Karaniwan ang sakit na UTI sa mga babae. Ang sakit na ito ay delikado lalo na kung ikaw ay buntis. Paano malalaman kung may UTI ang buntis? Ano ba ang sintomas ng UTI sa buntis?
Talaan ng Nilalaman
UTI habang buntis
Ang mga urinary tract infections o UTI ay madalas nangyayari sa babae, kahit na habang nagbubuntis ito. Nasa 2 hanggang 10% ng nagdadalantao ang makakaranas ng UTI habang buntis. Ang mga nagkaroon na ng impeksiyong ito noon ay mas posibleng magkaroon nito muli.
Ang UTI habang buntis ay nangyayari kapag may mga bacteria na nakakapasok sa urethra o urinary tract.
Ayon kay Dr. Rona Lapitan, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, mas mataas talaga ang posibilidad ng mga babae na magkaroon ng UTI dahil sa maikli ang ating urinary tract, kaya mas madaling makapasok ang impeksiyon dito.
“Basically, women, we are prone to develop UTI because of the anatomic location of the urethra to the vagina and also the rectum,” aniya.
Dagdag ni Dr. Lapitan, lalong lumalaki ang posibilidad ng UTI kapag buntis. “It is also aggravated by the pregnancy, with the pregnancy hormones.”
Habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, dumidiin ito sa bladder at urinary tract. Dahil dito, maaaring ma-trap ang bacteria o umapaw ang ihi.
Isa pang naidudulot ng mga pagbabago sa ihi kapag buntis ay ang pagdami ng hormones at sugar, na nakakapagpatindi ng bacterial growth. Pinapahina rin nito ang kakayahan ng katawan upang labanan ang bacteria.
Ano ang mga sintomas ng UTI sa buntis?
Paano ba malalaman kung may UTI ang buntis? Narito ang mga sintomas ng UTI sa buntis na dapat mong bantayan:
Kung ikaw ay nagdadalantao at naranasan mo ang isa o lahat sa mga sintomas na ito, kumunsulta na sa doktor:
- mahapdi or masakit na pag-ihi
- pananakit ng puson
- pananakit ng ibabang bahagi ng likod
- malabong ihi
- dugo sa ihi
- sakit sa balakang o sa bandang puwerta
- madalas na pag-ihi o pakiramdam mong naiihi kahit wala namang lumalabas
- lagnat
- pagkahilo o pagsusuka
Kapag nakaranas ng mga nabanggit na sintomas ng UTI sa buntis ay agad na kumonsulta sa inyong doktor. May mga pagkakataon na ang UTI ng buntis ay maaaring kumalat patungo sa kidney at magdulot doon ng impeksyon.
Ang taong may impeksyon sa kidney ay maaaring makaranas ng pananakit ng likod, lagnat, panlalamig, pakiramdam na naduduwal o nasusuka.
Kung ganito na ang iyong nararanasan ay makabubuting agad magpatingin sa inyong doktor. Ang impeksyon sa kidney ay maaaring humantong sa seryosong kondisyon.
Epekto ng UTI sa buntis
Kung hindi malalapatan ng tamang gamot sa UTI ng buntis, posibleng humantong ito sa komplikasyon. Narito ang mga posibleng maging epekto ng UTI sa buntis kung hindi malalapatan ng tamang lunas:
Kapag ang UTI ay humantong na sa kidney infections ay maaari itong magdulot ng mas malalang komplikasyon tulad ng anemia, mataas na presyon ng dugo, at preeclampsia.
Dagdag pa rito, posible rin ang breakdown ng red blood cells o ‘yong tinatawag na hemolysis. Maaari ring makaranas ng low blood platelet count o thrombocytopenia, acute respiratory distress syndrome, at bacteremia o mga bacteria sa bloodstream.
May ilan pang mga kaso kung saan ang impeksyon ay naipapasa sa sanggol. Kaya naman mahalagang malapatan ng tamang gamot sa uti ng buntis kapag nakaranas ng ganitong karamdaman.
Anong gamot sa UTI ng buntis?
Mahalaga ang pagkonsulta sa doktor para malaman ang angkop na gamot sa uti ng buntis. Nakadepende sa iyong kondisyon kung anong gamot sa UTI ng buntis ang irerekomenda ng iyong doktor.
Posibleng kailanganin mong uminom ng antibiotics para magamot ang iyong UTI. Ilan sa mga karaniwang antibiotics na posibleng irekomenda sa iyo ay ang mga sumusunod:
- amoxicillin
- cephalosporins
- nitrofurantoin
- ampicillin
- trimethoprim-sulfamethoxazole
Tandaan na mahalaga na magpatingin muna sa doktor bago sumubok ng anomang gamot habang ikaw ay buntis. Hindi lahat ng gamot ay ligtas para sa inyo ni baby.
Kung sa palagay mo ikaw ay may mga sintomas ng UTI sa buntis, magpakonsulta sa doktor. Sabihin sa iyong doktor ang lahat ng sintomas ng UTI sa buntis na iyong nararanasan.
Sa pamamagitan nito, makapagbibigay ng rekomendasyon ang iyong doktor sa kung ano ang angkop na gamot para sa iyong kondisyon.
Home remedy UTI sa buntis: Gamot sa UTI ng buntis
Kung ikaw ay buntis at may UTI o kaya naman ay asawa ng buntis na may UTI, mayroon mga home remedy na maaari niyong subukan bilang gamot sa UTI ng buntis.
