Isa ang diabetes sa mga sakit na nararanasan ng maraming tao hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na sa buong mundo. Ayon sa International Diabetes Federation noong 2021 mayroong 3,993,300 sa 63265,600 na adult sa ating bansa ang mayroong diabetes. 6.3% dito ay mga matatanda.
Kung susumahin mayroong 1 sa kada 14 na Pilipino ang may diabetes. At 1 kada 15 Pilipino naman ang hindi alam na mayroon silang diabetes.
Kaya naman ano nga ba ang diabetes? Ano ang sintomas ng diabetes sa mga babae at lalaki? Pati na ang sanhi nito? At kung may lunas ba ang diabetes? Alamin ang lahat ng iyan sa artikulong ito.
Mababasa sa artikutlong ito:
- Ano ang diabetes?
- Sanhi ng diabetes
- Sanhi ng diabetes
- Gumagaling ba ang diabetes?
- Paano ito maiiwasan?
Talaan ng Nilalaman
Ano ang diabetes?
Ang Diabetes ay isang chronic health condition at long-lasting din ito. Naapektuhan nito ang kakayahan ng iyong katawan na gawing enerhiya ang mga kinakain nating pagkain.
Kadalasan, ang mga pagkain ating kinakain ay pinoproseso ng ating katawan para maging sugar o tinatawag ding glucose. Ito ay nire-release sa ating bloodstream.
Kapag ang ating blood sugar ay tumaas nagbibigay ito ng senyales sa ating pancreas para mag-release ng insulin. Ang insulin ay ang key para pumasok ang sugar o glucose sa aling body cells para gamiting energy.
Kaya naman kung mayoon kang diabetes maapektuhan nito ang blood sugar level mo. Sapagkat ang mga taong may diabetes ay maaaring walang sapat na insulin o hindi makapag-produce ng insulin na ating kinakailangan.
Kapag kulang kasi ang insulin sa katawan ng isang tao, tataas ang blood sugar sa ating bloodstream. Sa katagalan maaaring magdulot ito ng maraming problema sa ating kalusugan.
Ilan na lamang dito ay ang pagkakaroon ng sakit sa puso, pagkawala ng paningin at pagkakaroon ng sakit sa kidney. Ang diabetes ay may dalawang uri. Ito ang mga sumusunod:
Uri ng diabetes
1. Type 1 Diabetes
Ang mga taong may Type 1 Diabetes ay kadalasang nada-diagnose pa lamang kapag sila’y bata pa lamang. Tinatayang 5-10% na mayroong diabetes ay may Type 1 na uri nito. Ang mga senyales ng Type 1 diabetes ay madaling nade-develop kaya naman mas maaga itong nada-diagnose.
Ito rin ay sinasabing sanhi ng autoimmune reaction ng katawan na nagpapahinto sa katawan na lumilkha ng insulin. Kung saan inaatake ng katawan ang kanilang sarili by mistake.
Kapag mayroon ang isang tao na Type 1 diabetes ay kinakailangan niyang iminom o mag-self inject ng insulin araw-araw para maka-survive. Sa ngayon, wala pang mga paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng Type 1 diabetes.
2. Type 2 Diabetes
Samantala, ang mga taong mayroong Type 2 Diabetes naman ay hindi nagagamit ng katawan ang kanilang insulin ng maayos. Ito ay nade-develop sa pagsapit ng panahon. Kadalasan ang mga nagkakaroon nito ay mga matatanda.
Hindi obvious ang mga sintomas ng Type 2 diabetes kaya naman maaaring mayroon ka na pala nito sa matagal na panahon pero hindi mo pa ito alam. Kaya naman mahalaga na laging ipa-check o ipa-test ang inyong blood sugar lalo na kung ikaw kabilang sa mga high risk sa pagkakaroon nito.
Ilan sa mga taong may mataas na risk sa pagkakaroon ng Type 2 Diabetes:
- Mayroong prediabetes
- Overweight o labis-labis na timbang
- Nasa edad na 45 taong gulang pataas
- Mayroong mga magulang o kapatid na mayroon ding Type 2 Diabetes
- Hindi physically active
- Nagkaroon ng gestational diabetes habang buntis
Ang magandang balita ang Type 2 Diabetes ay maaaring maiwasan o pabagal sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang healthy lifestyle. Malaking tulong kapag mababawasan ang iyong timbang, pagkain ng mga masustansiyang pagkain at maging aktibo.
Ano naman ang prediabetes?
Naririnig din natin kadalasan ang mga prediabetic o prediabetes, pero ano nga ba ang ibig sabihin nito?
Ang ibig sabihin lamang nito ay mataas ang blood sugar level ng isang tao pero hindi sobrang taas para i-consider na mayroon siyang type 2 diabetes. Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi ka hahantong sa pagkakaroon ng type 2 diabetes.
Kaya naman nirerekomenda ng mga doktor na habang nasa prediabetic stage ka pa lamang o kahit nasa normal ka at malusog na pangangatawan ay magkaroon na ng healthy lifestyle.
