Naniniwala ka ba sa “usog”? Papayag ka bang lawayan ng estranghero ang iyong anak? Dito papagusapan kung gaano kahalaga ang pamahiin na ito sa kalusugan ng mga bata at kung ano ang dapat gawin para maiwasan ito.
Tayong mga Pilipino, nakasanayan na natin ang iba’t ibang mga pamahiiin. Ang iba ay naniniwala rito at iba rin naman ay mas pinaniniwalaan ang medical side.
Pero ikaw? Nakaranas ka na ba ng usog? O dumating na ba ang pagkakataon na bigla na lang sasabihin ng iyong lola na ikaw ay na usog? Sabay-sabay nating alamin kung ano ang usog, bakit ito nangyayari at pahayag ng isang pediatrician patungkol rito.
Ano nga ba ang usog?
Ang usog, o balis, ay isang pamahiin na may masamang mangyayari kapag nakabati ang anak mo ng estranghero o ‘di kilalang tao.
Karaniwang pinaniniwalaang nakakasama ito sa bata, kaya’t maraming mga magulang sa Pilipinas ang nag-iingat dito. Ayon sa mga sabi-sabi, iba’t ibang klaseng epekto ang mararanasan ng taong na-usog.
Ano ang usog sa baby? | Image from Dreamstime
Narito ang sintomas ng usog sa baby na maaaring makita sa kaniya. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng sakit sa tiyan
- Maaaring makagkalagnat
- Convulsions o kumbolsyon
- Maaari rin umanong makaranas ng pagtatae
- Pananakit ng ulo
Ang iba pa nga ay sinasabing hindi lamang nakakaapekto sa bata o sanggol ang “usog” kung hindi pwede rin sa matatanda.
Sa ibang purok ay sinasabing nangyayari ito kapag ang estranghero ay mayroong tinatatawag na masamang mata o “evil eye”. Ang paniniwala ng masamang mata ay nagmula sa mga Kastila.
Ito ay galing sa pamahiin nilang tawag “mal de ojo”. Kaya naman halos lahat ng naniniwala rito ay sobrang nag-iingat sa mga taong hindi kilala o alam na malakas ang usog sa bata. Malakas kasi ang epekto nito kapag nausog ka at maaaring makaapekto talaga sa gawain mo.
Ayon sa siyensiya
Pero ayon naman sa siyensa kapag nakakaranas ng mga ganitong sintomas ay maaaring may underlying condition ang isang bata o matanda na nausog.
Maaaring kaya pala sumasakit ang tiyan ng isang tao o bata ay dahil na food poison na pala siya. O kaya naman mayroon pa lang sakit sa sikmura o tiyan ang isang bata o matanda.
Ang iba namang sintomas ng tinatawag nilang usog baby ay sintomas na makikita rin sa kabag o gassy, o di kaya ay flatulence. Bahagi ng usog sa baby ang pagkakaroon ng mahangin na tiyan o kabag at flatulence. Bunga nito ang pagkaramdam ng masakit na tiyan, pagsusuka at pagtatae at diarrhea, maging constipation.
Mahalaga pa rin na magpatingin sa isang doktor kapag nakakaranas ng mga ganitong sintomas. Lalo na kung tumagal na ito ng ilang araw. Kapag sa pananakit naman ng tiyan ay magpatingin na agad kung nararansan ito ng matagal na oras. Sapagkat maaaring dulot na nga ito ng food poisining.
Sintomas ng usog sa baby | Image source: Unsplash
Usog sa baby
Ang karaniwang usog sa baby at sa bata ay may kaparehong mga senyales at sintomas sa constipation, diarrhea, maging flatulence. Dagdag pa rito, ay ang mga kaso at kondisyon din ng food intolerance lalo na sa gatas, isyu sa feeding, at maaring di rin sila hiyang sa formula feeding.
Sa iba naman, maaaring ang paghawak ng ibang tao na hindi nakapag hugas ng kamay ay maaaring magdulot sa baby ng bacteria at germs. At dito nangyayari ang posible o pinaniniwalaang usog sa baby o sa bata.
May parehong paliwanag na supernatural at scientific ukol sa usog sa baby. Ano at ano pa man, kailangan pa ring maagapan ang mga lumitaw na sintomas ng usog sa baby. Kailangan pa rin na maipa check up sa doktor si baby para malaman talaga ang sanhi ng coincidental na usog sa baby.
Sintomas ng usog sa baby
Ang pinaghihinalaang usog sa baby ay may katulad na sintomas ng kabag o mahangin na tiyan, diarrhea, constipation at food intolerance.
Natutukoy din ng mga doktor at pediatrician na ang flatulence o pagiging masyadong mahangin ng tiyan ng baby ang mga nabanggit na kondisyon at sakit. Mainam na maipatingin agad si baby kapag may mga sintomas ng pinaniniwalaang usog sa baby bago pa man ito lumala.
Narito ang mga ilang sanhi at sintomas ng pinaniniwalaang usog sa baby na pwedeng makita rin sa flatulence at diarrhea, food intolerance, constipation at mga hindi gaanong malalang kondisyon.
Pagkalunok ng hangin
Maaaring makalunok ng masyadong hangin ang baby kapag mali ang latch o pagsubo ng nipples tuwing breast feeding, at kung mali ang posisyon ng bote tuwing formula feeding.
Masyadong pag-iyak
Pwede ring makalunok ng hangin ang baby kapag malala at sobra ang pag-iyak. Mahirap din malaman kung sintomas ba ng hangin sa tiyan o usog sa baby ang masyadong pag-iyak, o kabaligtaran.
Minsan, nagiging sintomas din ng pinaniniwalaang usog sa baby ang virus na nagdudulot ng stomach problems. Kaugnay nito ang mga ipinapakitang sintomas ng diarrhea, kabag at flatulence, at pagsusuka. Dagdag pa dito, ang mga sintomas ng lagnat sanhi ng dehydration.
