Nagtataka ka ba kung bakit umiitim ang baby o nagbabago ang kulay niya mula ng ipinanganak habang lumalaki? Narito ang mga posibleng dahilan at ang paliwanag.
Talaan ng Nilalaman
Bakit umiitim o nagbabago ang kulay ng balat ng sanggol?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Ang mga sanggol ay may mapulang balat sa oras na sila ay maipanganak. Pero sa pagdaan ng mga araw at linggo ang kulay ng balat ng sanggol ay maaring magbago.
Maaring umitim mula sa dating maputi o kaya naman ay biglang pumuti kahit noong una, ito ay maitim. Napansin mo rin ba ang pagbabago na ito sa kulay ng iyong anak? Malamang nagtataka ka kung bakit ito nangyayari. Ito ang mga posibleng dahilan.
Pagbabago ng kulay ng balat ng mga bagong panganak na sanggol
Unang-una, kailangan maitindihan nating mga magulang na ang kulay ng balat ng ating sanggol ay hindi maaaring mabago sa pamamagitan ng mga pagkain ating kinakain, o diet natin habang buntis o habang tayo ay nagpapasuso.
Sapagkat paliwanag ng siyensya, ang skin color ng sanggol ay nakadepende sa genetics ng kaniyang ama’t ina sa oras na siya ay na-fertilize o nagsimulang ipagbuntis.
Kaya naman, mommy lalo na kung ikaw ay buntis, hindi mo na kailangang kumain ng kung ano-ano masiguro lang na magiging maputi si baby.
Mga posibleng dahilan
Para mas lubos na maintindihan ang pagbabago sa skin color ng mga sanggol, ay narito ang iba’t ibang posibleng dahilan kung bakit ito nangyayari.
- Ang mataas na temperature ng katawan o high body temperature ay dahilan kung bakit nagiging mapula o reddish ang balat ni baby.
- Maaari namang maging bluish pale ang balat ng sanggol dahil sa lamig. Lalong-lalo na kung ang kaniyang mga kamay at paa ay expose.
- Kung umiiyak naman ng malakas o todo ang sanggol ay maaari siyang mangitim o magkulay purple. Pero kung ito ay hindi nawawala o hindi bumabalik sa dati ang kulay ng sanggol matapos umiyak ay mainam na ipatingin na siya sa doktor. Dahil maaaring palatandaan na ito na siya ay mayroong circulatory o breathing problem.
- May ilang sanggol rin ang mukhang maitim ilang araw matapos maipanganak kahit na parehong maputi naman ang magulang nila. Ito ay dahil sila ay nababawasan ng timbang o tubig sa katawan. O kaya naman dahil sa isang temporary condition na nakakaapekto sa balat ng sanggol na dulot naman ng mga health at environmental issues.
Pero walang dapat ipag-alala. Dahil ang kulay ng balat ng sanggol ay mababago pa o babalik sa orihinal sa oras na naging maayos na ang breastfeeding pattern niya. O kapag siya ay nakakakuha na ng sapat na gatas at mga nutrients na kailangan ng kaniyang katawan.
Umiitim ang baby/ Image from the Asianparent Malaysia
Ang age o edad ng sanggol ng ipinanganak ay maaaring makaapekto sa kulay ng kaniyang balat
Maliban sa mga nabanggit, isa pang dahilan na maaaring makaapekto sa kulay ng balat ng sanggol ay ang age o edad niya ng maipanganak.
Tulad na lamang sa mga sanggol na ipinanganak ng premature. Ang kanilang balat ay kulay clear at napakanipis. Ito ay maaaring balot rin ng layer ng lanugo o ang tinatawag na varnish. Ito ay isang oily substance na nagsisilbing proteksyon ng balat ng sanggol mula sa amniotic fluid.
Para naman sa mga sanggol na ipinanganak sa tamang edad o overdue na, sila ay makikitaan lang ng kaunting varnish sa kanilang balat.
Ang kanilang balat ay kaunti na lamang din ang wrinkles o kulubot na makikita. Ito ay kung ikumpara sa mga baby na ipinanganak ng premature.
Pero tulad ng mga premature na sanggol ang kanilang balat ay napakanipis pa rin. Ito ang dahilan kung bakit mapapansin na nagbabago ang kulay ng balat ng sanggol habang siya ay lumalaki.
Sapagkat madalas ang nakikita nating maputi o mapulang balat ng sanggol ay ang ilusyon na ibinibigay ng kaniyang manipis na balat at ng blood vessels na nasa ilalim nito.
Kaya naman huwag ng magtaka kung sa pagdaan ng mga linggo ay biglang magbabago o umiitim ang dating mapulang kulay ng balat ng iyong sanggol. Ito ay normal at palatandaan lang ng kaniyang maayos na development.
Credit: The Guardian
Kailan dapat magpunta sa doktor?
Sa kabuuan ang pagbabago ng kulay ng balat ng sanggol ay hindi dapat maging dahilan ng pag-aalala. Ang dapat ikabahala ay kung siya ay may mga rashes sa balat na hindi nawawala.
O kaya naman ay kakaibang birth mark at kulay itim na mga patse-patse sa balat. Para maliwanagan at mawala ang iyong agam-agam ay mabuting dalhin na agad siya sa doktor. Sapagkat tanging ang doktor lang ang makakapagpaliwanag ng mga nangyayari sa katawan ng iyong sanggol.
Subalit, mayroon ding mga kaso ng pagbabago sa kulay ng sanggol na maiuugnay sa certain medical conditions.
