Pagtungtong ng 29 buwan development ng bata, dito nagsisimula ang kanilang pagiging sumpungin. Karaniwan para sa kanila ang pagwawala o nagagalit kapag hindi nila nakukuha ang gusto nila. Sa kanyang edad, lagi nating isaisip ang pagkakaroon ng mahabang pasensya at pang-unawa sa pananaw ng iyong anak.
Sa kabila ng masamang reputasyon ng yugtong ito, hindi lamang pag-aalboroto at pag-ngawa ang kanilang ginagawa. Malawak na ang bokabularyo ng batang nasa 29 buwan development at madalas na nilang sinusubukang ipahayag ang kanilang sarili. Ibig sabihin nito, nagsisimula na silang maging madaldal at binibigkas na rin nila ang salitang “Ako” (“I” o “me” sa Ingles) bilang patungkol sa kanilang sarili.
29 Buwan Development at Paglaki: Nakakasubaybay ba ang Iyong Anak?
Pisikal na Paglaki
Nagsisimula nang umunlad ang motor skills ng iyong anak sa kanyang edad kaya normal lamang ang patakbo-takbo niya! Hilig na rin niya ang pagsayaw, pagtalon at iba pang-aktibidad na kasama ka. Nagiging aktibo na siya sa 29 buwan development kaya ihanda mo na ang iyong sarili, Mommy!
Sa yugtong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Boys
– Height: 90.6 cm (35.7 in)
– Weight: 13.1 kg (28.9 lbs)
– Head Circumference: 48.8 cm (19.2 in)
- Girls
– Height: 89.6 cm (35.3 in)
– Weight: 12.9 kg (28.4 lbs)
– Head Circumference: 47.8 cm (18.8 in)
Payo sa mga magulang:
- Tandaan na sa 29 buwan development ng bata ay palagi na siyang tatakbo sa paligid at susubukan ang limitasyon ng kanyang kalayaan. Kaya bantayan siya ng maigi habang pinapanatili pa rin ang iyong distansiya, upang maramdaman niyang kaya niyang gawin ang mga bagay nang mag-isa.
- Ang mga galos at bukol ay normal lamang. Ito ay inaasahang mangyari sa ganitong edad at bahagi ng 29 buwan development ng bata.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor:
Kung ang inyong anak ay masyadong maliit para sa kanyang edad o nahihirapang kumilos at walang koordinasyon, mas mabuting bumisita sa isang doktor upang makasigurado ka sa kanyang pisikal na paglaki.
Tandaan, ang genes ay mayroong papel sa pagtangkad at pagbigat ng iyong anak kaya mas mabuting iwasan ang sobrang pag-aalala kung sa tingin mo ay masyado siyang maliit para sa kanyang edad.
Image source: Flickr
Pagsulong ng Kamalayan
Sa estadong ito ng kanyang pagsulong ng kamalayan, mapapansin ang ilang senyales ng pagiging independent. Sa kanyang 29 buwan development ay magpupumilit na siyang magbihis ng kanyang sarili, uminom sa baso nang mag-isa, at iba pa. Maaari niyang maisuot ng isang damit na siya lang mag-isa.
May ilang bagay pa rin siyang hindi pa kayang gawin ng perpekto at asahan na ang pagiging makalat niya kapag kumakain, ngunit patuloy pa rin siyang hikayatin na magsarili dahil makakatulong ito sa pagpapahalaga sa kanyang sarili. Sa ganitong paraan, mararamdaman niya na kaya niyang kontrolin ang kanyang sarili at ang kanyang paligid.
Ang mga batang nasa 29 buwan development ay nagsisimula na ring magsiyasat sa kanilang mundo. Kapag may nakapukaw sa kanilang atensyon ay agad nila itong pupuntahan. Nagsisimula na rin silang maging mausisa sa mga bagay sa loob ng bahay, kaya makabubuting itago ang mga mapanganib na bagay sa lugar na hindi nila kayang abutin.
