Madalas kapag mayroong pananakit ng batok at likod ng ulo, sinasabing sintomas ng high blood ito. Subalit alam niyo ba na maraming posibleng maging sanhi ng sakit ng ulo sa bandang likod at pananakit ng batok?
Ating alamin ang pinagmumulan ng ganitong klaseng sakit, kung ano ang mainam na remedy o gamot sa pananakit ng batok at sa sakit ng ulo sa bandang likod, at kung paano ang tamang first aid sa masakit ang batok.
Talaan ng Nilalaman
Pananakit ng batok at likod ng ulo
Kapag masakit ang batok at bandang likod ng ulo ay hindi ito dapat na balewalain. Maaaring sintomas na pala ito ng mas malaking problema na hindi dapat pabayaan.
Kaya mahalagang malaman ang dahilan kung bakit masakit ang iyong batok, upang malaman mo kung ano ang dapat gawin para dito.
Narito ang mga posibleng sanhi ng sakit ng ulo sa bandang likod at ng batok:
1. Pagod o ngalay na muscles sa leeg sanhi ng pananakit ng batok
2. Pagkakaroon ng stiff neck
Isa pang dahilan ng pananakit ng batok at likod ng ulo ay ang pagkakaroon ng stiff neck. Nangyayari ito kapag hindi maganda ang iyong paghiga habang natutulog, o kaya matagal naiwan sa hindi komportableng posisyon ang iyong leeg. Kasama na rin ang stress at anxiety sa mga posibleng sanhi ng stiff neck.
Ang pagkakaroon ng stiff neck ay kadalasang nararanasan pagkagising, at nagiging masakit para sa iyo ang paggalaw ng iyong leeg.
Madalas ay nawawala din ang stiff neck matapos ang 1-2 araw. Ngunit kung umaabot na ito ng isang linggo na hindi nababawasan ang sakit, mabuting pumunta ka na sa doktor.
Malaking tulong din ang paggamit ng orthopedic pillow upang maiwasan ito.
3. Pananakit ng batok dulot ng naipit na ugat
Malalaman mo na naipit na ugat ang sanhi ng sakit dahil kumakalat ang sakit patungo sa iyong balikat. Minsan ay nakakaranas ka rin ng pamamanhid at panghihina na umaabot hanggang sa kamay.
Kapag ganito ang iyong nararanasan, mainam na magpunta sa doktor upang magamot ng maayos. Sa mga pagkakataong kailangan ng agarang lunas, makakatulong ang tamang first aid sa masakit ang batok bago ka makapunta sa espesyalista.
4. Sintomas ng high blood
Ang isa pang dahilan ng pananakit ng batok at likod ng ulo ay ang pagkakaroon ng high blood. Madalas nararanasan ang ganitong pananakit ng batok kapag kumain ka ng pagkain na matataba o masebo.
Madalas ay may kasama rin itong sakit ng ulo, pagkakaroon ng lightheadedness, at minsan ay pagkahilo. Kapag nararanasan mo ang ganitong mga sintomas, posibleng itong sintomas ng high blood.
Sa mga ganitong kaso, mabuting magpunta ka na sa iyong doktor upang mabigyan ka ng mabuting diagnosis. Kung mayroon kang high blood, mabuting umiwas sa mga matataba at masesebong pagkain, at mag-ehersisyo.
Posible rin na wala kang maranasang sintomas ng high blood, pero meron ka na pala nito. Kaya’t mahalaga ang taon taon na checkup at blood test upang malaman mo ang kalagayan ng iyong kalusugan.
Hindi dapat binabalewala ang mga sakit na iyong nararamdaman. Kahit na posibleng pagod lang ang dahilan ng pananakit ng batok at likod ng ulo, mahalaga pa rin na alamin mo ang mga dahilan sa likod nito. Ito ay upang maalagaan mo ng mas mabuti ang iyong katawan at makaiwas sa mga sakit at karamdaman.
5. May injury
Isa sa mga posibleng dahilan ng masakit na batok ay pagkakaroon ng injury. Ang leeg o batok ay vulnerable sa pagkakaroon ng injury ayon sa Healthline.
Lalo na kung nakaranas ng mga aksidente katulad ng pagkadulas, car accidents, o kapag naglalaro ng sports. Kung saan ang mga muscles sa leeg napipilitan na mag-move labas sa kaniyang normal range.
Kung buto sa leeg ay may fracture, malaki ang posibilidad na ang spinal cord din ng isang tao ay may injury.