Normal lang ang mamula-mulang balat sa bagong silang na sanggol, at mawawala rin ang pamumula nito makalipas ang ilang araw. Tipikal din ang mga sanggol na may madilaw na balat. Pero ang yellow skin ng baby ay maaari ding sintomas ng underlying problem.
Pwede ring blueish ang mga paa at kamay ng bata pagkasilang pero dapat na mawala ang blueish color nito sa paglipas ng ilang araw. Kapag hindi nawala ang paninilaw at pagkukulay asul ng balat ng bata, agad na dalahin ito sa doktor para matiyak ang kaligtasan.
May iba’t ibang rason sa pagbabago ng kulay ng balat ng sanggol ito ay ang mga sumusunod:
1. Dark Red
Kapag bagong silang ang sanggol, normal na may manipis na balat ito kung saan ay tila maaaninag ang blood at vascular structure kaya namumula ang balat. Unti-unti rin namang mawawala ang pamumula ng balat ng bata.
Pero kapag namumula ang balat sa mukha ng sanggol. Maaaring senyales ito ng di-pangkaraniwang blood disorder na kung tawagin ay polycythemia vera.
Kung ang baby ay nakararanas ng pamumula ng balat na may kasamang hirap sa paghinga o pagdurugo ng gilagid, agad na dalahin ito sa doktor.
2. Yellow
Ang paninilaw ng balat ng baby ay maaaring sanhi ng
Jaundice. Karaniwan ito sa mga bagong silang na sanggol. Ito ay side effect ng pag-break down ng old red blood cells. Kapag nag-break down ng red blood cells ang liver, nagpro-produce ito ng substance na kung tawagin ay bilirubin.
Gagaling din naman umano ang
jaundice ng baby nang kusa. Kailangan lang ma-develop nang maayos ang liver ng bata para magawa nitong ilabas ang bilirubin.
Pero kung tumagal ang pagkakaroon ng jaundice ng iyong anak, makabubuting kumonsulta sa inyong doktor para malaman kung ano ang dapat gawin.
Ang ilan pa sa mga kondisyon na maaaring magdulot ng jaundice ay:
- hindi magka-match na blood type ng nanay at baby
- underactive thyroid
- urinary tract infection (UTI)
- blockage sa gall bladder at bile ducts
Agad na patingnan sa doktor ang inyong anak kapag hindi gumaling nang kusa ang jaundice sa loob ng 72 oras matapos isilang.
3. Blue
Karaniwang kondisyon din ang pagkakaroon ng blue hands at feet sa mga newborn baby. Ito ay dahil hindi pa fully developed ang kanilang circulatory system. Dahil dito, maaaring hindi pa maayos ang daloy ng dugo sa kanilang katawan kaya nangangasul ang mga paa at kamay.
Subalit, kung ang baby ay nangangasul ang balat sa buong katawan, o sa paligid ng labi, maaaring ito’y sintomas ng underlying condition.
- Cyanosis – ang mga sanggol na mayroon nito ay may kulay asul na balat at mucous membranes. Nagkakaroon ng ganitong kondisyon kapag may problema sa puso, baga, at central nervous system. Dulot ito ng kakulangan ng oxygen sa dugo ng baby. Kung mapansin na may blueish na balat ang sanggol at nahihirapan itong kumain, huminga, o gumising, agad na dalhin ito sa doktor para sa emergency medical care.
4. Maputlang balat
May iba’t ibang kondisyon na maaaring magdulot ng pamumutla ng balat ng iyong anak.
- Anemia – kondisyon ito kung saan ay kulang ang red blood cells ng sanggol o kaya naman ay hindi nagfu-function nang maayos ang red blood cells nito. Kapag hindi maayos ang function at production ng red blood cells, hindi magkakaroon ng sapat na oxygen ang dugo ng bata.
- Albinism – genetic condition ito kung saan ay may mababang level ng melanin pigment ang balat ng sanggol. Bukod sa pamumutla ng balat ay maputla rin ang kulay ng buhok ng mga taong may albinism.
- Phenylketonuria – uri ito ng disorder na namamana kung saan ay nahihirapan ang katawan ng baby na i-break down ang amino acid phenylalanine. Nakatutulong ang amino acid para makapag-produce ng proteins ang katawan. Kapag nagkaroon ng build up nito sa dugo, maaari itong magdulot ng health problems tulad ng seizures.
Mahalagang kumonsulta sa inyong doktor kung ikinababahala ang pagbabago sa kulay ng balat ng sanggol. Mas mauunawaan ito kung maipaliliwanag ng doktor kung normal lang ba ang skin color changes ng iyong anak o mayroon itong underlying issues.
Puputi ba ang baby ko?
Ang ilan sa mga pisikal na katangian ng sanggol ay mula sa dominant genes ng sino man sa mga magulang. Ayon sa Medical News Today, kung ang kulay ng mata ng isang magulang ay asul, at brown naman ang sa isa, mataas ang posibilidad na kulay brown ang maging kulay ng mata ng kanilang baby. Ito ay dahil dominant ang genes ng kulay brown na mga mata.
Sa kabilang banda, ang kulay ng balat ay polygenic trait o nakadepende sa higit sa isang gene. Kung namana ng baby ang kulay ng balat ng parehong magulang, ang pinagsamang genes ang magde-determine ng
skin color ng baby.
Ibig sabihin, kung parehong maputi ang magulang ay tiyak na maputi rin ang bata. Kung kombinasyon naman ito ng maitim at maputi ay posibleng maging kayumanggi ang kulay ng balat ng iyong anak.
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa wikang Ingles sa theAsianparent Malaysia at isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Additional source:
Medical News Today
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!