Mommies, narito ang mga dapat niyong malaman tungkol sa pulikat sa binti at paa ng buntis.
Ang ikalawang trimester ng pagbubuntis ay isa sa masasabi nating “magandang” panahon ng iyong pagbubuntis. Sa trimester na ito, ang morning sickness, pagsusuka at labis na pagkapagod na naranasan mo sa loob ng nakalipas na tatlong buwan ay magsisimulang mawala.
Babalik na ang iyong lakas upang makagawa ng mga trabaho o gawaing bahay. Maaari ka na ring mag set ng iyong mga routine sa araw-araw. Ang pangalawang trimester ay nagsisimula sa week 13 hanggang 28 o ang apat, lima hanggang anim na buwan ng iyong pagbubuntis.
Habang ikaw ay nasa yugtong ito, mapapansin mo na rin ang paglobo ng iyong tiyan at mararamdaman ang mga galaw ni baby. Sa yugtong ito rin magaganap ang mga pagbabago hindi lamang sa iyong baby kundi pati na rin sa iyong pangagatawan.
Pero habang lumalaki si baby sa iyong tiyan at bumibigat ang iyong timbang, mayroon ring mga hindi kanais-nais na epekto na maari mong maranasan. Isa na rito ang pamumulikat.
Pulikat sa binti at paa ng buntis
Ang pulikat o muscle cramps ay ang biglaang pananakit o pangangalay ng bahagi ng iyong katawan. Bagamat nagdudulot ito ng discomfort, kadalasan ay panandalian lang naman ang sakit at kusang nawawala. Ito rin ay tinatawag kung minsan na Restless Leg Syndrome sa wikang Ingles.
Normal na maranasan ng mga buntis ang pamumulikat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa ikalawang trimester. Dala ito ng patuloy na pagbabago sa iyong hormones at paglaki ni baby sa iyong sinapupunan.
Ang pinakakaraniwang pamumulikat na nararamdaman ng mga buntis ay ang pananakit ng kanilang puson. Ito ay dahilan ng paglapad ng uterus na nagdudulot ng pressure sa iyong mga muscles at ligaments. Kadalasan, banayad lang naman ang sakit pero may mga pagkakataon ring parang matindi at tumutusok ang sakit.
Pero isa pa sa mga iniinda ng mga babaeng nagdadalang-tao ay ang pulikat sa binti at paa ng buntis. Ito ay isang karaniwang sintomas ng pagbubuntis pagdating ikalawa at huling trimester.
Sa katunayan, ayon sa Healthline, halos kalahati ng mga babaeng nabubuntis ay dumadaing ng muscle spasms o pulikat lalo na sa huling trimester.
Maaring maranasan mo ang pamumulikat sa gabi – kapag patulog ka na pagkatapos ang buong araw ng paglalakad – at makaramdam ng paninikip o pangangalay ng iyong mga binti o paa. May mga babae namang pinupulikat kapag nanatili sila sa isang posisyon ng mahabang oras.
Larawan mula sa iStock
Sanhi ng pulikat sa binti at paa ng buntis
Para malaman kung paano mababawasan ang pagkakaroon ng pulikat, alamin muna natin ang ilang posibleng dahilan kung bakit nangyayari ito:
-
Pagbabago ng sirkulasyon ng dugo
Habang tayo ay nagbubuntis, bumabagal ang circulation o pagdaloy ng ating dugo. Normal ito at hindi dapat ikabahala dahil may kinalaman rito ang overactive hormones ng isang buntis.
Sa ikalawa at ikatlong trimester, tumataas rin ang blood volume sa katawan ng buntis kaya lalong bumabagal ang sirkulasyon ng dugo. Ito ang nagdudulot ng pagmamanas at pamumulikat ng kaniyang paa at mga binti.
Umiinom ka ba ng maraming tubig?
Nirerekomenda ng mga doktor na uminom ng 8 hanggang 12 baso ng tubig kada araw ang mga buntis. Ito ay para makaiwas sa dehydration o kakulangan ng tubig sa ating katawan.
Ang dehydration ay maaring magdulot at magpatindi ng pulikat sa binti at paa ng buntis.
Ang bigat mula sa lumalaking sanggol sa iyong uterus ay maaring magdulot ng pressure sa iyong nerves at blood vessels, kabilang na ang mga ugat sa iyong paa at binti. Ito ang dahilan kung bakit mas nararamdaman ng buntis ang pulikat habang tumatagal ang pagbubuntis, lalo na pagdating ng ikatlong trimester.
-
Fatigue o matinding pagod
Tila natural na sa mga buntis ang mabilis mapagod – may lumalaking tao sa loob ng katawan mo! At habang bumibigat ang iyong timbang, napapagod rin ang iyong muscles dahil sa karagdagang pressure at nagiging sanhi ng pamumulikat.
Kahit hindi buntis ay nakakaramdam ng pamumulikat kapag buong araw silang nakatayo o naglalakad.
Gayundin, kapag nagtatagal ka sa isang posisyon o matagal kang nakatayo, naaapektuhan ang sirkulasyon ng dugo at maaring magdulot ng pulikat. Ito ang dahilan kung bakit pinapayuhan ang mga buntis na huwag manatili sa isang posisyon ng higit sa 30 minuto.
