Narito ang senyales ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao.
Talaan ng Nilalaman
Senyales ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao
Para sa ating mga babae, isa sa ginagamit nating batayan kung tayo ay nagdadalang-tao ay ang ating buwang dalaw o regla. Sa oras na nagmintis o na-delay kahit isang araw ang ating regla ay napapaisip na tayo kung tayo ba ay buntis.
Lalo na kung sasabayan pa ito ng iba pang sintomas ng pagbubuntis na madalas na nararanasan sa unang mga linggo o buwan ng pagdadalang-tao.
Ang ilan sa mga senyales ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao ay ang sumusunod:
1. Missed period o hindi pagdating ng buwanang dalaw.
Photo by RODNAE Productions from Pexels
Ito ang pangunahing sintomas ng pagbubuntis na mararanasan madalas sa unang mga linggo ng pagdadalang-tao. Ito rin ang signal na dapat ng mag-pregnancy test ang isang babae para malaman kung siya nga ay buntis.
Paliwanag ng siyensya, sa oras na makumpleto na ang implantation o nabuo na ang embryo sa uterine wall ng isang babae ay magsisimula na siyang mag-produce ng human chorionic gonadotropin o hCG.
Ito ang hormones na pumipigil sa ovaries na mag-release ng eggs sa kada buwan. Kaya naman natitigil ang regla sa tuwing buntis ang isang babae.
Ang hormones din na ito ang nade-detect ng mga home pregnancy test sa ating ihi. Sa oras na lumabas na positibo sa hCG o pregnancy test ay mainam na magpunta na sa doktor upang magpakonsulta at makumpirma kung ikaw nga’y nagdadalang-tao.
Kung ikaw ay nasa iyong child-bearing years, at isang linggo o higit ng delayed ang regla ay maaring buntis ka. Pero kung irregular o hindi buwan-buwan na nagkaka-regla, ang sintomas ng 1 month na buntis na ito ay hindi sa lahat ng oras ay pagdadalang-tao agad ang ibig sabihin.
May iba pang posibleng dahilan din para ma-delay ang regla ng isang babae. Tulad na lang ng labis na stress, excessive exercise, pag-didiet at hormonal imbalances.
Habang may ibang babae rin ang buntis na pero inakalang nireregla dahil sa nakaranas ng spotting o light bleeding na isa rin sa madalas na senyales ng ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao.
2. Cramping at spotting.
Isa pa sa sintomas ng 1 month na buntis ang babae ay ang cramping at spotting. Epekto ito nang pagsisimula ng pagbuo ng blastocyst o ang group of cells na magiging organs at body parts ng sanggol.
Kapag nagsimula ng mabuo ang blastocyst sa lining ng uterus, magdudulot na ito ng implantation bleeding. Madalas itong mapagkakamalang mahinang regla o light period.
Ito ay dahil sumasabay ito sa mga araw o linggo kung kailan inaasahan ng isang babae ang kaniyang buwanang dalaw. Kaya naman maraming babae ang buntis na ay inaakalang hindi pa dahil nakaranas ng light spotting.
Maaaring kulay pink, red o brown ito na mapapansin sa tuwing magpupunas ng ari ang isang babae. Mararanasan ito hanggang sa 3 araw na maaaring sabayan ng pananakit ng puson.
3. Mas mainit na temperatura ng katawan.
Kapag nagbubuntis ang isang babae ay nadagdagan o mas bumibilis ang daloy ng kaniyang dugo upang matutustusan ang pangangailangan nang nagde-develop na sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Ito ang dahilan kung bakit mas nagiging mainit ang kaniyang katawan. Isa rin ito sa mga pangunahing sign na buntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao.
Mas nagiging mainit pa nga ito sa tuwing siya ay nag-iehersisyo o nasa mainit na lugar. Kaya naman pinapayuhan ang isang babaeng buntis na magdahan-dahan sa pag-iehersisyo at uminom ng maraming tubig.
Bagama’t, oo, marami pang maaaring maging dahilan ng mainit na temperatura ng katawan ng babae. Pero kung ang pakiramdam na ito ay nagtatagal ng ilang linggo na, maaaring nagdadalang-tao na.
4. Fatigue o labis na pagkapagod.
Photo by Ryanniel Masucol from Pexels
Marami ang nagtatanong sa kung ano ang sintomas ng 1 month na buntis. Dahil sa unang mga linggo pa lang ng pagdadalang-tao ay maraming pagbabago ng mararamdaman ang babae sa kaniyang katawan.