6. Pagkakaroon ng rheumatoid arthritis posibleng sanhi ng pananakit ng batok
Ito ay nagdudulot ng masakit na leeg o batok, pati na ang pamamaga ng joints at buto. Kapag nangyari ito sa bandang bahagi ng leeg o batok nagreresulta ito ng masakit na leeg o batok.
First aid sa pananakit ng batok
Dahil maraming puwedeng sanhi kung bakit sumasakit ang batok, narito ang first aid sa masakit na batok. Tandaan na ang mga ito ay paunang lunas lamang, mas maigi pa ring magpatingin para malaman kung ano talaga ang iyong lagay.
- Ayusin ang pag-upo o paghiga. Maaaring sanhi lang ng poor posture kung bakit sumasakit ang batok.
- Isa pang first aid sa masakit na batok ay ang paggamit ng cold compress. Ipatong lamang ito sa parte na sumasakit para maibsan ito.
- Mag-check ng blood pressure kung mayroong device sa iyong bahay.
Kung may pangamba pa at hindi mabahala sa pananakit ng batok at likod ng ulo, ‘wag mag atubiling magpa konsulta sa iyong doctor.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Kung ang nakakaramdam ng mga ganitong sintomas kasama ng pananakit ng batok at ulo, agad na magpakonsulta sa doktor:
- Labis na pananakit ng batok o leeg na wala namang tiyak na dahilan
- May bukol sa leeg o batok
- Nilalagnat
- Pananakit ng ulo
- May swollen glands
- Pamamanhid
- Panghihina
- Ang sakit ay pumupunta sa iyong arms at legs
Kaya naman kung ikaw ay nakakaranas ng pananakit ng batok, mas magandang magpakonsulta agad sa doktor upang masolusyunan ito. Ang gamot sa pananakit ng batok at ulo ay nakadepende kung anong kundisyon ang mayroon ka.
Pagsusuri at diagnostic tests para sa pananakit ng batok
Kapag nararanasan ang pananakit ng batok, mahalagang malaman ang sanhi nito upang matukoy ang tamang paggamot. Karaniwan, ang mga doktor ay magsasagawa ng ilang pagsusuri upang malaman kung ano ang nagdudulot ng sakit.
-
X-ray
Ang X-ray ay isang mabilis at non-invasive na paraan ng pagsusuri. Makikita rito ang mga posibleng problemang may kinalaman sa buto ng batok, tulad ng pinsala, fractures, o degenerative changes sa cervical spine. Hindi nito kayang ipakita ang soft tissues o mga nerves, ngunit nakakatulong ito upang ma-eliminate ang mga malubhang kondisyon.
-
MRI (Magnetic Resonance Imaging)
Ang MRI ay isang mas detalyadong pagsusuri na gumagamit ng malakas na magnetic field at radio waves. Pinapakita nito ang soft tissues tulad ng mga ligaments, muscles, at nerves, kaya’t mas nakakatulong ito sa pag-diagnose ng mga kondisyon tulad ng herniated disc, nerve compression, o mga problema sa spinal cord.
-
CT Scan (Computed Tomography)
Ang CT scan ay isang mas advanced na imaging technique na nagbibigay ng cross-sectional images ng katawan. Karaniwan itong ginagamit kapag mas kumplikado ang kaso at kailangan ng mas mataas na detalye kumpara sa X-ray.
Sa pamamagitan ng mga pagsusuri ito, maaaring matukoy ng doktor ang pinaka-angkop na lunas para sa pananakit ng batok.
Sakit ng ulo sa bandang likod
Tulad ng pananakit ng batok, may iba’t ibang sanhi rin ang sakit ng ulo sa bandang likod. Karamihan pa sa mga uri ng sakit ng ulo sa bandang likod ay nagdudulot din ng pananakit sa ibang bahagi ng katawan.
Kaya naman, kung magpapatingin sa doktor ay mahalagang tukuyin ang lahat ng bahagi ng katawan na nakararamdam ng sakit kasabay ng pananakit ng likod ng ulo.
Narito ang mga kondisyon na posibleng sanhi ng sakit ng ulo sa bandang likod at leeg:
Hindi maayos na postura
Tulad ng pananakit ng batok, posibleng dahilan din ng sakit ng likod ng ulo at leeg ang hindi maayos na tindig o postura tuwing nakaupo o nakahiga.