Diabetes sa mga kababaihan
Ayon sa ilang mga pag-aaral noon ng Annal of Internal Medicine, na mayroong mas mataas na death rate ang mga babaeng namamatay dahil sa kumplikasyon sa diabetes.
Sa findings ng kanilang pag-aaral napag-alaman nila kung paano naapektuhan ng diabetes ang mga babae at lalaki. Ito ang kanilang mga natuklasan:
- Kadalasang mas nakakatanggap ng less aggressive treatment para sa mga cardiovascular conditon na related sa diabetes ang mga babae kaysa sa lalaki.
- Mas mahirap ma-diagnose ang pagkakaroon ng diabetes ng mga babae kaysa sa lalaki.
- Mayroong magkaibang heart disease ang mga babae at lalaki
- Ang mga hormones at inflamation ay maaaring magkaroon ng ibang epekto sa mga babae kaysa sa mga lalaki.
Gestational diabetes sa mga kababaihan
Nabanggit kanina ang gestational diabetes, pero ano nga ba ito? Ito ay ang uri ng diabetes na nade-develop sa panahon ng pagbubuntis ng kababaihan.
Kung mayroon gestational diabetes habang nagbubuntis maaari ring malagay sa pahamak ang inyong sanggol sa loob ng sinapupunan. Subalit ang gestational diabetes naman ay kusang nawawala matapos maisilang ang bata pero tataas ang tiyansa ng mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes sa pagkakaroon ng type 2 diabetes sa katagalan sa kanilang buhay.
Samantala, ang mga sanggol namang naisilang ng mga nanay na may gestational diabetes ay maaaring maging obese at maaari ring mag-develop ng type 2 diabetes.
BASAHIN:
Bulutong tubig: Sanhi, sintomas, gamot, at mga paraan para maka-iwas sa sakit na ito
Pulmonya sa bata at matanda: Mga dapat mong malaman sa sakit na ito
Dahilan o sanhi ng diabetes
Maraming sanhi o dahilan kung bakit nagkakaroon ng diabetes ang isang tao, mapa-type 1, type 2 o gestational diabetes ang isang tao. Inilista namin ang ilan sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng diabetes ng isang tao. Ito ay ang mga sumusunod:
-
Sanhi ng pagkakaroon ng Type 1 Diabetes
Ayon sa mga doktor walang eksaktong dahilan kung ano ba ang sanhi ng type 1 diabetes. Subalit sinasabi na mahalaga ang role ng genes sa pagkakaroon nito. Maaaring namama umano ito.
-
Sanhi ng pagkakaroon ng Type 2 Diabetes
Dalawa sa mga sanhi ng pagkakaroon ng ay maaaring genetics at lifestyle ng mayroon ang isang tao. Ang pagiging overweight at obese ay maaari ring makapagpataas ng risk factor sa pagkakaroon ng Type 2 diabetes.
Ang pagkakaroon ng labis-labis na timbang, lalo na sa tiyan ay nagdudulot sa cells para mas maging resistant sa epekto ng insulin sa blood sugar ng isang tao.
Ito rin ay maaaring namamana, sapagkat ang mga magkakapamilya ay may pinagpapartehang genes na nagdudulot ng Type 2 Diabetes.
-
Sanhi ng pagkakaroon ng Gestational Diabetes
Ang sanhi naman ng gestational diabetes ay resulta ng pagbabago ng hormones ng isang babae sa panahon ng kaniyang pagbubuntis.
Habang buntis kasi naglalabas o nagpo-produce ang placenta ng hormones kung saan mas nagiging less sensitive ang cells ng isang babae na nakakaapekto sa kaniyang insulin. Ito ay maaaring magdulot ng high blood sugar sa pagbubuntis.
Ang mga babaeng overweight o obese noong sila’y nabuntis o kaya naman ang mga babaeng nadagdagan ng labis na timbang habang buntis ay may mataas na tiyansa na magkaroon ng gestational diabetes.
Sintomas ng diabetes sa babae
Kadalasang nararanasan din ng mga babae ang mga sintomas ng diabetes katulad ng nararanasan ng mga lalaki. Subalit may mga iilang mga sintomas ng diabetes na unique lamang sa mga babae. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
1. Pagkakaroon ng vaginal at oral yeast infection o vaginal thrush
Ang labis napag-grow ng yeast sanhi ng candida fungus ang dahilan nang pagkakaroon ng vaginal yeast infection at oral yeast infection sa mga babae, idagdag mo pa rito ang vaginal thrush.