Mga Tips:
- Hikayatin ang iyong anak na maging independent o mapagsarili. Kung nais niyang magbihis mag-isa o uminom nang mag-isa, hayaan mo siya. Ang pagbibigay-laya sa kanya habang bata pa ay makatutulong sa kanyang paglaki, kaya siguraduhing nahihikayat siya sa ganitong pag-uugali.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Sa 29 buwan development ay normal lamang sa mga bata ang umaasa pa rin sa kanilang mga nanay at tatay. Gayunman, kung napapansin mong masyadong nakadepende sa iyo ang iyong anak o hindi niya ginagalugad ang kanyang paligid nang mag-isa, mas mabuting komunsulta na agad sa isang espesiyalista upang malaman kung may dapat bang ipag-alala.
Kakayahang Sosyal at Emosyonal
Una sa lahat, may dahilan kung bakit tinawag na “terrible twos” ang edad na ito. Ang ugali ng bata sa kanyang 29 buwan development ay malayo na sa dati niyang ugali noong mga nakalipas na buwan.
Sa estado ng pag-unlad ng inyong anak, mapapansin ang madalas niyang pag-aalboroto dahil na rin sa dumaraming kabiguan na kanyang nararanasan. Kadalasan ay nahihirapan silang unawain ang kanilang nararamdaman at hindi pa nila kayang ipahayag nang buo ang kanilang sarili sa atin.
At kung tungkol naman sa 29 buwan development ng bata, madali lamang silang pakalmahin hangga’t ikaw ay nananatiling kalmado at mahinahon. Ang mabisang paraan ng pagpapakalma ay ang pakikipag-usap sa iyong anak at ipinapaunawa sa kanya ang inaasahan mong dapat niyang ikilos.
Ang susi rito ay ang pagpapanatiling kalmado, mahinahon, at may malawak na pang-unawa kung bakit ganito ang ikinikilos ng iyong anak.
Nagsisimula na rin silang maging palakaibigan at halos lahat ng nakikita nilang kasing-edad nila ay itinuturing nilang kaibigan. Pero maging alisto ka sa kaligtasan ng inyong anak dahil hindi rin maganda ang sobrang palakaibigan ng mga bata. Maging mapagbantay sa kanila at baka makipag-usap sila sa mga taong hindi nila kilala at subukang makipagkaibigan sa kanila!
Mga Tips:
- Iwasang sigawan o pagalitan ang iyong kapag sila ay nagdadabog o ayaw kumain.
- Gawin mo ang buo mong makakaya upang manatiling kalmado at mapagpasensya. Tandaan na “persistence is key”. Kausapin sila nang kalmado ngunit matatag at siguraduhing naiintindihan ng iyong anak ang ibig mong sabihin.
- Hikayatin ang iyong anak na makipagkaibigan sa kanyang ka-edad.
- I-enroll siya sa isang playschool para sa isang oportunidad na makasalamuha ang ibang bata.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung mapapansin mong hindi mapigilan ang ugali ng iyong anak o kung nahihirapan siyang makipagkaibigan o makisalamusa sa iba, baka oras na para bumisita sa doktor. Mahalaga ang edad na ito dahil nagsisimula mo na siyang makitaan ng problema sa pag-uugali, kung mayroon man.
Development sa Pagsasalita
Pagtuntong ng 29 buwan development ng bata, marami ng alam na mga salita ang iyong anak at kadalasang kaya na niyang ipahayag ang kanyang nararamdaman kahit na nahihirapan pa siya. Sa edad na ito, dapat marunong na siyang kumilala ng kulay at pangalanan ang iba’t-ibang parte ng katawan.
May kakayahan na ring umunawa ng mga uri ng salita ang mga batang nasa ganitong edad. Naipapahayag na rin nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga salita kahit na hindi pa nila kayang bumuo ng kumpletong pangungusap.
Ito rin ang panahon kung saan nagsisimula nang magpakitang-gilas ang iyong anak sa ibang tao. Susubukan niya mismong magsimula ng pakikipag-usap! Kapana-panabik ito para sa mga magulang, lalo na’t ito ang yugto na makakausap mo na ang iyong anak at unti-unti na niyang naiintindihan ang mga salitang sinasabi mo sa kanya.