Bago bigyan ng anomang gamot si baby, kailangan itong ikonsulta muna sa doktor upang matiyak ang tunay na dahilan ng sintomas mula sa usog sa baby hanggang sa underlying na sakit niya.
Ang sinasabing “lunas” sa usog
1. Lawayan o paglalaway sa bahagi ng katawan ng isang bata o matanda.
Upang mawala umano ang usog sa bata, ito ay kailangang palawayan agad para maging mabuti ang kalagayan. May paniniwala na upang mawala ang sakit ay kailangan lawayan ng estranghero ang bata sa noo, dibdib, o kaya naman sa tiyan.
Hindi kinakailangan dilaan ng estranghero ang bata. Puwede niya lamang ipahid ang laway niya gamit daliri. May ibang kaso na sobrang malala ang kanilang pagdumi o pagsakit ng ulo ngunit ng ito ay nilawayan ng nakausog, agad itong nawala at bumuti ang kalagayan ng nausog.
Pero paalala ni Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician sa Makati Medical Center, marami umanong sakit na makukuha sa laway. Pagpapaliwanag niya,
“Thats why you call it direct contact dahil maraming sakit na nakukuha dito tulad ng halik. Maraming bacteria ang laway, may good at bacteria naman.
Pero mas marami ang bad bacteria na kapag immunocompromise ang bata, hindi pa kumpleto ang bakuna, wala pang antibodies ay maaaring agad na mahawa.
So kapag iyang laway na iyan nilagay ng taong may sipon, ubo lalo na ang COVID na is carried by saliva. Kaya hindi talaga huwag lalawayan ang bata para hindi siya magkasakit. “
Maaaring naniniwala tayo pamahiin na ito pero tandaan na maaaring makakuha ng maraming sakit sa laway. Sabi nga iyan ni Dr. Tiglao. Lalo na sa panahon ngayon na nagkalat ang virus katulad ng COVID-19.
2. Pagsasabi ng “Pwera usog!”
Marahil ay narining niyo na rin ito na sinasabi ng mga tao o bagong mga taong makakakilala sa iyong anak kapag nakita nila ang iyong baby.
Sinasabi umano ito upang mapagaling ang bata na nausog ay hindi lang sapat ang pagpapahid ng laway. Bago umalis ang estranghero ay kailangan sabihin “pwera usog po!” upang hindi mausog ang bata.
Sinasabi rin ito kapag babatiin mo ang isang tao o bata na hindi ka pa kumakain o gutom ka pa. Sapagkat maaari ka umanong makausog ng isang tao.
Ang salitang “pwera” ay katulad lang ng pang paalis ng masasamang bagay. Maaari mo rin itong sabihin kapag ang iyong baby ay pinupuri ng isang hindi kilalang tao o kaya naman tao na alam mong malakas ang usog.
“Pwere usog!” Ito ang sasabihin mo kapag sinabihan ng compliment si baby. Makakatulong umano ito para mapigilan ang usog na maaaring makuha ni baby.
Sintomas ng usog sa baby | Image from Dreamstime
Gamot sa usog ng baby
Ang mga gamot sa usog ng baby, lalo na kung ang mga sintomas ng usog sa baby ay diarrhea o constipation, at pagsusuka at lagnat ay maaaring makita sa bahay. Pero, mga paunang hakbang lamang ito. Kailangan pa rin ang pagpunta sa espesyalista.
- padighayin si baby
- magagaan na masahe sa tiyan ng baby
- pag-elevate ng ulo ng baby para lumabas ang gas
- bantayan kung nagsusuka si baby kapag dumedede
- bigyan ng gas drops si baby
Tiyakin na ang mga paunang gamot na ito sa usog ng baby ay safe para sa kanya. Kung hindi sigurado, itakbo na agad sa doktor ang baby para mabigyan ng tamang gamot, hindi lamang para sa hinalang usog ng baby.
Myth o fact ba ang usog?
Dapat bang ikabahala ito? Ayon kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician sa Makati Medical Center,
“Wala talagang usog na word pero kapag nasa probinsya ka ayan ang maririnig mo. So iyong usog natatakot ka na magkasakit iyong baby.
Kapag may stranger na lumapit pero sa totoo lang nakakatakot talaga ang strangers, una dahil baka makidnap iyong anak mo kasi hindi mo kilala.
And another reason, seriously is baka may dalang sakit iyong tao na iyon at mahawa iyong anak mo. Hindi natin kilala so baka mamaya may sakit, may flu o carrier ng measles, tigdas o bulutong edi nahawa si baby.”
Ang pamahiin na ito ay matagal nang pinagpapasa ng maraming generasyon ng Pilipino. Habang mayroon pa rin sa panahon natin ang naniniwala dito, marami rin ang kumokontra o kaya naman hindi naniniwala rito.
Ang ilan pa nga ay sinasabing baka makasama ito sa mga bata, dahil maraming bacteria ang matatagpuan sa laway. Kung may sakit ang taong nagpahid ng laway sa bata ay posibleng mahawa pa ito. Sapagkat sa sensitibong immune system ng mga bata, baka lumala pa ang sakit.
Hindi naman masamang maniwala sa mga pamahiin, ngunit importanteng huwag balewalain ang siyensya. Kung sa tingin mo ay may sakit ang iyong anak, mas mabuting pumunta sa doktor kaysa sumubok pa ng kung anu-anong pamahiin.
Dahil pagdating sa kalusugan ng iyong anak, hindi ito dapat dinadaan sa makalumang paniniwala. Siyempre gusto natin na laging ligtas ang ating anak at malayo sa anumang sakit.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!