Lima’t kalahating buwang gulang na ang anak kong babae. Mula nang ipanganak siya, hindi matawaran ang sigla niya. Parating kumakawag-kawag ang mga paa niya.
Mabilis din siyang natutong umikot sa kama. Sa murang edad, gusto na niyang sumubok na tumayo nang may gabay! Siya na ata ang pinakamalikot na baby na nakita ko.
Dahil panganay, tuwang-tuwa kami sa lahat nang gawin niya at hinahayaan siyang gawin ang mga hilig niya. Subalit isang araw, napansin namin na mayroon siyang sakang na paa. Nakakita na ako ng mga batang sakang kaya nag-worry kami na baka maging ganito rin siya.
Sa sumunod na check-up sa pediatrician ni baby, tinanong namin kung bakit nagkakaganito ang mga binti ng anak namin. Siniguro sa amin ng doktor na normal na nagkakaroon ng sakang na paa ang mga sanggol. Sapagkat umano ito sa masikip na lugar na kanilang ginagalawan habang nasa sinapupunan pa sila.
Ano ang sanhi ng sakang na paa?
Ano ang sanhi ng pagkakaroong ng sakang na paa?
Naranasan mo rin ba ito sa iyong supling? Malamang nabahala ka rin sa pagka-sakang ng iyong anak. Kaya naman minabuti namin na magsaliksik tungkol dito—kung paano ito nangyayari, at paano ito maisasaayos.
Sa mga pag-aaral, sinasabi na habang nagde-develop ang baby sa loob ng sinapupunan, nakatupi ang mga binti nito at tila niyayakap ang sarili.
Ito ang tinatawag na fetal position. Kapag pinanganak sila, gusto pa rin nila ang posisyon na ito na nakasanayan nila sa loob ng tiyan ni mommy ng 9 na buwan. Kaya nga’t gustung-gusto nila na naka-swaddle pa rin sila.
Sa mga unang buwan, hindi kapansin-pansin ang pagkakaroon ng sakang na paa o bow legs ng bata dahil hindi pa mabigat ang baby at hindi pa nito ginagamit ang mga hita. Nagsisimula pa lamang mag-develop ang mga buto niya.
Hindi tulad ng buto ng matanda na nalalagyan ng calcium—tinatawag na ossification ng buto—ang buto ng baby ay hindi lubos na ossified. Dahil rito, hindi gaanong matibay ang buto ng bata.
Kaya naman madaling kumurba ang buto kapag may constant pressure. Sa madaling salita, kumukurba ang buto sa binti dahil sa bigat ng bata na kailangan nitong suportahan.
Nangyayari ito kapag nagsisimula nang tumayo, maglakad, at kinalaunan ay tumakbo ang bata. Normal ito na nangyayari at tinatawag itong genu varum at bow legs sa English. Nawawala naman ang pagka-sakang paglaki ng bata.
Paano malalaman kung normal ang pagka-sakang ng bata? Narito ang ilang characteristics ng normal na bow legs:
- Pantay ang kurba ng mga binti
- Hindi mukhang mas mahaba ang isang binti
- Nawawala ang pagka-sakang kapag bandang 3 taong gulang na ang bata.
Bagama’t normal ito sa unang tatlong taon ng bata, makabubuti pa rin na patingnan sa doktor ang kondisyon ng anak. Ayon sa Web MD, kapag napabayaan at hindi napatingnan sa doktor ang pagkasakang ng bata.
Maaari itong humantong sa pagkakaroon ng arthritis o iba pang pain conditions sa kaniyang pagtanda. Tinatawag na sakang o bowlegged sa English ang mga taong may bow legs o genu varum.
Ano ang puwedeng mangyari kapang mayroong sakang na paa?
Normal, sakang, at piki. | Photo: Shutterstock
Pagsapit ng tatlong taon, nagsisimula nang bumalik ang buto sa normal na posisyon nito. Nawawala na ang sakang na paa ng bata, kung mayroon man siya nito.
Subalit, sa ibang pagkakataon nagiging piki naman ang bata o ang tinatawag na knocked-knees in English, kung saan nagiging baligtad ang kurba ng mga buto.
Kagaya ng pagkasakang, normal din ang pagka-piki ng bata sa edad na tatlo hanggang limang taong gulang. Ang pagka-piki ay tinatawag na genu valgum at karaniwang nawawala pagdating ng walong taong gulang.
May mga di pangkaraniwang pagkakataon na umaabot hanggang adolescence ang pagkapiki ng bata. Samantala, may mga kaso naman ng pagkapiki sa older kids at adults na nadedevelop bilang resulta ng underlying disease o condition.
Sa mga pagkakataong hindi bumalik sa normal ang pagka-piki o sakang ng paa ng bata, o kaya naman ay ma-develop ito kung kailan siya ay matanda na, maaaring kailanganin niyang sumailalim sa formal treatment.