Mga pagbabagong ikagugulat niya partikular na kung siya ay very active o sanay na maraming ginagawa. Tulad na lang ng fatigue o pakiramdam ng sobrang pagkapagod na isa rin sa pangunahing sintomas ng pagbubuntis.
Tumataas kasi ang level ng hormone na progesterone sa katawan ng babae, dahilan kung bakit siya rin ay nagiging antukin. Sa stage na ito ng pagbubuntis, ipinapayong matulog ng sapat na oras ang isang babaeng buntis. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng sapat na tulog para sa development ng kaniyang sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan.
5. Mas mabilis na tibok ng puso.
Sanhi pa rin ng hormones na ipino-produce habang nagbubuntis, kaya naman mas bumibilis ang tibok ng puso ng isang babae. Mas bibilis pa ito pagsapit ng ika-8 linggo o 10 linggo ng pagdadalang-tao.
Paniniwala pa nga ng matatanda ay malalamang buntis ang babae sa lakas ng tibok o pintig na makikita sa gitna ng kaniyang leeg o sa baba ng lalamunan. Hanggang ngayon ay isa ito sa ginagawang batayan ng ilan para mahulaang ang isang babae ay nagdadalang-tao.
6. Mga pagbabago sa dibdib.
Isa pa sa madalas na sagot kung ano ang sintomas ng 1 month na buntis ay ang mararamdaman niyang pagbabago sa kaniyang suso.
Sa unang buwan ng pagbubuntis, makakaramdam nang pagbabago sa kaniyang suso ang isang babae. Maaaring ito’y paninigas, pananakit o biglaang paglobo o paglaki nito.
Ito ay dulot pa rin ng hormonal changes sa kaniyang katawan. Bagamat para sa ilang babae ay madalas na palatandaan rin ito ng nalalapit na ang kanilang buwanang dalaw.
Isa pa sa makikitang pagbabago sa suso ng isang babae tuwing nagdadalang-tao ay ang mas umiitim o lumaking areola. Ito ang pabilog na parte sa suso ng babae na pumapalibot sa kaniyang utong.
Para maibsan ang pananakit sa suso sa tuwing nagdadalang-tao, ipinapayong magsuot ng komportableng maternity bra. O kaya naman ay gumamit ng mga breast pads na mababawasan ang friction sa nipple at ang pananakit na maidudulot nito.
7. Pagiging moody.
Maliban sa mga pisikal na pagbabago sa kaniyang katawan, ang isa pang senyales ng pagbubuntis 1 month o isang buwan ng nagdadalang tao ang isang babae ay ang pagiging moody.
Ang sintomas na ito ng pagbubuntis ay dulot pa rin ng hormonal changes sa kaniyang katawan. Mas magiging reactive o emotional ang isang babae dahil rito. Mas mabilis din siyang makaramdam ng irritability, depression, anxiety at ganoon din ang labis na kasiyahan.
8. Maya’t mayang pag-ihi.
Ang maya’t mayang pag-ihi ay isa sa epekto ng mabilis na daloy ng dugo sa katawan ng isang buntis. Ito rin ang isa sa madalas na sign na buntis 1 month na ang isang babae.
Sapagkat sa mabilis na daloy na dugo ay nagpro-process ng mas maraming fluid ang kaniyang kidney. Kaya naman mas mabilis na mapuno ang kaniyang bladder at maya’t maya siyang naiihi. Dahil rito, ipinapayong uminom ng mas maraming tubig ang buntis upang maiwasan siyang ma-dehydrate.
9. Bloating at constipation.
Maaari ring makaramdam ng bloating o constipation ang isang babaeng nagdadalang-tao. Dulot pa rin ito ng pagbabago sa kaniyang hormones sa kaniyang katawan na nagpapabagal sa paggalaw ng kaniyang digestive system.
10. Morning sickness, nausea, at pagduduwal.
Ang morning sickness ang isa rin sa unang palatandaan ng pagdadalang-tao. Nagde-develop ito sa ika-4 hanggang 6 na linggo ng pagbubuntis at maaaring maranasan kahit anumang oras.
Isa sa sinasabing dahilan kung bakit nararanasan ng isang buntis ang morning sickness, nausea at pagduduwal ay dahil pa rin sa hormonal changes sa kaniyang katawan.
Isang tip ng mga health expert upang maiwasan na makaranas ng morning sickness ang isang buntis ay ang pagtatabi ng crackers o biscuit na maaari niyang kainin sa mismong kaniyang paggising. Dapat manatili rin siyang hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng mas maraming tubig.
May ilang swerteng babae naman ang hindi nakakaranas ng senyales ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao na ito. Sila ang mga sinasabing may hindi sensitibong pagbubuntis sa unang trimester.