Kapag hindi kasi maayos ang posisyon sa pagkakaupo o pagkakahiga lumilikha ito ng tensyon sa likod, balikat, at leeg. Ang tensyon na ito ang nagdudulot ng pananakit ng ulo.
Occipital neuralgia
Isa ang occipital neuralgia sa kondisyon na nagdudulot ng sakit sa ulo sa bandang likod. Maaari mo itong maranasan kapag ang nerves na dumadaloy sa iyong spinal cord patungo sa anit o scalp ay namaga. Karaniwan itong nararanasan ng mga taong mayroong migraine condition.
Ang mga sintomas ng occipital neuralgia ay:
- Sharp, aching, throbbing pain na nagsisimula sa ibabang bahagi ng likod ng ulo patungo sa anit.
- Sensitivity sa liwanag
- Masakit na anit
- Pakiramdam na tila may kuryenteng dumadaloy sa leeg at likod ng ulo
- Pananakit sa likod ng mata
- Masakit na pakiramdam kapag iginagalaw ang leeg
Cervicogenic headache
Dulot ito ng herniated discs sa cervical spine sa leeg. Maaaring makaranas ng pananakit ng leeg at tension ang taong may cervicogenic headache. Mararamdaman ang pananakit sa likod ng ulo, sa noo, at sa likod ng mga mata.
Bukod pa rito, puwede ring makaramdam ng pananakit ng balikat at braso. Mas tumitindi ang pananakit tuwing nakahiga. Tuwing nakahiga kasi ay mararamdaman na tila may nakadagan sa itaas ng ulo. Mayroong ibang tao na nagigising dahil sa uri ng sakit ng ulo na ito.
Low-pressure headache
Ang uri naman ng sakit ng ulo na ito ay dulot ng low spinal fluid pressure sa utak. Karaniwang nangyayari kapag ang spinal fluids ay tumagas mula sa spine. Tinatawag din itong intracranial hypotension.
Samantala, may specific na dahilan din ang sakit ng ulo sa bandang likod kanan at sakit sa ulo sa bandang likod kaliwa. Magkaibang kondisyon ang sanhi ng mga ito.
Sakit ng ulo sa bandang likod kanan
Ang sakit ng ulo sa bandang likod at kanang bahagi ay dulot ng tension headaches. Bukod sa pananakit ng kanang bahagi ng likod ng ulo, posible ring makaranas ng tila paninikip ng ulo na walang pagkirot.
Sakit ng ulo sa bandang likod kaliwa
Migraine condition naman ang sanhi ng sakit ng ulo sa bandang likod kaliwa. Kung ikaw ay may migraine, posibleng maramdaman ang pananakit ng ulo sa alinmang bahagi ng ulo. Kaya lamang, maraming tao na mayroong migraine ang madalas na nararanasan ang sakit sa kaliwang bahagi ng ulo.
Posible rin naman na magsimula ang pananakit sa kaliwang bahagi at unti-unting kumalat o lumipat sa ibang bahagi ng ulo at sa likod nito.
Bukod sa matinding pananakit ng ulo maaari ding makaramdam ng mga sumusunod kung ikaw ay may migraine:
- Sensitivity sa liwanag at tunog
- Nagluluha na mata
- Pagsusuka
- Pagduwal
- Pagkahilo
- Migraine auras
Ang migraine auras ay tumutukoy sa pansamantalang disturbances sa paningin, pagsasalita, at iba pang sensation. Umaatake ito bago magsimulang maramdaman ang iba pang sintomas ng migraine.
Karaniwang isang oras bago ang pag-atake ng migraine ay nakararanas ang isang taong mayroong ganitong kondisyon ng auras. Posible rin namang makaranas ng migraine aura na hindi nasusundan ng pananakit ng ulo. Karaniwan ito sa mga nasa edad 50 taon o mas matanda.
Ilan sa mga migraine aura na maaaring maranasan:
- Flashes ng liwanag sa paningin
- Pagbabago sa vision o saglit na pagkawala ng paningin
- Pagkakaroon ng blind spots
- Tila may nakikitang makinang na spots o stars
- Nakakikita ng zigzag lines na unti-unting lumulutang sa field of vision
Mahalagang ikonsulta sa doktor ang pananakit ng ulo. Lalo na kung ito ay pabalik-balik. Ang gamot sa sakit ng ulo sa bandang likod at pananakit ng batok ay nakadepende sa kung anong sanhi o pinagmulan ng sakit. Kaya naman, importanteng magpatingin sa doktor para malapatan ng tamang lunas na angkop sa iyong kondisyon.
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.