BASAHIN:
Signs na may delay sa development ang bata
Ang mga dapat mong malaman at asahan sa development ng iyong anak
Naghihilik ang iyong anak? Alamin kung ano ang sanhi ng paghilik ng bata
Mga sakit o dahilan kung bakit may sakang na paa
Sa karamihan ng kaso, normal ang pagkakaroon ng sakang na paa, ngunit may pagkakataon ding dapat kumonsulta na agad sa doktor dahil baka sintomas na ito ng karamdaman. Ang pinakakaraniwang sakit ay ang Rickets at Blount’s disease.
Blount’s Disease
Ang sakit na ito ay sanhi na abnormal na tubo ng buto sa binti, ang tibia. Hindi pa alam kung paano nagkakaroon ng ganitong sakit ngunit pinagaalala na may kinalaman ito sa genetics (namamana).
May kinalaman din umano ito sa childhood obesity at maagang paglalakad. Puwedeng tamaan ang isa o parehong binti at magkaroon ng sakang na paa.
Kapag bata pa, hindi pa puwedeng makilala kung normal na pagkasakang lamang o Blount’s disease na. Mas mada-diagnose lamang ito ng tama kapag tatlo o apat na taon na ang bata at sakang pa rin.
Pagtuntong ng bata sa edad na higit sa tatlong taon, mas makikita na sa kaniyang x-ray kung ordinaryong pagkasakang ng paa lang ba ang kaniyang kondisyon o ito ay Blount’s disease na.
May dalawang uri ang Blount’s Disease, ito ay ang mga sumusunod:
Infantile Blount’s Disease
Isa itong uri ng bowed legs o pagka-sakang binti na normal na makikita sa mga batang 2 taong gulang pababa. Ito rin ay lumalala o mas nakikita ang pagka-sakang katagalan.
- Nangyayari ito sa mga batang bagong silang hanggang 3 taong gulang.
- Madalas na nangyayari sa parehong binti. (Bilateral).
- Nagkakaroon ng deformity sa tibia (shin bone) .
- Mas common ito kaysa sa mga adolescent type.
Adolescent Blount’s Disease
Samantala ang uri naman na ito ng Blount’s Disease ay karaniwang nararanasan ng mga batang nasa 10 taong gulang pataas.
Karaniwan din isang side lang ng binti ito nararanasan o unilateral. Ang deformity ay nangyayari sa parehong thigh bone o femer at tibia.
Nada-diagnose ang Blount’s Disease sa pamamagitan ng isang physical exam at pagsasagawa ng x-ray. Makikita sa x-ray ang deformity sa buto ng bata at makikita rin dito ang abnormalidad sa pagtubo ng plate ng buto.
Karaniwang nagkakaroon ng Blount’s disease ang mga sumusunod:
- Overweight o labis ang timbang
- Mga batang maagang natutong maglakad
- Kung may kapamilyang may kaparehong kondisyon
Sakang na bata sa mga bata. | Larawan mula sa iStock
Rickets
Ang Rickets naman ay dulot ng kakulangan ng Vitamin D na nakukuha sa exposure sa araw. Mahalaga ang bitamina na ito sa calcium metabolism na nagbibigay ng calcium sa mga buto at ngipin. Kaya naman kapag kulang sa bitaminang ito, naaapektuhan ang pagiging matibay ng buto ng bata kaya naman nagiging sakang ito.
Tinatawag din na nutritional rickets ang sakit na ito dahil ang sanhi nito ay ang kakulangan sa vitamin D, calcium, o phosphorus, na kailangan ng katawan para sa healthy bone growth at development.
Karaniwang naaapektuhan ng Rickets ang mga breastfed babies at mga bata na may ganitong katangian:
- Kayumanggi ang balat
- Hindi gaano nakakalabas sa araw
- May sakit na nakaka-apekto sa pag-produce ng Vitamin D
- May coeliac disease na humahadlang sa vitamin D metabolism
Bukod sa Blount’s disease at Rickets, maaari ring maging sanhi ng sakang na paa ang mga sumusunod:
- Injury
- Certain infections
- Skeletal dysplasia o dwarfism
- Tibial hemimelia o shortening ng shin bone
Kapag parating kinakarga ang baby masasakang o mapipike iyong paa nila?
Ito ang isa sa mga madalas na sabi-sabi ng mga matatandang patungkol pagkasakang ng paa ng isang bata. Pero ayon sa isang doktor na si Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician sa Makati Medical Center wala umanong relasyon ang pagkarga sa bata sa pagiging sakang ng paa nila.
“No relation at all. Kasi iyong leg ng bata may stages iyan. Sa umpisa parang medyo sakang then later on madederetso iyan.
May time akala mo pike pero kapag nag-7 years old madederetso rin iyan. There’s a growth pattern din kasi sa bone sa legs.