11. High blood at pagkahilo.
Medical photo created by valuavitaly – www.freepik.com
Mataas din ang tiyansa na makaranas ng high blood o pagkahilo ang isang babaeng nagdadalang-tao. Sinasabing maaaring mag-develop ito bago pa man ang pagbubuntis o kaya nama’y sa oras na magdalang-tao na ang isang babae.
Ang itinuturong dahilan kung bakit ito nagde-develop sa pagbubuntis ay dahil sa dagdag na timbang ng babaeng nagdadalang-tao o ang kakulangan niya sa physical activity.
Kaya naman ipinapayo na magsagawa ang mga buntis ng mga pregnancy-friendly exercises. Dapat ding i-monitor o i-track ang kanilang blood pressure.
Para maiwasan ang pagkahilo, dapat uminom din sila ng sapat na dami ng tubig araw-araw. Ang pagbabaon ng snacks ay paraan din upang maiwasan na sila ay magutuman at mahilo dahil rito. Dapat din dahan-dahanin ang pagtayo upang maiwasan ang pagkahilo.
12. Sensitivity sa pang-amoy at pagiging mapili sa pagkain.
Ang pagiging sensitive sa pang-amoy ay isa sa madalas na nararanasan ng babaeng nagdadalang-tao sa unang trimester ng pagbubuntis. Ito rin ang sinasabing dahilan kung bakit nakakaranas ng nausea o pagduduwal ang isang babae.
Kaya nagiging mapili siya sa mga pagkaing gusto niyang kainin. Isa ito sa itinuturing na pinaka-mapapansing senyales ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao ng isang babae.
13. Weight gain o pagtaba.
Sa unang linggo ng pagbubuntis, normal na tataba ang isang babaeng buntis. Tinatayang maaaring magkaroon ng dagdag na 1-4 pounds ang kaniyang timbang.
14. Heartburn.
Sanhi pa rin ng hormonal changes na nagaganap sa kanilang katawan, ang valve sa pagitan ng tiyan at esophagus ng buntis ay nagrerelaks. Ang epekto nito, nagkakaroon ng leakage sa acid sa tiyan na nagdudulot ng heartburn.
Para maiwasan ang heartburn sa pagbubuntis, ipinapayong kumain ng marami at maliliit na meals sa araw-araw ang isang buntis. Sa tuwing kakain dapat umupo rin siya ng tuwid ng hindi bababa sa isang oras para mapabilis na mapababa ang kaniyang kinain at ito ay ma-digest.
Hindi ipinapayong basta uminom ng antacids ang isang buntis ng walang preskripsyon ng isang doktor.
15. Pregnancy glow o acne breakouts.
Pati ang balat ng buntis ay apektado rin ng dagdag na daloy ng dugo sa kaniyang katawan at pagbabago sa kaniyang hormones. Maaaring siya ay makaranas ng pregnancy glow o pagiging blooming. O kaya naman ay makaranas ng acne breakouts.
Anuman ang maging pagbabago sa katawan ng isang babae dahil sa pagdadalang-tao, mahigpit na ipinapayo na panalitihin niya ang malusog at malinis na pangangatawan.
Mainam din na lagi siyang makipag-usap sa kaniyang doktor lalo na kung may mga katanungan siyang gumugulo sa kaniyang isipan.
Buntis sintomas sa 1 month ang hugis ng tiyan kapag buntis
Maliban sa mga nabanggit na sintomas sa 1 month ng pagbubuntis, ang hugis ng tiyan kapag buntis ay siyempre nagbabago rin. Ito ay tila parang namamaga o bahagyang lalaki.
Pero hindi ibig sabihin nito na isang sanggol na ang iyong baby. Sa pagtatapos ng unang buwan ng pagbubuntis ay 1/4 inch long palang si baby o mas maliit pa sa isang butil ng bigas.
Ang paglaki ng iyong tiyan sa unang buwan ay dulot ng first trimester bloating at hindi ng malaki mong sanggol. Samantala, para naman sa mga hindi first time moms o hindi ito ang unang pagbubuntis ay mapapansin na nila ang baby bump sa kanilang tiyan.
Ito ay dahil mahina na ang ang kanilang abdominal muscles kaya naman agad nilang makikita kung may naging pagbabago sa kanilang tiyan.
Ang mga nabanggit ay ang madalas na senyales ng pagbubuntis 1 month o sa unang buwan ng pagdadalang-tao. Para makasigurado ay mas mainam parin na mag-pregnancy test. O kaya naman ay agad na magpakonsulta sa doktor para magabayan ang iyong kalusugan ganoon rin ang posibilidad na ikaw ay nagdadalang-tao.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.