Larawan mula sa iStock
-
Kakulangan sa calcium o magnesium
Mahalaga ang calcium para sa isang babaeng nagbubuntis. Bukod sa nakakatulong ito para sa bone development ng iyong sanggol, ang kakulangan sa calcium ay maaring humantong sa pamumulikat. Kailangan mo rin ng sapat na magnesium sa katawan habang nagbubuntis para sa tamang pagdaloy ng dugo.
Tanungin ang iyong doktor kung sapat ba ang calcium o magnesium na nakukuha mo sa iyong prenatal vitamin.
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga buntis ay 5 hanggang 10 beses na mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng deep vein thrombosis (DVT). Ito ay ang pagkakaroon ng blood clot sa binti, balakang o puson ng isang babae. Isang posibleng dahilan nito ang kakulangan sa paggalaw o inactivity ng buntis.
Ang mga sintomas ng blood clot ay may pagkakatulad sa pulikat, subalit ang DVT ay isang medical emergency. Agad na pumunta sa ospital kapag naranasan ang mga sumusunod:
- matinding pananakit ng binti at paa kapag nakatayo o gumagalaw
- matinding pagmamanas o pamamaga ng binti
- warm-to-the-touch o mainit ang balat kapag hinahawakan
Kung ang pamumulikat ng iyong paa ay nagdudulot ng sobrang sakit, mainam na makipag ugnayan sa iyong doktor dahil maaari itong sintomas ng mas malalang sakit o komplikasyon.
Anong dapat gawin kapag pinupulikat ang binti at paa ng buntis?
Kahit anong gawin ay hindi mo maiiwasan ang pamumulikat ng iyong mga binti dahil isa ito sa mga natural na sintomas habang buntis. Subalit sa mga pagkakataon na mararanasan mo ito, ngunit maaari mong bawasan ang sakit na dulot nito sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Pagpahid ng yelo o malamig na tuwalya sa pinupulikat na parte para maibsan ang pananakit.
- Masahe upang maiwasan ang irregular na pagdaloy ng dugo (blood flow)
- Nakakatulong rin ang pag-apply ng heat sa bahagi ng katawan na pinupulikat para maging regular ang blood flow. Maligo gamit ang maligagam na tubig o Epsom salt bath (Ang epsom salt bath ay ang paglalagay ng dalawang baso ng epsom salt sa maligamgam na tubig na iyong gagamitin sa pagligo) Tandaan na ang sobrang taas na temperatura ay hindi rin mabuti para kay baby kaya’t limitahan lamang ito.
Larawan mula sa iStock
8 tips para mabawasan ang pulikat sa binti at paa ng buntis
Ang pamumulikat ay pansamantalang sintomas lamang habang buntis.
Bagama’t mahirap na maiwasan ang pulikat sa binti at paa sa kabuuan ng pagbubuntis, mayroon namang mga paraan na pwedeng gawin para mabawasan ang dalas at sintomas ng pamumulikat.
- Kumain ng masustansyang pagkain. Siguruhing ang iyong katawan ay may sapat na nutrients at minerals araw-araw. Ang kakulangan sa nutrients habang buntis ay isa sa mga dahilan ng pamumulikat ng mga binti. Kumain ng mga pagkain na nagtataglay ng potassium tulad ng kiwi at saging.
- Uminom ng 8-10 na baso ng tubig araw araw dahil ang dehydration ay maaaring makapag palala ng pamumulikat ng iyong paa.
- Magsagawa ng ilang mga stretching bago mag ehersisyo.
- Siguraduhing umiinom ka ng prenatal vitamins na nagtataglay ng calcium, potassium at magnesium. Kumonsulta sa iyong doktor kung ilang dosage ang kailangan mong inumin araw araw.
- Panatilihing active ang iyong mga muscles sa pamamagitan ng pag-eehersisyo o iba pang pisikal na mga gawain. Subalit dapat ay kumonsulta muna sa iyong OB-Gynecologist bago magsagawa ng anumang ehersisyo ang buntis.
- Piliing magsuot ng komportableng sapatos, sandals o tsinelas lalo na pag buntis dahil tumataas ang iyong timbang.
- Iwasang manatili sa isang posisyon (maging sa pagtayo o pag-upo) ng mahigit 30 minuto. Kung lagi kang nakaupo sa iyong trabaho, ugaliing maglakad-lakad kada oras para maging maayos ang pagdaloy ng dugo sa iyong mga binti.
- Habang nakaupo, itaas ang iyong mga paa kung maaari. Kapag natutulog naman, pwede maglagay ng unan sa ilalim ng iyong mga binti.
Tandaan, normal lang ang pamumulikat sa mga buntis. Panandalian lang naman ito at kusang nawawala. Subalit kung madalas kang nakakaranas ng matinding pamumulikat sa iyong binti, pamamaga ng paa at nagdudulot ito ng hindi maindang sakit at naaapektuhan ang iyong pamumuhay (pagtulog at pagkilos), huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa iyong doktor.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!