Narito ang home remedy ng UTI sa buntis:
- Uminom ng maraming tubig. Makatutulong ang pag-inom ng maraming tubig para mailabas ang mga bacteria sa iyong urinary tract.
- Umihi kapag nararamdaman na naiihi. Huwag magpipigil ng ihi. Ang pag-ihi ay makatutulong din para mailabas nang mabilis ang bacteria sa urinary tract.
- Uminom ng supplements na may vitamin C, cranberries, at probiotics. Nakakagaling umano ito ng UTI na pabalik-balik.
Maaaring subukan ang mga nabanggit na home remedy ng UTI sa buntis, pero muli naming ipinaaalala na mahalaga pa rin ang kumonsulta sa doktor para matiyak na hindi lumala ang UTI.
Halamang gamot sa UTI ng buntis
Mayroong mga halaman na gamot sa UTI ng buntis. Madali lang makabili ng mga ito sa palengke o supermarket.
Prutas na gamot sa UTI ng buntis
Cranberry
Ang cranberry ang isa sa mga prutas na gamot sa UTI ng buntis. Mayaman ang prutas na ito sa D-mannose, uri ng asukal na mabisang panggamot sa UTI infections. Maaaring makabili ng cranberry juice sa mga supermarket.
Buko
Ito ang pinakakilalang prutas na gamot sa UTI ng buntis man o hindi. Makatutulong ang sabaw ng buko para mailabas ang bacteria sa katawan. Mayaman ang buko sa electrolytes na mabuting panlaban sa bacteria.
Mais
Mayaman sa antioxidant ang mais na makatutulong sa mabilisang paggaling sa UTI. Bukod sa pagkain ng mais, mas mabisa panlaban ng UTI ang pinagkuluan nito. Ang dapat lang gawin ay pakuluan ang mais sa tubig at inumin ang pinagkuluan para mabilis na gumaling sa UTI.
Herbal na gamot sa UTI ng buntis
Oregano
Puwedeng dikdikin ang oregano para makuha ang katas. Ihalo sa tubig ang katas at inumin. Maaari din namang pakuluan ang dahon ng oregano at gawing tsaa.
Sambong
Ang sambong ang isa sa mga pinakakilalang herbal na gamot sa UTI ng buntis. Gayundin naman sa mga hindi buntis. Mabisang diuretic umano ang sambong, ibig sabihin makatutulong ito para ikaw ay maihi at mailabas ang dumi at bacteria mula sa iyong katawan.
Para sa iba pang herbal na gamot sa UTI ng buntis maaaring basahin dito.
Mga bawal na pagkain sa buntis na may UTI
Bukod sa pag-inom ng gamot, mahalaga ring alamin ang mga bawal na pagkain sa buntis na may UTI, para maiwasan ang paglala ng sakit.
Narito ang mga bawal na pagkain sa buntis na may UTI:
- Mga pagkain at inumin na may caffeine tulad ng kape at soda
- Acidic na prutas tulad ng lemon, orange, grapefruit, apple at peaches.
- Mga maaanghang na pagkain
- Matatamis na pagkain tulad ng cookies, soda, candy, cake, at mga pagkaing may starch o harina.
Paano maiiwasan ang UTI habang buntis?
Kahit na madali namang maibsan ang UTI, impeksiyon pa rin ito. Ang anumang impeksiyon habang nagbubuntis ay kailangan pagtuunan ng pansin dahil maaaring makasama ito sa ina at sanggol sa sinapupunan, tulad ng premature labor. “It could cause ascending infection and preterm labor,” ani Dr. Lapitan.
Kaya’t importante na ipagbigay alam sa iyong doktor na mayroon kang UTI habang buntis, upang maagapan ito.
Ayon rin sa doktora, sa mga unang checkup ng mga buntis, kadalasang pinapasuri na ng doctor ang ihi ng pasyente para malaman kung mayroon itong infection.
“Sometimes, during the first checkup, we request for a urinalysis just to see if there is bacteria in the urine, even if the patient is asymptomatic.” aniya.
Kapag nalaman na mayroong UTI ang buntis, reresetahan agad siya ng doktor ng antibiotics para labanan at mawala na agad ang impeksyon.
Narito pa ang ilang paraan upang maiwasan ang UTI habang buntis.
- umihi nang madalas, lalo na’t bago at pagkatapos makipagtalik
- iwasang magsuot ng mahigpit na underwear lalo na kung hindi ito gawa sa cotton
- huwag na magsuot ng underwear or magsuot ng maluwag na underwear kapag gabi na
- iwasang gumamit ng douche o vaginal spray
- uminom ng maraming tubig
- huwag gumamit ng soap o feminine wash na matapang ang amoy
Alam ng marami sa atin na ang pag-inom ng cranberry juice ay makakatulong sa pag-iwas at pag-lunas sa kondisyong ito. Pero may mga research na nagsasabi hindi ito totoo.
Kaya’t kung nangangamba kang may UTI ka, huwag magatubiling tumawag na sa iyong doktor upang mabigyan ka ng pinaka-mainam na treatment.
Mas mabuti nang maagapan at malaman kung paano iwasan ito upang magkaroon ka ng mas lalong healthy at masayang pagbubuntis.
Isinalin sa orihinal na Ingles na article ni Bianchi Mendoza.
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.