakad ng buntis habang may pamamanas ng paa

Kinakailangan mo ring maglakad-lakad habang ikaw ay buntis. Ugaliin na maglakad sa umaga ng 5 hanggang 10 minuto kada araw. Makakatulong ito para mapaganda ang circulation ng dugo ng nanay.

  • Matulog nang nakatagilid

Kinakailangan na ugaliin ng mga nanay ang pagtulog sa kanilang kaliwang bahagi. Marami ang benepisyong taglay ng “sleep on side” sa iyong 3rd trimester.

Ito rin ay may acronym na S.O.S na ibig sabihin ay Save Our Souls. Makakaiwas ito sa stillbirth at iba pang komplikasyon sa pagbubuntis.

Sa pagtulog sa kaliwang bahagi ng katawan, mababawasan rin ang nararanasang pamamaga. Dahil ang ugat na naiipit ay nasa kanang bahagi, matatanggal sa ganitong paraan ang pag-ipit na nadudulot dito.

  • Panatilihing cool ang pakiramdam

Ang init ng panahon at katawan ay maaari ring makapagdagdag sa pamamaga o pamamanas ng buntis. Kaya naman dapat ay panatiliing presko lang ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga maiinit na lugar. Iwasan rin muna ang matitinding exercise na nagdudulot ng init sa katawan.

Isang magandang uri ng ehersisyo sa mga buntis ang paglangoy. Nakakatulong pa ito upang guminhawa mula sa pagmamanas. Walang pruweba na natatanggal nito ang pamamanas ng paa, ngunit ang paggalaw sa paglangoy ay nakakatulong sa pagdaloy ng dugo. Nakakpagpalamig din ito ng katawan lalo na sa mainit na panahon.

Ang pagmamasahe ng paa ay isang paraan din upang mag-circulate ang fluids o dugo rito. Kung may oras ang iyong asawa ay mainam na paraan rin ito upang makapag-bonding kayo at mas maging involved siya sa iyong pagdadalang-tao.

pamamanas ng buntis - masahe sa paa

Larawan mula sa Pexels

  • Pagbabad ng iyong paang may pamamanas sa Epsom salt

Ang pagbabad o paglulubog sa iyong paa sa maligamgam na tubig na may Epsom salt ay isang paraan din upang maibsan ang pamamanas.

Para magawa ito, kumuha ng palanggana na kakasya ang iyong paa. Lagyan ito ng maligamgam na tubig na mayroong ½ cup ng Epsom salt. Ibabad dito ang iyong mga paa sa loob ng 15 minuto. Sa ganitong paraan ay magiginhawaan ang paa mo at maiibsan ang pananakit at pamamanas nito.

  • Cold compress

Subukan rin ang paglalagay ng cold compress o yelo na binabalot sa tuwalya sa mga paa. Hindi makikita ang resulta agad-agad, pero nakakatulong ito para bumaba ang temperatura sa iyong mga binti. Nakakapagpalamig ito ng mga pagod na paa ngunit hindi agad natatanggal ang pamamaga.

Paano maiiwasan ang pamamanas ng buntis?

May mga simpleng kaparaanan na makakatulong sa iyong maging komportable at kung paano maiiwasan ang pamamanas ng paa ng buntis.

Subukan ang mga sumusunod:

  1. Iwasan ang pagtayo sa loob ng mahabang panahon nang walang paggalaw.
  2. Magsuot ng sapin sa paa na komportable para sayo. (Iwasang gumamit ng light straps o ano pa mang makakadagdag sa pamamanas ng iyong paa).
  3. Kung kaya ng maka ilang beses, laging itaas ang iyong mga paa.
  4. Matulog nang patagilid sa kaliwa. Makakatulong ito sa pagdaloy muli ng dugo patungo sa puso.
  5. Mag-exercise palagi sa pamamagitan ng walking o swimming. Makakatulong ito sa maayos na pagdaloy ng dugo.
  6. Iwasan ang lugar at bentilasyon na walang hangin o mainit.

Kung kailangang tumayo sa loob ng mahabang panahon, subuking gumalaw galaw at magpalit ng posisyon.

Delikado ba ang manas sa buntis

Karamihan sa mga mommies na nagbubuntis ay nakakaranas ng pamamanas ng kanilang paa at ito ay normal lamang. Ngunit, may mga pagkakataong ang pamamanas ng buntis ay maaaring nagpapahiwatig ng iba pang mas malalang kondisyon.

Kumontak at humingi agad ng payo mula sa midwife, doktor, o ospital kung:

  • May pamamanas na simula sa umaga at hindi pa rin nawawala kahit nagpapahinga na.
  • namamanas ang mukha at mga kamay mo maliban sa paa.
  • Mas naging madalas ang pamamanas kaysa sa mga nakaraang panahon.

Ito ay maaaring sintomas ng pre-eclampsia, o pagkakaroon ng high blood pressure dulot ng pagbubuntis. Isa itong malala at delikadong kondisyon para sa inyo ni baby.

Humingi agad ng tulong sa iyong doktor at huwag nang hintayin pa ang susunod na appointment kung naranasan ang mga sintomas na ito.

Kapag naman mas namamanas ang isang paa kaysa sa isa, maaaring indikasyon rin ito ng isang malalang kondisyon ng iyong mga ugat, tulad ng deep vein thrombosis.

Ang pamamanas habang buntis ay normal lamang at hindi naman delikado. Pero, kung may kapansin-pansing kakaiba sa iyong nararanasang pamamanas, maliit man o malaki, tumawag agad ng doktor.