So kahit anong gawin mo hindi mababago noon iyong growth development ng bata as long as the baby is healthy.”
Payo pa ni doktora, ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain na may taglay na calcium at vitamin D para sa buto ay makakatulong para sa kaniyang development.
“Eating food with a lot of nutrients like calcium and vitamin D for the bones. it would become normal parin paglaki niya.”
Kailan dapat mabahala?
Para sa isang bagong magulang, nakakabahala na makita ang sakang na paa sa sanggol. Para makasiguro na hindi siya magkaroon ng ganitong kundisyon, siguraduhing huwag siyang madaliin na maglakad!
Bukod pa rito, siguraduhin na:
- Napapaarawan parati ang bata
- Healthy ang kinakain
- Bantayan ang timbang ng baby at tignan kung nagiging overweight na ito
Ang mga red flags na kailangan nang ipatingin sa espesyalista ang bata:
- Kapag nakakasagabal na sa paglalakad ang pagkasakang
- Kung sakang pa rin kapag tatlong taong gulang na
- Kapag hindi makatayo ng maayos dahil sa sakit
- Kung isang binti lang ang apektado ng pagkasakang
- Kapag maliit ang bata para sa edad niya
Kung hindi makitaan ng red flags ang bata, huwag nang mag-alala mga mommies at daddies. Normal lang ang sakang na paa sa mga bata at malalampasan niya rin ito. Ngunit kung talagang lubos na nababahala dahil dito, huwag mag-atubili na kumonsulta sa doktor.
Treatment sa sakang na paa
Madalas na physical examination lang ang ginagawa ng mga doktor para ma-diagnose ang bow legs o pagkasakang. Subalit, may pagkakataon na kakailanganing sumailalim sa imaging, x-rays, o blood tests ang bata para matiyak ang possible underlying conditions na maaaring sanhi ng sakang na paa.
Kapag na-diagnose na ng doktor ang sakang na paa, nakadepende sa underlying cause ang gagawing treatment dito.
Para sa mga naturally occurring bow legs, o ‘yong pagkasakang na mukhang normal lang sa bata, madalas na hindi agad ito isasailalim ng doktor sa treatment. Imo-monitor muna nito ang binti ng bata kada anim na buwan upang tingnan kung mayroong magiging pagbabago.
Kung ang dahilan ng sakang na paa ay Blount’s disease o rickets, maaaring mas lumala ang kondisyon ng binti imbes na maging normal. Kaya naman irerekomenda ng doktor ang ilang treatment para sa sakang na paa.
- Pagsusuot ng brace
- Medication para sa rickets
- Endocrinological treatment
- Surgical correction
May dalawang uri ng surgical correction:
Ito ang pinaka karaniwang uri ng surgical correction para sa sakang na paa. Gumagamit ng staple o metal plate upang pabagalin ang growth ng malusog na bahagi ng shin, para maka-catch up ang kabilang bahagi.
Bahagi ng surgical correction na ito ang pag-cut sa shin bone sa ilalim ng tuhod. Pagkatapos ay ire-reshape ito at hahayaang mag-grow sa correct alignment.
Kakailanganing magpa-xray ng iyong anak para malaman ng doktor ang severity o kung gaano kalala ang deformity sa binti ng iyong anak at kung saan banda ito.
Kapag hindi masyadong malala ang deformity, maaaring ma-stabilized ang buto gamit ang internal plate o rod matapos ang surgery.
Samantala, kapag matindi naman ang deformity, papasukan ng external pins ang buto, kung saan ang kabilang dulo nito ay ikakabit sa stabilizing structure sa labas ng katawan.
Sa mga kaso kung saan ang isang binti ay naging mas maikli kaysa sa kabilang binti, maaaring irekomenda ng inyong doktor ang limb lengthening surgery.
Sa kabilang banda, kapag dulot naman ng genetic case ng rickets ang sakang na paa, pwedeng sumailalim sa specialized treatment mula sa endocrinologist ang iyong anak.
Kung may Blount’s disease ang iyong anak, maaaring leg brace ang irekomenda ng iyong doktor. Ang brace na ginagamit para sa sakang na paa ay tinatawag na modified knee-ankle-foot orthosis (KAFO).
Kailangan itong suotin sa umaga hanggang sa gabi. Nakatutulong ito sa pagwawasto ng sakang na paa sa pamamagitan ng compression sa tuhod. Dahil dito, maaaring mag-grow nang normal ang binti ng iyong anak.
Samantala, ang mga batang may physiologic bow legs, o ‘yong sakang na paa na babalik din sa normal sa kanilang pagtanda, hindi kailangang limitahan ang activities ng mga ito. Maaari silang tumakbo, maglakad, at maging aktibo tulad ng ibang mga batang kaedad nila.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!