Mga Tips:
- Kausapin ang iyong anak nang mas madalas. Gawin ito tuwing oras ng pagkain at ugaliing tanungin kung kumusta ang kanyang araw. Makakatulong ito sa upang ma-ensayo niya ang kanyang pagsasalita at mabuti rin itong paraan upang turuan siya ng mga bagong salita.
- Subukan ninyong isama ang inyong 29 buwan gulang na anak sa usapan upang maramdaman niyang kasali siya.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung nahihirapan ang iyong anak na umunawa ng mga salita o kung hindi gaano umuunlad ang kanyang bokabularyo na kahit ikaw ay hindi mo siya nauunawaan, mas mabuting dalhin mo na siya sa doktor.
Kalusugan at Nutrisyon
Sa 29 buwan development, ang iyong anak ay dapat na tumitimbang ngayon ng humigit-kumulang na 12.88 kgs para sa babae at 13.42 kgs naman sa lalake. Sa tangkad naman, ang babae ay dapat na nasa 89.66 cm ang laki habang 90.68 cm naman sa lalake.
Pagdating naman sa nutrisyon, marami ring kapansin-pansin sa 29 buwan development ng isang bata.
Nagsisimula na silang maging pihikan sa pagkain, lalo na sa mga gulay at prutas. Kung dati ay nagagawa mo pang hiwain nang maliliit ang mga gulay o prutas at ihalo ito sa kanin upang hindi nila ito malasahan, baka ngayon ay hindi na ito umubra. Ito ay nakaka-stress para sa maraming magulang dahil nagsisimula na silang mag-alala kung nakakakuha pa ba ang kanilang anak ng tamang nutrisyon. Gayunman, ang pagiging mapili sa pagkain ay natural lamang sa mga bata.
Sa mga bakuna, dapat ay mayroon ng bakuna ang iyong anak para sa bulutong, MMR, trangkaso, Hepatitis A at Hepatitis B. Kung may isa sa mga nabanggit na hindi pa nababakuna sa iyong anak, huwag mag-alinlangang komunsulta sa doktor.
Isa sa mga madalas na sakit na maaaring magkaroon ang iyong anak ay ang lagnat, na minsan ay may kasamang ubo at sipon. Sa kabuuan, wala kang dapat ipag-alala dahil ang mga ito ay karaniwang sakit ng mga bata. Ngunit kapag ang lagnat ay tumagal na ng isang linggo o higit pa, o kung hindi nawawala ang ubo’t sipon, dalhin na ang iyong anak sa doktor.
Ang iyong lumalaking anak ay nangangailangan ng ½ tasa ng kanin o isang hiwa ng tinapay, 1/3 tasa ng gulay o karne at 1/3 tasa ng prutas kada meal upang makatulong na mapabilis ang kanyang paglaki. Maaari mo rin siyang pakainin ng beans, mani at keso para sa karagdagang tulong sa paglaki.
Tandaan na ang gana sa pagkain ng iyong anak ay nagbabago kaya ang mga rekomendasyong ito ay nakadepende pa rin sa iyong anak.
Mga Tips:
- Bahagi ng 29 buwan development ng iyong anak ang pagiging pihikan sa pagkain. Sa ganitong sitwasyon, nakabubuting habaan ang iyong pasyensya at bigyan ito ng oras. Ang pagpilit sa kanilang ubusin ang pagkain ay nagdudulot ng negatibong kaugnayan sa pagkaing kanilang kinakain. Baka lumaki silang iniuugnay ang masamang karanasan sa pagkain ng gulay at prutas na hahantong sa matinding pagkamuhi sa mga ito sa hinaharap.
- Iwasan din ang pagbibigay ng maraming chichirya sa iyong anak at sa halip ay tumuon na lamang sa pagtiyak na nakakakain nang wastong pagkain ang iyong anak.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kailangan mo nang komunsulta sa doktor kung bumababa ang timbang ng iyong anak, o kung madalas siyang tumatangging kainin ang mga pagkaing inihanda mo para sa kanya. Sa kanyang edad, maaari siyang magkaroon ng bulate at iba pang parasitiko sa katawan na dahilan upang mawalan siya ng gana sa pagkain.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
Source: WebMD
Ang nakaraang buwan ng iyong anak: 28 buwan
Ang susunod na buwan ng iyong anak: 30 buwan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!