Mga bibihirang dahilan ng manas sa buntis

Deep vein thrombosis

Ang isa bibihirang dahilan ng manas sa buntis ay ang deep vein thrombosis. Ito ay ang tumutukoy sa pamumuo ng dugo o blood clots sa ibabang bahagi ng katawan. Madalas ito ay nararanasan sa binti.

Mas tumataas ang risk ng deep vein thrombosis sa tuwing nagbubuntis dahil sa nagproproduce ang katawan ng mas maraming protein para makatulong sa blood clotting. Ito ay kailangan para maiwasan ng buntis ang labis na pagdurugo sa kaniyang panganganak. Kapag buntis ay mas mataas rin ang tiyansang maipon ang dugo sa veins ng buntis sa bahagi ng binti at paa dahil sa nababawasan ang kaniyang movements o paggalaw. Ang blood clots na ito ay maaring makaapekto sa pagdaloy ng dugo. May posibilidad din na gumalaw ang blood clot, dumaloy sa blood stream papunta sa baga o lungs. Sa ganitong pagkakataon ay maaring magbara ito sa blood flow ng dugo doon. Ang kondisyon na ito ay tinatawag na  pulmonary embolism na nakamamatay.

Ang mga buntis na mataas ang risk na makaranas ng deep vein thromobosis ay ang sumusunod:

  • Dati ng nakaranas ng deep vein thrombosis
  • May namana o inherited na blood clotting disorders
  • Nakaranas ng injury sa binti na pumipigil sa dugo na dumaloy ng normal
  • Sakit na kung saan mas nagpapataas ng tiyansa sa dugong mag-clot tulad ng cancer o kidney or heart problems
  • Paninigarilyo
  • Hindi paggalaw o immobility ng dahil sa isang sakit o surgery.
  • Obesity.

Preeclampsia

Sa kondisyong preeclampsia, ang protein levels at blood pressure ng isang babae sa tuwing nagbubuntis. Mas tumataas rin ang level ng fluid sa kaniyang katawan na nagdudulot ng pamamaga o manas sa kamay ng buntis. Ganoonn rin sa kaniyang mukha, paa at nagdadagdag sa kaniyang timbang. Kung hindi maagapan ang preeclampsia, ito ay maaring magdulot ng damage sa organs ng katawan tulad ng utak, kidneys, lung at liver.

Ang mga buntis na mataas ang risk na makaranas ng preeclampsia ay ang sumusunod:

  • May mataas na blood pressure bago pa man ang pagbubuntis.
  • Nakaranas ng preeclampsia sa mga nauna ng pagbubuntis o may history ng kondisyon sa pamilya.
  • Edad na mas mababa sa 17 at mas higit sa 35 years old.
  • Unang pagbubuntis.
  • Higit sa isang fetus o sanggol ang ipinagbubuntis.
  • May diabetes.
  • Nakakaranas ng blood pressure disorder.
  • May abnormal growth sa placenta ng dahil sa fertilized egg na abnormal.

Peripartum cardiomyopathy

Ang isa pang kondisyon na maaring dahilan ng manas sa paa ng buntis at iba pang bahagi ng katawan ay ang peripartum cardiomyopathy. Ito ay ang panghihina sa muscle ng puso na madalas na nararanasan sa buwan ng due date ng buntis hanggang sa ika-limang buwan matapos siyang makapanganak. Sa pagbubuntis, ito ay maaring magdulot ng shortness of breath at labis na pagkapagod.

Ang mga buntis na mataas ang risk na makaranas ng peripartum cardiomyopathy ay ang sumusunod:

  • Edad 30 o higit pa habang nagbubuntis.
  • Nadiagnose na may cardiomyopathy o ibang karamdaman sa puso.
  • Nagbubuntis ng higit sa isang sanggol.
  • Nakakaranas ng preeclampsia.
  • May mataas na blood pressure bago pa man ang pagbubuntis.

Cellulitis

Ang isa pang kondisyon na maaring magdulot ng manas sa buntis ay ang cellulitis. Ito ay isang impeksyon sa balat na dulot ng bacteria. Dahil sa balat ito nararanasan ay makikitang namamaga, namumula o tender ang balat dahil sa impeksyon na ito. Kung hindi malunasan ang cellulitis ay maari itong magdulot ng seryosong komplikasyon sa isang tao. Ang tamang pag-aalaga sa sugat at proper hygiene ang nangungunang paraan para maiwasan ang cellulitis.

Kailan dapat kumonsulta ang buntis sa doktor tungkol sa pamamanas?

pamamanas ng buntis - tiyan ng buntis

Pamamanas ng buntis sa paa: Mga importanteng malaman | Image from iStock

Halos lahat ng buntis ay nakakaranas ng pagmamanas. Kadalasan ay hindi naman ito dapat na ipag-alala. Subalit may mga pagkakataon rin na sintomas ito ng mga komplikasyon tulad ng pre-eclampsia at o deep vein thrombosis. Narito ang ilang sintomas na dapat mong bantayan:

  • Pamamaga ng mukha at mga kamay
  • Pamamaga ng paligid ng mata
  • Labis na pamamanas ng kamay, binti, paa o sakong
  • Ang isang binti ay mas manas kaysa sa isa
  • Masakit ang balakang (maaaring may blood clot)
  • Mataas na blood pressure
  • Pananakit ng mga binting namamanas
  • Pamumula ng bahagi na may pagmamanas

Matapos manganak, kadalasang nawawala ang pamamaga sa loob ng dalawang linggo.

Kung mayroon kang katanungan tungkol sa pagmamanas at iba pang sintomas na nararanasan habang nagbubuntis, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong OB-GYN.

 

Dagdag na impormasyon mula kay Nathanielle Torre at Irish Manlapaz

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!