Ilan sa mga sintomas ng diabetes sa babae ay ang mga sumusunod:
- Pangangati ng pwerta o vagina
- Soreness sa vagina o pwerta
- Mayroong vaginal discharge
- Masakit na pakikipagtalik
2. Pagkakaroon ng UTI o Urinary Tract Infection
Ayon sa ilang mga pag-aaral mas mataas ang pagkakaroon ng UTI ng mga babae may diabetes kaysa sa mga lalaki. Ang UTI ay ang sanhi ng mga bacteria na nagde-develop at pumapasok sa urinary track ng isang tao. Ilan sa mga sintomas nito ay:
- Masakit na pag-ihi
- Mayroong burning sensation sa pag-ihi
- May dugo sa ihi o mayroong cloudy na ihi
Mataas din ang tiyansa na magkaroon ng kidney infection kung hindi magagamot agad ang UTI.
4. Pagkakaroon ng Polycystic ovary syndrome (PCOS)
Ang PCOS o polycystic ovary syndrome ay isang disorder na nararanasan ng ilang mga kakababaihan. Ito ay isang kundisyon kung saan mas marami ang pino-produce na male hormones ng mga babae. Ang ilang sa mga senyales nito ay ang mga sumusunod:
- hindi regular na dalaw o menstruation
- pagtaas ng timbang
- pagdami ng mga tigyawat o acne
- pagkakaroon ng depression
- hirap na mabuntis o infertility
Maaari ring magdulot ang PCOS ng insulin resistance na nagreresulat sa pagtaas ng blood sugar at nagiging dahilan sa mas mataas na tiyansa ng pagkakaroon ng diabetes.
4. Nakakaranas ng female sexual dysfunction
Ang pagkakaroon ng mataas na high blood sugar ay nakakasira ng nerve fibers na nagti-trigger sa tingling effect at pagkawala ng feeling sa ilang mga parte ng katawan katulad ng kamay, paa, at binti. Ito ay tinatawag na diabetic neuropathy.
Naapektuhan din ng kundisyon na ito ang sensation sa vagina at nagpapababa ng sex drive sa mga babae.
Pangkahalatang sintomas ng diabetes sa mga babae at lalaki
Dahil alam na natin ang sanhi ng at kahulugan ng diabetes, ito naman ang mga senyales ng diabetes sa babae at lalaki. Inilista namin ito dito. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Madalas na magutom lagi
- Biglang pagbaba ng timbang
- Madalas na pag-ihi
- Panlalabo ng mata
- Madalas na mauhaw lagi
- Matinding fatigue o pagod
- Matagal na paggaling ng mga sugat
- Nausea
- Pagkakaroon ng skin infections
- May mga bahagi ng katawan na nangingitim katulad ng leeg at mga singit
- Madalas na mairita
- May hininga na amoy matamis, fruity o kaya naman may acetone na amoy
Mga kumplikasyon ng diabetes
Ilan sa mga maaaring posibleng kumplikasyon ng diabetes sa mga kababaihan ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng eating disorders
- Coronary heart disease
- Pagkakaroon ng skin conditions
- Nerve damage
- Panlalabo ng mata
- Amputation o pagputol ng paa o kamay na apektado ng impeksyon
Gumagaling ba ang diabetes?
Ang sagot dyan ay HINDI. Walang cure o lunas sa diabetes pero may mga paraan o treatment para ma-manage ito. Para sa mga kababaihan ang ilan mga treatment dito ay ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng birth control pills. Ang ilang mga birth control pills ay nakakatulong para tumaas ang glucose sa dugo.
- Pag-take ng mga prescribed na gamot para makontrol ang insulin sa katawan katulad ng metformin, para sa mga may type 2 diabetes.
- Insulin therapy para sa mga taong may type 1 diabetes.
- Pag-eehersiyo ng lagi.
- Bawasan ang inyong carb intake.
- I-monitor ang iyong blood sugar.
- Pagbabago sa iyong lifestyle.
- Madalas na exercise at i-maintain ang malusog na timbang.
- Iwasan ang paninigarilyo
- Magkaroon ng healthy diet.
- I-monitor ang blood sugar.
Ayon kay Dr. Lennie Lee-Chua sa Famhealthy Webinar na isinagawa ng theAsianparent Philippines isa sa mga kailangan gawin ng mga babaeng may diabetes at pati na rin ang mga lalaki
“Dapat kailangang balanse, kain, gamot at exercise.”
Isa sa mga misconception sa pagkakaroon ng diabetes ay ang hindi ka na pwedeng kumain ng kung ano-ano, pero pahayag ni Dr. Lee-Chua,
“Pwede. Pero in moderation, so lahat po pwede. Kakain tayo ng healthy food, balance (dapat ito) sa isang plato, hindi po isang platong kanin. Dapat po isang kalahating gulay, isang cup of kanin po.”
Panoorin dito ang buong webinar:
Kaya naman tandaan kung nakakaranas ng mga sintomas na nabanggit ay agad na magpatingin sa inyong doktor. Hindi man ito nagagamot pero may mga paraan para ma-manage ang diabetes. Magpakonsulta rin sa doktor lalo na kung nasa lahi niyo ito.
Sapagkat kapag mas maaga itong nalaman mas madali itong ma-manage. Lagi ring tandaan na magkaroon ng healthy lifestyle para iwas diabetes at para ma-manage ang diabetes.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.